Ni Noel Sales Barcelona
Antipolo City, April 21, 2010
hawakan mo ang manok sa leeg
pilit mong ihiga, kahit nagpapasag
saka mo hiwain ang kanyang lalamunan
sahurin ang dugo sa mangkok
para hindi masayang.
may pamahiin diyan -
hindi ko lamang malaman
kung ano ang kahulugan:
lagyan mo nang bigas
ang mangkok na isasahod
mula sa leeg ng manok
na nakikipaglaban para huling
hibla ng kanyang buhay.
kapag nagpipilig na
tuluyang kalasin ang leeg
ng manok na biktima
ng iyong pagkagutom
at pagkatakam sa
puting-puting laman.
magpakulo ka nang tubig
at doon mo siya ilublob -
marahan, paulit-ulit
para madali mong matanggal
ang kanyang mga balahibo.
saka mo tanggalin ang kanyang
mga paa, hita, leeg
at biyakin sa gitna
para makuha mo ang balunbalunan
bituka, atay, puso at apdo.
ah! kaysarap ng pakiramdam
na nagawa mong katayin
ang manok na walang kalaban-laban
para lamang lamnan
ang gawak sa iyong tiyan.
maya-maya lamang
ang manok na nagkikisay kanina
ay maaari nang ilaga
itinola, sarsahan, iihaw
ilitson, o anumang putaheng ibig mo
saka mo tagayan ng serbesa
o ng gin sakaling di mo nais
na iulam ang pinaslang
sa mainit-init na kanin.
gayundin kaya ang naging pakiramdam
ng mga taong inupahan
para katayin ang 53 katao sa Sharif Aguak
noong Nobyembre 23, 2009?
Para rin kayang pulutan
ang tingin nila sa kalalakihan
at kababaihang kanilang
binistay ng bala
at inilibing sa mababaw na hukay
sa bayan ng mga Ampatuan?
hindi ko lubos-maisip
na ang taong nasa wastong katinuan
ang gagawa nang ganoong
karumal-dumal na bagay
ang gahasain ang mga babaing
kanilang papatayin
at papaghukayin ng sarili nilang libing.
binabangungot pa rin ako
dinadalaw ng mga larawan
ng mga taong sabog ang bungo
ulwa ang mga mata
wakwak ang mga tiyan
doon sa Sharif Aguak.
mga taong ginawang parang manok
ipinulutan ng kasakiman
at pagkagahaman sa kapangyarihan.
parang mga manok
parang mga manok
parang mga manok...
0 comments:
Post a Comment