Saturday, April 17, 2010

Dis-oras ng Gabi sa kanto ng Timog Avenue




ni: Rom Factolerin



Ang kulit ng ringtone ni Mike, may tatlong minuto na atang pumipitada bago niya makapa ang keypad nito at tuluyang pindutin.
“hello...” ang mahinang tugon nito mula sa pagkaka pukaw sa malalim na tulog. Ni hindi niya man lang napag sino ang tumatawag sa dis-oras ng gabing iyon, para sa kanya waring kasama pa rin sa panaginip ang awtomatikong pagsagot sa naturang tawag.

Isang buntong hininga habang nakadikit pa ang awditibo ng cellphone sa kanyang tainga at nakasara pa din ang mata mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama.
“AJ, napatawag ka? Anong oras na ba?” sabay lingon sa relo sa gilid ng kama.
“It’s fuckin’ 2:12 lang naman”
sarkastikong tugon ng tila bahaw pang tinig ni Mike.
“uh, ok i’ll be right there. Just stay put ok?” sabay palis ng kumot sa kanyang paanan.
“Tang-ina AJ, lasing ka ano? Sobra-sobra ang letter “H” sa mga salita mo e, ano na naman ba this time?” naiinis ngunit may himig pag-aalala ang mga salita ni Mike.
“basta wag kang aalis dyan hangga’t wala ako delikadong ikaw ang magmaneho, magbibihis lang ako.”

Si AJ, kaibigan ni Mike at kasama sa trabaho sa advertising. Isang nilalang na madalas mapaglaruan ng tadhana, o tamang sabihin na hinahayaan ang sariling paglaruan ng tadhana. Madalas sa hindi lagi na lang itong luhaan sa problema sa karelasyon.

Konting hilamos, bihis ng T-shirt at jacket. Malamig sa labas ngayon ng ganitong oras isa pa mga 30 minutes din ang layo ng Bar na iyon sa Timog. Naig-iisa lang si Mike sa kanyang Bachelor’s pad kaya’t kinakailangan niyang i secure ang lahat ng lock ng bahay bago umalis. Mahirap na.

Maraming nagtataka kay Mike na sa edad niyang 32 ay wala pa itong asawa o karelasyon man lang, marahil ay ang pagiging abala nito ng husto sa trabaho, kaya naman mabilis ang pagpailanlang nito sa mundo ng advertising bilang Creative Director. Napapansin ng lahat sa studio ang pagiging malapit nila ni AJ hindi lang dahil sa magka ugnay ang trabaho nila, si AJ ang Marketing manager ng advertising agency at lagi niyang kausap sa loob at labas ng office. Madalas din silang magkasamang gumigimik at nakikipag-usap sa kliyente out of town.

Kaya’t sa mga pagkakataong tulad nito na bigla na lamang tatawag si AJ—lasing at maluluwag ang syllables ng mga salita, malamang sa hindi problema ito.

Maluwag ang kalye, alas dos pasado ba naman e. Maliban sa mangilan ngilang taong kalye na nagpapasilong sa kakarampot na waiting shed sa magdamag na tikatik ng ulan wala nang ibang kaluluwa na mangahas tahakin ang malamig at mahanging gabi matapos ang bagyo. May pag-aalala din sa puso ni Mike, di ligtas ang Maynila sa ganitong oras kahit na sabihing tahimik ang gabi. Pag-aalala di lamang para sa kaligtasan niya kundi sa kaibigan mismo lalo na at nakainom ito.

Pinarada ni Mike sa di kalayuan sa bar ang kotse, nagpasiya siyang lumakad ng konti sa gitna ng ambon habang halukipkip ang mga braso sa lamig. Maingay ang tugtog mula pa lang sa labas, ngunit mahahalatang kakaunti na lamang ang parokyano ng naturang KTV bar. Luminga-linga si Mike matamang inaapuhap sa pusikit ng liwanag ng lugar ang kaibigan, napansin niya sa isang sulok ang aninong kumakaway.
“O, ano na naman ba ito?” katahimikan...
“nakailang shot ka ba? Parang mauubos mo na itong Tequila a”
ngumiti lang si AJ
“ano na naman ba ang problema?”
“parang di mo naman alam” mabilis na sagot ni AJ
“as usual, wala na kami ni Marvin. Putang-inang yun nahuli ko may kasamang babae!”

Di na nagsalita si Mike dama niya ang bigat na dinadala ng kaibigan. Hinawakan na lamang niya ito sa palad sa pag-akay. Dama niya ang init ng dampi ng kamay, waring init na kanina pa niya hinahanap na makakatighaw sa lamig dulot ng hangin sa labas.
“halika ihahatid na kita”

Pinagmamasdan ni Mike ang kaibigan nasa sitwasyon ito ng kahinaan, at sa ganitong punto mas kailangan nito ang kagaya niya, mas kailangan ng karamay. Maikli lang tinahak nila mula sa loob ng bar hanggang sa parking lot, ngunit ang mga sandaling iyon ang waring nag painog sa damdamin ni Mike.

Mistulang isang transisyong emosyon na di niya maapuhap pansumandali kung saan nagmumula at kung ano ito--habang tangan niya ang mga kamay ni AJ sa madilim na sulok ng eskinita.

Lagi silang magkasama ni AJ ngunit hindi lagi ang ganitong pagkakataon ngayon na hawak niya ito sa kamay at nakadikit ang katawan nito sa kanya. Tahimik silang lumisan sa parking lot, wala halos kibuan.

Sa pagkakataong ito marahan ang pagpapatakbo ni Mike ng sasakyan waring isang ponebre na ayaw magmabilis upang di maiwan ang mga luhaang nakikiramay sa likuran ng ililibing.

Nasa likod man ng espiritu ng alak ay ramdam niya ang sakit na nadarama ng kaibigan, nakatitig lamang ito sa labas ng bintana sa dilim ng gabi.

“ano nga ba ang nangyari?”
walang sagot...

Lumingon si AJ kay Mike...
“yung account nga pala ng Uniliver okay na, schedule for presentation nyo sa 15th at pumayag na din si Gonzo na gawin sa...”

“AJ naman e, di naman yan ang gusto kong pag-usapan natin...”


sandaling katahimkan ang namagitan sa dalawa, waring tinatantya ang isat-isa kung paano sisimulan o ilalabas ang kanina pa nag-uumapaw na damdamin at mga luhang nais umagos.

Nagpasya si Mike na ihinto sa isang ilang na lugar muna ang sasakyan, nais niyang maghinga sa kanya ang kaibigan bago man lang sila makarating sa harap ng bahay nito at tuluyan ng magpaalaman at magkita na naman kinabukasan na para bang walang nangyaring kung ano.

Nilingon niya ito, may umaagos nang luha sa tahimik na paghikbi nito. Nakaramdam ng matinding awa si Mike gusto niyang yakapin ang kaibigan ngunit sa halip ay hinawakan na niya lamang ang kamay nito.

Ang pagdaloy ng init ng kamay ni Mike sa kamay ni AJ marahil ang naging daan upang tuluyang bumigay ang huli at napayakap ng tuluyan sa binata. Mahigpit at matagal.

Kapwa nila nadarama ang parehong init ng katawan nila sa gitna ng isang ilang na lugar sa lalim ng gabi. Unti-unting humahaplos ang mga kamay ni AJ na waring nagbubuhos ng emosyon na di maipahayag ng salita.

Sa pagkakataong ito mas nakumpirma ni Mike ang kaninang naramdaman niya nang hawakan pa lamang niya ang mga kamay ni AJ sa parking lot. Nagtama ang mga pisngi nila, ang mga hiningang dulot ng matinding emosyon sa kaba ay pumapawi sa lamig ng gabi. Hanggang sa tuluyang magtama ang mga labi nila.

Ang Segundo ay naging minuto ng walang katapusang pag-inog ng kamunduhan at pag-ibig. Mistulang kuryente sa katauhan ng dalawa ang saglit ng pagpapalitan ng damdamin na matagal na ding kinikimkim lalo na ni Mike.

Ang maririing siil sa labi ni AJ ang nagpahupa sa unos ng kanina lamang ay tila wawasak sa katauhan nito. Ang pagpapalitan ng hininga ang siyang pumatid sa matinding uhaw ng katauhan ni Mike at sa damdaming matagal na din niyang inaalagaan.

Payapa ang gabing madilim...

Maliwanag ang ilaw ng poste sa harap ng bahay ni AJ, gaya ni Mike nag-iisa lang siya dito.
“are you sure you don’t want to have a coffee or something?” tanong ni AJ
“wag na muna siguro, may pasok pa bukas e need to have a sleep pa” marahang tugon ng binata.
“papasok ka ba bukas? Kaya mo ba?” Tanong ni Mike. Ngumiti lang si AJ, binuksan ang pinto ng kotse at lumakad ng marahan papasok sa gate.
“Bye Mike, ingat ka”

Kumaway si Mike, natitigilan pa din siya wala pa ding tamang salita na maapuhap ang kanayang bibig mula ng sandaling iyon.

Mistula siyang tulala habang binabagtas ang daan pauwi na noo’y unti-unti nang nabubuhay sa mga taong nagmamadaling mamalengke at papasok sa kanya-kanyang trabaho.

Sa unang pagkakataon ay nakadama siya ng ganitong emosyon. Sa unang pagkakataon ay nailabas niya ang tunay na damdamin, hindi man sa salita ay naipadama niya ito ng buong puso. Sa unang pagkakataon ay natututunan niya ang magmahal sa isang di inaasahang pagkakataon. Isang gabi sa kanto ng Timog Avenue.

Ipinarada niya ang kotse sa garahe. sa loob ng kanyang silid sadya niyang ibinagsak ang katawan sa kanina pang naghihintay na malambot na kama, hinaplos ang kanyang mga labi habang nakatitig sa kisame.

Sa unang pagkakataon nahalikan siya ng kapwa niya lalaki...

0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.