Tuesday, July 20, 2010

Find Your Way To Me - Chapter 3


nobela ni Melanie Quilla


Chapter Three

Lunch break. Sama-samang nagtatanghalian sa pantry ng opisina ang ilan sa mga staff ng Theater Department.
 “Ay naku, babad kami ni Ross kagabi sa YM. Ang pagkakulit pala niya. Ang dami kong nalaman tungkol sa kanya,” sambit ni Emie sabay subo ng adobong manok. “Doon pala siya sa Music Lounge ng kapatid ko tumutugtog. Kagabi ko lang nalaman. Small world.”
Pasimpleng napakunot  ang noo ni Sandra.  Mukhang sa opisina ay magkakaroon siya ng karibal. Huh! Mas maganda  pa rin ako at wala siyang laban sa akin, dahil asawa ko si Ross! Hmmp! Tambakan ko kaya ng writing materials itong babaeng ito?
“Naku, makulit talaga iyang si Ross. High school pa lang siya e kilala ko na iyon. Kabarkada kasi siya ng kapatid kong tuod,” segunda ni Lan-lan. Ang tinutukoy nito ay si Yohann Custodio na vocalist ng Asia’s Hottest Band, ang Thunderkizz.
“Malakas din ang trip niya. Ibang level siya,” hirit din ni Zhei. “At super bait.”
“Ay grabe, crush ko na siya. Ang gwapo niya sa pictures sa friendster at facebook,” si Emie. “Pang-model!”
Hindi siya maka-relate lalo na’t content na ng friendster at facebook accounts ni Ross ang pinag-uusapan ng tatlo. Gusto rin sana niyang ungkatin ang mga iyon pero bihadong mako-corner na naman siya ni Zhei at ng kuya Herald niya. Gusto sana niyang malaman kung anong nangyari kay Ross at mukha na itong na-cast away. Baka sakaling sa mga account nito sa internet ay malaman niya iyon. Ay naku Sandra, bakit di mo na lang aminin na nami-miss mo iyong dating look niya? I-request niya kaya ditong bumalik na ito sa dating anyo? Of course, she can’t do that. Siguradong mahahalata nitong interesado pa siya dito gayong ang press release nga niya e balewala na ito sa kanya.
“Oy, Sandra, umimik ka naman diyan. Sige ka, hindi ka matutunawan niyan,” biro ni Zhei.
“Wala naman akong alam sa pinag-uusapan ni’yo. Pakialam ko kung guwapo sa picture ang mukhang floormat na iyon?” buska niya.
“Floormat, Ma’am Sandra? Tinawag mong floormat ang napakagwapong nilalang na si Ross?” todo emote ni Emie. Siguro nga ay napapagtripan na nito si Ross. Ang pagkakaalam niya kasi ay nililigawan ito ng creative manager ng Pontez Vision.
“Oo, kung ayaw mong floormat, pwede ring doormat o kaya naman trash bag. Sorry, but I hate rugged. At ayoko ng sense of music niya, masakit sa tenga.”
“So, ma’am hindi mo siya type?” tanong ni Emie.
Oo, hindi ko siya type para maging sa’yo dahil type ko siyang maging akin! “Libre kang pagnasaan siya, go ahead.”
“Talaga, Ma’am? E ano kaya iyong batuhan ng crumpled papers kahapon?”
“At iyong stemmed rose?” dagdag pa ni Emie.
Natigilan siya sa sinabi ni Lan-lan. May nakapansin pala noon.  “Wala iyon,” pagkakaila niya. Binalingan niya si Zhei. Malisyosang ngiti lang ang ipinukol nito sa kanya.
“Naman, Ma’am? Tsaka sabi ni Ross kagabi, nagagandahan daw siya sa ‘yo,” dagdag ni Emie. “Yihii! Kaso lang daw, ang sungit mo.”
Binalingan niya ito. “Niloloko ni’yo na ako. Don’t tell me, pinagkukwentuhan nyo talaga ako sa YM? Sesantehin ko kaya kayo?”
“Ako naman po ang nagtanong sa kanya kung anong tingin niya sa ‘yo,” sagot ni Emie. “Ay speaking of, andiyan na si Ross!”
On cue pumasok si Ross sa pantry. May bitbit itong paper bag. Siya ang unang tinapunan nito ng tingin. “Good afternoon, Ma’am Sandra.” Ipinatong nito sa mesa ang paper bag. “May dala akong fruit salad para sa’yo…sa inyo.”
Pinigilan niyang mag-react pero deep inside humahagalpak na siya ng tawa. Mukhang kabado pa rin itong kausapin siya. Trip niyang magpayanig ng mundo ngayon kaya pinatulan niya ang dala nito. “Salamat sa effort, Mr. Ferrer pero isinumpa ko  na ang fruit salad lalo na kung galing sa isang floormat. Excuse me!”
Nilayasan niya ang mga tao sa pantry. Hindi muna siya lumayo para marinig ang reaksyon nito.
“Floormat? Ako ba iyon?” tanong ni Ross.
“Oo, ikaw daw iyon sabi ni Ma’am pero okay lang iyon, gwapo ka pa rin sa paningin ko,” tugon ni Emie sabay tawa. “Kahit mukha ka daw floormat.”
“Sa paningin ko rin,” hirit ni Zhei. “Sarap ng salad mo, Ross. The best!”
“Oo ang sarap mo este ng salad mo,” natatawang hirit ni Lan-lan. “Ikaw ang bida Ross sa sunod kong nobela ha. Gusto mo bang maging heroine si Ma’am Sandra?”
Narinig din niyang tumawa si Ross.  “’Wag nga kayong ganyan, baka magselos ang asawa ko.”
Nagulat siya. May asawa na si Ross? Kung gayon ay naipagpalit na pala siya nito. Napasilip tuloy siya sa pantry nang wala sa oras. Gusto niyang malaman kung saan hahantong ang usapan ng mga iyon.
“May asawa ka na? Bakit nasa profile mo in relationship lang ang nakalagay?” tanong ni Lan-lan.
“Well, I’m in between married and single. I secretly got married in Prague but I stupidly broke the relationship for certain profound reason.” Nakita niyang lumungkot ang mukha ng binata pagkatapos ay pilit na ngumiti habang ang tatlo ay maang na  nakikinig sa kwento ni Ross. “So now, I’m single. Di kasi kami nakapag-divorce.”
Natigilan si Sandra. Siya pala ang tinutukoy nitong asawa. Hanggang ngayon pala ay tinuturing pa rin nitong legal ang kasal nila. Wala sa sariling nabaling ang tingin niya sa palasinsingan ni Ross at nakumpirmang suot pa nito ang wedding ring nila. Pareho lang pala sila dahil hanggang ngayon ay suot pa rin niya ang wedding ring na nasa kanya.
“Oh my, chimay! Kasal pala kayo ni S—” natutop ni Zhei ang bibig. Buti na lang napigilan nitong banggitin ang pangalan niya. “Ngayon ko lang nalaman iyan ah.”
“Mahal mo pa?” tanong ni Emie.
Pumasok ulit si Sandra ng pantry. Ayaw niyang marinig ang isasagot ni Ross kaya umeksena na siya para matigilan ang mga tao roon. Hindi pa siya handang bulatlatin ang nakaraan nila. Nagpanggap siyang inuubo.
Kumuha siya ng baso at uminom ng tubig.
“Oo, sobra,” sagot ni Ross. Malamang ay walang nakahalata na narinig niya ang pinag-usapan nila.
Nasamid siya ng tubig kaya naging makatotohanan ang ubo-ubohan niya. Agad siyang dinaluhan ni Ross.
“Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Ross habang marahang hinahagod ang likod niya.
Napatingin tuloy siya rito. At ang titig nito ang nagpatunay ng sinabi nito kanina. Ganon pa rin ang sinasabi ng mga mata nito, mahal pa rin siya ng loko.
Umiwas siya ng tingin. “O-Oo okay lang.” Dali-dali siyang lumabas ng pantry. Nagulat na lang siya sa inabutan niya sa mesa niya. Isang paper bag doon na may nakasipit na papel.
Alam kong hindi mo titikman ang dala ko sa harap nila. Masakit iyon para sa akin hindi dahil alam kong dedeadmahin mo ako kundi dahil hindi mo man lang matitikman ang pinaghirapan ko. Para sa iyo iyan, Sandra este Ma’am  Sandra. Sana wag mo namang tanggihan ito.  
Of course, hindi niya iyon tinanggihan. Agad nga niyang tinikman ang salad at tulad ng dati, masarap pa rin iyon. Napangiti siya nang ibalik niya sa paper bag ang pagkain. Irereserba niya ‘yon para mamayang dinner niya.


ALAS-SYETE na natapos ang meeting  nila tungkol sa stage play. Naipresent na ni Ross ang final changes sa musical ng play at on the spot na inayos nila ang adjustment. Sa sunod na araw ay ibibigay na nila ang changes sa stage play crew at artists.
Isa-isang nag-alisan ang mga staff ng theater department. Hanggang sila na lang ni Ross ang natira. Nag-aayos na rin ito ng gamit. Papalabas na ito nang balingan siya.
“Di ka pa ba uuwi, Ma’am?” tanong nito.
“May tinatapos pa akong report e. Kailangan na ‘to bukas ng umaga. Sige, mauna ka na,” tugon niya habang hindi inaalis ang mata sa computer habang nagta-type.
“Are sure gusto mong mapag-isa dito? Hindi ka ba natatakot, Ma’am?”
“Bakit naman ako matatakot?” kunot-noong tanong niya. Ross, lumayas ka na!  
Sumandal ito sa hamba ng cubicle niya kaya lalo tuloy siyang hindi makapag-concentrate. Baka pag hindi siya nakapagpigil ay mayakap niya ito. Matagal na niya gustong gawin iyon.
“Alam mo ba ang kwento dito sa seventeenth floor? May nagmumulto raw dito na lalaki.”
Natigilan siya. Minsan na ring naikwento ni Zhei na madalas daw itong multuhin sa opisina na iyon. At dahil reliable ang source, naniwala siya. Sinalakay tuloy siya ng takot.
 “Naglalakad sa hallway tapos lalapitan ka at yayakapin,” pagpapatuloy ni Ross.  “At iyong ilaw sa hallway kahit bagong palit laging kumukurap-kurap, nagpapatay-sindi. At may tumatawag daw na lalaki sa telepono, bubulungan ka ng nakakakilabot na tinig.”
Bumuntong-hininga siya at nagpanggap na hindi affected. “So? Wala akong pake sa multo dahil kailangan kong magtrabaho. Kung uuwi ka na, mabuti pa e lumayas ka na nga para matapos ko na ang ginagawa ko.”
“Hindi ka talaga natatakot?” He moved closer to her face. Napamulagat siya. Ang siraulo, nang-aakit pa ata. Ngumiti ito. “Pwede kitang samahan kung natatakot ka. Matatagalan pa rin naman sa rehearsal si Hansen.”
“No! I’m okay. You can leave.”
Umayos ito. “Okay. Sige ma’am, aalis na ako.”
Papalabas na ng office si Ross nang magpatay-sindi ang ilaw sa buong opisina. Sa gulat ay napatili siya at wala sa sariling natawag niya ang pangalan nito.
“Ross!”
“Yes?” malisyosong ngiti ni Ross nang balingan siya.
Saka lang niya na-realize ang ginawa niya. “Ahm.. buksan mo ulit ang computer mo, may ipapagawa ako sa iyo. Mag-overtime ka na rin. Gumawa ka ng ano… ah… adjustment report para sa musical ng play.” May ganon bang report?
“Sure, Ma’am!” Walang tanong na sumunod ito sa kanya.
Maya-maya pa ay nawala na ang maepal na patay-sinding ilaw. Naibigay na rin sa kanya ni Ross ang pinapagawang report. Lumapit ito sa kanya.
“Pwedeng magtanong?” sambit nito. Hinila nito ang swivel chair sa kabilang cubicle at tumabi sa kanya.
“Ano?” balewala kunong sagot niya. Pinilit niyang wag maapektuhan lalo pa’t naaamoy na naman niya ang pabango nito. Siya ang nag-suggest dito na gamitin ang pabangong iyon na hanggang ngayon pala ay siyang ginagamit nito.
“Iyong bang nakita kong kausap mo nung isang araw na teenager na anime iyong buhok, ahmm, boyfriend mo ba iyon?”
Napakunot ang noo niya bago balingan ito. “Sino? Anime ang buhok?” Napaisip siya at napahagalpak ng tawa nang maisip ang tinutukoy nito. “Si Reijan! Hindi teenager iyon ano. Twenty two na iyon, mukha lang teenager.”
“So, boyfriend mo nga?” alanganing tanong pa ulit nito.
Sasabihin ko ba ang totoo? “Secret.” Ibinalik niya ang atensyong ginagawa. Malapit na rin kasi siyang matapos.
“Secret?  Okay lang naman kung magka-boyfriend ka. Inisip ko lang kasi na kung sakaling may plano ka ng magpakasal sa iba, siguro….ahm… Kung kailangan mo iyong divorce ng kasal natin sabihin mo lang.”
Maang na binalingan niya ito. Mariing nakapikit ito na parang takot na takot sa maaaring itutugon niya. Hindi niya tuloy maiwasang mapangiti.
“Hindi ka pala pwedeng nago-overtime, nage-emote ka. Saka na lang Ross, hindi ko pa naman kailangan.”
Gulat na nagmulat ito ng mata. “Wala ka pang planong magpakasal sa boyfriend mo?”
“Hindi ko siya boyfriend. He’s like a little brother to me.”
“Good.”
“Ha?”
“Wala.”
Nanahimik ito sa tugon niya hanggang sa matapos niya ang ginagawang report. Pini-print na niya iyon nang muling magbukas ng usapan itong si Ross.
“Hindi ba ako pwedeng makahirit ng isa sa’yo? Alam ko, you’re my boss, I’m just your employee. Pero pwede namang maging friends ang mag-amo di ba?”
Tinimbang niya sa isip ang pwedeng mangyari kung buksan niyang muli ang sarili para kay Ross. Being friends means taking all the possibilities of falling in love with him again. Risky iyon, takot na rin siyang magmahal. Pero kalahati ng isip niya ay pumapayag maging kaibigan ulit ito.
Binalingan niya ito at tiningnan ito mula ulo hanggang paa. Napangiwi siya. Hindi masyadong particular sa dress code ang mga taga-theater department dahil most of the time ay nasa auditorium sila para sa rehearsal kaya hindi niya magawang sitahin  ang binata sa pagpasok nito sa opisina na naka-rakista outfit.
“Ganyan ka rin ba manamit habang nagtuturo ka?” hindi niya naiwasang itanong.
“Hindi. May school uniform kami pero nagpapalit ako pagkatapos. Nagmumukha akong bading na bodyguard sa uniform namin e.” Minsan na niyang nakita ang kakambal nito na nakauniporme, kulay pink na polo barong iyon.
“Ayusin mo iyang hitsura mo. Pag-iisipan ko kung ibibigay ko iyang friendship na hinihingi mo.”
Makahulugang ngiti ang ipinukol sa kanya ni Ross. “Salamat.”
Bumukas ang pinto at tumambad sa kanila si Reijan.
“Hey gorgeous, can we have our date now?” Binalingan ng magaling niyang best friend si Ross pero wala itong sinabi. Bumaling ulit ito sa kanya. “I’ll wait you at the lobby, gorgeous.” Kumindat pa si Reijan.
Pumalakpak ang puso niya nang balingan niya si Ross. Hindi na maipinta ang mukha nito sa pagkasimangot.
“May problema sa mata iyong manliligaw mo. Kurap ng kurap, patingnan mo sa doctor,” buska ni Ross sabay alis. “Mauna na ako, Ma’am.”

“SO, musta ang trabaho kasama ang iyong ex?” tanong ni Reijan kay Sandra. Niyaya siya nitong magtanghalian. Araw ng Sabado.
Sinimsim muna niya ang iced tea bago sumagot. “Okay lang.”
“Okay lang o pretending na okay lang? Believe me, Sandra. That guy, you’re ex, is still in love with you. Aba, kung hindi ata iyon nakapagpigil e naupakan na niya ako nang halikan kita sa pisngi nung isang araw. At nakita mo ba ang reaction niya kagabi? Parang balak na niya akong ipakulam,” natatawang buska ni Reijan.
Tiningnan niya ito ng masama. “Ikaw lalaki ka, umamin ka nga. Sinadya mo lang na yayain akong mag-dinner noon ano? Pati iyong kiss, sinadya mo rin ano? At pati na yung pakindat-kindat mong iyon.”
He nodded. “Tiningnan ko lang naman kung magre-react iyong ex mo.”
“And how did you know na siya na nga iyon?”
“Lola, nakalimutan mo na ba? I’m the latest hottie of Thunderkizz at kasama ko ang kakambal niya sa banda. Mukhang pinagbiyak na buko ang dalawang iyon, maliban na lang sa fashion statement.”
Oo nga pala. Ito ang bagong all around musician ng banda at store manager ng business ng mga ito. Nagpundar ng tindahan ng music instruments ang Thunderkizz pero naging secret iyon sa press.
“Hindi ka kilala ni Ross.”
“Hindi pa kami nagkakaharap ng pormal kasi hindi pa naman ako naipapakilala sa kanya ng kapatid niya. Pero mabalik tayo sa inyo. Anong plano?”
“Wala.” Ang totoo, hindi na niya alam kung ano bang dapat gawin. Dapat ay umiiwas na siya kay Ross pero ang siste, mukhang palapit pa siya ng palapit.
“Ingat ka diyan, best friend. Baka ma-in love ka ulit at masaktan,” seryosong sambit nito. 
“Kung sakali bang bumalik ako sa kanya ayos lang sa’yo?” tanong niya.
“Kahit anong gawin mo, okay lang. Basta hindi ka masasaktan. At ayoko ng maulit iyong nangyari noon.”
Napangiti siya. “Bahala na ang buwan, Reijan. Ikaw, kamusta si Miss Pulot?” pag-iiba niya ng usapan. Ang tinutukoy niya ay ang babaeng pinagkakainteresan ng kaibigan niyang ito na may-ari ng pinakamalaking factory ng honey sa bansa.
Agad na abot-tengang ngiti ang sumilay kay Reijan. Mukhang in love nga ata ang kaibigan niyang ito.

INFINITY day. Iyan ang tawag ng banda sa araw ng Sabado. Maaga pa lang ay magkakasama na sila para mag-rehearsal, magkwentuhan at kung anu-ano pa at pagsapit ng gabi ay on stage na sila sa Senang Hati.
Sa umagang iyon, sa salon ni Boaz sila tumambay. Nakaupo sa barber’s chair si Ross. Makalipas ang ilang taon, desidido na siyang pagupitan ang mahaba niyang buhok. No more longhaired rakista look.
“Sigurado ka ba dito, Ross?” huling tanong ni Boaz. Ito mismo ang hairstylist nila.
“Oo,” tipid na tugon niya.
“Ano bang pinakain sa’yo ng Sandra mong iyan at para ka talagang maamong tupang sumusunod sa kanya?” tanong ni Jhamo sabay hikab. Kakatapos lang ng graveyard duty nito sa isang pribadong hospital bilang nurse.
“Ano ka ba naman Jhamo? Naturamente, mahal niya kaya si Sandra. At lahat gagawin ni Tatang Ross para mapasaya iyong Sandra niya,” sabat ni Penpen.
“All because of love? Ang cheesy n’yo!” hirit ni Earth.
“Kesa naman sa ‘yo. Taun-taon ka ng nag-oorasyon e hindi naman dumadating iyong sinasabi mong future wife mo,” sabat ni Ross.
“Dumating na kaya pero… secret muna!” tugon ni Earth.
“Ay naku, Earth. Isa ka pang magulo. Pero buti na rin nga at nangyari na ito. Imagine ni’yo guys, for eight years naumay tayo sa kwento tungkol sa never ending love ni Ross sa Sandra na iyon. At least ngayon, madudugtungan na ang kwento nila,” hirit ni Marie.
“Eh pare, may progress nga ba? E di ba sabi niya sa‘yo, ‘wag ka ng babalik sa kanya. May balak ka bang bumalik?” tanong ni Boaz habang abala sa pagputol ng buhok niya.
“Ewan ko nga. Olats na ata ako. Araw-araw may nagpapadala sa kanya ng bulaklak. Nanliligaw ata sa kanya iyong Reijan na kagabi ko lang nalaman na bagong member pala ng Thunderkizz. Ilang gabi na silang sabay umaalis ng office. Wala na akong babalikan. Kaya nga friendship na lang ang hinahabol ko.”
“So, kaya ka nagpagupit ng buhok para sa friendship? Ang weird,” si Marie.
“Mukha daw akong floormat sabi ni Sandra. Maybe she’s missing my gwapo look kaya sabi niya ayusin ko hitsura ko,”  biro niya. “Noon kasi, katulad akong manamit ng kakambal ko. Kaso madalas akong lapitan ng ibang tao, nagpapa-authograph, inaakalang ako si Hansen. Kaya naisip namin kailangang  magkaiba kami ng mukha. Kaya ayan, according kay Sandra ako ang ragged version.”
“Ay ang pag-irog nga naman,” natatawang hirit ni Jhamo.
Binato niya ito ng crumpled tissue. “Ang isang ‘to, ‘kala mo hindi inlababo. E ngawa ka naman ng ngawa nung isang araw dahil sa yobo mong hilaw.” Yobo ang tawag nito sa gilfriend nitong hindi nila maintindihan kung girlfriend nga ba nito o hindi. “O ano na? Wala pa rin tayong napala sa pagpapadala natin ng bulaklak kay Vanessa mo?”
“Haay...” Bigla na lang nag-walkout si Jhamo.
“Naku, iiyak na naman iyon,” si Marie.
“Kailangan niya iyon, Marie. Hindi pwede ganyan siya palagi. Pretending na okay kahit alam naman natin na hindi. Simple lang ang buhay. Kung masaya ka, tumawa ka. Kung magaan ang pakiramdam mo, ngumiti ka. Kung mainit ang ulo mo, sumimangot ka, mang-away ka pa kung gusto mo. Kung nasasaktan ka, umiyak ka.”
“Amen,” korong sambit ng mga ito.
“Hindi ako nagbibiro,” angil niya.
“Ilang beses ka na bang umiyak?”
Napaisip siya sa tanong ni Boaz. Ilang beses na nga ba, mula ng mahalin niya si Sandra? “Ewan. Iyon lang naman ang magagawa ko maliban sa blogging.” Isinusulat niya sa internet ang lahat ng feelings niya. Iyon ang sandalan niya mula ng subukin ng panahon ang buhay niya. Pinilit niyang ngumiti kahit na parang gusto na rin niyang sumunod sa labas kay Jhamo at umiyak.
“Hanggang kelan n’yo paparusahan ang sarili nyo sa lab lab na iyan? Kung hindi kayo mahal ng taong mahal ni’yo, then let go,” si Marie.
“Madaling sabihin, mahirap gawin.” Ang bumalik na si Jhamo ang sumagot.
“Tama ka do’n pare,” sang-ayon ni Ross.
 “Hay naku, tama na nga. Senti kayo ng senti,” sita ni Penpen. “Mag-rehearse na tayo, mas magaling pa.” 
“Yup. Okay na itong buhok mo, Ross.”
“Pakiipon ‘tol ng buhok ko, akin na lang.”
“Aanihin mo iyan?” tanong ni Boaz.
“Remembrance!” Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Clean cut na ngayon ang drama niya. Sana magustuhan ni Sandra ang new look ko.



0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.