ni: Rom Factolerin
11: 55 ng gabi...
Maingay ang tila hindi marunong matulog na Lunsod ng Pasay. Paroo’t parito pa rin ang mga taong kanina pa walang sawa sa paglalakad at paghahanap ng kung anu-anong wala naman doon. Nagkalat ang tambak ng basura sa bawat tabi ng kalye, habang nagpipiyesta naman ang mga asong nakatagpo ng makakalkal nila sa pakikipaghabulan sa nakikiagaw na mga langaw, daga at pusa.
Ganito ang nakasusulasok na lunsod na ito, mapag-ampon sa dumi at latak ng lipunan, kumakalinga sa mga ligaw na kaluluwa sa dilim ng gabi. Walang pinagkaiba ang araw at gabi dito, maliban sa dilim at liwanag. Ang mga pader ng establisimentong niluma na ng patung-patong na larawan ng mga mukha ng pulitiko. Ang tanda ng ilampung taong pagnenegosyo ng mga tsinong dito na rin nanirahan.
Mga pamilyang may mga aliping probinsyanong kitang-kita sa pagmumukha ang kakulangan sa pagkain at sweldo ang naglipana sa pang-araw at panggabing komersyo.
Sa araw ay tambakan ang mga kalsada nito ng di-makausad na bulok na mga sasakyan na bahagya mo na lamang Makita dahil sa kapal ng usok at alikabok. Ang nakabibinging businahan at murahan ng mga drayber at pulis. Ang agawan ng cellphone at bag, Ang tutukan ng balisong at lokohan sa timbangan, Ang lantarang tulakan at kalakaran ng shabu, at ng malawakang tayaan ng hweteng. Ang bugbugan ng mga lumpen. Ang mga pulubi at pusakal.
Ang gabing ito naman ang oras ng mga bugaw, Puta at bakla, Ito ang oras ng paninila nila, hanap-buhay. Nanay na kara-karay ang anim na taong gulang na anak at inihahanap ng parokyano, bakla na nagdamit babae at nagtatago sa dilim, mga batang nagtitinda ng yosi at sampagita—sabay alok ng “sir, gusto mo ng babae? Mura lang...” “Hi, Pogi, ‘lika pang-kape lang...”
Gabi hanggang madaling araw rin ang orbit ng mga mas puta pa sa mga puta—ang mga pulis. Sila lang ang may sasakyan na pwedeng tumakbo ng dahan-dahan upang sipatin ang bawat kanto ng kalye. Ganitong oras din sila pwedeng pumarada lamang sa tabi at may lalapit na runner upang maghulog ng balumbon ng pera sa nakabukas na bintana ng mobil nila. Kahit ang mga lamayan sa patay na may sugal ay di nakakaligtas sa kanila. Ganitong oras din sila umiiskor ng bato at nangungursunada ng mahuhulidap nila. Unipormadong holdaper.
12:32 ng tanghaling tapat...
Walang direksyon ang lakad niya, ni walang pumapansin sa kanya, maliban na lamang kung napalapit na siya sa isang nilalang na mapapagsino lang siya dahil sa baho at dumi niya. Kalkal...kalkal...basura, kanal, dura, sipon, tae.
Maswerte pa ang aso marunong umamoy ng basurang may pagkain, kaya minsan nauunahan siya. Mailap ang mata niya, minsan may sinisipat sa kalayuan, minsan naman yuyukod sa pagdaan ng sasakyan sa harapan.
Sa kainitan ng araw sa tapat ng detachment at sa kabilang kalye lamang ng Taft Avenue, malapit sa Aglipayan Church ang tambayan niya. Habang ang lahat ay abala, siya naman ay bubulong-bulong lamang na mag-isa, ngingiti habang naghihinguto.
“kuya, pengeng piso lang, sige na...”
“kuya pang-kain lang..akin na lang yang siopao mo...”
“Tang-ina umalis ka nga dyan! Sipain kita e”.
“Manang ano ba ito? Tang-ina kumakain ako e...”
“hoy! Kayong mga hindot kayo, umalis nga kayo dyan!”
“malas kayo sa negosyo ko e! Asan bang mga magulang nyo?”
“putang-ina nyo! Andamot nyo!”
sabay karipas ng takbo ang tatlong gusgusing magkakapatid.
Hindi pala nakakapagtaka kung bakit ang mga batang pulubi ay may malalaking kamiseta. Hindi siguro dahil wala silang maisuot na iba, kundi para maitago ang mga kamay nilang may hawak na solvent habang sinisinghot ito.
Mas masarap ito kaysa sa pagkain, mas mura din ito kaysa ulam at kanin. Dito hindi lang gutom ang nawawala at nalilimot maging ang panggugulpi ng nanay at pangagahasa ni tatay nalilimutan din.
Tumawid sila ng kalye sa harap ng simbahan ng Aglipay upang usyosohin ang taong-grasang kanina pa nagmamasid lang ang mga matang gutom sa paligid.
“mare, bakit ba dito pa tumambay yan? Abay malas sa negosyo yan e.”
Aba, ewan ko dun ko madalas Makita sa kanto ng Tramo yan e bakit nandito?”
“wala tuloy kumakain sa gotohan ko...”
“paalisin mo kasi!”
“gaga, e kung magwala yan? Mamaya manakit yan e...”
5:26 ng hapon...
Uwian na ng mga nagtatrabaho sa pabrika, sa opisina at sa eskwela. Unti-unti nang nabubuhay ang mga ilaw ng mga bahay-aliw. Ang mga puta, sariwa na ang mga kolorete sa mukha. Maaga magbukas ang ilang bahay-aliw sa Pasay lalo pa’t magpapasko—para makarami ng parokyano siguro. At dahil sabay din ito sa pag uwi ng mga empleyado, madalas daan muna dito ang mga bagong sweldo para makapag banlaw muna ng ilang bote at makahimas sa suso.
Nagmamadali din si Chief, may convention ang NAPOLCOM sa Philippine Plaza hotel. Trapik, di umuubra ang busina at wang-wang niya sa pagmumura ng ilang bodyguard niya sa kotseng pula na kinalululanan nila. Kinakailangan pang maglabas ng baril sa bintana ng mga amuyong niya para mapansin ng ilang driver upang katakutan at bigyan sila ng daan.
Kanto ng Tramo at Libertad St. Isang kanan na lang at palabas na ng Harisson natrapik pa...hinto...antay...init...ingay.
Tatlong umaalingawngaw na putok ng baril ang pumailanlang, mula sa harapan ng kotseng pula. Apat mula sa tagiliran sa kanan, dalawa sa likuran. Sumaliw sa usok ng sasakyan ang usok ng pulbura. Bahagyang nalunod ang putok sa ingay ng paligid. Himinto ang marami, takbuhan ang mga vendor ng yosi, nadapa ang batang nag-uusyoso—nagulantang ang lahat.
Ang kaninang nagmamadaling maglakad na taong-grasa ay may tangan-tangang supot. Kakaiba ang kilos niya, mahahaba ang hakbang sa maiilap na mata, halos tatlong minuto lamang ng nagmamadaling lakad-takbo ang Taft Avenue hanggang kanto ng Tramo.
Nagkalat ang utak sa basag na windshield. Hawak pa sa kamay ang binunot na 9mm, ni hindi man lang naiputok. Bukas ang pintuan sa gawi ng driver. Lungayngay ito duguan walang buhay habang nakanganga pa ang bibig. Sa likuran naman ang Chief. Namatay sa kanyang natural na posisyon—parang natutulog lang sa pagkakaupo, habang tigmak ng dugo ang nakayukayok niyang sintido at umaagos, pumapatak ang dugong may kasamang utak sa malaki niyang tiyan.
Nagulat ang lahat, hindi dahil sa patayan—sanay na ang mga taga Pasay dito, kundi sa eksenang nagsasalita ang taong-grasa sa harapan ng mga usyusero’t usyusera. Parang pari sa gusgusing abito ang kanilang nasasaksihan.
“Si Police Chief Medardo Castillo ay may utang na dugo sa sambayanan, at ang inyong nasaksihan ay ang kanyang pagbabayad-utang sa kanyang mga kasalanan, kasama ang kanyang mga galamay. Pinaka tampok dito ay ang pagdukot, pangagahasa at pagpatay sa ilang obrerong nagwewelga sa Republic Cooking Oil. Mangyari lamang po na bumalik kayo sa inyong mga ginagawa at hayaang maihain ang tuluyan ang hustisyang bayan.”
Namangha ang lahat, di sila sanay na may Taong-grasang nagsasalita ng matatas at may mala-rebolusyunaryong kaisipan, habang may tangan na baril sa kanang kamay nito. Ang dalawa nitong kasama ay abalang namumudmod ng polyetong naglalaman ng pagkundena sa nasabing opisyal.
“Mabuhay ang Bagong Hukbong bayan! Mabuhay ang ABB!”
Parang kidlat sa bilis sa gitna ng bagyong naglaho ang tatlong kaluluwa, sa naiwang bakas na duguan at amoy pulbura, sa mataong sulok ng Tramo at Libertad, sa maingay at maalinsangang lunsod, sa kalyeng tigmak ng maitim-pulang dugo, sa mga basyo ng bala at basag na bungo. Dito sa Tramo lumubog ang araw ng dapit-hapong iyon.
0 comments:
Post a Comment