“Gaganda ng ibon, oh!” sabi ni Marco, habang nakatingin sa mga ibong nakahawlang ipingbibili ng mama sa sa daan, papasok ng simbahan.
“Ibili mo ako noon, ‘nay! Gusto ko yung kulay dilaw,” ungot ni Marco sa inang isinawsaw ang daliri sa agua bendita.
“Ikaw, kung anu-ano ang itinuturo mo. Naririni tayo para magsimba ‘di para bumili ng ibon.” asik ng kanyang ina, bago nag-antanda ng krus. Hinila ang pitong taong gulang na anak, patungong upuan. Matapos magpasintabi sa isang manang na katabi, ipinuwesto ang anak na may hapis sa mukha.
“Sige na…” ungot ng bata.
“Manahimik ka nga diyan, magsisimula na ang misa!” asik muli ng ina sabay tingin sa altar.
Sa pagkiriring ng kampanilyang hawak ng sakristan, mataginting ang awit ng koro at mga nagsisimba ng Aleluya.
***
“Si Jesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo.
“Sa pagbubukang-liwayway, siya ay muling pumunta sa templo. Ang lahat ng mga tao ay lumapit sa kaniya. Siya ay umupo at tinuruan sila.
“Dinala sa kaniya ng mga guro ng kautusan at ng mga Fariseo ang isang babae na nahuling nangangalunya. Inilagay nila siya sa kalagitnaan. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa paggawa ng pangangalunya. Iniutos sa amin ni Moises sa kautusan na batuhin ang katulad nito. Ano ang masasabi mo? Ito ay kanilang sinabi upang subukin siya nang mayroon silang maiparatang laban sa kaniya.
“Yumukod si Jesus, sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang daliri.
“Sa patuloy nilang pagtatanong sa kaniya ay tumindig siya. Sinabi niya sa kanila: Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kaniya. Siya ay muling yumukod at sumulat sa lupa.
“Sila na nakarinig nito ay sinumbatan ng kanilang mga budhi. Dahil dito, sila ay isa-isang lumabas, simula sa matatanda hanggang sa kahuli-hulihan. Naiwan si Jesus gayundin ang babae na nakatayo sa kalagitnaan. Nang tumindig si Jesus ay wala siyang nakita maliban sa babae. Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, nasaan ang mga nagsasakdal sa iyo? Wala bang humatol sa iyo?
“Sinabi niya: ‘Wala, Ginoo.’
“Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kahit ako man ay hindi hahatol sa iyo. Humayo ka at huwag nang magkasalang muli.”
“Mga kapatid, ang salita ng Diyos!”
“Salamat sa Diyos!” tugon ng mga nagsisimbang pasalampak na umupo, na tila nangawit sa pagkakatayo dahil sa pagkakatayo sa pagbasa ng Ebanghelyo.
***
Wala sa sermon ng pari ang kanyang pansin. Kanina pa siya taimitim na nagdarasal. Sa isip at puso niya, naroroon ang pagmamakaawa sa Santa Cruz na nakasabit sa gitna ng altar ng Simbahan.
“Panginoon ko, hanggang kailan ang pagsubok na ito?” usal ng isip niya.
Nagbalik sa gunita niya ang tumatalak na may-ari ng kanilang inuupahang barung-barong.
“Ay, naku! Magda! Kung hindi kayo makababayad sa katapusan nitong buwan, magbalut-balot na kayo! Kaya nga ako nagpapaupa e, para magkaroon ng pera! Hindi na uso ang karikaridad ngayon! Aba! Aba! Mahirap ang buhay,” halos bumula ang bibig ng kasera niya.
“Hindi pa po kasi umuuwi si David galing trabaho, sabi niya’y susuweldo daw sila ngayon. At saka, maniningil ho ako mamaya sa mansiyon. Kapag may nakuha’y ibabayad ko agad sa inyo,” may himig paumanhin ang boses niya.
“Naku, siguruhin lamang ninyong mga putang-ina kayo! Aba’y gusto ninyong may matirhan eh, di naman kayo marunong magbayad! Hihintayin ko yan, Magda, ha? Hihintayin ko ‘yan!” padabog na umalis ang nagbubungangang kasera. Lumipat sa ibang paupahang pagmamay-ari nito.
“Diyos ko, ano ba namang pagsubok ito! Diyos ko! Mahabag po kayo!” halos mamiling ang luha niya sa pakikiusap, sa nakapako sa Santa Cruz na nasa gitna ng altar. Para hindi mapansin ng mga katabi ang maglalandas nang mga luha, agad niya itong pinahid.
Hindi niya namalayang tapos na ang sermon. At maya-maya pa, lumapit ang may dalang buslo. Hinayaan niyang lampasan siya. Napasulyap siya kay Marco, nakatulog ito. Maaga kasi niya itong ginising para magsimba…
***
“Luluwas tayo ng Maynila,” desisyon ni David isang araw. “Ayaw ko na rito. Gusto ko namang umasenso. Dito, walang asenso, lalo pa’t nakikisaka lamang tayo.”
Hindi siya kumibo. Kasalukuyang natutulog ang limang taong si Marco.
“Kailan tayo luluwas? Saan tayo titira?” tanong niya sa asawa.
“May mauupahan naman doon, tiyak. Kung saan malapit ang trabaho. Titiyempo tayo,” pakli ni David.
Kahit siya, naaaliw sa kuwento ng ilang kababayang napunta ng Maynila. May ilang nakapaghanapbuhay doon at sinasabing maalwan na ang pamumuhay. Kita naman, sa mga gamit na iniuuwi tuwing pupunta ng kanilang probinsiya.
Napadpad sila, malapit sa piyer. Pagkababa ng gamit sa paupahang pinagtagpi-tagping lawanit at yero, naghanap ang asawa ng mapapasukan.
Ilang araw ding alis nang alis ang asawa. Paubos na ang ₱30,000 na napagbilhan sa ilang gamit at inutang sa ilang kakilala.
“Malas! Bakit kasi di ko tinapos ang haiskul?” himutok ni David, paguwi, isang gabi mula sa maghapong paghahanap ng trabaho.
“May awa ang Diyos,” sabi niya. Kinakalamay ang loob ng asawa.
Naputol ang paguusap nila nang biglang lumapit ang batang pupungas-pungas, halatang bagong gising.
“’Tay, nagugutom ako,” sabi ni Marco.
“May tinapay diyan anak, kunin mo sa mesa,” sabi ni Magda. Naaawa siya sa anak. Nangangayayat na.
“Magpapahinga na ako,” sabi ni David. Tinungo ang lumang papag kahit di pa nakabibihis. Maya-maya pa’y nahimbing na ito. Napansin niyang nakatulog na rin ang anak sa isang sulok ng barung-barong hawak ang may kagat nang monay na binili niya kaninang umaga. Napakagat-labi siya.
***
Tuwang-tuwa si David na ibinalitang may trabaho na ito. Kaya lang, destino. Sa isang konstruksiyon, tagahalo ng semento.
“₱150 daw kada araw. Ayos na iyon. Uuwi na lamang ako tuwing araw ng Linggo,” sabi ni David. Iniabot ni David sa kanya ang ₱1,500.
Pinahid niya ang kamay sa suot na palda. Naglalaba siya. Tumanggap na rin ng labada para may pandagdag sa nauubos nang pera.
“Iniabante ko na yung suweldo ko para sa dalawang linggo. Buti na lamang at pumayag. Libre naman kami ng pagkain doon, sabi ni manedyer,” sabi ni David.
Mayroong munting tuwang dumantay sa kanyang dibdib. Hindi na sila kakapusin, naisip niya.
“Sana suwertehin tayo,” anang kanyang asawa.
“Sana nga… ipinagdarasal ko ‘yon,” tugon niya.
***
Lulugu-lugong umuwi ang kanyang asawa, isang araw.
“Malas! Nagsibakan. Isa ako sa natanggal! Buti na lang pinasuweldo pa kami,” himutok ni David. Napasabunot sa ulo. Wala ang anak, nakikipaglaro sa kapitbahay.
“Bakit naman daw?” nausal na lamang niya.
“Wala nang badyet. Pero huwag kang mag-alala, ito ang ₱1,500; pahingi na lamang ng pamasahe. May nagsabi sa akin na may bakante raw sa isang konstruksiyon, sabi ni Edgar, yung dating kasamahan namin. Baka masuwertehan. Mas malaki daw ang bigayan doon. Kaya lamang, eh labas ng Metro Manila ang gawa,” sabi niya.
“Kumain ka na ba? Mayroon pang sardinas diyan,” nasambit niya, habang kinukuwenta ang pagbabayarang mga utang. May matitira pang ₱700. Sa katapusan na lamang siya magbabayad ng bahay.
“”Nay! ‘Tay! May pagkain na ba?” painosenteng tanong ng batang amusin dahil sa pakikipaglaro.
“Bibili pa lang,” sabi ng ina. “Halika, samahan mo ang nanay.”
***
“Alam mo, kung mag-stay in ka rito, e mas kikita ka nang husto,” sabi ni Mr. Mariano, na siyang nag-abot sa kaniya ng bayad sa labada. Malagkit ang tingin nito. Napansin niyang bahagyang bumukas ang kanyang blusa. Nahantad ang kanyang punong-suso.
“Wala hong mag-aasikaso ke Marco eh,” sabi na lamang niya. Nahihiyang inayos ang damit.
Napangiti si Mr. Adriano, ang isa sa pinakamayaman sa may lugar ng piyer. May-ari ito ng kompnya ng trucking na nagdedeliber ng mga kargada sa iba’t ibang panig ng Luzon. Mayroon pang tsismis na bukod sa trucking, may iba pa itong pinagkakakitaan—pamumuslit ng mga tela at iba pang kontrabando sa piyer.
“E di isama mo rito! Tutal naman eh, may mapaglalaruan naman siya rito,” sabi nito. Nakangisi.
Nahintakutan siya. Pero hindi siya nagpahalata.
“Wala hong mag-aasikaso ke David kapag ho dumating siya,” sabi niya.
“Ikaw ang bahala,” sabi ni Mr. Mariano. “Pero pagisipan mo rin…” pumasok na ito sa loob ng bahay.
***
Tatlo lamang ang katulong sa mansiyon na iyon sa malapit sa piyer: si Aling Inday, ang kusinera at si Jody, ang kanyang labandera at tagalinis at si Johnny, ang driver ni Mr. Mariano. Nagbakasyon si Jody sa probinsiya, dahil sa inang maysakit.
Hindi na rin makapaglaba si Aling Inday dahil matanda na. Hindi na kaya ng kamay niyang pasmado at nirarayuma ang
Napadaan siya isang araw, sa tapat ng bahay nito nang papasimba siya. Napuna niya ang paskil: ‘WANTED: LABANDERA.’
Si Aling Inday ang humarap sa kanya. Madaldal ang matanda.
“Si Ser lang ang nandito. Sina misis kasi at saka ‘yong dalawang anak nila, nagpunta ng Amerika. Nagpaiwan si Ser, kasi walang mag-aasikaso ng negosyo nila. Hi-hi-hi! Di mo naman kailanga mag-stay in dito,” sabi ni Aling Inday.
“O, Manang, kumusta? Me bisita pala tayo,” hinagod siya ng paningin ni Mr. Mariano. Kinilabutan siya.
“Si Magda ho, nag-aaplay na maglabandera. Pansamantalang kapalit ni Jody,” sabi ni Aling Inday.
“Gusto ko, malinis ang laba ha? Huwag kang mag-alala sa pamamalantsa. Naiupa na rin natin ‘yon,” sabi ni Mr. Mariano.
“Saka, dalawang beses sa isang linggo ka lamang namang maglalaba,” dagdag pa nito.
“Ah, Manang, nasabi mo na ba kung magkano ang suweldo?” baling nito sa matanda.
“Sabi ko ho’y ₱350,” tugon ng tinanong.
“Ayos na ba sa iyo ‘yon?” baling nito sa kanya.
“Opo,” sabi niyang nakayuko. Naaasiwa siya sa tingin at ngisi ni Mr. Mariano.
***
Dumating si David at inientrega ang sahod sa loob ng limang araw. Natanggap siya sa konstruksiyon.
Pero matagal-tagal din siyang nabakante kaya hirap si Magda noong nakaraang mga araw.
“David, tatanggap na ako ng labada ha? Pandagdag ba,” sabi niyang nahihiya sa asawa.
“Kaya mo ba?” sabi nito habang naghuhubad ng sapatos.
“Oo naman. Sanay naman ako sa trabaho eh,” aniya.
“Itay!” sabi ng anak, pagbungad nito sa hagdan.
“Pasalubong ko?”
Binigyan ni David ng mamon ang bata. Tuwang-tuwa ito at muling bumaba para makipaglaro sa kapitbahay.
“Naisip ko, kasi mag-aaral na si Marco. Para makaluwag ka rin. Ikaw lang kasi ang naghahanapbuhay sa atin,” sabi niya.
“At saka, dito na lang ako maglalaba sa atin para mabantayan ko rin ang bata,” sabi pa niya.
“Kung ikaluluwag ng loob mo,” sabi nito. Inakbayan siya at hinagkan sa noo.
“Nakaluto na ako. Kain na.”
***
“Naku, Ate Magda! Nagkasakit na naman si Kuya Dave sa trabaho, di pa raw siya makakauwi. Eh, hindi sagot ng kompanya ang pambili ng gamot, pampaduktor lang. Kaya, ito lang ang naiabot niya,” sabi ni Junior, kasamahan ni David sa trabaho.
Binubuksan niya ang kandado ng barungbarong, nang makita niya si Junior na papalapit sa kanya. Nakayag na ng kalaro si Marco kaya siya na lamang ang papanhik ng bahay.
“Bakit? Ano na naman ang sakit niya?” sabi nito, himig na nag-aalala.
“Umulit ang trangkaso. Sabi niya, kaysa umuwi ay doon na lamang muna siya. May nag-aasikaso rin naman sa kanya roon, may mga kasamahan kaming binata na nagpapaiwan doon,” sabi nito.
Siya man ay natrangkaso. Halos tatlong linggo din siyang hindi nakapaglaba. Buti na lamang at mayroon pa siyang naitatabing kahit kaunting pera pangkain nilang mag-ina. Madalas na sardinas at Lucky Me ang pinagkakasya nila buong maghapon.
Binuksan niya ang sobre—₱600 ang laman. Diyos ko, sambit niya sa isip niya. Kulang ito. Halos dalawang buwan na silang di nakababayad ng bahay dahil mas madalas na hindi nakapagpapadala si David. Madalas itong magkasakit. Duda niya, dahil sa hirap ng trabahong napasukan.
Wala raw silang maayos na masisilungan doon. Kaya tinitiis ang init, lamig, ulan sa ginawang kubu-kubuhan sa tabi ng construction site. Inaayos kasi ang munisipyo roon. Ang matindi, hindi nasunod ang pasuweldo. Si Junior ang nagkuwento sa kanya. Nahabag siya sa kanyang asawa.
Doon napagpasiyahan ng asawang dalawang beses na lamang sa isang buwan na umuwi. Hindi niya ito masisi.
“Salamat, Junior ha?”
“O siya, uwi na ako,” sabi ng 19-anyos na kapitbahay na nahukot na rin dahil sa katatrabaho sa piyer at konstruksiyon.
Agad niyang hinanap si Aling Banang ang kanilang kasera para ibigay ang ₱500 na pambawas-utang sa tirahan.
“Maniningil po ako sa mansiyon, mamaya,” sabi niya bago pa man siya muling matalakan ng kasera.
***
Muling nanumbalik sa isip niya ang nasabi ni Mr. Adriano, minsang nabungaran siya nitong nagpipili ng mga damit na lalabhan.
“Ilang taon ka na?” tanong nito sa kanya, pang-al ang tabakong wala namang sindi. Sa daliri nito ay may singsing na may malaking bato sa gitna.
“Beinte-otso po,” nahihiyang sabi niya. Naaasiwa siya sa tingin at ngisi ng amo.
“Bata pa… at nasabi mo noong may anak ka na? Ilang taon?” tanong nito na hagyang lumapit sa kinaroroonan niya. Lalo siyang naaasiwa.
“May nakapasabi na ba sa iyong maganda ka?” lalo itong lumapit. Natigilan siya sa pagbubukud-bukod ng mga damit.
“Alam kong hirap ka sa buhay, kaya gusto kitang tulungan,” sabi nito na parang ibig alisin ang kanyang pagkaasiwa.
Umupo ito sa tapat niya. Parang may anong bumubundol sa kanyang puso. May hitsura si Mr. Mariano, kastilain pero halatang may edad na.
“Mag-stay in ka na kasi. Alam kong diyan ka sa may squatters area sa piyer nakatira. Napasundan na kita. Alam kong hirap na hirap ang lagay mo roon. At saka ang anak mo, di ba, kinukulang sa pagkain? Madalas kasing walang kita ang asawa mo…” paunang litanya nito, halos pabulong.
Nakapangingilabot ang dating ng mga salita ni Mr. Mariano.
“Matutulungan kita. Pero kung gusto mong patulong…” sabi pa nito.
“Pagiisipan ko ho,” sabi niya na nagmamadaling itinali ang lalagyan ng damit.
Napatawa si Mr. Mariano. Parang natulig siya sa tawang iyon.
***
Nagbibihis na siya bilang paghahanda sa pagpunta sa malaking bahay. Nagulantang siya sa katok at sigaw ni Aling Maring.
“Naku, Magda! Si Marco mo! Nabundol ng sasakyan!”
“Ano ho?!”
“Naisugod na siya sa ospital. Biruin mo ba namang tumawid, hinabol iyong nagtitinda ng ibon, dahil natutuwa siguro. Ayun! Nabundol ng dyip! Hindi ‘ata kumagat agad ang preno,” mahabang kuwento nito.
Nanlumo siya.
“Tara na, at sundan natin sa ospital,” sabi nito.
***
Nakita niyang nakasuwero at may benda sa ulo at mga braso ang kanyang anak.
“Maayos na siya. Kaya lamang eh, kailangang lagyan ng bakal yung isang binti at braso niya. Nabali kasi. Kailangan n’yo hong maghanda nang mga ₱150,000,” sabi ng doktor na tumitingin sa anak niya.
“At saka, kailangan din niya na mainom agad ang mga gamot na ito,” sabi ng doktor, sabay abot sa kaniya ng reseta.
Namanhid ang buong katawan niya. Kung kailan naman wala si David at maysakit pa siya. Napaupo siya sa isang upuang malapit sa kama nang walang malay niyang anak. Pakiramdam niya nauupos siya.
“Aling Maring, dito ho muna kayo ha? Hahanap lamang ako ng pera,” sabi niya.
“Sige, sige!” sabi ni Aling Maring na inihatid siya ng tingin habang papalayo. Napabuntung-hininga ito, pero di na naulinig ng papalayo.
***
Muli siyang napadaan sa simbahan. Napaiyak siya. Habang nakaluhod, patuloy ang daloy ng luha niya. Maya-maya, matapos mag-antanda’y pinahid niya ang luha ng panyong halos punit na sa kalumaan.
Naupo muna siya pasumandali. Walang tao. Mamaya pa ang susunod na misa sa hapon. Mabilis siyang nag-isip. Matapos na mabuo ang pasya, tumindig siya at tinungo ang pintuan ng simbahan
Animo’y nagmamasid ang mga santo, ang mga mata’y tinitingnan siya. Nahahabag.
Paglabas niya sa simbahan, may bumili ng mga ibon sa mag-iibon. Inilagay ang mga ito sa hawlang yari sa rattan.
“Yehey! May ibon na ako! Thank you, Papa!” sabi nito. Nagtungo ang mag-ama sa sasakyang nakaparada.
Napagmasdan niya ang dalawang ibong nakakulong sa hawlang hawak-hawak ng bata. Nagpupumiglas pero di makakawala.
Napakagat-labi siya. Parang may mga pakpak ang mga paa, nagmamadali ang bawat hakbang. Kailangan niyang marating ang malaking bahay na mayroong mataas na gate at may barbed wire na nakalagay sa mga tila tulos nito.
(Ang ginamit na pagbasa’y halaw sa Aklat ni San Juan, kapitulo 8, bersikulo 1 – 11; mula sa salin na Ang Salita ng Diyos (SND), © 1998 ng Bibles International).
0 comments:
Post a Comment