Ni: Noel Sales Barcelona
nagninilaynilay kami
sa Iyong paghihirap
sapagkat nasa dulo ito
ng aming mga daliri
at nakaukit sa aming kalamnan
inaalala namin ang Landas ng Kapait-paitan
dahil nalalasahan namin sa sariling bibig
ang pait at pakla ng aming buhay
na lalo pang pinaaasim ng mga katotohanan
na taguri sa amin, mga latak ng lipunan
nakatatak sa aming noo
hindi ang bakas ng Koronang Tinik
na sumugat sa kasantu-santusan mong Ulo
kundi ang malalalim na gatlang tanda
ng aming hirap at dusa
sa aming balikat, hindi Krus na kahoy
ang pasanpasa't sumusugat
kundi ang pingga ng dalitang pasan araw-araw
dahil kami'y patuloy na pinagdaramutan
ng puri, pagkakataon at marangan na buhay
pinaglilibakan kaming tulad Mo
dinudusta at inaaglahi ng makabagong Romano
sapagkat kami ay hindi mga tao
kundi mga kalakal, mga muraong panindang
madaling makuha't maabuso
sa aming mga paa at pulso ang nakabaon,
hindi pakong ipinagdalita Masakit
kundi ang inhustisya't kawalang tangkilik
niyaong dapat sa amin ay magbait dahil sa dugo't pawis
sa dugo't pawis naming anakpawis ang kayamanang kimkim
ang kamatayan namin ay katulad ng Iyo
namamatay kaming nakahubo dahil wala ni singko
ipinagsasapalaran ang buhay naming pesante't obrero
niyaong mga duke at sundalo, mga hari't prinsesa,
anong saklap ang mabuhay at mamatay sa bayang Inaba!
sa oras ng aming libing ni walang tanglaw
kagaya rin ng ikaw ay kunin ng iyong Ina't ni Hosep ng Arimatea
na lihim mong Apostol simula pa noong una
at ibaon ka sa isang libingang inukit lamang sa bato
sa di malamang halamanan sa paanan ng Bundok ng Bungo
inilihim niya ang pagkakaugnay niya sa Iyo
dahil takot siya para sa sariling buhay
katulad din niyaong mga kababayang
lihim na nagmamahal sa kapwa niya't bayan
subalit sa patago ang gawain: aayaw mabulgar
inaalala namin, o Poon ang paghihirap mo
ang kadusta-dustang kamatayan mo
dahil Kayo ay kami, at kami ay Kayo
na araw-araw, hinuhubdan ng dangal
at iniriripang katulad ng magnanakaw
gayunman, sa pag-alaala namin
sa Iyong kamatayan ay may napagtanto kami
isang hiwagang inilihim mo sa nagdudunung-dunungan
gaya nang sinambit ng Ina mong Tunay:
darating ang araw, palalo ay papanaw
palalayasin ang mayayamang nagdamot
sa mga katauhang sa lipunan ay limot
at sa Ikaw mismo ang hahatol, hahatol
sa mga buhong, palalo at balakyot
at Iyong ibubuhos sa kanila ang Iyong Poot!
at sasabihin ng madla
sa mga oras ng pagdatal
ng mga tagapaghukom:
sa aba nga ninyo! sa aba nga ninyo
kayong mapagpaimbabaw!
0 comments:
Post a Comment