ni Paul H Roquia
Hindi na talaga matawaran ang paglaganap ng mga pelikulang INDIe. Kabi-kabila na ngayon ang pagpapalabas ng mga ganitong gawang Pinoy sa buong mundo. At huwag mo nang tawaran ang paglago ng ‘fanbase’ ng mga ito kung pagtangkilik ang pag-uusapan. Maliban sa malayang pagpaparaos ng konseptong hawak ng mga manlilikha, abot-kaya itong iprodyus dahil hindi gasinong kamahalan rin ang materyales at nauunawaan ng mga artistang kinukuha rito kung bakit hindi pang-‘mainstream’ ang bayaran ng TF.
Isa rito ang ‘BEN&SAM’. Nguni’t nang mapanood ko ito sa FULLY BOOKED sa paanyaya ng direktor mismo at ng produksyon. Hinanapan ko ito ng kanyang pagka-INDIE! Pulido ang daloy ng pagsasalaysay at mayroon kang maramdamang ‘inter-active’ clause sa kaganapang kinasasangkutan ng mga karakter na sina BEN at SAM.
At obyus pa bang sabihing ito ay tumutulay sa pamantayang PINK FILMS? Nguni’t mapapa-second thought ka dahil habang natuklaw ka na ng kwento ng dalawang lalakeng kapwa campus heart-throbs na mutually na tinubuan ng pag-big at pagnanasa; pakakawalan mo na ang mortal nilang katauhan at mapapatuon ka sa likaw ng kanilang mga damdamin na bagama’t hindi na masyado pang pinalawig ay ipinahiwatig na sa teknikal na mga aspeto ng film-making.
Simple man ang lirikal na paglalahad, napatingkad nito ang mga kadahilanan kung bakit tayong lahat ay napapasadlak sa kumunoy ng matinding PAG-IBIG. Parang makina ng diesel na kotse, habang tumatagal ang pag-arangkada nito lalong umiinam ang takbo ng pelikulang tiyak na matagal ring pag-uusapan matapos itong ipalabas sa mga sinehan.
Kahanga-hanga ang acting na ipinamalas ng dalawang pangunahing actor na sina RAY AN DULAY bilang BEN at JESS MENDOZA sa papel na SAM. Idagdag pa ang matinding pagganap ng batikang theater actress na si ANA ABAD SANTOS bilang ina ni Ben na merong depressive psychosis syndrome at ang HOMOPHOBIC character na ginampanan ni MICAH MUNOZ.
Naantig ako personally sa eksena nina Ben at Sam sa kotse, very reminiscent sa ‘the Priest’ (1995) kung saan ay malamyos at marubdob nilang pinakawalan ang kanilang makamundong damdamin sa isa’t isa. Mapapansin ring maayos ang pagkagantsilyo ng scriptwriter na si ARCHIE DEL MUNDO sa mga eksena’t diyalogo; ganun din ang paglapat ng musika at ng disenyong angkop sa hinihinging cinematic sequential moods ng pelikula!
Sa kanyang kabuoan, masasabi kong katangi-tangi ang produksyong ito sa direksyon ng bente singko anyos na si MARK SHANDII BACOLOD. Matino niyang nairaos ang isang karanasan at itinawid sa pinilakang tabing upang magpunla ng kaisipang ang pag-ibig sa ano mang panahon ay kikilalaning antas o kasarian, magunaw man ang mundo.
*****HIGHLY RECOMMENDED
0 comments:
Post a Comment