Pilit silang inilabas sa kampo. Nagngangalit si Aling Layang.
“May araw din kayo! Mga hayop kayo!”
“Inang, h’wag kayong mag-alala. May nakuha na ho tayong mga abogado,” sabi ni Lito, isa sa mga kasama ni Ayang sa organisasyon.
Napalupasay ang ale. Napaatungal dahil parang may kung anong kutob na masama para sa kanyang anak.
“Bakit kasi tayo ipinanganak na mahina???????!!! Bakit nila tayo ginaganitong mahihirap??”
Tuluyang hinimatay ang ale dahil sa sama ng loob.
***
Nagkakatuwaan ang mga sundalo na nasa loob ng kampo sa nalalabing bote ng Dom Perignon.
“Sa silong ni kaka, hik! May tawong nakadapa! Hik! Khayah phala nakahdapah! Humihimod sa palaka! Hik! Hahaha! Inom pa!” sabi ni Tinyente Potifar.
“Dapat pala, hik! Ser! Nagdala tayo ng bubae dhito! Hik!” sabi ng isang sundalong halos hubad na ang uniporme dahil sa kalasingan.
“Hooh nga noh? Di bale, bukas! Hik! Mayroon pa naman tayong gin diyan para buhkash eh! Hik!”
“Sha shilong ni kaka! Hik! Dahpat pala, dito natin dinala yhong tishay na anak nung isang tagabaryo! Hik! Para may mapagtripan tayo! Hik! Khaya lang eh! Hik! Malalaman nilang tahyo ang may pakana ng lahat! Hik!” sabi ni Potifar.
“Inom pa! kampay! Para sa mga shundalong magagaleng! Hik!” tawanan pa sila.
***
Kabooooooooooooooooom!!! Bratatatatatat!
Nagulantang sila. Nawala ang kalasingan at hindi magkandaugaga sa paghanap ng kanilang mga baril.
“Putang ina! Mga NPA!” labas sa kampo sina Faraon. Nakita nilang tumitimbuwang ang kanilang mga kasama.
Halos nangalahati na ang dami nila dahil sa sopresang paglusob ng NPA.
Tuluy-tuloy ang putok at ang labanan. May natamaan sa kabilang panig—sa panig ng pulahan at agad na nailayo ng mga kasama nito mula sa bisinidad.
Halos malalos na ang mga sundalo.
“Retreat, men! Retreat!” sabi ni Potifar na hindi na magawang makatawag ng reinforcement dahil papalusob na ang mga NPA.
Halos magkapatid-patid sila sa pag-atras sa kagubatan. Subalit sinundan sila ng mga komunista. Ratrat, ratrat.
Napabulagta si Faraon. Sumuka ng dugo. At bago tuluyang tinakasan ng hininga—ay parang nananaginip na nagwika—“Ano’ng nagawa ko? Ano nga ba?”
***
Balitang-balita, hindi lamang sa baryo kundi sa buong bayan ang paglusob ng mga pulahan sa kampo militar.
May balitang nagpapatuloy ang pagtugis ng mga militar sa mga NPA. Hinahalughog na nila ang mga kalapit baryo at mga gubat sa palibot ng bayan.
May balita ring para raw tinakasan ng kulay ang mukha ni Don Mariano nang mabalitaang patay na ang bataan niyang si Tinyente Potifar.
Hindi pa rin nakalalabas si Ayang subalit may bulung-bulungan na baka palayain na rin daw sa makalawa dahil sa takot ng mga sundalo na mahantad sa internasyunal na midya dahil sila ang itinuturong pumatay din sa lider-magsasaka na si Berting Madlangsakay.
Anasan ang mga nasa baryo. Abala sa kuwentuhan ang mga ina. Mayroong ilang lihim na napapangiti.
Bigla sa ‘di kalayua’y may natanaw silang matipunong binata. Naka-mahabang kamiseta, kupasing maong at may sukbit na lumang backpack. Nakasambalilong balanggot kaya medyo natabingan ang mukha.
Napasigaw sa tuwa si Tandang Tindeng.
“Ay si Carlitos ko! Ay! Sa wakas at nadalaw din ang inay!”
Tumakbong sumalubong si Tandang Tindeng. Niyakap nang mahigpit ang anak na gumanti rin ng yakap.
Nagpaalam na muna ang mga naghuhuntahang matanda at mga nanay sa tapat ng tindahan ni Tandang Tindeng.
Ang mga bata, pumalibot sa kanilang dalawa.
“Ay, kuya Caloy! Pengeng pasalubong!” sabi ng mga paslit.
“Sandali lang! hahaha! Heto o, gandang yoyo ano? Saka ito pa, para sa iyo! Masarap yan kasi mahihinog pa lamang yang manggang yan! O ito naman ang sa iyo, bagong kuwintas na yari sa buto ng kalabaw,” sabi ni Caloy. Nagtakbuhan nang paalis ang mga batang pumalibot sa kanila kanina.
“Tayo na! Bakit di ka man lamang nagpasabing uuwi ka? Naku! Wala tuloy akong handa!”
“Si Inay naman, oo! Kahit ano naman ang pagkain diyan eh kakainin ko! He-he-he! Siyempre, ikaw ang may luto. Kumusta naman kayo?” sabi ni Caloy nang makapasok sa kanilang bahay at naibaba na ang backpack.
“Ayos naman. Si Pedring, uuwi rin ba?” sabi ng matandang nakangiti at naupo sa harap ng anak. Hinaplus-haplos ang mukha nito.
“Hindi pa eh. May pagsasanay pa sila,” sabi ni Caloy sabay pahid sa luha ng ina. “Kayo naman, iyak pa nang iyak. Nandirini na nga ako!”
“Natutuwa laang ako’t nadalaw ka...” sabi ng matanda.
“Dito na raw muna ako, sabi sa itaas,” sabi ni Caloy. “Mayroong dapat na gawin. Pero tutuloy ako ng Manila sa susunod na linggo.”
“Talaga? Hay salamat! Uy, magtapat ka nga anak? Sino ang lumusob sa kampo kagabi? Magaling daw ang bumanat eh…” nangingiting sabi ni Tandang Tindeng.
Napangiti si Caloy. May halong pagkapahiya. Niyakap niya ang ina. Gumanting yakap naman ang matanda. At hinalikan sa noo ang kanyang anak… (30)
0 comments:
Post a Comment