Buryong
ni: Rom Factolerin
Sumisinghap singhap na parang isdang nakawala sa aquarium, kikisay-kisay na nakahandusay sa makintab na sahig habang pumupulandit ang bumubulang dugo sa dibdib nito. Tulala ang lahat walang makakilos, wala man lang tumili o sumigaw—lahat nahintakutan, lahat nakamulagat. Mistulang huminto ang oras ng mga sandaling iyon, nasa harapan nila ang isang nilalang na nag-aagaw buhay ngunit wala man lang maglakas loob na lumapit at lapatan ng paunang lunas ang lalaki.
Ilang sandali pa’y hangos na pumasok ang buong pwersa ng kapulisan, binasag ang pintuang salamin habang nakatutok ang dala nilang mahahabang baril sa lahat ng dako ng establisimiento, walang sulok na pinaliligtas, walang makakawala. Dito mistulang natauhan ang mga tao sa bangko, nagtilian, nataranta, nagulo.
“putang-ina ka! Pinahirapan mo kami!”
sabay tadyak sa kamay ng nakahandusay at naghihingalong lalaki upang tuluyan nang mabitawan ang baril. Ilang sandali lang napaghinuha na ng buong pwersa na wala nang laban ang taong nagpahirap sa kanila at ngayon nga’y nakahandusay ito at nakikipagbuno kay kamatayan.
“cordon the area men, huwag papalapitin ang media, secure the area and look for some bombs, baka may itinanim itong gagong ito!”
Unti-unti nang dumadami ang operatibang nakapalibot sa naghihingalong lalaki, minamasdan nila ito na parang nakatunghay lamang at nag-aabang sa huling hugot nya ng hininga. Nakamulagat ang mata nito habang nakatitig lamang sa kisame sapo-sapo pa rin ang dibdib niyang binubukalan ng masaganang dugo. Maya-maya pa’y umubo ito ng isang kimpal na likidong pula, bagay na nagpa atras sa mga nakatunghay upang maiwasang matalsikan sila.
“Vasquez, come over here!”
“kilala mo ba ang hindot na ito?”
“hindi po sir, wala sa wanted list natin yan—neophite.”
Lubhang napakabagal ng oras sa isang naghihingalo, humahagok ang ungol niya na para bang isang hikain na nagmumumog ng malapot na likido at pinipilit magsalita. Ilang sandali pa ay napamulagat na ng husto ang mga mata nito unti- unting lumiliit ang itim ng mga mata, namumuti ito, umiinog ng nakakahilo ang paligid, ikot ng ikot. nagsasalimbayan ang iba’t ibang imahe sa utak at ugomg lang ang tunog na naririnig…
***
“bakit po hindi pwede ang PhilHealth ko?”
“yan po kasi ang regulasyon natin dito, if you fail to make contribution in at least three consecutive months disabled na ang service ng PhilHeath nyo, kasi po kailangan din namang magtuloy-tuloy ang contribution para sa ibang nais makinabang ng serbisyo.”
“eh, walong taon na po akong nagko-contribute dyan, natigil lang po kasi nawalan ako ng trabaho—natanggal po ako.”
“wala tayong magagawa, yan ang regulasyon e, batas po yan at di po ako ang gumagawa ng batas nagpapatupad lang po ako, at sana, sumunod po tayo.”
“ano bang batas ang nilabag ko? Nagbabayad ako ng dapat kong bayaran, bago ko pa man mahawakan ang kakarampot kong sweldo bawas na ito ng mga contributions na di ko naman pala pakikinabangan!”
“tumabi na po kayo, mister at mahaba pa ang pila, Next!”
Walang saysay makipagtalo kung alam mo rin namang wala itong patutunguhan. Gahol sa oras, gahol sa pagkakataon, gahol sa pera. Pera ang kailangan ngayon ni Jay para sa anak na naospital. Taas-baba ang lagnat nito dahil sa kagat ng lamok na may dengue. Kailangang malapatan agad ng lunas bago pa man magdugo ang mga gilagid nito gaya ng ibang kaso ng dengue sa kanilang lugar.
Masansang ang amoy ng paligid ng ospital, amoy gamot at amoy bangkay. Mistulang entresuwelo ng mga pulubi at palaboy ang pasilyo nito sa dami ng mga taga probinsiyang kamag-anak ng pasyente ang nakahambalang sa bawat sulok. Walang matutuluyang iba ang mga ito sa pagnanais na bantayan ang kaanak nilang naka confine, kaya’t minabuti na lamang nilang maglatag ng karton o kung ano pa mang mahihigaan sa kung saang sulok na di naman dinadaanan para lamang mabantayan ang pasyente. Ngunit ang katotohanan ay wala silang matutuluyan galing probinsya.
Sa mga pampublikong ospital gaya ng PGH makikita ang tunay na salamin ng kahirapan. Kung gusto mong malaman ang tunay na kalagayan ng lipunan, dito ka pumunta. Ang mga pasyente dito isasangla ang kaluluwa para lamang sa kaukulang atensyon ng doktor, ipagpuputa ang natitirang puri kapalit ng Amoxycillin, ibebenta ang katawan para sa simpleng operasyon. Dito makikita ang milya-milyang agwat ng mahirap at mayaman. Dito, ang doktor ang diyos at sa bawat niyang pagkumpas at pagtaas ng kilay umaasa ng himala ang mga alipin niya. Dito mo rin masusubok ang kawalng katarungan at kawalang-silbi ng gobyerno.
“Melba! Melba! Ang anak mo inaapoy ng lagnat!
Inaapoy ng matinding lagnat ng kamalasan ang buhay ni jay at ng pamilya niya. Nagmula sila sa angkan ng mga magsasaka sa Masbate. Napilitang lumikas sa Maynila upang iwasan ang tumitinding sagupaan ng mga militar at rebelde doon. Pero kahit may giyera pa man ay handa naman sana silang magtiis sa kanilang bayang kinalakihan, dangan nga lamang kung di inagaw ng Mr. Chuatico, ang negosyanteng meyor ang bukid na sinasaka ng kanyang ama.
“diyos ko po! Anong nangyari?”
Anuman ang mangyari ngayon ay nakahanda siyang harapin ito, mailigtas lang ang buhay ng kanyang bunso. Si Ryan, labing isang taong gulang.
“, bilisan mo itakbo agad natin sa ospital! Aba’y inaapoy na ng lagnat ito!”
Nilakad ni Jay ng wala sa loob ang kulang sa ilaw na pasilyo ng ospital pagkagaling sa cashier’s office. Napakalaking ospital nito, lahat nagmamadali, lahat kumikilos. Tanging siya lamang ang nag-iisang naglalakad ng mabagal at wala sa sarili. Bumubuntong-hininga at nag-iisip ng malalim. Ilang araw na ring walang tulog si Jay, halinhinan man sila ni Melba sa pagbabantay sa anak niyang nakaratay ay hindi naman siya napapahinga sa paghahanap ng paraan kung saan kukuha ng pambayad at pagpapagamot.
***
Naudlot sa pagkakatalungko si Jay sa sulok ng isang pasilyo nagpapalahaw kasi ang isang ina doon at kalong-kalong ang isang sanggol na may nakakabit pang dextrose sa maliit nitong braso. Parang black and white na eksena sa pelikula ang kaganapan, Puti at itim lamang ang nakikita ng mga mata ng mga taong pinapanawan na ng ulirat ng pag-asa sa isang lugar na gaya ng pagamutang ito—isang pinakamalaking balintuna ng panahon.
“ang anak koooo!”
Nakapangingilabot ang palahaw na umaalingawngaw sa entresuwelong malungkot, sa kanyang masangsang na amoy at malagkit na hangin ng kamatayan. Gumuguhit at gumigising sa diwa ng sino mang makarinig ang palahaw ng isang ina na nawalan ng anak ng walang kalaban-laban. Tapos na ang pakikipaglaban kay kamatayan…
Wala sa loob na tumayo si Jay at mabagal na tinungo ang dulo ng pasilyo. Sa pagkakataong sagad-sagad ang kamalasan niya sa buhay, kahit dapo ng langaw sa balat niya ay mistulang hiwa ng kutsilyong nagdurugo at di maampat, kaya’t ang mga eksenang ganito sa ospital ay lubhang nakapagdaragdag ng hapdi sa nakabukas na sugat ng kanyang pagkatao.
Kapag mahirap ka, natural na mga naghihikahos din ang iyong mga kakilala, e sino nga ba naman ang mayamang makikipag mabutihang-palad sa di niya kauri? Sa pelikula lang yon…kaya’t kahit anong isip ni Jay kung kanino lalapit at mangungutang laging nauuwi sa kawalang pag-asa.
“babale ka? Alam mo ba ang pinagsasabi mo? Tatlong buwan ka nang AWOL tapos magpapakita ka ngayon dito sa agency, babale ka?”
“e..sir kailangan ko lang talaga na-dengue kasi ang anak ko…”
“bakit di ka dun bumale sa unyon nyo? Tutal kayo naman ang magkakasamang reklamador di ba?” ’tang-inang to magrereklamo kayo ng non-remmitance ng SSS at tax tapos ngayon uungot kayo ng bale? tingnan ko lang kung may security agency pang kumuha sa inyo…”
“sir, may tatlong buwang sweldo pa po akong di nakukuha…”
“gago! Sa perwisyong dinulot mo sa paglilider sa mga reklamador na sikyo kulang pa yung natitirang sweldo mo pambayad, tanga!”
“umalis ka nga sa harapan ko at baka tadyakan ko pagmumukha mo!”
“at yung service firearm mo isoli mo na at baka sakaling maawa ako sa iyo pabalehin pa kita…”
Pigil-na pigil ang galit ni Jay. Sa mga pagkakataong ganito na halos sumambulat na ang dibdib niya sa galit, iniisip na lang niya ang anak at asawang naghihintay, na baka kung sakaling makalimot sya ay tuluyan nang magdilim ang paningin nya. Putang-ina! sana, kinuha na lang nya yung pagkakataon na nakawin yung wallet ni Mr. Ching na nalaglag sa kotse nya nung inutusan sya nitong iparada ito sa parking lot ng opisina. Makapal ang wallet na yun at kinabahan sya nang madampot niya sa ibaba ng tapakan ng preno. Wala namang nakakita e, wala ring nakaaalam. Pero isang tapik sa balikat lang at “ok ka bata!” na pakunswelong pagbati ang nakuha nya. Bawi na sana nya yung tatlong buwang sweldo nya na hanggang ngayon ay nillimos pa rin nya, at baka sobra-sobra pa. Habang pending at di pa rin nasisimulan ang hearing ng kaso sa National Labor’s Commission na ubod ng kupad umaksyon at tatlong buwan nang laging nare-reset ang initial hearing ng kasong isinampa nya, eto sya ngayon—lahad ang dalawang palad na namamalimos.
***
Malaki ang mga kwarto ng Pedia charity ward sa PGH. Malaki hindi dahil sa hangaring maging kumbinyente ito sa pasyenteng naka confine at maging maayos at madali ang kanyang paggaling. Malaki ang mga kwarto para pagkasyahin ang walong pasyente at isiksik sa iisang kwarto lamang. Halos isang dipa lamang ang layo sa isa’t-isa ng mga nakahigang bata na maysakit. Wala halos ipinag-iba ito sa isang eksena sa squatter’s area kung saan sala-salabat ang mga nakasampay na pinatutuyong damit sa paanan ng kama. Kamang nababakbak na ang pinturang puti at lumalabas na ang kalawanging bakal. Sabitang bakal ng suwerong baluktot na at halatang beterano na sa serbisyo. Nurse na hindi kumikibo kapag tinanong mo at tititigan ka lang. banyo na binabahayan ng ipis at panay tae ng daga. Pahingahang silya na wag ka lang madaiti sa sandalan ay mamamantal ka sa kagat ng surot. Bentilador na pupugak-pugak at gripong may oras lamang ang tulo ng tubig. Subalit sa isang mahirap na maysakit, ayos na ito, di naman pwedeng maging maselan kahit kailan ang mga pulubi e.
“misis, nagbayad na po ba kayo para sa pagsalin ng dugo sa anak nyo? Kailangan agad syang masalinan ”
“a, hindi pa po inaantay ko pa po kasi ang mister ko e nasa kanya po ang pera”
“alam po ba nyo na kailangan masalinan agad ng dugo itong pasyente?”
“e, dok walang-wala po talaga kami e…”
“sige, sabihin mo sa mister mo kapag dumating, yung perang dala nya ibayad nya na lang sa punerarya ha.”
***
“kuya, nadeposito ko na sa bank account mo kagabi pa. pasensya na winter kasi dito sa Singapore di agad ako nakalabas kagabi para pumunta sa bangko. Pasensya na rin at konti lang muna maitutulong 3 libo lang yan, sana makatulong kay Ryan at sana gumaling na siya. Magpapadala na lang ulit ako kapag nakahingi ako ng advance sa amo ko sa katapusan. Ingat kayo dyan kuya, kamusta na lang kay ate Melba.”
Nabuhayan ng loob si Jay habang binabasa ang tex ng kapatid. Umuwi siya saglit upang kunin ang service firearm na isusuko na niya sana sa ahensya, sa pag-asang makukuha niya ang nabinbing tatlong buwang sweldo kapalit ng kalawanging .32 na wala namang bala. Matagal ding tinitigan ni Jay ang kalawanging bakal, aanhin naman niya ito? Ni hindi nga ito maisasanla ng kahit limandaan lang. hindi niya isinauli ito sa pag-aakalang magkaka ayusan pa ang ahensya at silang mga sikyo kung sakaling ipapaliwanag lang naman sana ng ahensya ang totoong dahilan kung bakit walang remittance ng SSS at kung bakit ganun kalaki ang tax na kinakaltas sa kanila.
Dahan-dahan niya itong ibinalot sa isang puting manipis na tuwalya at isinilid sa clutch bag. May ngiting binuklat niya ang wallet na walang pera ngunit naroon ang ATM card niya. Sa wakas kahit paano may pag-asa, kahit paano may tulong. Tatlong libo at ang huling tatlong buwang sweldo. Sasapat na, makakaraos din, salamat sa Diyos…
***
“miss, kinain kasi yung card ko e, walang lumabas na pera…”
“sigurado ho kayo?”
“oo, kasi magwiwidraw sana ako…”
“tapos na kasi ang banking hours, mister alas dos y medya na po…kung gusto po ninyo balik po kayo bukas at mag fill-up ng complaint.”
“bukas po?”
“during office hours po bukas, mag file po kayo ng form tapos…”
“miss, kailangan ko ng pera ngayon!” kinain ng makina ninyo ang ATM card ko, nasa ospital ang anak ko at…”
“wag nyo po akong pagtaasan ng boses, di ko naman po kasalanan ang nangyari—ikaw diyan itong nagpasok ng card sa ATM hindi ako!”
“sorry, miss pero ang akin lang naman, kailangan ko ng pera ngayon kasi nga emergency…”
“sino ba ang hindi nangangailangan ng pera? kung mainit ang ulo nyo ‘wag nyong ibunton sa akin—hindi ako ang may gawa ng nangyari!”
“Putang-ina mo! Pera ko na nga ang kinukuha ko paiikut-ikutin nyo pa ako! Bubuksan mo ba ang makina o papasabugin ko ang ulo mo?!”
Takbuhan ang lahat, kagulo, sino nga ba namang mag-aakalang may nakalusot na lalaking may baril sa ganito kahigpit na seguridad ng bangko? Madali kasing mag relax kapag pasara na ang opisina. Ilang sandali pa, kagulo na ang lahat. Isang eksenang kaaliw-aliw sa isang maalinsangang hapon ng lunes. Isang piyestang sinasagpang ng primetime television habang buong-buong sinusubo ng media ang pangyayari. Nagtatawanan ang mga nakakapanood, kasi nga nanginginig pa ang kamay ng lalaking may hawak ng kalawanging baril habang nakadapa sa sahig ang mga sikyong nakaputing uniporme. Habang kanda-ihi sa takot ang manager at teller ng banko na huling-huli sa zoom in camera na nakasingit sa salaming pintuan ng bangko.
Aliw na aliw ang bayan sa soap opera ng katanghalian. Galit naman ang iba sa pagpapahinto ng katanghaliang programa sa TV para bigyang dan ang flash report. Humahaginit ang balita, sumisingasing ang bunganga ng nag-uulat. Trapik sa maalikabok na hapon, habang naka pamewang si Tsip sapo-sapo ang nakaumbok na baril na bahagyang nakausli sa malaking tyan.
Masaya na ang bayan ko, may katuwaan na naman. Bukas headline sa pahayagan, mamaya bumabandera sa evening news, bukas ng umaga tumatalsik ang laway ng announcer sa radyo, ilang linggo din itong lalamanin ng mga usapan sa barberya, parlor at blog sa internet. Aliw na aliw ang bayan ko sa balitang ganito, ngunit hindi sa kwentong nawalan ng trabaho ang isang obrero at nagkasakit ang anak niyang bunso.
0 comments:
Post a Comment