ni Noel Sales Barcelona
Kung lilimutin mo ako
hayaan mo ring burahin kita
sa mga pahina ng inaagiw
kong mga ala-ala.
Nang sa gayon
ang hapdi ay hindi na madama
at ang pamamalisbis ng luha
ay matigil pansamantala.
Kung lilimutin mo ako
Sana'y sa gabing puno ng bituin
Upang ang gunita sa iyong paglalambing
Ay agad na mailibing sa alapaap na makutim.
Kung lilimutin mo ako
Sa panahong nag-aagaw ang dilim at liwanag
Sa ganda ng bukang-liwayway
Upang ang mga alaala'y maluoy sa tanghaling-tapat.
Kung lilimutin mo ako
Itaon mong sa panahon ng tagsibol
Huwag sa taglagas o kaya naman
Sa masasayang panahon ng mahabang tag-araw:
Upang sa pagsapit ng tag-ulan
Pilasin ng hangin sa isip
Ang bawat oras ng panimdim
At lunurin ng ulan ang paggibik at pagdaing.
Kung tuluyang layuan at hindi lingunin
At burahin ang tatak ko sa iyong puso:
Ibig kong itaon mo itong makulay ang bahaghari
Upang mailibing din ang pag-ibig sa puting-puting nitso.
Doon - paagnasin ang bawat sandali
ng hantad at kubling paglalambingan;
Pag-uukuukin ang bawat oras
ng halakhak at halinghing.
At kapag tuluyan nang humulas
Ang kulay ng mga pagsinta't alaala
na natititik sa lapidang marmol
ng aking saya't pagdurusa:
Ay napakadali na ring burahin
sa isip at damdamin
Ang pangalan mong katumbas
ng sugat at pilat sa akin.
Kung kaya kung ako ay iyong lilimutin:
Limutin mo ako sa panahong masaya ang mga damdamin
nang sa pagpagaspas ng hangin:
Abo ng iyong ala-ala'y matatangay na rin.
0 comments:
Post a Comment