Pakete
Noel Sales Barcelona [*]
1.
Sabik na sabik siyang binuksan ang pakete—mga tsokolate, sapatos, t-shirt, at iba pang mga bagay na nakapagpapalukso ng puso niya. Iba ang amoy at lasa ng imported. Iba kaysa sa nabibili sa tindahan at tiyanggehan sa bayan nila.
“Ang ganda!” sabi ng kaklase niya nang makita ang bagong blouse niyang marosas-rosas ang kulay at mayroong burda nang maliit na buwaya sa kanang bahagi ng dibdib.
“Galing Dubai,” sabi niya.
“Buti ka pa,” may pagkainggit ang tinig ng kausap. “Kailan kaya kami magkakaroon ng ganyan?”
“’Pag nag-abroad ang nanay mo!”
2.
Dinig ang panangis ng kanyang ina at lola sa loob ng malamig na kuwartong iyon sa isang pampublikong ospital sa kanilang probinsiya.
“Andrewwwww! Bakit mo kami iniwan!” sabi ni Dolores, habang yakap-yakap ang hindi na humihingang kabiyak.
Napaiyak din siya. Sa batang isip niya naramdaman niya ang kawalan.
Ilang araw at gabi ring tinanuran nila ang kaniyang amang nakakahon. Tila nasanay na siya sa amoy ng pormalin, sinindihang kandila, at bulaklak na nakapalibot sa puting-puting kabaong ng kanyang ama.
Umaambon nang ilibing ang kanyang ama. Parang nakikidalamhati ang langit sa nararamdan nila ng kanyang ina. Sa paglubog ng ataul ng kanyang ama, ay tila paglubog din ng kanilang mga pangarap.
Matitindi ang dagundong ng kulog at matatalim ang mga kidlat ng gumuhit sa langit nang ilibing ang kanyang ama. Nagpuputik ang buong paligid. At tuluyang nilamon ang kanilang mga hikbi ng kulog, kidlat, at malalaking patak ng malamig na ulan.
3.
Madaling napalis ang lungkot niya dulot ng pagkamatay ng kanyang ama na pipitong taon lamang niyang nakasama. Marahil dahil na rin sa hindi pa maabot ng kanyang bubot na malay ang salitang kalungkutan at pangungulila.
Simula nang mamatay ang kanyang ama, madalas, ang lola Helen niya ang nag-aalaga sa kanya.
Mabait sa kanya ang lola Helen niya, nanay ng tatay niya. Hindi niya nakilala ang lolo’t lola niya sa ina dahil patay nang pareho. Walang kapatid ang kanyang mama. Namatay na rin daw noong bata pa sila. Si Dolores, na kanyang ina, ang bunso sa dalawang magkakapatid. Ang kanya sanang tito Ricardo ay maagang namatay dahil sa sakit na tipus.
4.
Magiliw sa kanya ang lola niya.
“Dahil ikaw lang ang nag-iisa kong apo, kagaya ng daddy Andrew mo, nag-iisang anak ko rin,” sabi ng Lola Helen niya, isang hapong sinusuklayan siya sa harap ng antigong salamin.
“Saka, sino ang hindi magmamahal sa’yo e ang ganda-ganda mong bata saka matalino pa,” sabi pa ng lola niya.
Nagpatuloy ang kanyang lola sa pagsuklay sa kanyang mahaba at alun-along buhok na ‘sing itim ng panginorin kung wala ang makikintab na bituin at nagluluningning na buwan.
Makipot ang kanyang mga labi. Magaganda ang kanyang mga ngipin. Bata pa’y maganda ang hugis ng kanyang mga daliri at makinis ang kanyang balat. Magaganda rin ang kanyang mga biyas.
Totoo ang sabi ng lola niya—maganda siya, matalino dahil kahit na hindi nangunguna sa klase’y pumapangalawa naman siya.
Sa magiliw na pag-aaruga ng kanyang nunô, at ang matiyagang pagsubaybay sa kanya ng kanyang ina, parang lalong nawalan ng mukha para sa kanya ang lungkot; kahit sabihin pang may bahaging makirot sa puso niya nang ilubog sa nitso, sa pantiyong iyon sa bayan, ang labi ng kanyang ama…
5.
“Paubos na ho ang ipon namin ni Andrew. Hindi na ho makasasapat. Kailangan ko hong makipagsapalaran,” minsan naulinigan niyang pag-uusap ng aguwela at mama niya sa komedor.
Magdadalagita na siya noon. Ilan taon na ring nailibing ang kanyang papa na nakasilid sa puting-puting kabaong.
“Para kay Nadine. Lumalaki na ho ang pangangailangan niya, sa sarili, sa school. At nakakahiya na hong sa inyo kami laging nakasandal dahil napakaliit ng kinikita ko sa pagtyu-tutor,” sabi niya.
“Wala naman akong hinihingi sa iyo. Masaya akong nakatutulong ako sa inyo,” bayanad na sabi ng matanda, nanginginig ang tinig.
“Ikaw at si Nadine na lang ang kapamilya ko, wala nang iba. Ang mga pamangkin ko naman eh, pagkakalayo na’t may sarisarili na ring mga pamilya. Patay na rin ang mga kapatid ko. Kaya, kung kayang mapagtulungan natin dito, na walang aalis, e pagtulungan na lang natin.”
“Gusto ko hong makatulong. Sana ho’y mapagbigyan ninyo ako. Mabilis naman ang tatlong taon. At saka, naroroon na rin ho ang ilang kakilala ko; maaalwan na po ang buhay nila,” sabi ni Dolores, na pinipigilan ang mapaiyak.
“Kung ano ang makaluluwag sa’yo. Basta’t mag-iingat ka roon…”
Pinahid ng kanyang ina ang luha na naglandas sa pisngi nito. Hindi niya gaanong maunawaan ang itinakbo ng usapan ng dalawang babae sa buhay niya. Pero may kaunting kurot iyon sa kanyang dibdib, kurot na hindi niya pinansin. Dali-dali siyang umakyat sa itaas, para mag-aral sa kanyang kuwarto.
6.
“Aalis po kayo? Saan kayo pupunta?” tanong niya sa kanyang ina, may pagtataka sa kanyang bilugang mata, nang makita niyang nag-eempake ang kanyang ina. Nangangalahati na ang maletang nakabuyangyang sa ibabaw ng kama .
“Hindi ko agad nasabi sa’yo… papunta ako ng Dubai …” tugon ni Dolores, sa nagtanong.
“Talaga po? Kasama po ba ako? Si lola? Kailangan ko na rin bang mag-empake?” hindi siya magkandatuto sa pagtatanong.
“Hindi anak… hindi ka pupuwedeng sumama. Magtatrabaho ang mommy do’n. Saka, matanda na si Lola para magbiyahe nang matagal sa eroplano,” sabi niya, habang patuloy ang paglalagay ng mga damit at iba pang gamit sa kanyang maleta. Pinipigilan niyang umiyak.
“Ah… ganoon po? Bakit hindi ninyo sinabi agad? Magtatagal po ba kayo dun?” sabi niya sa ina na parang walang anumang tinulungan ang huli sa paglalagay ng ilan pang pirasong damit sa maleta.
“Magpapakabait ka rito, ha? Mag-aaral kang mabuti. Tulungan mo si Lola mo rito,” habilin ng ina habang hinahaplos ang pisngi ng kanyang anak.
“Lagi naman akong mabait ah?! Saka si Lola pa, di ko tulungan, eh love na love ko ‘yon,” sabi niya.
“Huwag kang mag-alala, anak… lagi akong magpapadala ng package para sa’yo saka para sa lola mo. Just promise me that you’ll be a good girl,” sabi niya sa 13 anyos nang anak.
“Opo, promise! Sana lagi po kayong magpadala ng damit ha? Alam n’yo namang paborito ko’ng mga damit. Saka sapatos,” sabi niyang nakangiti.
Muli siyang hinaplos ng kanyang ina, mamiling-miling ang luha.
“Opo nga pala, mommy. Aalis ako ngayon, pupunta lang ako kina Julie. Makiki-internet. ‘Yon po sana ang una n’yong bilhin para sa akin, para ‘di na ako dadayo pa kina Julie o kaya sa internet café,” aniya. Hinagkan niya ang ina. At saka masayang bumaba.
Masaya siya. Mag-a-abroad ang kanyang ina. Magka-computer na siya. Ah, talagang walang pagsidlan ang tuwa sa kanyang dibdib. Humuhuni pa siya ng awit habang tinatahak ang landas papunta sa kanyang kabarkadang si Julie. Hindi niya naiisip na aalis ang kanyang ina. Hindi talaga niya nakikilala ang lungkot.
7.
Sunud-sunod, halos buwan-buwan, ang padala ng kanyang ina damit, kamera, cellphone, sapatos, pera para sa kanya at para sa kanyang lola.
Sumilid sa kanyang munting isip ang saya ng munting katiwasayan. Kumakain siya nang masarap. Nakapupunta siya ng mall para bumili ng mga bagay na ibig niya.
“Hello, Nadine? Natanggap mo ba ang package mo? Si lola mo kumusta?” sabi ng kanyang ina sa kabilang dulo ng linya.
“Opo! Salamat po! Namigay nga ako ng tsokolate saka sabon sa ilang mga kaklase ko. Okay lang ba ‘yon, ha, mommy? Si Lola? Ayon, sinusumpong lagi ng rayuma niya,” napatawa siya sa tinuran. Napatawa rin ang mommy niya.
“O siya, sige, Nadine. Magpapaalam muna ako, ha? May gagawin pa si mommy. I love you, anak! Magpapakabait kang lagi,” sabi ni Dolores sa kanyang dalaga.
“Opo, mommy… ay siyangapala, kailangan ko po ng bagong SD para sa PSP 4 ko. Sana maipadala n’yo agad… sige po!” sabi niya.
Naputol na ang linya. Hinarap niya ang kanyang computer para mag-Facebook, makipag-chat, kunan ang sarili sa kanyang web cam. Masaya siya, nakausap niya ang mommy niya. Masaya siya dahil tiyak, darating ang paketeng pinakaabangan niya.
8.
“No! We don’t have an affair! Please!” nagmamakaawa si Dolores sa kanyang among babae. Nanlilisik ang mga mata nito habang sabunot ang kanyang buhok.
“You, liar! You go to hell!” sabay sampal sa kanya ng kanyang madam. Napaigik siya. Masakit, manhid na ang kanyang buong katawan sa hampas, sampal, tadyak at suntok ng kanyang nagseselos na amo.
Ikalawang taon na niya sa Dubai . Magiliw talaga sa kanya ang amo niyang lalaki. Masipag kasi siya. Masinop sa bahay, ‘yon ang sabi ng amo niya na manager sa isang malaking kumpanya ng langis doon.
“You know, if I will had another chance to get a wife, I will get you,” pabirong sabi ng kanya ng kanyang among lalaki, isang hapong wala ang kanyang among babae. Umalis ito, kasama ng kanyang anak na babae para mag-shopping.
Pero alam niyang walang malisya ‘yon. Biro lamang talaga dahil alam na alam niyang mahal na mahal ng kanyang amo ang kanyang madam. Dahil kung hindi’y hindi nito pagbubuhaying reyna ang kanyang madam na demonyo ngayon sa tingin niya.
Lasang-lasa niya ang lansa ng sariling dugo mula sa nabiyak niyang ngipin at namitak na niyang labi.
Nagdidilim na ang kanyang paniningin dahil kanina pa siya nagugutom, nauuhaw, namamanhid ang lamog na katawan.
Wala ang kanyang among lalaki. Nasa opisina. Ang mga anak naman nito’y wala rin, nasa eskuwela.
Ngayon lamang siya nakorner ng kanyang madam bagaman ramdam na niya ang tila pagseselos nito, nitong nagdaang mga araw.
Hindi niya alam kung paano at kung saan nagsimula ang paninibughong iyon. Tanging alam lamang niya, madalas ngayong mag-away kanyang mga amo na hindi naman niya nakikita noong unang taong nananatili siya roon.
May edad na ang kanyang among babae samantalang matikas pa rin ang amo niyang lalaki na nasa 40 anyos lamang. Matanda ang kanyang among babae sa kanyang sir nang halos 15 taon.
Namamanhid na ang kanyang diwa at katawan nang makita niyang papalapit na muli ang kanyang amo. Napadikdik siya sa sulok, pamamag-asang hindi siya muling mahahagip ng mabibigat na palad at malalakas na paa ng kanyang among babae.
Muli siyang nakaramdam ng sampal at tadyak, sapok. Hindi na siya makapanlaban dahil sa bukod sa nanghihina na siya’y wala siyang laban sa malaking katawan ng nambubuntal sa kanya.
Naramdaman na lamang niya ang paghalabid ng kurdon sa kanyang leeg. Naramdaman niya ang paninikip ng kanyang paghinga. Nagpapadyak ang kanyang paa.
“You die, harlot!” tanging narinig niya mula sa papahina na niyang tainga. Huling pasag at pusag. Para siyang isdang inalis sa tubig. Nagdilim na ang kanyang paningin.
Parang nakinikinita niya ang kanyang anak—si Nadine, at ang kanyang biyenan—si Helen. Sa huli’y nagpanakbuhan sa utak niya ang sangkatutak na alaala kapwa mapait at matamis, masaya at masaklap.
Parang nakita niya ang mukha ng kanyang asawa, ng kanyang namatay na mga magulang, ng kanyang kapatid na si Nathaniel.
Huling pasag, huling pusag. At tuluyan na siyang nilamon ng dilim at tuluyan na ring nawala ang kanyang pandamdam…
9
Umiiyak ang kanyang lola nang maabutan niyang hawak ang awditibo ng kanilang landline.
Kagagaling lamang niya sa eskuwela. Nabitiwan niya ang kanyang mga aklat at maging ang kanyang bag ay ibinagna na lamang niya sa isang tabi.
“Bakit, lola? Bakit?”
“Ang mommy mo… ang mommy mo!” sabi nito sa pagitan ng hikbi at sigok. Niyakap siya nang mahigpit ng kanyang lola.
“Ay, ang apo ko! Paano na tayo, apo!!!” napahugulgol na ang kanyang abwela, yapos siya at may kung anong kirot ang nasa gitna ngayon ng kanyang dibdib. Inaalo niya ang matanda. Pilit niyang pinakakalma. Subalit nagpatuloy lamang ito sa pag-iyak. At naramdaman niya, sa unang pagkakataon, ang mainit na likido sa kanyang mga mata…
10
“FLIGHT 182 of the Emirates had arrived with the cadaver of the Filipina domestic worker, Ms. Dolores Mara, 38 who is allegedly murdered by her lady employer…” sabi ng anawnser sa radyo at telebisyon habang inilalabas ang plywood na kahong kinalalagakan ni Dolores.
Kanina pa silang madaling-araw na nasa airport. Hindi sa arrival area kung hindi sa isang tila bodegang iyon ng paliparan.
Nakita niya ang kahong may pangalan ng kanyang ina. At saka ang ilan pang mga kahon na kinapapalooban naman ng mga gamit ng kanyang ina.
Nanginginig siya at humahagulgol naman sa isang tabi ang kanyang lola at maging ang ilang kasambahay na sumama sa kanya para sunduin ang kanyang ina.
Habang pinagmamasdan ang kahon, nanlambot ang kanyang mga tuhod at napaluhod siya. Parang may kung anong puwersang lumukob sa kanya para yakapin ang kahon.
“Mom… mmomm… my!” sabi niyang basag ang tinig. At tuluyan niyang niyakap ang kahon at pinalaya ang damdaming hindi niya gaanong kilala subalit naririyan lamang sa kanyang dibdib.
Nagkislapan ang mga kamera. Yakap pa rin niya ang kahon.
“But according to Migrante, Ms. Mara is just one of the victims of violence and human rights in the Mid-East and that Ms. Mara is lucky to come home that quick. For there are still more cadavers, in different morgues in Dubai , awaiting repatriation…” alingawngaw ng tinig ng anawnser ng radyo.
At sa pagitan ng sigok at sinok, luha at hagulgol, ay patuloy niyang niyayakap ang kakaibang paketeng iyon… (30)
[*] Si Noel Sales Barcelona ay dating patnugot ng seksiyong pang-Migrante ng Pinoy Weekly. Siya ay kasalukuyang diocesan correspondent ng CBCP News Service habang namamatnugot ng isang news magazine sa lalawigan ng Kabite.
0 comments:
Post a Comment