Matagal nang gustong solohin ni Don Mariano del Mal ang buong sityo Kawayan. Malaking pera ang halaga ng lupang iyon, kahit pa nasa dulo iyon ng bayan.
“Kapag iyon ang nakuha ko, titiba ako. Maaaring gawing plantasyon ang isang bahagi, pabrika ang isa pa. At ang malalabi, iyong malapit sa talon ay maaari kong gawing puntahan ng turista,” napapangisi siya sa naiisip niya.
Pero maraming hadlang. Ang mga magsasaka. Ang mga mangingisda. Ang mga bangkero. Ayaw nilang ipagbili ang kanilang lupa. Ayaw nilang paniwalaang kaniya—pag-aari ni Don Mariano del Mal—ang buong bayang iyon. Kahit pa may mga papeles.
“Repormang agraryo! Pweh! Bakit pa kasi naisip ang gayong konsepto… kunsabagay, sa akin naman kakatig ang mga korte. Kaibigan ko ang mga huwes. Ang opisyal ng lokal na opisina ng agraryo. Kaibigan ko ang mga militar at ang kapulisan…” sabi niya sa isip.
Parang nangangarap ang don sa pangitain ng maraming salapi dahil sa lupa. Pero bigla siyang napapilig nang masagi sa mukha niya ang mga magsasaka’t mangingisdang umaayaw. Nagpoprotesta. Nag-aalsa!
“Mga putang ina! Akala mong kung sinong may mga aral! Mangmang naman! Punyeta kasing mga kabataang iyan at ilan pang kung sinu-sinong galing sa sentro. Kung anu-ano ang itinuturo sa punyetang mga pesante! Putang inang ‘yan! Mga subersibo! Ito namang mga hijo de putang magbubukid na ito, naniniwala! Mayroon daw silang karapatan sa lupa! Karapatan! Pwe!”
Dahil sa banas ay nainom niyang tuluy-tuloy ang alak na halos kalahati ng kaniyang malaking kopita.
Dinukot niya ang kanyang cellphone. May pinadalhan ng mensahe. Saka siya muling napangisi.
***
Muling narinig ang panangisan sa baryo nang mabalitaang si Maria de la Paz ay nawawala. Ang disiotso anyos na lider ng kabataang nasa baryo ay nawawala.
“Hay! Ayang! Ayanggggggg! Kasi ba naman, sinabi na ng nanay na huwag lakad mag-isa’t huwag nang makitulog kung saan-saan at siya ay tinitiktikan! Ay!!! Ayang ko!!!!!” sabi ni Aling Layang habang yakap ang nakakuwadrong larawan ng anak noong grumadweyt sa vocational school.
Inaalo ni Tandang Tindeng ang kababaryo.
“Hoy! Bigyan n’yo ng tubig! Ano ba kayo’t nakatunganga lamang kayo diyan!”
May humahangos. Pagbungad sa pinto ay agad na isinigaw ang balita.
“Buhay pa, aling Layang si Ayang! Natagpuan na ho namin. Kaya lamang ho ay ayaw kaming papasukin sa kampo doon sa kabilang bayan,” sabi ni Azul, kasama ni Ayang sa organisasyon.
“Ay! Ayang! Salamat naman! Salamat po, Diyos ko!”
***
Sa kampo ng militar sa bayan ng K.
Nakatulala si Ayang. May mga pasa at gurlis ang mga braso. Timpi ang kanyang pag-iyak.
“May dalaw ka! Ang bilis ding makatunog ng mga kasama mo ah? Biruin mo, natunton ka kaagad? May sa aso rin ano?” ngisi ng Corporal Gloria Macadambong.
Napatangis ang kanyang ina nang makita ang anak. Wala ang kanyang ama. Nasa abroad. Kaalis lamang noong nakaraang buwan. Hindi naman sa sawa nang magbukid. Kundi gustong maituloy ang anak ang pagkokolehiyo.
Kaisa-isang anak si Ayang. Matalino. Matanong. Kaya siya napasama sa organisasyong pangbaryo. Matapang din. Palibhasa’y nakapag-aral na rin ng dalawang taong kurso.
“Ano’ng ginawa nila sa iyo, ha?” halik nang halik ang ina.
“Wa… wa… wala po…” pilit ang kanyang ngiti.
“Ano’ng wala? Tingnan mo’t pasa-pasa ka! Mga punyeta sila!” anas ng ina.
“Sshh! Huwag kayong maingay at baka kayo ho ay madamay pa.”
Pumasok ang OIC ng militar, si Major Rodolfo Serpiente.
Parang nagdilim ang paningin ni Aling Layang at nasugod ang opisyal ng sundalo kahit anong pigil ng mga kasamang kabataan.
“Putang ina n’yo! Ano ang kasalanan ng anak ko at ginaganito n’yo?”
Nabigla ang opisyal subalit bigla ring nakabawi.
“Hep! Hep! Hep! Misis! Huwag kayong bayolente. May itinatanong lamang ho kami sa anak n’o kaya siya narito. Inimbitahan ho namin siya,” sabi ni Maj. Serpiente.
“Ano’ng inimbitahan?! Dinukot n’yo ang anak ko! Mga putang ina n’yo!” sabi ni Aling Layang na bakas na bakas ang galit sa mukha.
“Shhh! Misis! Huwag kayong mag-eskandalo rito. Hinihinalang miyembro ho ng grupong komunista ang anak n’yo at kaya ho namin siya dinala rito ay para matuwid ang kaniyang landas. Mabuti nga ho at hindi ho namin ini-in communicado ang anak ninyo. Hayan nga’t nakakausap pa ninyo! Mabuti na lamang at mabait kami,” sabi ni Maj. Serpiente na pigil ang pagtaas ng boses.
“Pinaghihinalaan pa lang pala eh! Bakit n’yo dinukot?! Bakit n’yo dinala rito!? Di kami mangmang sa karapatan namin! Pawalan n’yo siya ngayon din!”
“Hindi pa ho puwede. Pagtapos ho ng interogasyon saka ho siya puwedeng umuwi,” sabi ni Maj. Serpiente. Kinindatan niya ang mga tauhan. Utos na paalisin ang mga “buwisita.”
0 comments:
Post a Comment