Friday, February 26, 2010

Oda kay Totoy




Oda kay Totoy 

(Isang Batang Konduktor ng biyaheng Morong-Parklea-Crossing)



1.

Natutuwa ako sa iyo
hindi mo lamang nalalaman.
Kay liksi kasi ng katawan mo
sa paglalambi-lambitin sa estribo.
Sa wari ko ba, para kang nasa balas
sa isang magandang palaruan?

Higit pang nakatawag ng pansin
sa aandap-andap na ring paningin
dahil sa pagod at matinding asar
dahil sa mga nangyari noong gabing iyon
ay ang maluwang na barong suot mo
at short pants na waring mula sa iyong ama.

Sa bawat pag-abot mo
ng bayad-sukli ay halos di rin magkandatuto
sa pag-aayos sa mala-sayang makutim na suot.
Hindi mo batid, Totoy
Kung paano mo ako napahahanga sa ginagawa mo.

2.

Lalo akong natutuwa
sa tuwing sisigaw ka ng
“Dalawa pa sa kanan
Tatlo pa riyan sa kaliwa -
kaunting usog lang
at nang makaalis na!”

At pagtawag mo ng:
“O, Tanay-Tanay-Antipolo-Junction
O marami pa, maluwag pa -”
maging ang pagsambit mo ng:
“Ilan ‘to ate? Magkano ang bigay mo -
O sukli sa singkuwenta.Me piso ka?”

Ang dinig ko’y para lamang
nagsasabi ka sa kalarong
“Pagbilang ko ng sampu
Nakatago na kayo -
Isa, dalawa, tatlo…”

3.

Waring di ka pa rin naliligo
at halatang buong maghapon ka nang
sumisirko-sirko sa may estribo.
Kumain ka na kaya ng hapunan?
Alas-onse na noon. Nag-aalaala ako.
Baka kasi, hindi pa.

Hindi kita maalok ng maiinom
dahil wala nang laman
ang dalang lalagyan.
Wala ring maibigay na kutkutin
dahil bulsa’y butas na rin
wala nang laman.

Gusto kong sabihin sa tsuper
na baka naman maaring kang palitan
kahit sandali lang.
Maranasan mo namang
maupo kaabay ng mga pasahero
Kahit iilang minuto.

4.

Gusto ko sanang sabihin
“Bakit ka naririto
samantalang hatinggabi na?
At bakit pinapayagan
kang magpagabi, magpakahirap
ng iyong ama’t ina?

Inisip ko na lamang
Baka naman talagang
Likas sa iyo ang kasipagan
at gusto lamang makatulong sa magulang,
Kaya kahit ang lansanga’t estribo
ginawa mo nang palaruan.

Nalalaman kaya nilang
namumunini sa kapangyarihan
na may katulad mong batang
inagawan ng kamusmusan
dahil sa kahirapan?
Baka naman alam… nagtatanga-tangahan lang!

Pero, ‘toy saludo ako sa iyo
Hayaan mo – darating ang araw
Wala kang gagawin lamang
kundi ang magaral, maglibang, maglaro.
Malapit na iyon, ‘toy.
Malapit na iyon…

Lungsod ng Antipolo, Pebrero 24 – 25, 2010


0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.