Thursday, August 26, 2010

Gabi ng Aking Paghihiganti



 ni: Rom Factolerin
Matagal ko nang kinikimkim ang galit na ito, sa isang sulok ng aking isipan ay may kung anong kumikibot na pagnanais. Pagngingitngit na unti-unting ngumangatngat sa bawat hibla ng kalamnan ko at naghihintay na maisambulat kagaya ng isang granadang kumakawala sa kamay ng nag-iigting na damdamin.

Nag-iinit ang singaw ng aking mga mata, marahil sa gigil na aking nadarama ng mga oras na iyon, maging ang aking dibdib ay tumatahip sa damdaming aking kinikimkim. Walang ibang laman ang aking isipan kundi ang makapanakit at makapag higanti.

Hindi ko madalas ginagawa na bumangon sa gitna ng nahihimbing na hatinggabi upang isakatuparan ang anumang masidhing balakin, ngunit sa partikular na oras na ito ay may kung anong nagtutulak sa akin na tumayo mula sa kinahihigaan at ipatupad ang matagal nang binabalak.

Dumungaw ako ng bintana, ito ang mga gabing kung saan nagtatago ang buwan sa lambong ng mga ulap na itim, maging ang mga bituin sa kaliitan ng kislap nila ay tila natatakot sumaksi sa kung anumang maitim na pangyayaring maaaring maganap... Lagaslas ng mga dahon sa paligid...

Sa panaka-nakang kahol ng mga aso sa kapit-bahayan ay maingat akong bumaba mula sa aking silid. Lumalangitngit ang sahig na kahoy sa aking pagtahak, tila impit na iyak sa gitna ng kadiliman ng gabi.

Humakbang ako ng dahan-dahan, alam ko ilang minuto mula ngayon, sa labas lamang ng pinto ng aming kusina, sa entresuwelong masikip at madilim na nag-uugnay sa kalye siya karaniwang dumadaan mula sa kanyang gabi-gabing pakikipag-ulayaw sa kadiliman.

Hindi ko inabala ang aking sarili na magbukas ng ilaw, sapat na ang kaunting liwanag ng buwan upang sumaksi sa aking balak. Inapuhap ko sa ilalim lang ng hagdan ang isang bakal na tubo, malamig, matigas...sintigas ng dibdib kong naghuhumiyaw sa galit.

Kalawangin na ang bakal na ito subalit taglay pa din nito ang tigas at katatagan ng isang pipitsuging sandata na maaaring makamatay o makapagdulot ng di masukat na pinsala sa sino mang pag gagamitan ko nito.

Pasilip-silip sa siwang ng pinto ng kusina...nag-aantay...kinakabahan...

Damang-dama ko ang init ng aking hininga sa aking naniningkit na mata, hiningang hinuhugot mula sa dibdib na tumatahip sa kaba. Di ako sanay manakit, subalit sa pagkakataong ito ko naramdaman ang pangangailangang gawin ito. Humigpit at lumuwag ang kamay ko sa pagkakatangan ng tubo, habang sa labas naman ay nagsimula nang umambon.

“Putang-ina! Bakit ngayon pa uulan?”

Alumpihit akong nagpalinga linga sa alalahaning maunsyami ang matagal ko nang binabalak na paghihiganti. Lumapit ako sa pinto, umakto na isasakatuparan ng isang iglap lamang ang balakin habang paulit-ulit kong ineensayo sa isip ko ng pagkakasunod-sunod ng kilos ko: itutulak ang pinto ng bigla, hahakbang ng isa...

“ayun siya!”

naisigaw ko sa isip ko...nagmamadaling maglakad galing sa dilim, marahil nabigla din sa pagpatak ng ulan. Lalong kumakabog ang dibdib ko sa kaba habang tinatanaw ko siya na papalapit sa direksyong aking kinalalagyan. Muling nagsumidhi ang aking ngitngit ng masilayan ko ang kanyang kaanyuan sa kaunting liwanag ng buwan, habang pinakikintab ng mga basa ng ulan ang buhok niyang sing-itim ng kanyang budhi.
Eto na...ilang hakbang na lamang at nasa tapat na siya ng pintuan...

Di ko na lubos na matandaan ang mga sunod-sunod na pangyayari...natagpuan ko na lamang ang sarili ko na taas-babang inihahataw ang kalawanging bakal na kanang kamay ko kasabay ng manaka-nakang pagkulog na lumulunod sa tunog ng nabababasag niyang bungo. Isa..dalawa...tatlo...apat na hataw...nagkalat ang utak at dugo...
Di ko man lang siya narinig na umiyak o nasaktan, o nabingi ba ako sa masidhi kong galit at nagpupuyos na kabuuan?

Sabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, bumuhos din ang aking galit... Hingal...hingal...

Mabilis na inagos ng tubig ulan ang dugo at utak sa konkretong sumisingaw sa init ng maghapong pagkababad sa araw. Amoy alimuom ang paligid habang patuloy na nagtatago ang liwanag ng buwan at unti-unting napapalitan ng tila mapupulang pusikit na liwanag mula sa kalangitan, nagbabadyang magpapatuloy ang pag-ulan sa magdamag.

Dama ko ang lamig ng ulan at ihip ng hangin sa aking balat habang tangan pa rin ang kalawanging bakal na kakampi kong nagsakatuparan ng aking minimithing kabuhungan...napangiti ako, sa isang sulok ng aking pagkatao kakaiba na ang nararamdaman ko.

Hindi maipaliwanag ngunit kakaibang hustisya...ngayo’y wala ng magnanakaw ng mga tirang pagkain sa kusina ng nanay ko...ganito pala magkakalyo ang konsensya...ganito pala ang pumatay ng isang daga.

0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.