Showing posts with label short story. Show all posts
Showing posts with label short story. Show all posts

Wednesday, May 2, 2012

Final Trick



 
 
 
by: MJ Rafal


Ayaw na talaga niya ng ganitong trabaho. Unang-una, lahat nakatingin sa kanya. Naiilang siya sa ganitong mga pagkakataon na tumatama ang mata niya sa isang dalagang labas ang cleavage at parang may kung anong init sa kanyang puson; nahihiya siya sa mga batang nakatingin sa kanya, nahihiya siya sa sarili niya. Pangalawa, makati sa mukha ang makapal na pulbo sa kanyang pisngi at ang lagpas na pustura ng lipistik sa kanyang labi. At ang huli, mababa ang tingin niya sa sarili kapag pinagtatawanan siya ng matatandang nanonood. Wala nang epek ang mga luma niyang magic tricks, pinupulaan siya kapag sumasablay.
 
Natatandaan pa niya ang nangyari noong isang buwan nang murahin siya ng binatang di yata natuwa sa biro niya.
 
"Bawal mag-sigarilyo ang mga bata, okay ba?" tanong niya sa mga batang imbitado sa birthday party habang naghahanda sa bago niyang trick.
 
"Opo," sigaw ng mga batang nakatingin sa hawak niyang sigarilyong isinawsaw niya sa isang tabong tubig.
 
"Paano ang matatanda, bawal din?" singit na sigaw ng isang binata sa dulong kumpol ng mga manunuod.
 
"Bawal ho," sagot niya. "Kasi yosi kadiri, di ba mga bata?"
 
"Opo." sigaw uli ng mga bata.
 
"Putang'na mo! E niloloko mo lang 'yang mga bata e. Luma na 'yang madyik-madyik mo!" angil ng binata.
 
Di na siya sumagot at dali-dali na lamang na pinalitan ang sigarilyo ng bente pesos habang nagkakawkaw sa tabo. Inihagis niya ito sa nasasabik na mga bata. May kung anong inis na kumukulumpol sa kanyang lalamunan.
 
Mabilis na niyang tinapos ang palabas at nagpaalam na sa mga magulang ng celebrant. Binigyan siya nito ng limandaan at isang styro ng ispageti. Ngumiti na lang siya. Ayaw na nga niya ng ganitong trabaho.
 
-----
 
Umorder siya ng isang bagong magic trick sa suki niyang magic shop. Medyo mahal pero okay lang sa kaniya. Ito na rin kasi ang last show niya at suwerteng sa kapitbahay lang din ng huli niyang show. Saktong- sakto ang trick para sa final show niya. Do or die, kailangan niyang makita ang binatang nagpahiya sa kanya.
 
-----
 
Isang kahon iyon na ipapasok mo ang kalahating katawan (mula balikat hanggang hita). Isasara at saka pagtutusuk-tusukin ng mga espada. Iyon ang huling trick niya. Ayaw niyang mapahiya.
 
-----
 
Dati na siyang napapahiya.
 
Noong third year highschool, naging fast food crew siya at may isang matandang babaing pinagmumura siya dahil may natirang sauce ng ispageti sa mesa na hindi niya napunasan nang maayos dahil sa pagmamadali. Kinain lang niya ang mura at suspension ng manager.
 
Noong bago siya magtapos ng hayskul, naging cashier siya sa isang coffee-donut shop. Hindi niya nalagyan ng asukal ang kapeng inorder ng isang lalaking may kasamang kasintahan. Pinagmumura rin siya. At nagtangkang ipatatanggal kung hindi ililibre ang mga inorder nito. Kinausap siya ng manager at ikinaltas sa kanyang sahod ang order ng kostumer. Kinain lang niya ang kaltas at pagasasabon ng manager.
 
At noong second year college (ang huling tuntong niya ng paaralan) --ang pinakamatindi--sinampal siya ng babaing nasa edad kuwarenta na panay borloloy sa katawan. Waiter siya noon sa isang bar at lasing ang babae, na hindi nagustuhan marahil ang pagkakaabot niya ng ladies drink na inorder nito; na hindi naman niya sadya. Minura siya, ulo hanggang paa. Nang magtangka siyang magsalita, sinampal siya nito't nagbantang ipakukulong. Tinaggal siya ng manager, improper ang kanyang behavior sa mga kostumer. The customer is always right, no matter what, 'ika nito. Kinain niya ang hiya at ang pagkakatanggal. Wala siyang nakuhang back pay.
-----
 
Dati na siyang napapahiya at ayaw na niyang mapahiya pa. Kaya nga't pinagbutihan niya ang maging boyoyong. Maging clown sa mga party. Pasama-sama lang dati sa mga kaibigan niyang ganoon ang trabaho, hanggang sa siya na ang tinatawagan ng mga magulang ng magpa-party.
 
Ilang taon din niyang nagustuhan ang trabaho hanggang nitong mga huli, lagi't lagi na siyang sumasablay at paulit-ulit na rin ang trick niyang mga luma.
 
Muntikan na siyang masunugan ng mukha nang huli niyang tangkain ang pagbuga ng apoy. Hindi na niya ito inulit.
 
-----
 
Pero ngayon, habang nakatingin sa kanya ang lahat at natapos na rin ang pagpapalabas niya ng kalapati sa maliit na kahon, handa na siyang gawin ang kanyang final trick.
 
Nagtawag siya ng isasali, at iyon nga ang binatang pinahiya siya noong isang buwan.
 
Hindi niya alam kung namumukhaan pa siya nito. Marahil hindi. Nagbago siya ng costume at wig pati na rin ng make-up. Iniba rin niya ng pangalan niya.
 
Lumapit ang binata at agad na rin niyang pinapasok sa kahon. Labas ang ulo at binti, mayabang ang ngiti ng binata.
 
"Anong pangalan niyo, ser?" tanong niya.
 
"Bert," sagot nito.
 
"Okay, mga bata, palakpakan natin si Kuya Bert!"
 
Palakpakan ang mga bata. Palakpakan din ang mga magulang.
 
"Mga bata, 'wag niyong gagayahin ang trick na ito a. Okay ba?"
 
"Opo!" sigawan ang mga bata.
 
Kinuha niya sa gilid na lamesita ang anim na espadang may anim na dangkal ang haba. Inimuwestra niya sa hangin na parang kabalyero. Pinahawak sa mga batang nasa harapan ng platform.
 
At inumpisahan na niya ang pagtutusok ng mga espada. Bago ito ay tinakpan niya muna ng itim na tela ang ulo ng binata.
 
"Handa ka na ba, Kuya Bert?"
 
"Handang-handa na!"
 
"Okay, palakpakan naman diyan mga bata!"
 
-----
 
Itinusok niya ang unang espada.
 
"Ah!" sigaw ng binata sa loob ng kahon. Nagpupumiglas ito. "Tulong-tulong!" sigaw pa nito.
 
"Magaling umarte si Kuya Bert, mga bata! Palakpakan! Sinong gustong maging artista?"
 
Taasan ng kamay ang mga bata.
 
Itinusok niya ng pangalawa. At ang pangatlo.
 
Tinanggal niya ang itim na tela sa ulo ng binata, nakapikit na ito.
 
Nagtawanan ang mga bata. Halakhakan.
 
At itinusok niya ang ika-apat, at ikalima. Palakpakan pa rin ang mga bata. Mas lumakas ang palakpakan nang may dugong dumadaloy sa binti ng binata. Nakangiti lang siya habang nakatingin sa mukha ng mga taong hindi niya kilala. Magagalak. Nagpapalakpakan Mga walang problema, mga hindi napapahiya, isip-isip niya. Mga sagana, mga pinagpala.
 
Bago niya itusok ang ika-anim na espada, may isang batang lumapit at hinawakan ang dugo na nagkalat na sa platform.
 
"Mommy!" tawag ng bata. "Is this real?"
 
Habang papalapit ang magulang, itinusok na niya ang huling espada. Nagpalakpakan ang ilang mga bata pero hindi na ang lahat. May mga magulang na rin na pinagkakarga ang kanilang mga anak.
 
Naupo siya sa gilid na bangkito sa tabi ng magic trick niyang kahon. Pinagmamasdan niya ang nagkakagulong mga bata at magulang. Yumuko siya habang tinatanggal ang pulang wig.
 
At habang nagsisigawan ang mga tao, tumayo siya at binuksan ang kahon.
 
Anim na espadang nakatusok sa dibdib ng binata ang lumantad sa mga manunuod.
 
Hindi siya napahiya, naisaloob niya. Hinding-hindi.
 
 

Sunday, December 19, 2010

Ang Pangalan sa Lumang Larawan



ni: Rom Factolerin


Nanginginig pa si Shirley, puno ng grasa at putik ang kanyang puting unipormeng pang serbidora, punit ang bahaging dibdib—tastas ang pang-itaas na butones at duguan ito. Ngunit halatang hindi kanya ang mga dugo sapagkat ni wala man lang siyang sugat na maaring panggalingan ng nakahihilakbot na bahid ng dugo, kundi mangilan-ngilang galos na kung titingnan ay maaaring nakuha lamang sa pagkakadapa. Walang kibo siyang nakatunghay sa matandang lalaking nakahiga sa kama ng ICU habang nakikipagbuno ito ng mapayapa sa buhay at kamatayan. Kalalabas lamang nito sa isang madaliang operasyon upang sagipin ang buhay bunga ng tinamong isang saksak sa sikmura.
Amoy gamot ang silid, tanging paggibik lamang ng aparatong taas-baba ang kumpas sa kulay berde nitong ilaw ang tumutunog. Maging ang paghinga sa loob ng maskarang oxygen ng nilalang na nakikipag agawan kay kamatayan ay mistulang magaan at tahimik, bagay na nakakabahala sapagkat nangangahulugan ito ng mababaw at mahinang paghinga. Paghingang maaaring mapatid ano mang oras.

“kayo po ba ang kamag-anak ng pasyente?”
“hindi po, ‘di ko po sya kaanu-ano”
“kailangan pong bilhin ang mga gamot na ito, kritikal pa ang kalagayan nya hindi po natin masasabi ang pwedeng mangyayari.”
“sa ngayon  ay under observation sya, makalipas ang 24 hours at bumuti ang kalagayan nya at mag respond sya positively malamang makakaligtas sya.”

Walang imik si Shirley, di nya alam ang gagawin o sasabihin. Siya man ay nasa pagitan ng matinding pagkagitla ng mga oras na iyon. May isang kaluluwang naghihingalo sa harapan niya sa mga oras na ito ngunit waring matulin at mataas ang tinatakbo ng utak niya. Milya-milya ang lipad nito. Nasa sa pagitan ng pagkabahala at pagtataka ang buong katauhan niyang pumapailalim sa sabay-sabay na rebelasyon at sindak. Mistulang basag na bubog ang isipan niyang pilit dinadampot isa-isa ang mga piraso upang mabuo muli ang larawan. At sa pagdampot ay di maiiwasang masugatan ang mga kamay at magdugo—madama ang hapdi sa kanyang katauhang sugatan.
Nagsimulang manuot ang lamig ng aircon sa katauhan ni Shirley, malapit nang mag-umaga at sumikat ang araw, wala pa siyang tulog kahit kaunti, ngunit hindi ang kalagayang iyon ang pinag tutuunan ng katauhan niya ngayon. Sa kanyang kanang kamay ay hawak-hawak niya ang pitakang panlalaki. Pag-aari ng matandang lalaking nakahiga sa kama at nakikipag buno kay kamatayan. Bukas ito at nakalabas ang ilang lumang larawan, tarheta, at ilang papel na pera.  

                                                              ***

“Shirley, ayan na naman ang boylets mo haha!”
“gaga ka Anne ha, ayoko ng ganyang biro! Tumigil ka!”
“nanliligaw ba sa iyo yan?”
“e sa araw-araw na ginawa ng Diyos laging nandito yan at ikaw ang gustong nagsisilbi    sa kanya kahit kape lang ang inoorder”
“hayaan mo na’t customer e, wala namang masama dun”

Tuwing hapon, sa pagitan ng alas-singko at ala-sais, sa isang sulok ng lumang cafeteria na ito sa panulukan ng Binondo at Divisoria—sa matao at abalang lunsod ng Maynila nagaganap ang paulit-ulit na pangyayaring wala namang nakakapansin at pumapansin. Si Mang Fredo isang matandang lalaking payat, nag-iisa sa buhay ay tahimik na umiinom ng kape sa kanyang piniling sulok. Nakamasid lamang siya parati sa mga pumapasok at lumalabas. Ang kape na kayang ubusin ng may labinlimang minuto ay nagtatagal ng halos isang oras sa kanyang harapan. Hindi dahil lubhang mainit ito at mahirap inumin ngunit sa kung anong dahilan ay kinakailangang isabay niya ito sa araw-araw na malalimang pag-iisip sa tuwing hinihigop niya ito. Humihigop siyang halos kasabay ng matinding buntong-hininga at buga ng usok ng sigarilyo. Wari bang may kung anong pinanghihinayangan sa mga nakalipas niyang araw ng pagtanda at pagputi ng mahaba niyang buhok na noo’y lumililis hanggang sa kanyang balikat..    

Wala namang problema ang ganito kay Mr. Ching, isang matandang Tsino na minsanan na lamang kung dumalaw sa kanyang pag-aaring lumang restawran. At dahil hindi na gaanong dinarayo ang mga ganitong kainan, di tulad noong unang taon nito na di pa uso ang mga fastfood chains ay hindi naman gaanong nakaka abala ang may tumatambay sa sulok nito. Dahil kahit oras ng tanghalian at hapunan, hindi na gaanong napupuno ng mga parokyano ang isang lumang restawran na tulad nito.

Kahit ang mga serbidora na naka uniporme ng blusang puti at itim na palda, magkaminsan ay nakaupo na lamang at nagkukwentuhan sa tanghali at hapon. Sa mga pagkakataong matumal at nakakatamad ang init ng panahon at walang gaanong pumapasok upang kumain. Kung hindi nangangalikot ng cellphone ay kung anu-ano na lamang ang ginagawa ng apat na serbidorang walang masyadong inaasikaso sa maghapon. Hanggang sa dumating ang oras ng uwian ng mga manggagawa at estudyante sa abalang bahagi ng Maynila na yaon ay tsaka lamang unti-unting nagkakabuhay ang paligid. Tuwing katapusan ng linggo naman ay iba ang kalagayan, bukod sa araw ng sweldo, ito rin ang araw na dumarami ang parokyanong nagpapaumaga sa pag-iinom ng serbesa at pagpapatugtog sa lumang jukebox na hinuhulugan ng barya. Ang apat na serbidorang ito, kabilang si Shirley ay halinhinang natotoka hanggang alas dos ng madaling araw hanggang makauwi lamang ang mga nag-iinom. Isang kalagayang napaka pangkaraniwan at nakababagot sa isang syudad na puno ng iba’t-ibang uri ng tao at pangyayari.

                                                                  ***

“wala ba si Shirley?”
“ay sori po mamaya pa po mga alas-sais ang pasok nya kasi weekend ngayon panggabi    siya”
“ano po ba order nyo? Kape ulit?”

Di kumibo si Mang Fred. Nag-iisip. Walang sabi-sabi itong tumayo at iniwan ang serbidorang nakaamba nang kunin ang order nya. Tuloy-tuloy itong lumabas ng restawran at pumara ng jeep.

“’tamo itong matandang ito, bastos. Tinatanong kung anong order e…”
“uy, bakit? Inisnab ang byuti mo?”
“wala si Shirley e, si Shirley kasi ang type ng matandang yan. Obserbahan mo nga kung  makatingin kay Shirley parang may gustong gawin e, manyakis ata yan…”
“sus! Selos ka naman, kasi si Shirley ang nabibigyan ng tip kaya ka ganyan!”
“gaga! di ako nagseselos kay Shirley, aba’y kahit paano naman may pamilya akong nagmamahal sa akin ano! Samantalang si Shirley nag-iisa lang sa mundo, Tatlong  taong gulang pa lang iniwan na ng tatay, tapos namatay ng maaga ang nanay. Kung tutuusin mas kawawa pa ang kalagayan nya kesa sa akin.”
“o, sya tama ka, balik sa kusina may ihahain ka pa!”

                                                             ***

Nagmamadali si Shirley sa paglalakad ng maramdaman niyang may aninong sumusunod sa kanya, ilang milya lamang ang layo niya sa restawran ng malingunan niyang kamamatay lamang ng ilaw nito sa loob. Pasado alas-dos na at madalang na lamang ang mga taong naglalakad sa kalye. Ang entrsuwelong parati niyang dinadaanan tuwing pauwi ng madaling araw ay walang pinag-iba sa ilang panahon nya na ring pagtahak dito. Naroon pa rin ang mga pulubing nakahiga sa tabi at namamaluktot sa dilim, ang mga asong gala na nangangalkal ng basura at ang panaka-nakang pagdaan ng mga trak ng basura upang maghakot ng sanlaksang dumi ng syudad sa maghapon.

Ngunit iba ang gabing ito, sadyang may kung sinong sumusunod sa kanyang yabag at nagtatago sa dilim. Ayaw niyang lumingon, magmamadali na lamang siya ng lakad nang sa gayon ay makarating ng mabilisan sa abangan ng jeep na may kalayuan pa sa kanyang tinatahak. Isang liko na lang, may naaaninag na siyang liwanag sa entresuwelo, konti na lang at makakaramdam na siya ng kaligtasan sa kung anuman o sino man ang bumubuntot sa kanya. Bago pa man makarating sa kanto huminga ng maluwag ay sumulyap siya sa likuran. Tahimik walang naglalakad, walang sumusunod. Guni-guni nga lamang ba niya ang lahat o tinatakot nya lang ang kanyang sarili?

Bigla, pagbalik ng kanyang paningin sa harapan…
“huli ka!”

Niyapos agad siya ng lalaki sa kanyang harapan sabay takip sa kanyang bibig at tutok sa likuran ng balisong. Nakayakap kaagad ang lalaki na may matitigas na braso sa kanya kung kaya’t nawalan ng silbi ang agaran niyang pagpupumiglas. Hinila siya nito palayo sa liwanag ng poste, sa may sulok at tambak ng basura. Isang dipang lapad ng entrsuwelo na okupado ang kalahati ng malaking tambak ng basura ang pinagdalhan sa kanya, buong lakas siyang sinikmuraan nito sabay salya sa kanya papunta sa tambakan.

“putang-ina ka, akin ka ngayon”

Paanas ngunit mala-hayok na nawika ng anino sa dilim. Paglagpak pa lamang ni Shirley sa bunton ng basura at habang siya’y namimilipit sa tindi ng bigwas sa kanyang sikmura, sinimulan na agad ng lalaki na hablutin ang blusa niya. Bahagyang naliliwanagan ng nagtatagong buwan ang gabing iyon, adbentahe ito sa lalaking hayok dahil konting liwanag lamang ang kanyang kailangan para makita ang kanyang biktima at mas lamang na dilim para maitago ang masamang gawain.

Ungol lamang sa pamimilipit at halos panawan ng ulirat ang lumalabas sa bibig ng dalaga, umiikot ang madilim na paligid, sabay sa sangsang ng amoy ng basura at lagkit ng ihip ng hanging lunsod at sa ilang saglit na pagpapatupad ng kabuhungan ang namamayani. Pinipilit ni Shirley na tumatag, kahit paano alam niya ang nagaganap, kahit paano alam niya ang kanyang kalagayan sa mga oras na iyon. Ang bawat sandali ay mahalaga ang bawat galaw ay tiyak at dapat­, Dangan nga lamang at unti-unting tumatakas ang kanyang lakas na inagaw ng matinding bigwas sa kanyang sikmura. Lubhang napakatagal ng oras para sa kanya…

Gagap ang tiyan, hingal at iyak, namataan niya sa di kalayuan ang kakaibang pangyayari. Nagpapambubuno ang dalawang anino sa dilim, inaagaw ng isa ang patalim na hawak ng isa habang buong lakas na sinisikaran ng malaking lalaki ang isang payat na lalaki. Dahil na rin marahil sa hindi pantay na labanan ng pangangatawan kitang-kitang nagagapi ang isa. Pagkalugmok nito, inundayan ng saksak, mabilisan lang, walang kagatul-gatol. Ungol na lamang ang narinig. Sabay ang mabibilis na yabag papalayo sa dilim, habang halos walang kibo ang naiwang lalaki na sapo-sapo ang tiyang sinaksak.

                                                                 ***

Naglalakad ng wala sa loob si Shirley sa pasilyo ng Ospital. Hawak-hawak nya pa rin ang lumang pitaka ng matandang nakaratay sa ICU. Pinagmamasdan niya ang lumang larawan ng isang bata, humigi’t kumulang ay may tatlong taong-gulang, nakangiti, mataba at Masaya. Nakaupo ito sa kandungan ng isang lalaki na hindi na nasama ang mukha sa larawan dahil na rin sa ang focus ng camera ay sa batang kanyang kalong. Wala sa loob niyang tinalikod ang larawan. May nakasulat…

“10/15/88 baby Shirley…”

Bumibilis ang pagtahip ng dibdib ng dalaga, nahihilam ang kanyang mga mata sa luha. Patuloy siyang naglalakad ng dahan-dahan at walang direksyon sa pasilyo ng ospital ng madaling araw na iyon. Namamanhid ang buong katawan, nauumid ang isipan. Bigla na lamang tumilapon ang hawak niyang pitaka dahil natabig ito ng mga nagtatakbuhang Narses patungo sa likurang direksyon niya. Dito lamang siya tila natauhan. Dinampot niya ang pitaka, sabay lingon sa likuran.

Patungo sa silid na kanyang pinanggalingan, sa ICU papunta ang mga narses, natataranta, nagmamadali, naghahabol. Bigla-biglang sinaklot ng matinding sindak ang katauhan ni Shirley. Wala siyang magawa. Waring napako na lamang siya sa kanyang kinatatayuan sa gitna ng pasilyo habang daklot niya sa kaliwa niyang kamay ang isang lumang larawan ng isang tatlong taong gulang na bata, unti-unti niya itong nalalamukos ng di namamalayan. Tumutulo ang luha habang nanginginig ang buong katauhan ng dalaga.
Isang nakasisindak na tagpo sa pasilyo ng ospital…ang pangalan sa lumang larawan…




Tuesday, December 7, 2010

Anarkiya



Anarkiya
ni: Rom Factolerin


Pangatlong banda pa lang, madilim ang paligid—matagal mag set-up ng instrumento. Umuugong ang mikropono sa kalapit na speaker, feedback…feedback…ang ingay ng mga miron, naghihiyawan na, sumusipol, nagmumura.
“hoy! Tang-ina nyo rakrakan na!”
Tang-ina tagal naman nyaaan!”
Mausok ang paligid, marumi at malagkit ang sahig sa mga natapong inuming nasa plastik na baso. May mga totoy na nag-aastang tigasin kahit ga-tingting pa lang ang mga braso at bakas pa ang uhog na natuyo sa ilong.
Kanya-kanyang pormahan, bidahan at pagalingan. Mga sapatos na hiniram, mga naghahapitang pantalon—itim lahat ang kulay. At kung merong nakasuot ng checkered na yellow pants, stand out yun, malamang Mohawk ang buhok nya.
May mga tin-edyer na may hawak na banderang parang red cross pero naka ekis ito. Winawagayway sa ere habang paikot-ikot na tumatakbo. Mga mga magkakagrupong nagtatayugan ang buhok na parang nakakita ng multo, habang ang iba naman ay mukhang kalabaw na may singsing sa ilong at nguso.
Kadena sa leeg, braso at pantalon. Perdible sa binti, matutulis na wristband, make-up na makapal sa mata, kalbong ulo at ngising aso. May putang ina at hindot ang bawat pasada ng salita, bigay na bigay ang dighay ng amoy ng alak sa nabubulol na salita at sa halakhak na mababaw. Kanya-kanyang palakihan ng middle finger kapag may nag flash na camera…
Tang-ina ang tagal ng tugtog…
eto na may pumasok na distortion riff sa C. bumulaga na ang bandang naka set-up, tang-ina rakrakan na ulit…
I am an anti-christ 
I am an anarchist
Don't know what I want but 
I know how to get it
I wanna destroy the passer by cos I
I wanna be anarchy!
No dogs body!
Islaman na agad! Walang kagatul-gatol kanya-kanyang sikuhan, balyahan, talunan sa pormang para lang nangingisay na hipon. Walang kwenta kung magkatamaan, sayaw daw ito e.

Hanep humataw ang bandang ito…
Anarchy for the UK
It's coming sometime and maybe
I give a wrong time stop at traffic line
Your future dream is a sharpie's scheme

'Cause I wanna be Anarchy
In the city

How many ways to get what you want
I use the best
I use the rest
I use the N.M.E
I use Anarchy
Dumadagundong sa lakas ng palo sa snare ang drummer, sinasabayan ng tumatalong offbeat ng bass, pero kumakagat din naman sa balat ang riff ng distortion ng lead guitar. Punk na punk ang dating ng bandang ito, halatang sinasamba nila at ipinagtitirik ng kandila si Sid Vicious at Johnny Rotten, ang mga anarkista ng eksena sa London.  Kahit walang British twang ang vocalist talo-talo na din lunod naman sa ingay ang hiyaw nya e.
Kitang-kita sa audience ang sigla sa unang pitada pa lang ng ingay. Parang hipong naglundagan agad ang mga totoy ng punk scene sa Katrina’s. maaga pa, malamang kakapusin na sa hininga ang sinumang umuubos ng baga niya sa kaiinom at kasisigaw sa gabing ito.


***

“ikaw ba ang syota ni Jenny?”
“ako nga, ako si Oliver.”
“uy, di ko alam mahilig pala sa toothpick si Jen?”
“Tangina pare sarap ng syota mo! hahaha!”
Gwapong gwapo si Mike, bida kasi sa rakrakan sa eksenang punk sa bawat gig. Kahit mukhang basura ito bida naman sa mga chikas, talentado e—rockstar na rockstar.

***

“ano bata, gwapong-gwapo ka a…tuli ka na ba?”

Nanunuyang tawanan ang naging tugon sa binitawang pang-uuyam na iyon ng pulis. Tawanan mula sa kanya ring dalawang kasama na nakahawak ng mahigpit sa mga braso ni Mike. Hawak-hawak nito ang dalawang piraso ng drum stick ni Mike, kilala nya ito kasi binalot pa man din niya ito ng malapad na gomang pang tirador sa hawakan para maiwasang dumulas sa kamay niya kapag pumapalo siya ng malakas sa snare drums.

“ilapit na yan dito, at nang magkaintindihan kami…”

Halata sa mukha ni Mike ang takot, di lang simpleng Pulis ang kaharap nya, Chief of Police ito at may atraso sya sa anak nito. ‘tang-ina kasi sinyota at binaboy ba naman nya ang babaeng trip ng anak ni tsip, eto ngayon yari sya. Malamang bugbog at di lang bugbog kundi lamog ang kauuwian nya.

“magkaintindihan muna tayo bata ha, di ka masasaktan kung susunod ka lang sa gusto ko. Mabait naman akong tao e, mainitin nga lang ang ulo sa mga pasaway at tumatanggi sa gusto ko”


***


“Mike, kami na ni Jenny e baka naman pwedeng wag mo na kaming istorbuhin, dami namang nagkakagusto sa iyo e.”

“pare, di naman ako ang lumalapit sa syota mo e, bakit ako ang pinagbabawalan mo? Kausapin mo syota mo wag ako”

Maingay ang paligid di masyadong magkarinigan ang dalawang nag-uusap sa likod ng stage, hiyawan ng hiyawan ang mga audience halatang nabitin sa tugtugan. Nilapit muli ni Mike ang mukha niya kay Oliver,

“pare ambango ng singit ng syota mo, hehehe…”



***


Anlapit lang ng mukha ni Tsip sa mukha ni Mike, mukhang sinasadya nitong ipaamoy ang hininga niyang amoy beer sa binata, pero di maikakaila ang ngisi ng pulis habang kinukumpas-kumpas niya ang dalawang stick na hawak.

“una, susunod ka sa ipapagawa ko sa iyo, tandaan mo hawak ko kayong magkapatid. Anytime pwede ko kayong kasuhan at ibyahe sa bilibid.”

“pangalawa, matapos mong sundin ang pinapagawa ko sa iyo, inaasahan kong magtatanda ka na at di mo na iistorbuhin ang syota ng anak ko.”
“pangatlo…ano nga ang pangatlo Dolpo?” sabay baling sa isang pulis na nakahawak sa braso ni mike sa gawing kanan.
“walang makakaalam nito!”
sabayang bigkas ng dalawang aso kasunod ang impit na tawanan.
“sige paluhurin na yan!”

***

Tumalikod si Mike, alam niyang nabitawan na nya ang tamang salita para sa gabing iyon. Di na nya kailangang idetalye pa sa payatot na kaharap kung paano nya sinisisid ang tahong sa dagat. Lalake sya e, ano bang problema?
Payat si Oliver, mahahaba ang braso—kaya’t sapul agad ang batok ng nakatalikod na si Mike nang paulanan niya ng suntok ito, sunod-sunod. Pero kapos ang pwersa. Bumuwelta si Mike, batak ang braso nito sa hambalos ng drum tatlong pasok na kumbinasyong nagpabuwal kay Oliver. Sargo ang dugo sa nguso, bali ang ilong, lagas ang ngipin.
“Tang-ina mo! Gago! Ano lalaban ka? Shit ka!”
Kagulo sa backstage, humalo na sa gulo ang mga barkada ni Oliver at ka-banda ni Mike, rambulan. Sipaan, sapakan, hiyawan. Si Oliver kalmado na. nakayukayok sa sulok nagpapahid ng dugo sa ilong. Tumayo ng dahan-dahan. Nasa likod siya ni Mike na kasalukuyang tuwang-tuwa at nagtatalon at nagsisigaw sa panalong natamo.
Bumunot ng baril sa likurang bewang si Oliver, tinutok sa batok ni Mike.
“tangina mo Mike, mahal na mahal ko si Jenny e…baboy ka talaga, binaboy mo sya!..”

***

 Nalito si Mike, di alam kung ano ang ibig sabihin ng utos na iyon, inihanda na niya ang sarili sa sipa, tadyak, suntok at batok ng mga unipormadong kriminal sa nasa paligid nya. Itinulak siya paluhod ng dalawang malalaking tiyan na pulis gamit ang mga bigat nito. Walang nagawa ang murang katawan ng batang nag-uumpisa pa lang maging binata. Laking gulat nya ng magsimulang ibaba ni Tsip ang zipper ng pantalon nya at ilabas ang ari nito.  
“simple lang gusto ko bata, konting sarap lang…”
Nakamulagat ang mga mata ni Mike habang nagpapalag ng husto, si Tsip naman at hinihimas-himas ang ari niyang pilit pinatitigas.
“ano gusto mo, tsupa o kantot? ‘tangina baka di kayanin ng pwet mo kapag kinantot kita sabi ko sa iyo magdudugo ka bata!”
Di na namalayan ni Mike, isang piraso ng malapad na tela ang itinali sa bibig nya at isang mariing tadyak sa sikmura ang nagpaikot sa ulirat niya. Mabilis at sistematiko ang pangyayari. Para bang ilang ulit nang ginagawa ng mga ito ang ganitong Gawain na alam na alam nila ang magiging reaksyon ng kanilang biktima kung kaya’t inuunahan na nila ito ng kaukulang aksyon.

***

Unti-unting humarap si Mike sa likuran. Nakatutok ang baril diretso sa mukha niya. Napahinto ang lahat. Seryoso iyo, di biro ang magbunot ng baril sa gitna ng rambulan. Malamang may titimbuwang dito. Nanginginig ang kamay sa gatilyo ni Oliver, galit na galit ito, naghahalo ang luha, uhog at dugo sa nguso nito. Tumitilamsik ang kimpal na pulang dugo kapag humahagulgol sya.
“tang-ina mo, hayup ka Mike, papatayin kita…”
Kung papatayin mo daw ang isang tao, di mo na kailangang sabihin ito sa kanya, kailangan maramdaman nya lang ito.
Unti-unting bumaluktot ang brasong nakaunat at may tangan na baril, namayani ang hagulgol at matinding iyak kay Oliver. Parang kandila itong unti-unting naupos sa kinatatayuan niya. Napalitan ng ngisi ang kanina’y nahintakutang mukha ni Mike. Ngising aso.

***

Napasubasob si Mike sa tindi ng tadyak na inabot sa bodega nito. Bagay na nagpausli sa kanyang kamay sa likuran kaya’t lalong napanghawakan ito ng dalawang alalay at tuluyan na siyang napigilan.
Matinding pagpapalag pa rin at ungol ang ginagawa niya, isang nakapangingilabot na panganib higit pa sa kamatayan ang nakaamba sa kanya ngayon.  Kumakapit ang malagkit na lupa sa kanyang sapatos sa pagpapalag, maging ang tuhod niya ay nagkulapol ang makapal na lupa sa tindi ng pagpupumiglas. Titingin-tingin lang muna si Tsip, abala sa paghaplos taas-baba sa kanyang sandata.

***
Tuluyan nang napaluhod si Oliver, humahagulgol. Lahat nakatingin, lahat nakatunghay tinititigan ng lahat kung paano humagulgol ang anak ng isang pulis. Lumapit si Mike, sa harap mismo ng nakaluhod na si Oliver ito tumayo. Nakadunggol sa pagmumukha ng luhaang payat na lalaki ang bukol ng ari ni Mike nang tumingala ito. Bakat na bakat sa tight leather jeans ang pagkalalaki ni Mike. Tahimik ang lahat—walang kumikibo.

***

Maya-maya’y inabot nito sa dalawang alalay ang drum stick ni Mike, nag tig-isa sila.
“ilagay nyo na…”
Gamit ang tig-isang kamay, inalis ng pulis sa kaliwa ni Mike ang busal nito sa bibig, napasigaw ang binata—ngunit agad na sinalpakan ito ng drum stick ng isang pulis na nasa kanan, kinabig papunta sa gilid ng bibig, pinakagat sa mga bagang na ngipin. Ganun din ang ginawa ng isa, isinubo ang stick at kinabig papunta sa mga bagang. Hawak ng dalawa ito habang nakatukod ang tuhod nila sa batok ng binata. Libreng libreng nakabuka ang bibig nito habang sargo at tumutulo ang laway, luha at uhog, nakamulagat ng may matinding pagtutol ang mga mata ni Mike, pero wala itong magawa.
“sandali lang ito bata, mabilis lang naman akong labasan e… ‘tangina ano ba naman magmumog ka lang wala na yan”
Nakahawak na si Tsip sa magkabilang tenga ni Mike sapo-sapo na ito at kinakabig na habang umiindayog. Ngingisi-ngisi ang dalawang pumipigil sa kanya na para bang naglalaro lang na mga bata. Ilang sandali pa pawang magkahalong ungol ni Tsip at ni Mike lang ang naririnig sa kalaliman ng gabing iyon. Palatak ng kababuyan ng tao sa kapwa tao. Malamlam ang gabing kahit ang buwan ay nahihiya at nagtatago sa kaalimurahang nagaganap sa lupa.
Pagpanaw ng harurot ng sasakyan, isang uubo-ubong anino na nakadapa sa maputik na lupa ang mamamalayan, panaka-nakang sumusuka, umiiyak, humahagulgol—nagmumura.




END





Saturday, October 9, 2010

Byaheng Novaliches C5



Byaheng Novaliches C5
ni: Shielah T. Ilagan


                Hindi na ‘ko sanay sumakay ng ordinaryong bus dahil madalas na lang akong mag –MRT  o aircon na bus kapag pupunta sa Quezon City. Pagpunta sa pinapapasukan ko naman,lagi  akong naka- FX  o minsan ay dyipni. Hindi ako sanay sumakay sa ordinaryong bus,pero dahil may nakapagsabi na mabilis daw ang  byaheng Novaliches C5, naengganyo akong subukan. Tutoo nga namang mabilis… Napakabilis! Kinakailangan mong kumapit nang mahigpit sa mga upuan kung hindi’y baka malaglag ka na lamang. Pwede naman akong mag –aircon pero dahil sa bawat Loading at Unloading na istasyon, ito’y namamasahero,mabagal pa sa prusisyon ang aming pagtakbo. Kaya minabuti ko na lang na sa ordinaryong bus sumakay, dire-diretso , yun nga lang, kailangan kong mangunyapit na tunay  kung nais ko pang mabuhay.

                Halos isang buwan akong nagpabalik- balik sa Barangay  Bahay Toro para mag-tutor.  Sa bawat byahe ng bus, sari-  saring tanawin  sa kahabaan ng EDSA  ang aking natutunghayan. Sari-saring mukha sa kalye ang namamasdan ko, nakatambay, nakangiti, nakasimangot , naiinip, nagmamadali,nalilito at hindi  na halos maipinta. Mga ordinaryong taong naghihintay ng bus papunta  sa ibat’ ibang sulok ng Metro Manila. Mga vendor na maghapon nang nakabilad sa araw, tinda’y sari -sari gaya ng kendi, yosi, kutkuting mani, mga pamatid –uhaw at panlaman- tiyan. Nakalilibang panoorin ang mga tindahang naghilera sa Cubao, kanya-kanyang pasikat ng “ Sale!”, lalo na yung  mga ukay-ukay na may “Welcome ,new arrival”.  Marami ring mga taong lansangan na  natutulog sa ilalim ng overpass at mga taong- grasa na wala sa sariling nagpapalaboy-laboy. Mga pulis na naka-shades ,  nakamasid  habang nasa lilim ng may mga bubong o overpass at MMDA na astang hari ng kalye.

                Iba’t ibang tao ang nakasakay ko sa ordinaryong bus na halos lumipad sa bilis ng pagpapatakbo ng mamang drayber. Madaming nagtitinda ang manhik- manaog para ilako ang malamig na mineral water, mani, kasoy at kung anu-ano pa. Mayron din namamalimos na umaakyat para magbigay ng sobre na may nakasulat ,  ” para po sa pagkain naming mag-ina” o “ para po sa pagkain naming magkakapatid”. Sa byahe, naranasan ko na manigas ang buhok na parang alambre dahil sa pagaspas ng hangin at mangutim ang mukha sa usok na animo pulbos na dumikit sa aking mukha.  Kapag bukas lahat ng bintana ng bus, medyo maaliwalas naman dahil sa pagaspas ng hangin pero kapag nakatigil… Ang init! Kapag umuulan at sarado,hay naku, nakakahilo ang amoy sa loob at napakaalinsangan , palibhasa’y walang singawan …

                Habang nasa byahe,madalas akong alerto sa mga tao sa paligid ko. Nagmamasid-masid ako sa mga kasakay ko. Medyo praning ako dahil meron na akong karanasang maholdap sa dyip kaya medyo hindi ako kampante sa pagsakay-sakay lalo pa at hindi ako masyadong pamilyar sa lugar. Madami rin akong kwentong  naririnig tungkol sa holdapan sa bus o isnatsan. Palibhasa’y patay na oras ang byahe ko, madalas 12:00 ng tanghali, mangilan-ngilan lamang ang pasahero kapag sumasakay ako sa may Megamall,minsan wala pang  sampu,dumarami lamang pagdaan sa Cubao at SM West. Madalas ay nililingon ko ang mga kapwa ko pasahero,tinitingnan kung may kahina-hinala sa paligid. May dalawang byahe akong tumatak sa aking isipan.

                Sa byahe, dalawang beses akong may nakasakay na dalawang magkaibang  babae. Ang unang babae, nakasakay ko sa Megamall pa lang. Nakaupo sya sa aking likuran.Habang binabagtas ng bus ang kahabaan ng EDSA,napalingon ako sa likod,nakakunyapit ang kanyang maruming kamay habang halos maputol sa pagyugyog ang ulong natutulog. Naninigas sa dumi ang kanyang buhok at nanlilimahid ang kanyang puting unipormeng  pang –nars na suot.Medyo natakot ako sa aking nakita,nag aalangan ako’t dili kung lilipat ng upuan,kasi hindi ako sanay na may makasakay na ganoon ang ayos. Ngunit mahirap tumayo dahil napakabilis ng takbo ng bus,kaya nanatili ako sa kinauupuan. Paghinto sa bus stop at umalingawngaw ang boses ng konduktor “Cubao,yung bababa ng Cubao!”, tumayo ang aleng nasa likuran. At saka pa lamang ako nakahinga nang maluwag .Napaawa naman ako nang napansin ang kanyang patpating katawan at  ang suot nyang sinelas na gawa sa banig ay sobrang pudpod na  halos kalahati na lamang ang natitira. Bitbit ang kanyang maliit na bag at isang puting plastik sando bag, lulugo- lugong naglakad papuntang  Araneta Center ang babae. Napahiya ako sa aking sarili sa takot na naramdaman, ngunit hindi ko lang talaga maiwasan dahil hindi naman ako sanay sumakay at may makasakay na katulad nya sa ganoong bus.

                Ang isa pang babae ay nakasakay ko sa Munoz. Maulan noon, kaya maraming pasaherong sumakay. Bitbit ang kanyang payong at bag, nagpunta sya sa aking upuan na malapit sa drayber.Nagulat ako dahil naka-surgical mask pa sya ,pero pinag bigyan- daan ko sya para makaupo sa may bintana. Mabilis nyang inayos ang payong, tinanggal ang mask , nagbukas ng bag at inalabas ang mga laman ng bag. Lumapit ang konduktor para mag- tiket, nagtanong ,“ Saan po kayo?”.  Sumagot sya , “ Novaliches”. Sinabi ng konduktor  kung magkano ang pamasahe. Sumagot ang ale , “ Hindi pa binibigay komisyon ko, singilin mo na lang dun sa Libis.” Nagulat ako sa tinuran ng ale, pati mga nakaupo sa malapit na nakarinig. Nagkatinginan kami. Hindi na lang nakaimik ang mamang konduktor.. Inatake na naman ako ng nerbyos, hindi malaman kung lilipat ako ng upuan o ano ang gagawin..pero nanatili ako sa tabi nya. Maya –maya ay nagsalita na sya sa sarili, hindi ko naintindihan dahil puno ng takot at kaba ang dibdib ko. May kinuha sya sa bag, isang pakete ng Fita, at kumain,nang matapos ay itinapon lang sa sahig ang wrapper at nagbukas muli ng bag. Inilabas ang parang nakabalot sa medyas na kulay abo,nabantad ang baon nyang inumin na kulay green. Hindi ko mawari kung pwede ko ba syang lingunin o baka magalit kapag ako’y napatingin, kaya’t minabuti ko na lang na tingnan sya sa sulok ng aking mata. Hindi mo iisipin na wala sa katinuan ang ale dahil sa maayos nyang hitsura pero kakaiba naman ang kanyang pananalita.  Napansin ko na malinis naman sya, may pedicure pa nga sa kuko at may relo pa. Abot ang dasal ko na sana’y makarating na ako sa aking destinasyon.  Hindi ko malaman kung paano ang gagawin ko pero talagang matindi ang nerbyos ko.

                Kakaiba ang dalawang babaing nakasakay  kong yun,habang sakay ng bus na byaheng Novaliches C5.  Sari-saring tanong  ang naglaro sa aking isipan, “ bakit sila nagkaganon?” . “Ano’ng nangyari at tinakasan sila ng katinuan?”. “Hindi ba nila nakayanan ang mga pagsubok na dumagok sa byahe ng kanilang buhay ?”. Hindi ko na malalaman kailan man ang kanilang kwento, pero sapat nang ipagpasalamat sa Diyos na nasa katinuan pa ang aking isipan. Sapat nang magpasalamat na binibigyan Nya  ako ng lakas para harapin ang mga pagsubok sa buhay. Ordinaryong pasahero lamang ako na nakikipagsapalaran sa byahe ng buhay,pero kapag ako’y nangunyapit sa Diyos, ligtas akong makararating sa paroroonan.
               



Tuesday, October 5, 2010

Buryong

Buryong

ni: Rom Factolerin

Sumisinghap singhap na parang isdang nakawala sa aquarium, kikisay-kisay na nakahandusay sa makintab na sahig habang pumupulandit ang bumubulang dugo sa dibdib nito. Tulala ang lahat walang makakilos, wala man lang tumili o sumigaw—lahat nahintakutan, lahat nakamulagat. Mistulang huminto ang oras ng mga sandaling iyon, nasa harapan nila ang isang nilalang na nag-aagaw buhay ngunit wala man lang maglakas loob na lumapit at lapatan ng paunang lunas ang lalaki.
Ilang sandali pa’y hangos na pumasok ang buong pwersa ng kapulisan, binasag ang pintuang salamin habang nakatutok ang dala nilang mahahabang baril sa lahat ng dako ng establisimiento, walang sulok na pinaliligtas, walang makakawala. Dito mistulang natauhan ang mga tao sa bangko, nagtilian, nataranta, nagulo.

“putang-ina ka! Pinahirapan mo kami!” 

sabay tadyak sa kamay ng nakahandusay at naghihingalong lalaki upang tuluyan nang mabitawan ang baril. Ilang sandali lang napaghinuha na ng buong pwersa na wala nang laban ang taong nagpahirap sa kanila at ngayon nga’y nakahandusay ito at nakikipagbuno kay kamatayan.

“cordon the area men, huwag papalapitin ang media, secure the area and look for some bombs, baka may itinanim itong gagong ito!”

Unti-unti nang dumadami ang operatibang nakapalibot sa naghihingalong lalaki, minamasdan nila ito na parang nakatunghay lamang at nag-aabang sa huling hugot nya ng hininga. Nakamulagat ang mata nito habang nakatitig lamang sa kisame sapo-sapo pa rin ang dibdib niyang binubukalan ng masaganang dugo. Maya-maya pa’y umubo ito ng isang kimpal na likidong pula, bagay na nagpa atras sa mga nakatunghay upang maiwasang matalsikan sila.

“Vasquez, come over here!”
 “kilala mo ba ang hindot na ito?”

“hindi po sir, wala sa wanted list natin yan—neophite.”

            Lubhang napakabagal ng oras sa isang naghihingalo, humahagok ang ungol niya na para bang isang hikain na nagmumumog ng malapot na likido at pinipilit magsalita. Ilang sandali pa ay napamulagat na ng husto ang mga mata nito unti- unting lumiliit ang itim ng mga mata, namumuti ito, umiinog ng nakakahilo ang paligid, ikot ng ikot. nagsasalimbayan ang iba’t ibang imahe sa utak at ugomg lang ang tunog na naririnig…


                                                                             ***

“bakit po hindi pwede ang PhilHealth ko?”
“yan po kasi ang regulasyon natin dito, if you fail to make contribution in at least three consecutive months disabled na ang service ng PhilHeath nyo, kasi po kailangan din namang magtuloy-tuloy ang contribution para sa ibang nais makinabang ng serbisyo.”

“eh, walong taon na po akong nagko-contribute dyan, natigil lang po kasi nawalan ako ng trabaho—natanggal po ako.”

“wala tayong magagawa, yan ang regulasyon e, batas po yan at di po ako ang gumagawa ng batas nagpapatupad lang po ako, at sana, sumunod po tayo.”

“ano bang batas ang nilabag ko? Nagbabayad ako ng dapat kong bayaran, bago ko pa man mahawakan ang kakarampot kong sweldo bawas na ito ng mga contributions na di ko naman pala pakikinabangan!”

“tumabi na po kayo, mister at mahaba pa ang pila, Next!”

            Walang saysay makipagtalo kung alam mo rin namang wala itong patutunguhan. Gahol sa oras, gahol sa pagkakataon, gahol sa pera. Pera ang kailangan ngayon ni Jay para sa anak na naospital. Taas-baba ang lagnat nito dahil sa kagat ng lamok na may dengue. Kailangang malapatan agad ng lunas bago pa man magdugo ang mga gilagid nito gaya ng ibang kaso ng dengue sa kanilang lugar.
            Masansang ang amoy ng paligid ng ospital, amoy gamot at amoy bangkay. Mistulang entresuwelo ng mga pulubi at palaboy ang pasilyo nito sa dami ng mga taga probinsiyang kamag-anak ng pasyente ang nakahambalang sa bawat sulok. Walang matutuluyang iba ang mga ito sa pagnanais na bantayan ang kaanak nilang naka confine, kaya’t minabuti na lamang nilang maglatag ng karton o kung ano pa mang mahihigaan sa kung saang sulok na di naman dinadaanan para lamang mabantayan ang pasyente. Ngunit ang katotohanan ay wala silang matutuluyan galing probinsya.
            Sa mga pampublikong ospital gaya ng PGH makikita ang tunay na salamin ng kahirapan. Kung gusto mong malaman ang tunay na kalagayan ng lipunan, dito ka pumunta. Ang mga pasyente dito isasangla ang kaluluwa para lamang sa kaukulang atensyon ng doktor, ipagpuputa ang natitirang puri  kapalit ng Amoxycillin, ibebenta ang katawan para sa simpleng operasyon. Dito makikita ang milya-milyang agwat ng mahirap at mayaman. Dito, ang doktor ang diyos at sa bawat niyang pagkumpas at pagtaas ng kilay umaasa ng himala ang mga alipin niya. Dito mo rin masusubok ang kawalng katarungan at kawalang-silbi ng gobyerno.
           
“Melba! Melba! Ang anak mo inaapoy ng lagnat!

Inaapoy ng matinding lagnat ng kamalasan ang buhay ni jay at ng pamilya niya. Nagmula sila sa angkan ng mga magsasaka sa Masbate. Napilitang lumikas sa Maynila upang iwasan ang tumitinding sagupaan ng mga militar at rebelde doon. Pero kahit may giyera pa man ay handa naman sana silang magtiis sa kanilang bayang kinalakihan, dangan nga lamang kung di inagaw ng Mr. Chuatico, ang negosyanteng meyor ang bukid na sinasaka ng kanyang ama.

            “diyos ko po! Anong nangyari?”

Anuman ang mangyari ngayon ay nakahanda siyang harapin ito, mailigtas lang ang buhay ng kanyang bunso. Si Ryan, labing isang taong gulang.

            “, bilisan mo itakbo agad natin sa ospital! Aba’y inaapoy na ng lagnat ito!”

            Nilakad ni Jay ng wala sa loob ang kulang sa ilaw na pasilyo ng ospital pagkagaling sa cashier’s office. Napakalaking ospital nito, lahat nagmamadali, lahat kumikilos. Tanging siya lamang ang nag-iisang naglalakad ng mabagal at wala sa sarili. Bumubuntong-hininga at nag-iisip ng malalim. Ilang araw na ring walang tulog si Jay, halinhinan man sila ni Melba sa pagbabantay sa anak niyang nakaratay ay hindi naman siya napapahinga sa paghahanap ng paraan kung saan kukuha ng pambayad at pagpapagamot.


                                                                          ***

            Naudlot sa pagkakatalungko si Jay sa sulok ng isang pasilyo nagpapalahaw kasi ang isang ina doon at kalong-kalong ang isang sanggol na may nakakabit pang dextrose sa maliit nitong braso. Parang black and white na eksena sa pelikula ang kaganapan, Puti at itim lamang ang nakikita ng mga mata ng mga taong pinapanawan na ng ulirat ng pag-asa sa isang lugar na gaya ng pagamutang ito—isang pinakamalaking balintuna ng panahon.

            “ang anak koooo!”

Nakapangingilabot ang palahaw na umaalingawngaw sa entresuwelong malungkot, sa kanyang masangsang na amoy at malagkit na hangin ng kamatayan. Gumuguhit at gumigising sa diwa ng sino mang makarinig ang palahaw ng isang ina na nawalan ng anak ng walang kalaban-laban. Tapos na ang pakikipaglaban kay kamatayan…
Wala sa loob na tumayo si Jay at mabagal na tinungo ang dulo ng pasilyo. Sa pagkakataong sagad-sagad ang kamalasan niya sa buhay, kahit dapo ng langaw sa balat niya ay mistulang hiwa ng kutsilyong nagdurugo at di maampat, kaya’t ang mga eksenang ganito sa ospital ay lubhang nakapagdaragdag ng hapdi sa nakabukas na sugat ng kanyang pagkatao.
Kapag mahirap ka, natural na mga naghihikahos din ang iyong mga kakilala, e sino nga ba naman ang mayamang makikipag mabutihang-palad sa di niya kauri? Sa pelikula lang yon…kaya’t kahit anong isip ni Jay kung kanino lalapit at mangungutang laging nauuwi sa kawalang pag-asa.

“babale ka? Alam mo ba ang pinagsasabi mo? Tatlong buwan ka nang AWOL tapos magpapakita ka ngayon dito sa agency, babale ka?”

“e..sir kailangan ko lang talaga na-dengue kasi ang anak ko…”

“bakit di ka dun bumale sa unyon nyo? Tutal kayo naman ang magkakasamang reklamador di ba?” ’tang-inang to magrereklamo kayo ng non-remmitance ng SSS at tax tapos ngayon uungot kayo ng bale? tingnan ko lang kung may security agency pang kumuha sa inyo…”

“sir, may tatlong buwang sweldo pa po akong di nakukuha…”

“gago! Sa perwisyong dinulot mo sa paglilider sa mga reklamador na sikyo kulang pa yung natitirang sweldo mo pambayad, tanga!”
“umalis ka nga sa harapan ko at baka tadyakan ko pagmumukha mo!”
“at yung service firearm mo isoli mo na at baka sakaling maawa ako sa iyo pabalehin pa kita…”

Pigil-na pigil ang galit ni Jay. Sa mga pagkakataong ganito na halos sumambulat na ang dibdib niya sa galit, iniisip na lang niya ang anak at asawang naghihintay, na baka kung sakaling makalimot sya ay tuluyan nang magdilim ang paningin nya.   Putang-ina! sana, kinuha na lang nya yung pagkakataon na nakawin yung wallet ni Mr. Ching na nalaglag sa kotse nya nung inutusan sya nitong iparada ito sa parking lot ng opisina. Makapal ang wallet na yun at kinabahan sya nang madampot niya sa ibaba ng tapakan ng preno. Wala namang nakakita e, wala ring nakaaalam. Pero isang tapik sa balikat lang at “ok ka bata!”  na pakunswelong pagbati ang nakuha nya. Bawi na sana nya yung tatlong buwang sweldo nya na hanggang ngayon ay nillimos pa rin nya, at baka sobra-sobra pa. Habang pending at di pa rin nasisimulan ang hearing ng kaso sa National Labor’s Commission na ubod ng kupad umaksyon at tatlong buwan nang laging nare-reset ang initial hearing   ng kasong isinampa nya, eto sya ngayon—lahad ang dalawang palad na namamalimos.



                                                                         ***


            Malaki ang mga kwarto ng Pedia charity ward sa PGH. Malaki hindi dahil sa hangaring maging kumbinyente ito sa pasyenteng naka confine at maging maayos at madali ang kanyang paggaling. Malaki ang mga kwarto para pagkasyahin ang walong pasyente at isiksik sa iisang kwarto lamang. Halos isang dipa lamang ang layo sa isa’t-isa ng mga nakahigang bata na maysakit.   Wala halos ipinag-iba ito sa isang eksena sa squatter’s area kung saan sala-salabat ang mga nakasampay na pinatutuyong damit sa paanan ng kama. Kamang nababakbak na ang pinturang puti at lumalabas na ang kalawanging bakal. Sabitang bakal ng suwerong baluktot na at halatang beterano na sa serbisyo. Nurse na hindi kumikibo kapag tinanong mo at tititigan ka lang. banyo na binabahayan ng ipis at panay tae ng daga. Pahingahang silya na wag ka lang madaiti sa sandalan ay mamamantal ka sa kagat ng surot. Bentilador na pupugak-pugak at gripong may oras lamang ang tulo ng tubig. Subalit sa isang mahirap na maysakit, ayos na ito, di naman pwedeng maging maselan kahit kailan ang mga pulubi e.

            “misis, nagbayad na  po ba kayo para sa pagsalin ng dugo sa anak nyo? Kailangan agad syang masalinan ”

“a, hindi pa po inaantay ko pa po kasi ang mister ko e nasa kanya po ang pera”

“alam po ba nyo na kailangan masalinan agad ng dugo itong pasyente?”

“e, dok walang-wala po talaga kami e…”

“sige, sabihin mo sa mister mo kapag dumating, yung perang dala nya ibayad nya na lang sa punerarya ha.”


                                                                          ***


“kuya, nadeposito ko na sa bank account mo kagabi pa. pasensya na winter kasi dito sa Singapore di agad ako nakalabas kagabi para pumunta sa bangko. Pasensya na rin at konti lang muna maitutulong 3 libo lang yan, sana makatulong kay Ryan at sana gumaling na siya. Magpapadala na lang ulit ako kapag nakahingi ako ng advance sa amo ko sa katapusan. Ingat kayo dyan kuya, kamusta na lang kay ate Melba.”

Nabuhayan ng loob si Jay habang binabasa ang tex ng kapatid. Umuwi siya saglit upang kunin ang service firearm na isusuko na niya sana sa ahensya, sa pag-asang makukuha niya ang nabinbing tatlong buwang sweldo kapalit ng kalawanging .32 na wala namang bala. Matagal ding tinitigan ni Jay ang kalawanging bakal, aanhin naman niya ito? Ni hindi nga ito maisasanla ng kahit limandaan lang. hindi niya isinauli ito sa pag-aakalang magkaka ayusan pa ang ahensya at silang mga sikyo kung sakaling ipapaliwanag lang naman sana ng ahensya ang totoong dahilan kung bakit walang remittance ng SSS at kung bakit ganun kalaki ang tax na kinakaltas sa kanila. 
Dahan-dahan niya itong ibinalot sa isang puting manipis na tuwalya at isinilid sa clutch bag. May ngiting binuklat niya ang wallet na walang pera ngunit naroon ang ATM card niya. Sa wakas kahit paano may pag-asa, kahit paano may tulong. Tatlong libo at ang huling tatlong buwang sweldo. Sasapat na, makakaraos din, salamat sa Diyos…

                                                        
                                                                 ***
  
“miss, kinain kasi yung card ko e, walang lumabas na  pera…”

“sigurado ho kayo?”

“oo, kasi magwiwidraw sana ako…”

“tapos na kasi ang banking hours, mister alas dos y medya na po…kung gusto po ninyo balik po kayo bukas at mag fill-up ng complaint.”

“bukas po?”

“during office hours po bukas, mag file po kayo ng form tapos…”

“miss, kailangan ko ng pera ngayon!” kinain ng makina ninyo ang ATM card ko, nasa ospital ang anak ko at…”

“wag nyo po akong pagtaasan ng boses, di ko naman po kasalanan ang nangyari—ikaw                    diyan itong nagpasok ng card sa ATM hindi ako!”

“sorry, miss pero ang akin lang naman, kailangan ko ng pera ngayon kasi nga emergency…”

“sino ba ang hindi nangangailangan ng pera? kung mainit ang ulo nyo ‘wag nyong ibunton sa akin—hindi ako ang may gawa ng nangyari!”

“Putang-ina mo! Pera ko na nga ang kinukuha ko paiikut-ikutin nyo pa ako! Bubuksan mo ba ang makina o papasabugin ko ang ulo mo?!”


            Takbuhan ang lahat, kagulo, sino nga ba namang mag-aakalang may nakalusot na lalaking may baril sa ganito kahigpit na seguridad ng bangko? Madali kasing mag relax kapag pasara na ang opisina. Ilang sandali pa, kagulo na ang lahat. Isang eksenang kaaliw-aliw sa isang maalinsangang hapon ng lunes. Isang piyestang sinasagpang ng primetime television habang buong-buong sinusubo ng media ang pangyayari. Nagtatawanan ang mga nakakapanood, kasi nga nanginginig pa ang kamay ng lalaking may hawak ng kalawanging baril habang nakadapa sa sahig ang mga sikyong nakaputing uniporme. Habang kanda-ihi sa takot ang manager at teller ng banko na huling-huli sa zoom in camera na nakasingit sa salaming pintuan ng bangko.
            Aliw na aliw ang bayan sa soap opera ng katanghalian. Galit naman ang iba sa pagpapahinto ng katanghaliang programa sa TV para bigyang dan ang flash report. Humahaginit ang balita, sumisingasing ang bunganga ng nag-uulat. Trapik sa maalikabok na hapon, habang naka pamewang si Tsip sapo-sapo ang nakaumbok na baril na bahagyang nakausli sa malaking tyan.
            Masaya na ang bayan ko, may katuwaan na naman. Bukas headline sa pahayagan, mamaya bumabandera sa evening news, bukas ng umaga tumatalsik ang laway ng announcer sa radyo, ilang linggo din itong lalamanin ng mga usapan sa barberya, parlor at blog sa internet. Aliw na aliw ang bayan ko sa balitang ganito, ngunit hindi sa kwentong nawalan ng trabaho ang isang obrero at nagkasakit ang anak niyang bunso.  



 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.