Friday, July 16, 2010

Find Your Way To Me



isang Nobela mula kay Melanie Quilla



Chapter 1



“Teka lang, Ate Zhei. Hindi ka naman masyadong excited ano,” hirit ni Sandra nang kaladkarin siya ni Zhei papasok sa Senang Hati Music Lounge. Hindi niya akalaing sabik din pala sa night gimik ang cousin in law niyang ito.
            “Tonight is the night! Makikilala mo na ang music director ng play mo,” tugon ni Zhei.
            “At isa pa, hindi kami pwedeng gabihin ni Partner at baka hinahanap na kami ng babies namin,” dagdag pa ni Herald.
            Lihim na napangiti si Sandra. Masaya siyang makitang masayang-masaya na ang kanyang Kuya Herald sa panibagong buhay nito bilang isang loving husband and father of twin. Matapos nga ang dalawang taong relasyon noon ay nagpakasal na rin ang pinsan niyang ito sa co-writer nitong si Zhei. Ngayon, isang happy family for five years na sila kapiling ang tatlong taong gulang na paternal twins.
            “Eh, pwede namang papuntahin na lang siya sa office ah. Kayo lang itong humihirit na panoorin sila dito sa lounge tapos nagmamadali naman kayo,” katwiran niya nang makapasok na sila sa music lounge at nakahanap na ng magandang pwesto malapit sa stage.
            “We can’t afford to waste time, dear Sandra,” salo ni Herald. “Nakakalimutan mo atang may deadline ng binigay sa’yo ang board para mai-present ni’yo na ang play sa kanila. This is your first project sa Pontez since you went back from States. Magpakitang-gilas ka naman sa Board of Directors kung may balak ka talagang magtagal sa company. Kami na nga ni Zhei ang humanap ng musical director mo.”
            Hindi naman niya masisi ang Kuya Herald niya. Nasa kamay kasi niya ngayon ang kinabukasan ng mga stage crew, actors and actresses, at staff ng theater department ng kompanya. Pinag-iisipan na kasi ng board na tanggalin na ang department since kumikita na ng malaki sa film industry ang kompanya at halos patay na rin ang industriya ng theatro. Kung papalpak siya, maraming mawawalan ng trabaho.
            “Okay, fine!” walang ganang-tugon niya. Inaliw na lang niya ang sarili habang nagpapalinga-linga sa kabuuan ng music lounge.
            “Teka nga, bakit parang wala ka ata sa mood ngayon, Sandra? Kapag napanood mo siyang magperform, surely magbabago ang mood mo,” tinapik pa ni Zhei ang balikat niya.
“I don’t think so. Alam kong ‘pag ikaw ang nag-recommend siguradong okay pero di ko ma-gets kung bakit kailangang kumuha ng musical director na isang rakista? Eh pwede namang iyong hindi maingay, hindi rugged at hindi sigaw ng sigaw.”
Nabanggit na noon ni Zhei na ang magiging musical director ay dati nitong kabanda na madalas na mag-gig sa music lounge na iyon. Wala naman problema do’n dahil alam niyang hindi nagkakamali ito sa pagpili ng mga talents kaya lang, galit talaga siya sa rakista. Hindi niya feel ang rock-rock-an at lalo na ang rugged look ng mga rakista. At ang makasama ang isang certified rakista sa loob ng matagal na panahon, ikamamatay niya iyon.
            Sa gulat niya ay napatawa na lang mag-asawa.
            “May nakakatawa ba sa sinabi ko?” naiinis na tugon niya. Inismiran niya ang dalawa.
            “Kung ang musical play mo ay tulad rin lang ng classical or spring musical, siguradong tutulugan ka ng high school audience mo. We need to jive with the juveniles, Sandra. Ang trip ng kabataan ngayon ay tunog maingay. As in rakenrol men!” patawang sambit  ni Zhei.
            Lalo siyang napaismid. May punto ang cousin in law niya.
            “Don’t worry. Rock and alternative music will not ruin the story of the play. Kaya nga kailangan natin siya. He will be the one who will turn slow music into mellow rock o kaya naman RNB style,” segunda pa ni Herald.
            “Yeah! Rock on!” hirit pa ni Zhei. Tumayo ito. “Maiwan ko muna kayo at pupuntahan ko lang sila sa back stage.” Bumaling ito sa kanya. “Sandra, their playing their own touch of music tonight. Pupusta ako, mamaya okay na sa iyo ang rock. Pati ata Emo rock, gagawin nila.”
            “Emo?!” bulalas niya. Hindi ata niya kayang magtagal sa lounge dahil baka mabaliw na siya. “Ewan ko sa bato na iyan!” sambit niya.
            Tumawa ito at saka sila iniwang magpinsan.

            NAGHAHANDA na ang Infinity Band sa back stage. Emo look kung titingnan but the band is far from being an EMO band. The band has its own sound rarely different from other rock bands. They’re more on alternative rock na siya namang patok na patok sa customers ng lounge.
            This night is a different night. Dahil fifth anniversary ng Senang Hati Music Lounge, pinakiusapan sila ng manager na magperform ng mga sarili nilang version ng kilalang kanta. At bilang instant composer at arranger ng group, si Ross ang pinakakabado sa gabing iyon. Siya rin kasi ang kakanta ng mga areglo nila. Mula kasi nang tumigil si Zhei sa pagsama sa grupo ay wala na silang naging permanent na bokalista. Kaya ang nangyari, parang siya na ang magiging bokalista ng group habang unti-unti itong naco-convert sa mellow rock band. Buti na nga lang at napilit din nila si Penpen na maging kahalili niya. Dati, nakadepende sa request ng audience ang tinutugtog nila na kadalasan ay love songs. Ngayon, nag-iiba na. Hinahanapan na sila ng ibang timpla ng audience kaya pati sila ay natuto na ring mag-experiment.
"Ross, ano handa ka na ba?” nakangising tanong ni Boaz, ang drummer ng banda.
Tinapunan niya ito ng tingin. Ready na ito, hawak nito ang drumstick na ini-strum nito sa mesa niya. Tulad niya ay nakaitim na t-shirt ito at ragged pants. Malayung-malayo sa Boaz na suklay at gunting ang hawak tuwing umaga. Isa kasi itong fashion stylist.
"Kinakabahan ako pare, baka di nila magustuhan ang areglo ko tapos gusto pa ni Zhei ako ang kumanta. Baka pwede nating pilitin kumanta si Zhei ngayon,” nininerbyos na sagot niya. Ramdam niya ang kaba. Hindi siya sanay kumanta sa crowd. Okay na siya sa pagtugtog ng lead guitar sa harap ng maraming tao. Pero ang kumanta sa harap ng napakaraming tao, baka bigla na lang siyang himatayin bago pa man siya makakanta ng isang linya.
"Ano ka ba? Kaya mo iyan! Ikaw pa! Wag kang mag-alala ‘tol, pag sumama pakiramdam mo at himatayin ka mamaya willing akong i-mouth-to-mouth ka. That’s love pare!” biro nito sabay hagalpak ng tawa.
Binato niya ito ng lalagyan ng tissue. “Ikaw talaga puro ka kalokohan e. Ikaw na lang kaya ang kumanta?”
“Hindi pwede, ano. Sintunado kaya ako. Gusto mo bang biglang magsara ang Senang Hati? Mawawalan tayo ng extra income niyan! Ang sabi ngapala ni Zhei, manonood ang mga taga-Pontez. Kailangan mong galingan para hindi na umatras ang offer sa iyo na maging musical director. Malaki kayang magpasweldo ang Pontez, sayang iyon!”
“Oo nga. Andon na ang stage director ng Pontez sa labas kasama ang asawa ko.”
Mula sa kung saan ay sumulpot si Zhei.
“Woi, Mrs. Pontez! Musta ka na ha?” bati niya rito.
“Buhay pa naman sa ngalan ng buwan.”
Tumawa sila sa hirit nito. Halos walong taon na silang magkakasama sa banda at kung saan-saan na rin sila nakapag-perform. At dito sa Senang Hati sila napirmi sa loob ng limang taon. Si Zhei ang dating front liner nila bilang makulit na bokalista ng banda. Ngunit nang mag-asawa at magkaanak ito, tuluyan na itong nagpaalam sa grupo. Oras na daw para ang pamilya naman nito ang asikasuhin  nito.
“Galingan mo Ross ha. Galit sa rakista iyong pinsan ni Herald e. Pero ‘wag kang mag-alala. Pipirma ka na ng contract sa Lunes. Dinala lang namin si Sandra dito para marinig niya ang music mo.”
Sandra? Natigilan si Ross. Ngayon lang nag-sink in sa utak niya ang isang bagay. Isang Pontez ang pinsan ni Herald. Sandra Pontez o Kahsandra Limien Pontez? Isang pangalan na nagpawala sa huwisyo niya. Isang taong naging bahagi ng nakaraan niya na ayaw na sana niyang harapin o balikan man lang. Wala sa oras na napasandal siya sa pinakamalapit na sofa nang maramdamang kinakapos na siya sa paghinga.
“Ross, okay ka lang ba?” natatarantang untag ni Zhei.
Inalalayan din siya ni Boaz na makaupo. “Oy pare, wala namang ganyanan.”
Biglang pasok naman ni Doc Penpen, ang violinist cum vocalist ng grupo. Kasama nito si Marie. “O Ross, nakakita ka lang ng doctor namumutla ka na. May phobia ka na ata sa tulad ko e.”
Hindi siya nakasagot, parang nahihilo na ata siya. Nasapo niya ang kaliwang dibdib. Nahihirapan na siyang huminga.
Nilapitan ni Penpen si Ross. Inispeksyon siya nito. Hinagilap nito ang bottled water na hawak ng kararating palang na si Jhamo, ang keyboardist ng grupo. “Hay naku, can you perform? Uminom ka ng tubig and relax.” Hinagilap din ni Penpen ang mga kamay niya at marahang minasahe para maging maayos ang daloy ng dugo sa katawan niya. Kapagdaka’y may kung anong kinuha ito sa dalang bag at maya-maya’y may pinalanghap sa kanya galing sa bulak. Inalis nito ang kanyang nakakuyom sa kanyang dibdib at ito na mismo ang marahang nag-massage noon. Unti-unti, gumagaan ang pakiramdam niya.  
“Anong nangyari ‘tol?” tanong naman ni Jhamo. “Ay naku, hindi manyapat magaling ka na, hindi na bawal sa’yo ang mapagod at ma-stress. Hindi pa rin pwede sa’yo ang dalawang iyon. Hindi mo dapat binibigla ang bagong puso mo.”
“Kaya mo ba?” sambit ni Marie, ang bassist ng grupo.
“Postponed na lang natin kung di kaya ni Ross o kaya si Penpen na lang ang pakantahin natin,” sabi ni Boaz. “Sandali tatawagin ko si Earth.” Ang may-ari ng lounge ang tinutukoy nito.
Pinilit niyang kalimutan ang iniisip. “No. Kaya ko naman. May naalala lang ako bigla. Okay lang ako.”
“Are you sure?” hirit ng lahat.
Napangiti siya. Ang mga ito na talaga ang pinakamaaalalahaning taong nakilala niya. And that idea made him feel better. “Oo, kaya ko kaya tara na! Rock on na!”
 Sakto namang pagpasok ni Earth. “Be ready guys, sasalang na kayo on stage. Teka, namumutala ka Ross.”
“Okay lang ako, pare.”
“Sige, galingan nyo ha!” hirit ni Zhei. Bumaling ito sa kanya. Bakas pa rin sa mata nito ang pag-aalala. Malapit kasi silang magkaibigan at batid niyang maging ito ay nag-aalala pa rin na baka maulit ang nangyari sa kanya noon.  “Are you really okay?” tanong nito.
 “Oo nga.” nakangiting tugon niya.

PALINGA-LINGA si Sandra. Wala siyang makausap kanina dahil panay lang ang tawag ng Kuya Herald niya sa mommy nito na siyang nag-aalaga sa mga anak nito. Halos nasa tenga lang nito palagi ang cellphone kaya hindi na niya inistorbo. Nakuha ng ingay mula sa stage ang atensyon niya. At tila parang huminto ang paligid nang makuha ng isang binata ang atensyon niya. Napamulagat siya. Hindi niya nagugustuhan ang nakikita. Sa dinami-rami ng rakista sa mundo, bakit iyon pang taong ayaw na niyang makita sa tanang buhay niya ang namataan niya sa stage? That’s maybe Hansen Ferrer,  pagkumbinsi niya sa sarili kahit alam niyang hindi iyon si Hansen. Ang tinutukoy niya ay ang member ng sikat na bandang Thunderkizz na nagkataong kapatid at kamukhang-kamukha ng taong isinumpa niya. Namataan niya  sa di kalayuan ang Thunderkizz Band. At andon si Hansen na nakikipagtawanan pa sa kabanda.
Bumaling ulit siya sa stage. He can’t be Ross! Ahh! Pwede ba, Sandra kalimutan mo na nga ang hudas na iyon. Panay ang saway niya sa sariling isipin pa ang lalaking iyon pero hindi naman niya magawa. It’s been eight years since they last saw each other. Ibang-iba na ito ngayon. Hindi ito mukhang rakista noong nasa Prague pa sila. Mas mukha nga itong semenarista noon. Pero ngayon, daig pa nito ang certified sira-ulong adik sa mahaba nitong buhok na nakapusod lang ng lastiko, itim na shirt, ragged pants at hikaw sa tenga. Pero sa kabila ng pagiging ragged ng loko, sa mata niya, ito pa rin ang gwapong si Ross, ang taong minahal niya ngunit iniwan lang siyang luhaan.
            “Ay naku Partner, hindi naman tatalon sa bintana ang kambal mo kaya itigil mo na iyang pangungulit kay Mama!” sita ni Zhei kay Herald. Nakabalik na pala ito sa mesa nila nang hindi niya namamalayan.
            “Hindi lang ako sanay na nasa gimikan ako tapos hindi ako ang nagpatulog sa kambal,” depensa ni Herald sabay lapag ng cellphone sa mesa.
            “Masyado mong bine-baby ang dalawang iyon.” Yumakap si Zhei sa baywang ng asawa nito. “Nakakalimutan mo atang may shooting kayo sa Korea sa sunod na buwan. Hahanap-hanapin ka ng mga bata. Kaya dapat kahit papaano hayaan natin silang hindi tayo katabi minsan.”
            “For years nagawa kong hindi kayo iwanan, Zhei. Hanggang ngayon, nagdadalawang-isip pa ako kung sasama ako sa Korea although hindi naman ako pwedeng hindi sumama.” Herald lovingly kissed Zhei’s forehead.  “Isasama ko na lang  kayo sa Korea.”
Lalo lang tuloy na-out-of-place si Sandra. Habang naglalambingan ang kasama niyang mag-asawa, itinuon na lang niya sa stage ang atensyon.
Umakyat ng stage ang may-ari ng lounge. Hinagip nito ang microphone at ngumiti ng todo sa audience na ikinatili naman ng mga kababaihan sa crowd. “Good evening, ladies, gentlemen, and those still thinking about their genders.” Ikinatawa ng audience ang biro nito. “Tonight, we are celebrating the fifth year of Senang Hati. Hindi po kami tatagal ng ganito sa kabila ng napakaraming kakompetensya kung hindi dahil sa inyong lahat. So, nagpapasalamat po kami sa inyong walang sawang pagpunta dito sa lounge namin. Dahil diyan meron kaming gift para sa inyo. Tonight, first time nyong maririnig ang Infinity Band in a different sound.” Binalingan nito ang members ng banda na nasa kani-kanyang pwesto na on stage. “Nasaniban na kasi ng espiritu ang mga ito kaya sana ma-enjoy nyo ang bago nilang tunog. So ‘wag na nating patagalin pa. Party time na. Guys, let’s rakenrol with the Infinity Band!”
            Iniabot na nito ang mic kay Ross, ang bokalista cum lead gitarist ng grupo. Nagpalakpakan ang audience habang nagsa-sound check ang banda. Samantalang si Sandra, hindi maiwasang titigan si Ross. Bakit ganon, miss pa rin kita kahit sinaktan mo na ako noon?  Dapat ay galit na galit na siya ngayon pero mas nangingibabaw sa puso niya ang pangungulila dito. It was so unfair. Siya na nga itong nasaktan, siya pa itong nakaka-miss dito.
            “Magandang gabi po. Kami po ang Infinity Band. Ako po si Ross. Inabandona na po kami ng dati naming bokalista na si Zhei kasi mas mahal na niya ang asawa niya kesa sa amin.” Tumawa ang audience. Napatawa rin ang mag-asawang katabi ni Sandra. “Anyway, pagtiyagaan na lang po natin ang boses ko. Tutal naman po, anniversary namin ngayon. Ito pong first song namin medyo love song pa ito. Hindi namin kayo bibiglain dahil baka mashock kayo ‘pag nag-EMO rock na kami dito. Pero nasa line up natin iyan. Mga isa o dalawang EMO, testing lang. Papakantahin din namin ang aming violinist na si Penpen sa unang pagkakataon. So, are you ready to party?”
Nag-ingay ang crowd. Ang iba ay nag-aalok na ng kasal kay Ross na ngiti lang ang ganti sa audience. Napaismid siya. Kulang na lang ay pasabugan niya ng bomba ang sinumang marinig niyang mag-alok pa ulit ng kasal dito. Wala kayong karapatan kay Ross! Kasal siya sa akin.
Isa iyong pagkakamaling sana pala ay hindi na niya ginawa noon. Napatunayan niyang hindi rin assurance ang kasal para malaman mo kung mahal ka talaga ng taong mahal mo. They got married in Prague eight years ago after two years of relationship. Nineteen years old lang siya noon. Ngunit wala pa silang dalawang buwang nagsasama ay nakipaghiwalay na ito sa kanya at iniwan na lang siya nito ng basta-basta. Hindi na daw siya mahal nito.
Pumailanlang na sa buong lounge ang lead guitar ni Ross at sumunod na ang captivating voice nito habang tinutugtog nila ang Infinity’s version of Far Away by Nickelback. Natangay agad ng musika ang audience. Pero siya, natangay na ng alaala ng nakaraan ang isip niya.
Naguguluhan na siya. Hindi niya alam kung ano ba dapat ang maramdaman. Magagalit ba siya rito? O matutuwa na lang dahil nagbalik na ito sa buhay niya? O lalayo na lang siya para iwasan ito? Nararamdaman niyang lumiliit na ang mundo nilang dalawa.
“This time, this place. Misused, mistakes. Too long, too late. Who was I to make you wait? Just one chance, just one breath. Just in case there’s just one left ‘Cause you know, you know, you know…”
He was still a good singer. Palagi siyang kinakantahan nito noon ng mga love songs. At iyon din ang dahilan kung bakit hindi na siya mahilig sa music ngayon. Dahil kapag nakakarinig siya ng love song, naaalala lang niya si Ross. Dumating sa puntong pagod na siyang masaktan kaya sinubukan niyang ibaon sa limot ang lahat. Nagawa niya iyon nang magtrabaho siya sa States. Pero ngayong nagbalik na siya sa Pilipinas, ito pala ang maaabutan niya. Nasa harapan niya ngayon ang tinakbuhan niyang anino, nakatitig sa kanya si Ross na pawang siya ang hinaharana nito. At sa lahat ng mararamdaman niya, iyong pang ayaw niya ang naramdaman niya. She felt her heart beat faster as he kept on gazing at her na para bang siya lang ang audience sa lounge. Sa sobrang lapit niya sa stage, nababasa niya ang halu-halong emosyon sa mga mata ni Ross. Humihingi ng tawad, kabado, masaya, malungkot, in love. Lahat ng iyon nararamdaman niya sa mga titig nito.  And there she goes again. Parang gusto niyang umakyat sa stage at yakapin ito. 
Piniling niya ang ulo sa iniisip. Umiwas ng tingin si Sandra bago pa siya tuluyang ma-in love ulit kay Ross. Galit ka sa kanya, Sandra so dapat, galit ka talaga. Ibayong lakas ng loob ang inipon niya para pakalmahin ang sarili.
“Something wrong, Sandra?” untag ni Herald.
“Wala naman, kuya. Nabuburyong lang ako,” pakli niya.
“He’s Ross Daniel Ferrer. Matagal ko na siyang nakasama sa banda and he’s really a music talent, Sandra. You will surely love to work with him,” sambit ni Zhei.
No, I don’t. Napasimangot siya.
“Tell me what’s wrong, Sandra?” giit ni Herald. Palaging ganon ang pinsan niyang ito. Sobrang ang lakas ng pakiramdam nito sa mood niya.
Hinarap niya ang mag-asawa.
“Okay lang naman sa akin na kayo ang kumuha ng Musical Director para sa stage play ko. Kaya lang bakit kailangang siya pa?” Itinuro ni Sandra si Ross na kasalukuyang kumakanta habang titig na titig pa rin sa kanya. Inismiran niya ito.
            “I love you. I have love you all along. And I miss you. ‘Been far away for far too long. I keep dreaming you’ll be with me and you’ll never go. Stop breathing If I don’t see you anymore…” At tila nang-aasar pa ang linya ng kanta ni Ross. Pinaparinggan pa ata siya ng hudyo.
            “At look at him! He’s so ragged. Ang haba ng buhok na parang hindi kilala ang gunting. His faded pants, nilabahan ba niya iyon? Those annoying earrings! Ano ba iyan? Adik-adik? And his music, kanta ba iyan? Meron bang naga-I-love-you na sumisigaw?” dagdag pa ni Sandra. Dinaan na lamang niya sa panlalait ang inis niya.
            “Pero infairness, kanina pa siyang nakatitig sa ‘yo,” tudyo ni Zhei.
            “Manyak kasi siya!” pakli niya.
            “Ross is a good man. I know him well. Ilan taon din kaming magkasama sa banda at talagang nice guy siya kahit ganyan ang hitsura niya.”
            “I doubt.”
            “He’s definitely the most qualified to be your Musical Director, Sandra. And I bet, you will agree once you read his resume,” sabat ni Herald.
            “No need. Alam kong nag-aral siya sa conservatory sa Prague and his talent in music is exceptional. Okay given, magaling siyang musician pero ayoko pa rin sa kanya. Period!”
            “Uuuy! Bakit alam mo iyan? Teka, di ba nag-aral ka rin sa Prague?” Siniko ni Zhei si Sandra. “Mag-ex kayo ano?”
Naiinis na tumayo si Sandra. “Mismo!” padabog na tugon niya sabay walk out. Pero hindi pa siya nakakalayo ay pinigilan na siya ni Herald.
“Saan ka pupunta? Sa CR? Iiyakan mo ang ex mo? Mage-emote-emote ka doon dahil nag-flashback sa utak mo ang past nyo? Gawain lang iyan ng mga bitter. Sandra, are you still in love with that guitar guy?”
Tiim-bagang na binalingan niya ang pinsan. “No! Magsi-CR lang talaga ako. Kung gusto mo, sumama ka pa at panoorin mo pa kung paano ako umihi!” Agad niyang tinalikuran ang pinsan niya at nilayasan ang mga ito.
Narinig pa niyang tumawa si Zhei. “Ikaw Partner, siraulo ka talaga.”
“Masarap i-corner iyang si Sandra, Partner. Madalas kasi, pikon iyan!” tatawa-tawang tugon ng pinsan niya.
Ganon?! Nakuyom niya ang kamay sa inis habang papunta sa CR. Hindi naman niya magawang patulan ang pinsan dahil lalo lang mahahalata na bitter nga siya. Oo na, inaamin ko na. Bitter nga ako! Buwisit na lalaking iyon. Makakaganti rin ako sa kanya!
Nang makabalik siya sa mesa ay pang-aasar agad ang ibinungad sa kanya ng pinsan niya.
“O ano, iaatras na ba natin ang contract kay guitar guy para naman may thrill at habul-habulin ka niya?”
“May title pa iyan ha, ‘Habulin mo ako’,” dagdag pa ni Zhei.
Sarkastikong ngiti ang rumehistro sa kanyang mukha. “Kuya Herald, wala akong balak atrasan ang lalaking floormat na iyan. Hindi na nga ako makapaghintay na magkaharap kami ulit. Time for my sweet revenge!”
Natigilan sa pagtawa ang dalawa. “Gagantihan mo siya? Parang teleserye?” kunot-noong tanong ni Herald.
“Iyong tipong may pamatay na linyang, ‘pagbabayaran mo lahat ng ginawa mo sa akin!’?” segunda ni Zhei.
Siya naman ang napatawa. “Alam ni’yo, nakakapraning kayong mag-asawa. Hindi ganon. Iniwan niya ako noon. Ipapakita ko lang sa kanya kung ano ang nawala sa kanya. Nakarecover na ako pero siya, sa tingin ko hindi pa siya nakakapag-move on.” Binalingan niya ang stage. Kumakanta  na ito ng Accidentally In Love pero nananatiling nakatingin sa kanya. “Tingnan nyo nga, hindi na niya maalis ang mata niya sa akin. I bet, luluwa na maya-maya ang mata niyan sa kagandahan ko.”
“Ay ganon?! Bongga ka ha. Duling lang iyang si Ross, sa akin talaga nakatingin iyan,” hirit ni Zhei na ikinatawa nila. “Matagal na iyang nagagandahan sa akin e.”
“Talaga? Meron pa lang nagandahan sa’yo. May diperensya nga siguro sa mata si Ross!” pang-aasar naman ni Herald.
“O di may diperensya rin ang mata mo. Isa ka pa kaya sa nagsabing maganda ako,” pakli ni Zhei na ikinatawa nilang tatlo.
She really loved being with the couple. Parang ‘pag kasama niya sina Zhei at Herald parang gusto na ulit niyang maniwala na possible nga ang true love. Nakakatuwa at unique kasi ang love story ng dalawa.




0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.