ni: Paul H. Roquia
marahan kong isinabit
sa hangin ang mga alaala
ko sa’yo
bahagya kong pinaarawan
upang hwag tuluyang mawala
ang init
habang sa di kalayuan ako’y
magmamasid kung may pag-asa
pa itong magniningas dahil
kay hirap tupdin ang
natira pang latak ng
huli nating gabi
sa gitna ng kagubatang
hitik sa lunggati ngunit
sa kalaunan ay pinawi ng
panahon at pagkakalayo
kaya heto ngayon
habang pumapatak ang unang
ulan ng tag-araw
unti-unti na ring humuhulas
ang ating nakaraan
at kibit-balikat ko na lang na
tatanawin itong ianod ng
iyong kapabayaang ipaglaban
ang ating matatamis na
sumpaan!
0 comments:
Post a Comment