ni: Noel Sales Barcelona
Pusong pumipintig,
ano't hind ka nagugulumihanan?
Saksi mo ang unti-unting
pagpula ng mga pader, kanal at lansangan sa kalungsuran,
Ang pagsangsang ng hangin
sa dating payapang kanayunan.
Nananaghoy ang mga inang nawalay sa kanilang supling
ngunit hindi malaman kung saan susuling para hanapin.
Tumatangis ang mga asawang nawalan ng kabiyak
dahil sa pag-ulan ng tingga sa tanghaling-tapat.
Lumuluha ang mga anak, mga musmos na walang malay
dahil nangungulila sa magulang na sa bilangguan (o sa hukay?) lumagpak.
Ano! Pusong pumipintig at diwang tumitibok:
Manhid ka na ba dahi sa mga senaryo?
Buwaya at buwitreng nakatanghod,
Linta at anay na nagkukutkot
Sa laman, dugo, at luha ng mga api.
Ano? Pusong pumipintig at kaluluwang kumikinig:
Hahayaan mo na lamang bang gahasain
ang laya at saya mo sa dilim?
Ano? Pusong pumipintig at diwang kumikirot:
Hahayaan mo ba ang sarili na lunurin ng hilakbot?
O babangon ka at gagawing sandata laban sa balakyot
ang nararamdamang banal na poot?!
1-D Marathon Road, Barangay Obrero, Quezon City
Setyembre 21, 2007
(Martial Law @ 35)
* Binigkas ng may-akda sa forum na Shooting Disquiet and Rage, sa Robinson’s Galleria Cinema 3, bilang paggunita sa ika-35 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni Marcos.
0 comments:
Post a Comment