Sunday, July 18, 2010

Find Your Way To Me - Chapter 2




 nobela ni Melanie Quilla

Chapter Two

            “Our next song is a little different. I’m going to do growling in this song.”
            Nakuha ulit ni Ross ang atensyon ni Sandra. Ano ‘kamo? Growling? Hindi siya makapaniwala na gagawin iyon ni Ross. Parang naririnig na niya ang sigaw na parang sinasaniban ng demonyo. She hated rock music. At lalong hindi pasado sa pandinig niya ang nauusong  rock ngayon na tunog sumasamba sa demonyo.
            Naghiyawan ang audience waring excited sa pagsanib ng espiritu kay Ross. Napangiwi siya sabay baling kay Zhei.
            “Hindi ko pa rin naririnig si Ross na kumanta ng may growling. Kahit nage-Evanescence songs kami noon, hindi niya ginagawa iyong growling part. Rap lang. Siguro it’s part of reinvention. Marami rin kasing youngsters na haling sa Emo-emo ang naliligaw dito,” paliwanag nito.
             “Sabihin mo nga, ganyan na ba talaga siya nung nagkakilala kayo? As in mukhang floormat na siya?” tanong niya kay Zhei.
            Natawa ito sa tinuran niya. “Rakista look na siya nung magkakilala kami. Bakit anong bang hitsura niya noon?”
            “Mukhang semenarista. Ngayon, mukha na siya durugista!”
            “Talaga?” di makapaniwalang tugon ni Zhei. “So, Hansen Ferrer look pala siya noon. E ok na rin iyan. Kasi hindi ko malalaman kung sino si Hansen at si Ross kung talagang pati haircut at porma ay magkamukha rin sila.”
            Lalong napangiwi si Sandra nang marinig na nga nilang nag-growling si Ross habang si Penpen ang lead vocal sa kantang Into The Darkness.
“I feel helpless waiting. Could this all be the end? It's all coming down all at once. Am I losing you? No Way Out! Until this all crashes down, I'll hold on.  You're going to make this work. Into the darkness...not knowing at all. You're going to make this work.”

            Familiar sa kanya ang kanta. Iyon kasi ang themesong ng isang online PC game na creation ng sister company ng Pontez Media Productions, ang Pontez Visions na leading sa video games creations sa bansa. Ang bassist ng Infinity Band ang creator ng video game na iyon.
            Inaliw na lang niya ang sarili sa iced tea at French fries habang pinipilit na iignora ang masakit na sa tengang rock music. Maya-maya ay hindi na sobrang rock ang naririnig niya. Kaya naman nagulat na lang siya nang may lumitaw na red stemmed rose sa harap niya. Binalingan niya ang nag-aabot sa kanya at sinalubong siya nakangiti ngunit kabadong si Ross.
            “Take it, Sandra. Sorry sa lahat ng nagawa ko sa ‘yo noon.” Hinagilap nito ang kamay niya at isinilid doon ang rosas. “I know a rose can’t compensate everything but I’m considering this as an apology. I’m so sorry, my dear Sandra. Believe me, I’m really sorry,” sinserong sambit nito.
            Natigilan siya. Hindi alam ni Sandra kung paano magre-react dito. Bubuka pa lang ang bibig niya para barahin ito nang bigla na lang itong tumalikod at bumalik sa stage.
            Aba’t hindi man lang ako nakaisang hirit ah!
            “Wow! Mukhang na-possess nga si Ross ha. Kilig naman iyon!” komento ni Zhei pagkatapos ay binalingan siya nito. “Sandra, patawarin mo na si Tatang Ross. Kung nagkasakitan man kayo, meron naman sigurong valid reason.”
            “Tatang?”
            “Iyon kasi ang biro namin sa kanya kasi kung makapagpayo siya at magsalita, pakiramdam mo lolo mo ang kausap mo at hindi katropa lang. Minsan Rosalina din ang tawag namin sa kanya,” natatawang tugon ni Zhei.
            “Well, I think that one was damn sincere, dear Sandra. Pag-isipan mo muna ang sweet revenge mo at baka sa halip na makapag-revenge ka e traidorin ka rin lang ng puso mo,” nagpapayong sabat ni Herald.
            Napaisip si Sandra sa tinuran ng pinsan niya. May punto na naman ang mag-asawa. Paano nga ba kung sa halip na makaganti siya ay main-love lang ulit siya kay Ross? Nakapa niya ang kanyang puso. Mabilis pa ring pumipintig iyon habang nakatitig siya sa stemmed rose na ibinigay nito. Delikado nga ang lagay niya lalo na’t nang bumaling siya sa stage ay nahuli niyang matamang nakatitig pa rin si Ross sa kanya. 

           
            “OY Ross, umimik ka naman diyan. Ano ba, may sanib ka na ba? Come on, bro. You’ll just be working with your ex,” buska ni Hansen habang minamaneho nito ang kotse ni Ross.
            Kagagaling lang nila sa Zeus-Apollo Academy sa Los Baños Laguna kung saan sila nagtuturo. Si Hansen bilang Prep Teacher at siya bilang Music Teacher sa high school. 
            “Iyon nga ang problema, bro. Parang papatayin ko naman ang sarili ko. Alam mo namang mahal ko pa siya at imposible ng mahal pa rin niya ako. Paano ang approach? Iyong tipong iwasan na lang para walang gulo?” Napabuntong-hininga siya. “Hindi madali sa akin ang humarap kay Sandra ano. After all ng nagawa kong kasalanan sa kanya, ang kapal naman ng mukha ko di ba?” Kahapon ay pumunta na siya sa Pontez para pumirma ng kontrata. Ang akala niya ay magkakaharap na sila ni Sandra noon pero si Herald at Zhei din lang ang humarap sa kanya.
            “Eh, bakit mo tinanggap ang offer? Aminin mo na kasi, gusto mo rin naman na makita siya palagi.”
            “Got it right. But I’m not sure if I’m ready. Tinanggap ko na rin iyon dahil sayang ang sweldo. Remember, puro utang na ang pamilya natin dahil sa akin.”
            Makahulugang binalingan siya ng kapatid. “Ako na bahala sa utang natin, Ross. Dapat nga hindi ka pa nagpapakapagod sa trabaho. And please, never scare us that hell again.”
            Napangiti siya. He really had a loving family. At lalo na itong kakambal niya na kahati niya sa buhay. Ang totoo ay nahihiya na siya sa problemang dinala niya sa pamilya pero nananatili ang mga itong nakasuporta sa kanya, umaalalay at umaalaga.
            “Well, ready yourself. We’re here.” Ipinarada na nito ang kotse sa parking lot ng Pontez Building.
            Kinakabahan siya. Paano nga ba ang magiging trabaho niya sa theater department ng Pontez Media kung ang boss niya ang nag-iisang babaeng minamahal niya na hindi na niya pwedeng mahalin?
            Humugot siya ng malalim na buntong-hininga nang pumasok silang magkapatid sa elevator. Sa parehong gusali rin ang rehearsal studio ng bandang sinanasamahan ng kanyang kakambal. Bumaba ito sa third floor kung saan naroon ang Pontez Recording Studio. Naiwan siya sa elevator dahil sa seventeenth floor pa ang destinasyon niya.
            Biglang nag-ring ang phone niya.
            Ngunit bakit sa tuwing ako’y lumalapit ika’y lumalayo? Puso’y laging nasasaktan pag may kasama kang iba. Di  ba nila alam, tayo’y nagsumpaan na ako’y sa ‘yo at ika’y akin lamang…

            Si Hansen ang caller.
            “Ano?” asar na sagot niya.
            “Naisip ko lang bro, bakit hindi mo na lang kaya sabihin sa kanya ang totoo? Baka sakaling mapatawad ka pa niya.”
            “Hindi pwede!”
            He ended the call at lumabas ng elevator. Sakto namang nakita niya si Sandra na may kausap na binatang mukhang teenager na pang-anime ang buhok sa hallway sa tapat ng front door ng theater department. May bitbit na bungkos ng bulaklak si Sandra na marahil ay bigay ng kausap at katawanan nito. 
            Ross, tanggapin mo na. Wala ka ng puwang sa puso niya. May pumalit ng iba, pangaral niya sa sarili. Pero hindi niya maiwasang maapektuhan lalo na nang aksidenteng marinig niya ang usapan ng dalawa.
            “So gorgeous, our date tonight is still on? Siguro naman hindi ka na busy. Remember, you owe me a date.”
The guy was intently gazing at his Sandra. Ngiting-ngiti ito sa babaeng pinakamamahal niya. Nakuyom niya ang kamay sa selos na ngumingitngit sa puso niya.
“Sure, daanan mo ako dito sa office mamayang alas-sais.” Pinisil ni Sandra ang pisngi ng binata. “Ang kyut mo talaga!”
Lalo siyang nagselos sa tugon ni Sandra. At hindi lang iyon, humalik pa sa pisngi ni Sandra ang binata bago ito umalis na siya namang eksaktong paglingon sa kanya ni Sandra. Asar talaga oo!
  “O, Mr. Ferrer, anong tinatayu-tayo mo diyan? Hindi maglalakad palapit sa‘yo ang opisina. Get in,” sambit nito. Nauna na itong pumasok sa opisina at sumunod siya. Napaka-casual nito sa kanya.
Abala sa kanya-kanyang trabaho ang mga tao sa opisina na iyon pero ramdam niyang nakatingin ang mga ito sa kanya habang sumusunod lang siya sa nilalakaran ni Sandra.
“Isang bagay lang, Mr. Ferrer. I’m your boss, you’re my employee. Siguro naman ay alam mo kung saan ka lulugar ano?”
“Yes, Ma’am,” nakangiting tugon niya.
Mapaglaro talaga ang tadhana. Sino ba namang magsasabing darating ang araw na ito? Ang boss niya ay ang kanyang dating asawa at siya ay isang hamak na staff lang nito. Lalo tuloy siyang nailang. Kung hindi lang nito binakuran ang posisyon nila, malamang ay kanina pa niya itong sinabihan ng kung anu-anong papuri. Sandra was damn prettier now compared before.  Parang gusto niya itong yakapin at halikan ng buong pagmamahal tulad ng dati. Napangiti siya sa ilusyon.
“At ipinagbabawal ko ang malisyosong pagngiti mo, Ross. Malas iyan sa negosyo.” Pinandilatan siya nito. “Part-timer ka lang dito pero hindi ibig sabihin noon petiks ka sa trabaho. Ayoko ng tamad na empleyado.” Huminto ito sa paglalakad at itinuro ang isang bakanteng cubicle. “Iyan ang temporary place mo, but since you will be working as musical director, you could also use the music studio over there. Equiped iyon ng music instruments.” Itinuro nito ang isang pinto malapit sa pantry sa may dulo ng opisina. “Kung hindi ka pa satisfied, nasa third floor ang Pontez Recording. You could also use it.  Anymore question?”
“Saan po ang mesa mo, Ma’am?”
Nagtatakang binalingan siya nito. Nginitian lang niya nito. “Iyang katapat mong cubicle ang mesa ko.” Nilingon niya at itinuro nito. Kung wala lang palang harang ay parang face to face lang sila ni Sandra. Tinalikuran na siya nito at hinarap ang staff habang siya ay pasimpleng naglagay ng white rose sa mesa nito.
“Guys, I would like you to meet Mr. Ross Daniel Ferrer. Siya ang bago nating Musical Director. Wag na kayong magtaka sa kagwapuhan niya dahil kakambal siya ni Hansen Ferrer ng Thunderkizz Band. Siya iyong ragged version.”
A compliment from an ex-wife. Nice! tudyo niya sa sarili.
Binalingan siya nito. “Sila ang makakatrabaho mo.” Itinuro nito isa-isa ang mga staff at kung ano ang mga posisyon ng mga ito. “Si Ate Zhei, siya ang head writer natin. Sina Emie at Lan-lan, both from Pontez Publication, sila ang bagong scriptwriters. Sila ang gumawa ng script ng play na tatrabahuhin mo.”
Patangu-tango lang siya habang binabati ng mga bago niyang workmates.
“So kung wala ka ng tanong, magtrabaho ka na. I’ll give you a copy of the previous rehearsal piece para malaman mo kung anong innovation ang gagawin mo. I’ll be expecting some outcome by tomorrow. Understand?”
Mataman lang siyang nakatitig dito habang nagsasalita ito. Makalipas ang walong taon ngayon lang dumating ang pagkakataon na matitigan niya ulit ito. Oh God! I still love you, my sweetness.      
“Ross!”
Nagising ang diwa niya nang pandilatan siya nito. Tumangu-tango na lang siya. Pumunta na siya sa cubicle niya para mag-ayos ng konting gamit. Hindi pa siya napipirmi sa pag-upo sa swivel chair ay may nag-landing na crumpled paper sa mukha niya. Galing iyon sa kabilang cubicle kung saan naroon si Sandra. Binuksan niya ang papel. May message pala doon.
‘Wag na ‘wag kang magkakamaling ipagkalat sa opisina na ito ang tungkol sa ating dalawa. Wala na tayong nakaraan mula noong iwan mo ako. At ‘wag mo na rin akong bigyan ng bulaklak. May supplier na ako at hindi ko na kailangan ng supply ng bulaklak mula sa’yo. Kung may kinalaman pa rin ito sa pag-apologize mo, gusto kong malaman mo na napatawad na kita. Basta ‘wag ka na muling babalik sa akin.  
Kumuha siya ng scratch paper at sinulatan iyon ng reply niya dito. Nilamukot niya ang papel at inihagis sa kabilang cubicle. Bahala na si Lord kung anong kwento ang ibibigay Niya sa kanila. Basta sa ngayon, ie-enjoy muna niya ang presence ni Sandra. Saka na siya mag-iisip ng consequence noon.

BINUKSAN ni Sandra ang drawer para kunin ang video copy ng rehearsal ng play para ibigay iyon kay Ross. Hindi niya alam kung paano siya naka-survive na harapin ito na parang walang kung anumang namagitan sa kanila. Pakiramdam niya ay napakagaling niyang artista at nagawa niyang itago ang tunay niyang nararamdaman. Batid niyang nagselos ito nang halikan siya sa pisngi ni Reijan kanina. Kitang-kita niya iyon sa expressive nitong mga mata. Parang gusto siya nitong kaladkarin palayo pero hindi nito magawa. Nung mga sandaling iyon, parang gusto niyang yakapin ito at sabihing friendly date lang naman ang lakad nila ng best friend niya. Pero hindi, hindi niya pwedeng gawin iyon dahil kahit papaano, may pride pa rin naman siya. Mukhang tama ang theory ng kuya Herald niya at Zhei. In love  pa siguro sa kanya si Ross.
Hindi pa siya nakaka-recover sa ekesenang iyon e eto na naman ang bago. Alam niyang galing kay Ross ang stemmed rose na nasa mesa niya. At tulad ng dati, hindi pa rin ito nabibigong pakiligin siya.
Bumuntong-hininga siya. Go Sandra. Kailangan mo ng maraming energy para sa kalokahang pinaggagawa mo ngayon.
Iaabot na niya sana ang CD kay Ross nang may mag-landing na papel sa mukha niya. Galing iyon sa cubicle ni Ross. Malamang iyon ang reply ng loko sa ibinato niyang papel dito kanina lang.
Masusunod, Ma’am basta nakangiti ka lang palagi tuwing makikita kita. May smiley pang nakadrawing sa papel.
Parang natunaw bigla ang ngitngit niya  kay Ross. Napangiti siya. Sige na nga, wala ng sweet revenge. Magpapahabol na nga lang ako. Kulang na nga lang ay batukan niya ang sarili sa kagagahan niya. Tumayo siya. Iniabot niya ang CD dito.
“Iyan iyong copy nung video ng play. Pag-aralan mo.” May iniabot din siyang isang papel. “Iginawa na kita ng account sa internal chatroom at email ng kompanya. Nakasulat  diyan iyong user name at password, at instructions.”
“Thank you. Expect an outcome tomorrow, Ma’am,” tugon nito.
Tumango lang siya at saka niya binalikan ang trabaho niya. May tinatapos siyang progress report na isa sa paraang naisip nila ni Herald para bigyan ng consideration ng board ang theater department bago muna ito tuluyang i-abolish.
              Nagulat siya nang may nag-buzz in sa computer niya.
            rossferrer: check lang, Ma’am kung gumagana.
            kahsandrapontez: K
            Pati siya ay natawa sa ini-reply niya. Hindi na muling nag-message si Ross kaya itinuon na lang niya ang atensyon sa tinatapos na report.


            “GOOD morning, Section 2A!” puno ng siglang bati ni Ross sa mga estudyante niya.
            “Good morning, Sir!” bati rin ng mga bata.
            Apat na taon na nang magsimula siyang magturo ng Music sa mga high school students. So far, na-enjoy niya ang experience. Nagagamit na niya ang napag-aralan sa Prague, nagagawa pa niyang mag-feeling high school. He missed happy moments during high school dahil lahat na lang ay pinagbabawal sa kanya ng magulang at ng doctor noon.
            “Okay class, now we will be talking about your yearend project.”
            Nag-angalan ang mga estudyante niya as usual. Napangiti na lang siya. Lagi na lang kasi ganoon ang reaksyon ng mga estudyante niya tuwing mababanggit ang salitang “project.”
            “Sir, kakasimula lang po ng school year,” sabi ng isa sa mga ito.
            “Oo nga. Kaya nga pag-uusapan na natin ito ngayon. Ayokong sumabay ang project ko  sa mga ira-rush ninyong projects at the end of school year. I want you to enjoy exploring classical music for longer period of time.”
            “Sir, book review din po ba iyan? O movie review? O review ng album ni Beethoven?”
            Nagtawanan ang mga estudyante.
            “No, I will never ask you to do something like that again dahil alam ko namang kokopyahin nyo lang ang ganyan din project ng mga kapatid ninyo last year.”
            Umugong ang tawanan sa klase.
            “You’ll be doing a TV Manga Series Review. The material would be Nodame Cantabile. I know, pamilyar kayo sa Japanese TV show na iyon.”
Abot-tenga na ang ngiti ng mga estudyante niya waring na-excite gawin ang project. Sabi na nga ba, magugustuhan ng mga bata ang proposed project niya kapalit ng nakakaumay na film review. Buti na lang at pinayagan siya ng principal na gawin iyon.
Masaya siya at mahal niya ang kanyang propesyon. At ang bawat estudyanteng hinahawakan niya ay itinuturing niyang anak kaya ang mga ito ay malaking respeto ang ibinalik sa kanya.
Sa mga sumunod na sandali ay ipinaliwang niya sa klase ang sistema ng project at ang grading system. At hindi rin nagtagal na-dismissed din ang huling klase niya sa araw na iyon. Pang-umaga lang ang slots ng music classes niya at ‘pag hapon ay sa Pontez at Senang Hati siya naglalagi.
Nauna siya sa parking lot kung saan nakaparada ang kotse niya na palaging si Hansen ang nagmamaneho. Tulad niya ay Teacher ito sa umaga ng nursery at kindergarden at sa hapon naman ay abala na ito sa sikat na bandang kinabibilangan nito. Marunong naman siyang magmaneho pero ayaw ng magulang nila na nagmamaneho siya lalo na kung mag-isa lang siya sa byahe kaya lagi na lamang silang magkabuntot ng kakambal niya. Pumunta siya sa waiting shed sa di kalayuan. Umupo siya sa bench at kinuha niya ang kanyang ipod sa bulsa ng dala niyang laptop bag. May kinuha na rin siyang mga papel kung saan nakasulat ang discussion niya para sa presentations niya. Pinasadahan niya muna ng review ang presentation niya sa Pontez.
 Napatingin siya sa mga maliliit na batang naglalaro. Napabuntong-hininga siya. Siguro kung hindi kami nagkahiwalay ni Sandra, malamang ay malaki na rin ang anak namin ngayon. Isa iyon sa mga bagay na pinanghinayangan niya. Gusto rin naman niyang maranasang maging isang ama. Isang bagay na parang ipagkakait na sa kanya ng panahon dahil ang nag-iisa niyang pinangarap na maging ina ng anak niya ay hinding-hindi na niya mababalikan pa.

0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.