ni Noel Sales Barcelona
mula pa noon
kabutihan at pagibig sa Diyos at kapwa
ang laman ng mga Aral mo.
walang halong pag-iimbot
sinalang mo't pinagaling
ang mga kapansanan ng tao:
bulag nakakita
bingi nakarinig
pilay nakalakad
pinagsalita mo ang mga pipi
tinuyo ang sugat ng mga ketongin
pinalaya ang inalihan ng mga demonyo
pinatawad mo ang mga sala ng tao
itinuro ang pagpapakababa
at hindi pagpapakarahuyo sa yaman ng mundo.
datapwa't higit pa sa sugat
at kapansanan ang pinagaling
ng Iyong mapaghimalang mga kamay
ginamot mo rin ang sugat
na nagnanaknak ng lipunang
iyong ginagalawan:
ibinunyag ang nagbabanal-banalan
giniba ang tore ng kasinungalingan
inihantad ang mga kawata't magnanakaw
kung kaya nga, sa galit nila
nilang nasa estado poder:
inakusahan ka nilang mamumusong, kriminal!
kahit pa walang nakitang sakdal laban sa Iyo
sina Herodes at Poncio Pilato
hiniling nila ang Iyong ulo, hiniling nila ang Iyong ulo.
ngayon marami kang katulad, Poon ko
marami kang gumagawa ng kabutihan
subalit sila ang ginigipit at pinarurusahan.
katulad Mo rin silang sa halip na putungan
ng korona ng mga papuri't parangal,
koronang tinik at sampal ang handog ng sukaban.
hinahagupit din sila nang paulit-ulit ng suplina:
suplina ng pasismo at latigo ng kahirapan
tambo ng kalupitan at yantok ng kadustaan.
ipinapako sila - hindi sa punongkahoy
kundi sa kadusta-dustang kalagayan:
kamangmangan, karalitaan, kadayukdukan!
ibinibilad din sila sa kahihiyan
hinuhubdan ng pangalan at karangalan
ibinebenta at ipinagsasapalaran.
sinisibat din sila sa kanilang mga tagiliran
dahil laging katabi nila ang lungkot ng buhay
ang kawalang pag-asa't kabusabusan.
ay, walang katapusang ay!
walang katapusang kawing ng gibik
at pagdagok sa dibdib.
kailan kaya susuklian ng pagibig ang pagibig?
kailan gagantihin ng kabutihan ang kabutihan?
kailan kaya darating ang aming kaligtasan?
Maranatha! halika Panginoon ng mga Hukbo
Haring mabait na maylikha ng sansinukob:
sa aming paglililong, magbangon sa Iyo ang poot:
iunat mo ang Iyong kamay na may hawak na sundang
Maranatha! magsimula nawa ang Iyong Armageddon!
Maranatha! halina't lupigin ang lahi ng mga alakdan at ulupong!
habag mo'y ilapit, Poong mabait
sa aming bayan mong mat'wid
haplusin mo't tuyuin itong luhang mapait.
Maranatha, halina!
Sa kapangyarihan Mo'y
lupa'y baguhin na!
Martes Santo (Marso 30, 2010)
Lungsod ng Antipolo
0 comments:
Post a Comment