ni: Rom Factolerin
6:23 ng umaga…
Mainit na ang sikat ng araw sa labas pero ang kwarto ni Jay ay madilim pa. Hindi dahil tulog pa siya, sa katunayan, kanina…o kagabi pa siya nakaupo sa maliit at gula-gulanit na sofa sa tabi ng kama. Ang kama niya, ni hindi man lang nagusot, kasi dati na itong gusot-gusot ng may ilang araw na ding hindi man lang tinitiklop ang kumot at iniimis ang mga unan na luwa na ang bituka sa pagkaka tiwangwang nito.
Upos ng sigarilyo sa nag-uumapaw na ashtray, kukurap-kurap na bumbilya sa maliit na lampshade. Ang kwarto ni Jay ay mistulang kisap-mata ng dilaw at dilim, dilim at dilaw dahil sa kulay dilaw na bumbilya at dilim ng paligid. Sarado ang bintana, may dagdag na pinid ngunit tuklap na at nakadikit na tagpi-tagping karton na sadyang inilagay para di makasilip ang araw.
Tanggal na din sa pagkakadikit ang isang kanto ng poster ni John Lennon, may lumang LP player sa kanto malapit sa alanganing tukador, alanganing aparador. May nga sketches ng kung anong halimaw sa itim na tinta. May mga painting na hindi tapos sa gilid ng kama at kinuyumos na papel sa sahig. Lapis, tinta, oil paint, brotsa, acrylic…nagkalat.
Panaka-nakang sumisilip ang ipis sa sahig na kahoy, marahil upang pagsinuhin at alamin kung gumagalaw pa ba ang nakaupo kagabi pa sa sofa, at kung bahagyang gumalaw man—kakaripas naman ng gapang ang natatanging insektong pwedeng mabuhay sa pagsabog-nukleyar. Maging ang mga lamok ay mistulang butete na sa kabundatan, gugulong-gulong na lamang ito sa sahig at inienjoy ang kapal ng alikabok dahil din sa di na makayang dalhin ng kanilang mga pakpak ang kanilang kabigatan at kabusugan.
Nakatunganga sa dahan-dahang pag-ikot ng elisi ang bentilador sa kalahating ubos na emperador, di naman masasabing pinalalamig niya ang mainit na alak, kasi nga uugod-ugod ang ikot nito—siguro sa kapal ng nakakulapol na alikabok dito kayat mistula itong naghihingalo sa pag-ikot. Ang bote naman ng emperador, walang pakialam--isnabebro siyang naka upo lamang sa maliit na lamesita, di man lang natinag kahit na ang kalaguyo niyang baso ay matatagpuan nang patay at basag sa paanan niya. Siguro nga’y yumabang sa siya, dangan ba namang siya ang huling nakaulayaw ng amo niyang kagabi pa tulala.
8:20 ng umaga…
Halos magdadalawang oras nang paulit-ulit ang snooze ng alarm clock, paos na ito, lawit ang dila bago mahampas at tuluyang manahimik. Tumayo si Jay—huminga ng malalim, suminga sa kanan niya, pinahid ng t-shirt sa balikat and sipon na kumalat sa pisngi niyang may mahaba-haba na ring balbas. Lawlaw ang butas na Levis sa kulay itim na t-shirt—ang laki na ng ipinayat niya. Kaya pala ubod ng yabang ang bote ng emperador, ito kasi ang unang dinampot ni Jay pagtayo, hinaplit niya ang leeg nito na parang humahaplit sa isang puta na buong libog siilin ng halik at maangkin ang kaasiman nito. Tinungga niya ito habang gigiray-giray pang humakbang papunta sa banyo, inilapag sa lamesita. Di nga lang sigurado kung ang naghalong sipon na tumawid sa bibig niya kaninang suminga siya at ang emperador ang siyang almusal niya ng umagang iyon.
Sa banyo…
Ang banyo ang kaibigan ng mga lasing at may hang-over, kung paanong kaulayaw ng mga inaantok at pagod ang kumot at unan—inidoro naman ang para sa mga masuka-sukang lasenggo. Ebidensya ang mga naglalambiting malapot na likido sa bunganga ng kanina pa nakangangang inidoro. May mga kumpol ng laway ay iilang madilaw na likido. Walang solidong nakikita, walang ebidensya, marahil walang kinain ang sumuka dito, madilaw dahil siguro sa asido ng tiyan at alak na naghalo sa sahig at sa bunganga ng inidoro.
Kataka-takang ang lababo lang ang malinis, lababo sa tabi ng banyo na minsang humahalili rin bilang lababong hugasan ng mga pinggan, pero madalas dahil wala namang huhugasang pinggan dahil wala namang makakain sa bahay ni Jay, lababo lamang ito ng may nag-iisang sepilyo na nakasandig sa loob ng isang baso—malinis na baso. Malinis na sepilyo at baso sa gitna ng lababo.
***
9: 05 ng umaga…
“Oy, Poleng ano ba? Katukin mo yan, aba’y dalawang araw nang di lumalabas yang taong yan a, baka nagpakamatay na yan sa loob”
“ e di mabuti at mabawasan ang perwisyo dito sa paupahan natin, di na nga makabayad sa oras perwisyo pa”
“gaga ka talaga ang inaalala ko yung bata, aba e nakaka kain pa kaya ang anak nya dyan?”
“eto na nga at pinapakinggan ko baka gising na, baka masigawan na naman tayo ng adik na yan kapag binulahaw natin ng katok e”
***
Nagbubunganga ang telepono ni Jay habang nakatitig siya sa sarili niya sa harap ng salamin sa itaas lang ng gripo ng lababo, nanginginig ang kanang kamay na may tangan-tangang sepilyo. Mahigpit ang pagkakasakal niya sa katawan ng lumang panguskos, sepilyong busalsal at beterano sa brotsahan ng mga ngipin niyang bulok at patlang patlang.
Patuloy ang pagtatalak ng telepono…Walang pinapansin ang tenga ni Jay…
“putang-ina mo, pinagtiwalaan kita, akala ko pa naman totoo lahat ng mga sinasabi mo, ni hindi man lang ako nagdalawang isip na pagdudahan ka—alam mo yun?”
Nakatitig si Jay ng may buong paghihinanakit sa brotsa…galit at maiyak-iyak. Bumaling sa salamin, sinipat ang bagang na nabubulok, may butas at maitim. Lalong naningkit ang mga mata nito, walang nakaka alam kung dahil sa masangsang na amoy na dulot ng bulok na ngiping may nana o dahil sa sakit nito.
“akala mo makukuha mo ang lahat sa kin? Magkakamatayan tayo bago mangyari yun…”
Nakakakulili na ng tenga ang nagger na telepono, at gaya ng alarm clock na nakaranas ng bigwas kani-kanina lang, huli na ng manuot sa sensibilidad ni Jay na may tumutunog palang awditibo ilang hakbang mula sa lababo.
Lumuwag ang pagkaka sakal ni Jay sa tutbras, panaka-nakang napapasukan din naman ng sariwang hangin ang nagdidikit-dikit nitong hypothalamus…minsan nga lang.
Kumalabog ang lamesita, gumewang-gewang at nakipagsayawan sa emperador na nakapatong doon nang masagi ni Jay—na dalawang piye pa lamang ang layo mula sa telepono ay inabot na at hinablot ito ng kaliwang kamay—kanan sa sepilyo.
Saglit na katahimikan…saglit na nakikinig…
Kung may tunog lang ang unti-unting pagkunot ng noo at ang dahan-dahang pagsasalubong ng kilay ni Jay, malamang tunog ito ng nilalamukos na papel.
“hindi mo pwedeng kunin sa akin ang anak ko!”
“Magkakamatayan tayo!”
***
“Uy Poleng narinig mo yun?”
“ano ba yan? ano bang ginagawa niya sa anak niya, kawawa naman yung bata, papatayin nya daw yung bata!”
“katukin mo na dali!”
“tumawag ka ng pulis, ako na’ng bahala dito sige na!”
“Jay! Jay! Maawa ka sa anak mo, napakabata pa nyan wag mong saktan”
Napalakas lalo ang tili ng telepono, pero sa pagkakataong ito sa likuran siya ng pintuan tumili—dito kasi siya bumalandra nang ibalibag ni Jay.
Tapos nun, katahimikan na…sa kabilang pinto wala na din ang dalawang matanda…tuluyan na ring natapon ang Emperador sa maalikabok na sahig…si John Lennon ang hero ng working class sa mga awit niya ay malungkot pa ring nakatitig sa kawalan…si Jay, nakaupo sa sulok tangan-tangan ang sepilyo.
...People say I'm crazy doing what I'm doing,
Well they give me all kinds of warnings to save me from ruin,
When I say that I'm o.k. they look at me kind of strange,
Surely your not happy now you no longer play the game...
Well they give me all kinds of warnings to save me from ruin,
When I say that I'm o.k. they look at me kind of strange,
Surely your not happy now you no longer play the game...
***
“positioning sir, spotting the subject North-East in squatting stance. The subject is armed and dangerous...”
“the wind is in direct contrast, but the spot is clear—ready for the taking...”
“moving towards the window...ready whenever you are...”
***
...People say I'm lazy dreaming my life away,
Well they give me all kinds of advice designed to enlighten me,
When I tell that I'm doing Fine watching shadows on the wall,
Don't you miss the big time boy you're no longer on the ball?...
***
2:46 ng hapon...
Nagkakagulo ang buong Baranggay, nakatuon ang pansin ng lahat sa ikalawang palapag ng paupahang apartment nina Aling poleng at Mang Nardo. Isang mala-piyestang engrandeng usyusohan ang umaatikabo na dinaluhan ng mga prominenteng sangay ng media at mga unipormadong mamamatay-tao. Nakatutok ang camera at baril, nakapamewang ang mga opisyal, nakahandang mang-ambush ang mga reporter at nakapikit na ang isang mata ng mga sniper at higit sa lahat naalarma na ang isang batalyon, isang batalyong usyusero at usyusera.
***
“Take the opportunity…”
Walang naalarma pag alingawngaw ng isang putok, isa lang yun sabay basag ng salamin ng bintana. Inakala pa ng maraming nag-uusyoso na galing sa loob ng bahay ang putok, may nagpalakpakan at naghiyawan, may nanghaba ang leeg sa pagsilip kung ano na ang nangyari.
Mabilis na kumilos ang mga pulis, akyat agad sila sa isang senyas lang, parang mga langgam na nagkilusan maging ang mga media at mga tao. Kanya-kanya, habang maraming mga mukha ang kababakasan ng pagtataka kung ano na ang kaganapan…
Bago pa man buksan ang pinto, may tumatagas nang dugo mula sa siwang nito sa ibaba, Nangnginig ang kamay ni Aling Poleng habang sinususian ang pinto habang nasa likod niya ang isang opisyal ng SWAT team. Itinulak ito ng isang opisyal papaloob, halatang may nakadagan sa kabila, di pa man tuluyang nabubuksan ay lumaylay na ang kamay ni Jay, tangan-tangan pa rin ang isang lumang sepilyo.
...I'm just sitting here watching the wheels go round and round,
I really love to watch them roll,
No longer riding on the merry-go-round,
I just had to let it go...
Watching the Wheels
John Lennon
0 comments:
Post a Comment