ni: Fil I. Pinas
Marahan ang bawat kilos ng mga aninong nagkukubli sa talahiban. Parang mga pusang magsikilos. Halos walang kaluskos.
Hagyang hinawi ng isang de-baril ang damong nagkukurtina sa kanila. Iniligid ang mga mata, nagsusuri, naninimbang. Saka muling isinara ang natural na tabing. Nilingunan ang mga kasamang anino. Nag-uusap ang mga mata, nagtanguan ang lahat. Handa na sila.
***
Parang manok na nabulabog ang mga tao sa Sityo Kawayan, bayan ng A sa lalawigan ng B.
Ang yabag ng mga paparating at ang harurot ng mga sasakyan, tila baga isang pangitaing kinatatakutan.
Anasan ang mga nasa pondahan. Tinginan ang kababaihang kanina ay naghuhuntahan. Parang sisidlang nalagyan ng tapon ang mga bibig.
“Magandang araw ho,” bungad ng isang naka-fatigue. “Nagroronda lamang po. Mayroon po ba kayong napapansing kakaiba sa paligid,” anitong nakangisi.
“W-w-wala naman, ho. Eh, ano ba’ng atin?” tanong ng matandang may-ari ng pondahan. Sa di kalayuan, naringgan ang siyapan ng manok at ang pagaspas ng pakpak ng mga tandang.
Sa loob-loob lamang ni Tandang Tindeng, “Ang mga putang ina! Wala na ngang malamon ang mga taga-baryo’y magnanakaw pa. Parehong-pareho talaga sila ng amo nila. Mga mandarambong! Mga magnanakaw! Mga hijo at hija de puta!”
Parang nagbalik sa sarili si Tandang Tindeng nang biglang pitikan ng daliri ang kanang tainga.
“Ay ang kabrong buhong, ayon na naman at nandarambong! Ahay! Nakakagulat ka naman, tinyente eh!” sabi ng matanda.
“Mangyari ho ay natulala kayo. Akala ko ay namamaligno na kayo,” sabi ng naka-fatigue, sabay halakhak.
“Hayaan n’yo na ho iyong naririnig ninyong siyapan ng mga manok. Nanghihingi lamang ng maipang-uulam ang ilang katropa’t medyo kinakapos na ang suplay. Kung iyon ho ang ikinakatulala ninyo, hindi naman ho kayang ubusin ng tropa ko ang buong manukan ng baryo,” natatawang sabi ni Tinyente Potifar.
“Kung aaraw-arawin ninyo ang pagnanakaw ng mga hayop at bigas dito, tiyak na mauubos ‘yan,” bulong ni Tandang Tindeng sa sarili.
“Me sinasabi ho kayo, Inang?” antala ni Potifar sa matandang napatingin naman sa mga sundalong nagkakatuwaang sumakay sa dalawang owner-type bitbit ang kanilang “suplay” na ibinigay ng mga taga-baryo.
“Ay, wala, naiisip ko lamang ang aking anak na napa-Maynila. Hindi pa ho nadadalaw, eh,” sabi niya.
“E bakit naman ho hindi nadadalaw?” nakaupo na si Potifar sa isang bangkitong nasa harap ng tindahan at abala ang kamay sa pag-angat ng mga garapong naglalaman ng kaunting tinda—adobong maning binalot sa maliliit na cellophane; kending maanghang at matamis; minatamis na sampalok; bubble gum; biskuwit; Choc-nut.
“Inay, pahingi po nito,” dumudukot na sa garapon ng Choc-nut ang sundalo.
“O sige,” nasabi na lamang ng matanda. Limang piraso ang kinuha. Limang piso na naman ang lugi sa kanyang tinda.
“Mauna na ho kami at magtutuloy ng ronda. Kapag ho mayroon kayong naispatan na kaaway ng katahimikan, ha? Huwag kayong mag-atubiling sabihin sa amin, doon sa kampo. Alam naman ho ninyo ‘yon. Eh, ‘yon ho kung kakampi namin kayo… at hindi kaaway,” makahulugang sabi ng sundalong papalayo na’t paangkas sa nag-aabang na owner-type. Paghagibis ng mga sasakyan ay ang siyapan ng mga sisiw at tilaukan ng mga tanda at ungaan ng mga kalabaw. Tila mga inulila ang tunog ng kanilang mga lalamunan…
***
“Mga bente silang nasa loob samantalang 15 naman ang nasa vicinity,” sabi ng lider ng mga aninong nakakubli sa talahiban sa kampong nasa dulo ng baryo.
Matamang nakikinig ang mga kaharap. Nagtanguan. Mabilis na nagkalkula sa isip ang lider ng grupo.
“Kailangang maghiwa-hiwalay ang grupo. Ang Kaloy ay sa gawing kaliwa pupuwesto. Ang Baking sa kanan. At kaming nasa Abe, ay maghahati sa dalawa: isa sa harap at isa ay sa gawing likuran.
Maingat silang naghiwa-hiwalay. Parang mga musang, mabilis ang kilos subalit walang ingay.
Maya-maya pa’y nakapuwesto na sila sa mga bahaging dapat postehan. Tangan ang mga riple at ilang granada , naghanda sa pagsalakay ang grupo. Ang tanda ng paglusob ay ang pagsabog ng granadang tangan ng isa.
Naghihintay sila ng tamang oras para hindi makapalag ang nais nilang isalakab.
***
“Bertiiiiingggg! Ay! Ano baga ang ginawa mo’t ginanyan ka nilang mga putang-ina nila! Mga hayop sila! Bertiiiiiiiiiiiinggggggggggg! Asawa ko!” halos mapatid ang litid at mawalan ng tinig si Maria sa pagtangis sa bangkay ng kanyang asawa.
Hangos si Tandang Tindeng sa bahay ng mag-asawang kinalilimpunpunan na ng mga taga-baryo.
“Ay, mga anak ano bang… nang… ya… ya… ri…?”
abangan ang ikalawang bahagi
0 comments:
Post a Comment