Wala, wala sa mga titik ng nagkikintabang pahina
Ng mga babasahing pampaganda
Ang katotohanan, mahal kong Inday.
Wala sa ngiti ng kanilang balingkinitang mga modelo
At sa babaing hindi man lamang masayaran ng alikabok ang mga paa
Ang sagot sa bugtong na inihihinga ng mundo.
Kahit pagbalibaligtarin mo pa ang mga larawan
Ang mga titik na nagpapatiwarik ng iyong diwa
At nag-uugoy sa iyong muni—hinding-hindi mo matatagpuan ang kasagutan.
Oo, aking Inday: Wala sa magagara nilang mga damit
At iniinom nilang mga pampaputi, pampakinis, pamapalibog
Ang paliwanag sa hiwaga’t mga tanong na naglalaro sa iyong utak.
Wala sa kolumn nina Asia Agcaoiling nagtuturo sa iyo
Kung paano hahalinghing at titirik ang mata kapag nakikipagniig
Ang mga karungang dapat mong mabatid ukol sa iyong pagkatao’t tungkulin sa mundo.
Wala sa mga pahina ng mga women’s magazine, o aking Inday
Ang kasagutan kung bakit ka inaapi’t pinagsasamantalahan
Kung bakit ang tingin sa iyo ay isang laruan at parausan.
Huwag kang palilinlang sa mantra at orasyon
Ng makikinang na pahina, Inday. Huwag mong isiping kalakasan
Ang pamumuhay sa kahalaya’t kasinungalingan.
Na ikaw ay pangkusina at pambahay lamang.
Na ang pakikipagtalo-sira sa kasarian ng mga anak ni Adan
Ang wastong paraan para ka mapawalan sa hawlang kinakukulangan, mahal kong Inday.
Sinasabi ko sa iyo: Wala sa pampaburok ng pisngi, pampaganda ng puwit at suso
Ang lakas ng iyong pagkatao, iniirog kong Inday.
Wala sa bawat bayo at indayog ng balakang sa panahong nakikipagniig ka, mahal.
Sa mga pahina ng kasaysayan ka maghanap ng sagot, Inday
Doon mo malalaman kung bakit ka nila ginawang manyika’t pinahalay.
Doon mo makikita ang sagot kung bakit api ka’t tinatapakan.
Huwag mong hanapin sa mga magasing nagbebenta sa iyong puri at ganda, Inday
Ang mga sagot sa mga bugtong at palaisipang humihinga sa iyong utak at pagkatao.
Wala sa pahina ng women’s magazine,
o aking Inday, ang kagandahan ng iyong pagkatao.
Sinasabi ko na sa iyo. Wala.
0 comments:
Post a Comment