ni: Rom Factolerin
nalathala sa FUDGE magazine June-July Issue 2009
Nagmamadali ang mga hakbang ng isang anino mula sa dilim ng gabi. Sa mga gabing nagtatago ang buwan sa kalangitan na tulad nito--sinasamantala ng mga kaluluwang ayaw matulog sa gitna ng nahihimbing na dilim, hindi dahil sa ayaw dalawin ng antok, kundi dahil sa tawag ng matinding pangangailangan.
Sa gitna ng kalunsuran, sa laot ng kaguluhan, at sa ingay at maruming usok nito, natatanging ang lugar lamang na ito ang nananatiling tahimik: ang sementeryo. Ngunit sa kasagsagan ng mahimbing na pagtulog ng syudad isang pares ng mga paa sa abuhin at maalikabok nitong paghakbang ay nagmamadaling nagpapasikot-sikot sa bawat nitsong madaanan. Akyat, talon, singit sa mga siwang at hawi sa mga talahib . Sinisiguro ng may-ari ng mga paang ito na wala ni kaluskos man lang siyang malilikha sa pagtahak sa nakabibinging katahimikan sa gitna ng mga nahihimlay nang mga patay.
Kandila lang ang tangan ni Lando, dalawa; sapat na ito upang magbigay liwanag sa kanyang balakin. Saglit muna siyang huminto sa harap ng isang nitso sa sulok ng sementeryo. Nalalambungan ito ng isang malabay na puno kung kaya't ang kakaunting liwanag na nagmumula sa maulap na kalangitan ay hindi makasingit upang sumilay. Tamang-tama para sa kanyang hangarin sa gabing iyon. Saglit na huminga ng malalim ang lalaki, waring umuusal ng dalangin habang itinutulos ang kandilang tangan sa uluhan ng lapida, bagay na nagbigay anino sa ulong nakausli at nakaukit sa gitna ng krus na bato sa unahan ng nitso.
Alam ng lalaki ang dapat niyang gawin, ang kilos niya'y nagpapahiwatig ng kasanayan sa ganitong gawain--walang sinasayang na sandali. Tinungkab niya ang nakausling siwang sa gilid ng maputing nitso, agad na bumigay ang mabuway na bato; kapag daka'y iniluwal nito ang isang butas. Mistulang butas ito ng kabulukan, isang butas na unti unting pinalalaki ng matiyagang pagkutkot patungo sa kailaliman na tanging ang naghuhukay lamang ang may alam kung saan hahantong at kung anong nilalaman sa dulo nito.
***
"Limampiso isa"
"pwede kayang madagdagan ng konti sir? Medyo mahirap kasi nagkakahigpitan ngayon e"
"aba, e kung ayaw mo sa presyo ko sa iba na lang ako lalapit"
"hindi ho sir, sige ako nang bahala-kelan nyo ba kailangan?"
"Sa makalawa sana kailangan na ng buyer ko e, pwede ba?"
"sige sir, may kaunti na rin akong naipon e, isasama ko na iyon-kailangan ko rin kasi manganganak ang misis ko..."
"o, basta ha wag kalimutang gumamit ng agua oxynada, para malinis"
"wala pong problema sir..."
***
May pailan-ilang kaluskos sa paligid, sa mga pagkakataong nakakalikha ng ingay ito, sabay ng tahulan ng mga aso--humihinto si Lando sa pagtutungkab ng nitso. Lumilinga-linga na waring nag-aabang ng may kikilos sa dakong pinanggalingan niya. Alam niyang kakampi niya ang gabi, itatago siya ng dilim at ihip ng hangin, maging ang buwan ay nakikisama sa pagtatago nito sa maitim na ulap.
Ilang saglit pa, kasya na ang dalawang kamay niya kung idudukot sa nalikhang lagusan, hindi na kinakailangang palakihin pa ng husto ang butas. Lampas siko niya ang maliit na lagusan sa kanyang pagkapa sa kung anong nasa loob ng nitso. Waring may mga mata ang kamay na alam kung saan kakapahin ang hinahanap, ilang saglit pa inaayudahan na ng kaliwang kamay ang kanang kamay na siyang gumiya at kumapa sa kanyang dinudukot.
Magkatulong na iniahon ng nakadaop niyang mga palad ang isang bungo. Masangsang ang amoy nito sa iilang bulok na laman na nakadikit dito, maging ang mga lagas na buhok at bakas ng pinagkainan ng mga uod ay mababanaag sa pag-ahon nito mula sa maputing sementadong kahon na kinasasadlakan nito. Inilapag ni Lando ang ulo sa tabi ng nakasinding kandila, noo'y umaagos na ang mga tunaw na luha nito sa ilalim ng sementadong krus. Tanging ang mga rebultong santo at kerubin lamang ang saksi sa gitna ng dilim ng gabi sa panaka-nakang tahulan ng mga aso.
Tagaktak ang pawis ni Lando, sanay na siya sa gawaing ito ngunit sa pagkakataong ito kailangan niya ang pagmamadali, hindi siya gaanong pamilyar sa sikot ng sementeryong ito--hindi niya teritoryo ito. Ang pagtatagal sa lugar na ito ang magkakanulo sa kanya sa kapahamakan. Mahigpit ang mga bantay sa sementeryong ito, dangan kasing sila din mismo ang tirador ng mga bungo dito, karibal sa negosyo at malamang sa hindi, makakatabi niya sa iisang kabaong ang nabubulok na kalansay na ito kapag nagkataon.
***
"pass na muna ako pare, medyo di ko na kaya e"
"tang ina ka Lando, kelan ka pa naging uhugin sa inuman? Pangatlong tagay pa lang ito a"
"hindot itong si Lando o, ang aga-aga pa e, takot ka ba sa misis mo?"
"gago! Tanginang ito, manganganak na ang misis ko, e ni pambayad sa Fabella wala pa ako buti sana kung pwedeng ipahugot na lang basta sa albularyo yung anak ko..."
"sige ‘pre, iyo na muna yung isang supot ko, marami-rami din yun ikaw na mag abot kay bossing"
"salamat ‘pre, pero kailangan madagdagan pa e, dyan na muna kayo didiskarte lang ako sa South"
"dre, ingat lang sa mga bugoy ha..."
***
Walang sinayang na sandali si Lando, isa-isa niyang pinitas ang mga ngipin ng bungo sa tulong ng liwanang ng kandila. Mistulang pumipitas ng mga butil ng mais at masusing sinisipat ito sa liwanag na dulot ng natutunaw na kandila, palinga-linga, kinakabahan. Ang bawat pagpitas ng mga ngipin ay lumilikha ng malulutong na tunog na tila may kinakagat na isang malutong na pagkain. Kumakapit sa kamay niya ang ilang nalalabing bulok na laman, marahil sa gilagid, o sa dila, o kaya'y sa balat mismo ng nagmamay-ari ng bungo nanggaling. Malagkit at mabaho, may maliliit na kumpol ng laman at iilang buhok na nakadikit—hindi iniinda ni Lando ang mga ganitong bagay, sanay na siya. Hindi na rin kailangang sinuhin kung babae man o lalaki, matanda man o bata ang bungong ito--ang mahalaga, pagkakakitaan ito.
May mga papalapit na yabag sa likod ng abalang si Lando, marahan at eksakto ang kilos. Mga hakbang na nagpapahawi sa mga ga-tuhod na talahib patungo sa kanyang kinaroroonan. Ipinagkanulo siya ng kaunting liwanang na dulot ng natutunaw na kandila sa ibabaw ng nitso. Huli na ng malingunan niya ang dalawang aninong papalapit.
"putang-ina ka! Ikaw pala ang nagnanakaw ng mga ngipin ng mga patay dito!"
Sukol si lando, hindi nya alam ang gagawin, napakuyom ang kanyang mga kamay na noo’y may tangang pinitas na mga ngipin. Dangan kasing ang pinili niyang pagnakawang nitso ay sa sulok ng sementeryo nakapwesto. Nagtangka siyang tumakbo, ngunit isang matinding bigwas at hambalos ng tubo sa kanyang tuhod ang nagpabagsak sa kanya, tumama ang kanyang ulo sa kanto ng isang nitso-sabay tapon ng isang dakot na ngipin sa kanina lamang ay nakakuyom sa kanyang mga palad. Habol ang hininga ni Lando ng bumagsak sa tabi ng nitso.
***
Sisinghap-singhap na parang isdang wala sa tubig si Melba, para sa kanyang payat na kabuuan napakalaki ng kanyang pagbubuntis, hindi marahil dahil sa malusog ang batang kanyang dinadala kundi dahil sa kakulangan ng tamang lakas at lusog ang kanyang katawan upang kayanin ang pagdadalantao. Lumilipad ang kanyang diwa sa sakit sa bawat hilab ng di maihakbang na daing, sa mga pagkakataong nagnanais siya ng brasong makakapitan man lang sa tuwing kikilos—ngunit ang pag iisa niya ngayon sa gitna ng karamihan ng pasyente sa admittance ng ospital ang lalong nagpapasidhi sa hapding kanyang nadarama.
"misis, matagal pa po yan, umuwi muna kayo wala pa pong 3 centimeters ang buka ng sipit-sipitan nyo e"
"hindi ba pwedeng dito na muna ako? Masakit na e di ko na kaya kung uuwi pa ako"
"wala ho kayong pupwestuhan dito, maraming nag-aantay na rin na manganganak, syempre uunahin po natin yung malapit nang manganak--marami ho kayo e."
"hindi ko na ata kaya pa maglakad e."
"asan ba'ng mister nyo? Wala ho ba kayong kasama?"
Iba ang pakiramdam ng taong nagdidilim ang paningin habang nakakaamoy ng kung anong masangsang na gamot sa pasilyo ng ospital, nagdudulot ito ng di maipaliwanang na panlalamig habang pinagpapawisan. Sa pagpupumilit suminghap ng hangin na magpapaginhawa sa nainikip na dibdib—alingasaw ng gamot--ospital ang nagpupumilit sumaksak sa baga ni Melba, bagay na lalong nakakadagdag nerbyos sa kanyang mag-isang pagtahak palabas ng ospital bitbit ang isang maliit na tuwalyang nakasampay sa balikat at pitakang naka kuyom sa kaliwang kamay.
Higit sa lahat takot ang nadarama ngayon ni Melba, takot hindi para sa kanyang mag-isang pagsisilang—sanay na siya sa ganitong sakit, sa katawan man o sa katauhan. Ngunit mas iba ang takot para sa isang anak na nakatakdang isilang, ang walang katiyakang pagluwal na kahit nasa ospital na siya mismo ay naroon pa rin ang pangambang may mangyaring hindi maganda. Kung naroon lamang sana ang kanyang asawa sa kanyang tabi.
Hahanapin niya…
“asan na kaya si Lando?”
***
May liwanag na nang magkamalay si Lando, nakasubasob siya sa damuhan, dama niya ang kirot at sakit ng nagdurugong sintido sa pagkakabagok sa nitso, ngunit sadyang hindi niya maikilos ang mga kamay sa pagkakatali nito sa kanyang likuran. Muling tumahip sa kaba ang kanyang dibdib pagkaunawa sa kanyang kalagayan. Mistulang pagkagising sa masamang panaginip ang matagpuang halos tuyo na ang dugo sa sugat ng iyong ulo na lumigwak sa balikat ng iyong damit. Ang kirot ng bukas na sugat na gusto mo mang sapuhin upang malaman kung ito nga ang dahilan ng pag kirat ng iyong kaliwang mata ay hindi mo magawa dahil sa napag-alaman mong nakatali ang iyong mga braso at hindi maikilos.
Nag-uusap sa di kalayuan ang dalawang lalaki, ang isa ay may sukbit na bilugang baril sa kanyang baywang. Gustuhin man niyang magmakaawa o humingi ng tulong sadyang walang mailabas na tinig ang bibig niyang nabubusalan.
Isang sabunot sa buhok sa batok ang nagpatingala kay Lando sa nakasisilaw na araw ng umagang iyon. Kinaladkad siyang papalapit sa nitsong kani-kanina lamang ay siyang pinanggalingan ng bungo na pinitasan niya ng pang hanap-buhay. Tinatanggal ng isang lalaking payat ang busal niya sa bibig, habang ang isang mamang malaki ang tiyan naman ay nagbunot ng kanyang baril at sabay tutok sa mukha ni Lando.
"sige, kagatin mo ang kanto ng nitso, kagat!"
Nanlaki ang kanyang mga mata, hindi sigurado si lando sa kung anong ibig sabihin ng taong ito na kasalukuyang tumututok ng baril sa kanyang mukha. Mabigat ang tinig nito sa pagkakasabi ng “utos” sa kanya, halatang alam nito kung ano ang ipinapagawa sa kanya—bagay na lalong nagpakaba kay lando.
Marahil napansin ng lalaking payat ang pagtataka o pagkagitla sa mukha ni Lando kaya't isang mariing batok ang pinakawalan nito sa kanya.
"tang-ina mo, sabi nang kagat e"
Isunubasob nito ang ulo ni Lando sa kanto ng nitso, hinawakan ang mga panga niya at idinuldol sa kanto ng maputing nitso na noo'y umiinit na dahilan sa sikat ng araw. Nakatutok pa rin sa mukha niya ang baril. Nagsasanib ang dugo, pawis, luha at uhog kay Lando, alam niyang ilang saglit lamang ay kasama na siyang maililibing sa sementeryong ito at pagpipistahan ng mga uod. Nagsasalimbayan ang mga imahe sa utak niya, ang buntis na asawa niyang si Melba, ang panganay niyang namatay sa pulmonya sa Ospital ng Maynila, ang mga nag demolish ng bahay nila sa Tondo, ang Warden ng Muntinlupa na naging mabait sa kanya, ang nasaksak niyang Intsik na negosyante.
Umaagos ang laway niya sa katawan ng nitso, sa ilang sandaling pagkakabusangal ng kanyang bibig sa kanto nito. Ngawit man ang kanyang mga panga habang nakatali pa rin sa likod ang mga kamay ay wala siyang panahong magreklamo o indahin ang masakit na posisyong ito, lumilipad ang isip ni Lando sa kalawakan ng pangamba, ng takot at pagdedeliryo.
Halos magdeliryo sa sakit ang babae. Kagat-labi si Melba habang iika-ikang tinatahak ang makipot na daan patungo sa looban, sa mga pagkakataong mas kinakailangan niya ang presensya ng asawa—wala ito. Nanlalamig ang buo niyang katawan, kinakaya ang sakit upang humakbang pauwi ng bahay, tagaktak ang pawis niya…
Tagaktak ang pawis ni Lando, nilalamon ng di matingkalang pangamba ang buong katauhan niya. Limitado ngayon ang kanyang paningin sa halos magsara niyang kaliwang mata bunga ng pagkasubsob. Ang tangi niyang nasusulyapan ay ang ibabaw ng puting nitso mula sa pagkaka kagat niya sa gilid nito. Sa ibabaw ng nitso ay naroon pa rin ang bungo na kanyang nabitawan matapos tamaan ng matinding hambalos. Waring nakatitig ito sa kanya—kulang na ang mga ngipin sa harapan. Waring naninisi, waring nangungutya, waring may gustong sabihin. Sa unang pagkakataon tinalaban ng takot si Lando sa presensya ng isang bungo sa harap ng mukha niya.
Nawala ang baril na nakatutok sa mukha niya, nasa likuran lamang niya ang dalawa, nauulinigan niya ang paanas na paghakbang ng mga ito sa damuhan, marahan ngunit mabigat. Naramdaman niyang nag-uusap ito ng pabulong habang umiihi at paminsan-minsang dumadahak ng plema. Dinig niya ang maging ang pitik ng posporo sa kiskisan upang magsindi ng sigarilyo ang dalawang lalaki. Lahat ng ito ay sumisiksik sa kanyang pangamba, lahat ng ito ay nagpapadagdag sa kanyang takot. Hindi man niya tuluyang maulinigan ng malinaw ang usapan ng dalawa, ang tono ng mga boses nito ay mistulang hinahasang itak sa kanyang likuran, nakakangilo at nakakatakot. Ayaw niyang lumingon at bumitaw sa pagkaka kagat sa kanto ng nitso-alam niyang ikakagalit nila ito kung gagawin niya.
Ilang mga nagmamadaling trabahador na papasok sa pabrika ang nakakita sa kanyang hirap na kalagayan, ngunit sadyang wala itong panahong tumulong sa isang tulad niya. Isang mariing hilab pa at tuluyan nang bumulwak ang panubigan ni Melba. Napakunyapit siya at napasandal sa poste ng isang saradong pondahan, sa tabi ng basurahang umaapaw ang laman at tampulan ng mga uod, bangaw, daga at asong-gala. Magkahalong tubig at dugo sa kanyang hita. Isang mariin at masakit na hilab…
Isang mariing tadyak sa batok ni Lando ang pinakawalan ng lalaking malaki ang tiyan mula sa likuran. Walang kagatol-gatol nitong pinakawalan ang sintensya ng umagang iyon, sa sumisingasing niyang ngiti na sinabayan ng mura at dura, sabay tapon ng upos ng sigarilyo.
Sargo ang dugo sa tunog ng may nabaling buto, kalat ang mga ngiping putol habang si Lando ay nabuwal na kikisay-kisay at halos mawalan ng malay, basag ang panga, duguan ang bibig.
Duguan ang kinatatayuan niya, tuluyan na siyang napaupo sa sakit na naramdaman, umiikot ang kanyang paningin. Sisinghap-singhap siyang pilit tumayo sa pag-aalala sa kasasapitan ng di pa man naisisilang na sanggol. Pagkakita sa daloy ng dugo sa kanyang hita at binti, agad na napabunghalit ng iyak si Melba—taranta, takot, pangamba, habang umaatungal siya na parang bata at pilit nangungunyapit sa kung anong bagay na maabot ng kamay niyang nanginginig sa takot, takot sa kamatayan…
"pasalamat ka hindi ka namin pinatay"
Wala ni ingit na narinig pagkatapos ng isang lagapak ng kumpol na laman sa tabi ng basurahan.
“tara tsip, iwan na natin yan dyan”
Walang kibo si Melba habang inaalalayan ng mga kagawad ng baranggay patungong Heatlh Center.
Walang kibo si Lando sa kanyang pagkakapikit habang nakanganga ang bibig at sa wasak na panga niyang nakukulapulan ng natuyong maiitim na kimpal ng dugo.
END
0 comments:
Post a Comment