Monday, March 29, 2010

Antigong Salamin


Sinulat ni Melanie Quilla

            Nakita ko siya. Malungkot siyang humarap sa isang lumang salamin na dekada nang inaalikabok sa isang sulok ng kanyang silid. Muli, nagkatagpo kami. Inilapat niya sa salamin ang kanyang kamay waring nais akong abutin ngunit hindi naman maaari.

            Tulad nitong mga nakaraang araw, ang mga mata niya ay puno ng pighati, takot, galit at kawalang pag-asa. Humihingi ng saklolo ang kanyang mga pagtitig sa akin ngunit wala naman akong magawa dahil pati ako ay apektado niya. Ang nararamdaman niya ay nararamdaman ko rin. At ang mga luhang pumapatak sa kanyang mga mata  ay dumadaloy din sa aking pisngi. Nahihirapan akong makita siyang nahihirapan.

            Nagtatanong ang isipan niya. Kung bakit? Kung ano? Kung paano? Kung ganito na lang ba? Kung may pag-asa pa ba? Pero ako rin mismo ay walang mahagilap na sagot para sa kanya. Dahil ako rin man ay nakalimutan ng mag-isip kung ano ang tama at kung ano ang mali.

            Gusto na niyang tumakas. Gusto niyang tumakbo palayo. Doon sa malayung-malayo. Kung saan walang makakakilala sa kanya, walang magtatanong, at walang manghuhusga. Isang lugar na nababalot ng dilim. Kung saan pwede siyang sumigaw nang sumigaw na walang makakarinig, umiyak nang umiyak na walang papansin sa kanyang paghikbi, at magalit nang magalit na wala siyang masasaktan kundi sarili niya. Ngunit hindi niya alam kung saan ang lugar na iyon. Hindi ko rin alam kung may lugar na ganoon.

            Pagod na siya. At ang pagod niyang iyon ay nararamdaman ko rin sa katawan ko. Ayaw na niyang mag-isip, ayaw na niyang kumilos, ayaw na niyang magising ngunit nabigo siyang mangyari iyon nitong nakaraan. Pero ngayon, hindi na siya makikinig kahit sino pa ang bumulong sa kanya kahit ako pa iyon. Tinalikuran na siya ng lahat ng tao sa paligid niya. Tinalikuran na niya ang kanyang konsensya. At kinalimutan na niya ang Diyos sa katwirang ang Diyos ay pumipili ng pagpapalain at minalas siyang hindi mapabilang sa listahan kaya siya napahamak.

            Sinabi ko sa kanyang mali ang iniisip niya. Pero hindi niya ako pinakinggan. Wala na siyang tenga para makinig, bulag na ang mata niya para makakita at manhid na ang katawan niya para makaramdam.

            Tumalikod siya sa salamin at kinuha ang school bag na siyang piping saksi sa isang masalimoot na gabi dalawang buwan na ang nakakalipas. Muli, hinarap niya ako. At sa muling pagtingin niya sa akin ay umagos ang pangalawang serye ng luhang lalong nagparamdam sa akin kung gaano kabigat ang pinagdaraanan niya sa ngayon.

            Ikinalat niya sa sahig ang mga papel, notebook, ballpen, at libro. Hindi na niya kailangan ang mga iyon. Wala na iyong silbi. Wala nang nagawa ang pagiging edukado, ang ethics, at ang morality dahil mismong mga taong nangangaral tungkol doon ang bumaboy sa pagkatao niya.

Nasaan ang hustisya? Iyan ang palaging tanong ng mga tulad niyang biktima ng madilim na mundo. Wala… walang hustisya. Hindi iyon uso sa tulad niyang hamak na scholar lang sa school, sa tulad niyang nagtatrabaho sa eskwelahan para makapag-aral. Walang hustisya sa tulad niyang hindi nakapalag nang pagsamantalahan siya ng mga guro kapalit ng magandang marka sa class card niya.

            Napuno ng nagliliyab na galit ang kanyang mga mata habang matamang nakatitig sa akin. Pawang sinasabi niyang hayaan ko na siya na gawin ang gusto niya. Ayoko, hindi pwede! Umiling siya. Desidido na siya sa patung-patong na kasalanang gagawin niya.

            Umiiyak na pinunit niya ang kanyang damit. Sinapo niya ang sinapupunang nagkakanlong ng kahayupang ginawa sa kanya ng mga walang-pusong guro na pilit  itinatago sa puting uniporme ang maitim nilang pagkatao.

            Binayo niya ang tiyan. Pinagsusuntok niya ang sikmura ngunit pati iyon ay hindi niya maramdaman. Gusto niyang magalit, gusto rin niyang humingi ng tawad dahil wala siyang planong makita ng bata sa tiyan niya ang madilim niyang mundo. Hindi iyon ang pinangarap niyang buhay. At hindi niya gustong kamulatan iyon ng isang inosenteng bata.

            Huminga siya ng malalim. Pumikit at ininom ang likidong nabili niya sa isang aleng may madilim na propesyon sa isang madilim na eskinita malapit sa kanilang bahay. Pagkatapos ay kutsilyo na dinampot niya. Itinarak niya iyon sa sikmura at sa sariling pulsuhan.

            Nagulat ako. Hindi ko siya napigilan hanggang sa huli na. Nanghihinang bumagsak siya sa sahig at bumaling sa salamin. Humihingi ng tawad ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Nanghina ako, nalupaypay. Umagos ang dugo niya sa sahig. Umagos ang dugo mula sa pulsuhan ko, sa sikmura ko, sa hita ko. Pumikit na siya. Nalunod  na ako. Parang walang hanggang pagkalunod.

Wala na akong makita, wala na akong marinig, wala na rin akong maramdaman. Payapa na ako, payapa na rin siya. Hindi ko siya iniwan. Hanggang sa huli ay kapiling niya ako dahil ako ay siya at siya ay ako.


0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.