Thursday, September 16, 2010

Dula Bilang Salamin ng Reyalidad Panlipunan



Dula Bilang Salamin ng Reyalidad Panlipunan
Noel Sales Barcelona

Naisulat noong 1964 ng dramaturgo na si Alberto S. Florentino, na sumulat ng premyadong dula na “The World is an Apple,” (Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, 1954), na ang panitikan ay isang panlipunang institusyon at komentaryo dahil linikha ito ng isang manunulat na kasapi ng isang lipunan gamit ang wikang likha rin ng lipunan.

“Ang teatro,” paliwanag ni Florentino sa kanyang panayam o lecture na “Social Comment in the Theater noong 1964,”ang pinakamakalipunan sa lahat ng sining, hindi lamang dahil sa panlipunang katangian ng mandudula (playwright), ng midyum na kanyang ginagamit, ang paksa na kanyang inilalahad, at  ang kanyang tungkulin at impluwensiya [sa lipunan], kundi dahil ang teatro ay nagsasangkat ng aktuwal na mga tao (aktor) na umaarte sa isang aktuwal na entablado, sa harap ng aktuwal na manonood, ng kuwento ng sangkatauhan sa panahon ng tunggalian at krisis.”

Napatunayan na sa kasayasayan na ang dulaan o ang teatro ang naging pinakamainam na padaluyan ng nakapagpapabagong pananaw sa isang lipunan.

Sa panahon ng mga Amerikano sa Pilipinas, naisulat ang pinakamagaganda at pinakamatatapang na dulang naglalarawan sa lipunang Pilipino sa paglunsad ng bagong mananakop.

Isa na rito ang “Tanikalang Guinto” ni Juan Abad, na walang takot na tumalakay sa panibagong pagkakatanikala ni Ligaya (ang espiritu ng kalayaan ng bansang Pilipinas), ang anak ni Dalita (ang naghihirap na bansang Pilipinas) kay Maimbot (gobyernong Amerikano) na itinanghal noong ika-7 ng Hulyo, 1902 sa Teatro Libertad, at kalaunan ay sa mga teatro sa Maynila, Laguna at Kabite.

Dahil sa paghahantad ng tunay na lagay ng Pilipinas sa kamay ng mga Amerikano, ipinadakip si Abad sa salang sedisyon, ikinulong at pinagmulta ng halagang $2000.

Nauna rito, ang Hindi Aco Patay ni Juan Matapang Cruz, na ipinalabas sa Teatro Nueva Luna noong ika-8 ng Mayo, 1903, ang nagpamalas naman ng katatagan at hindi mamatay-matay na pagkamakabayan at pagmamahal sa kalayaan ng mga Pilipino. Dahil sa dulang ito, ipinakulong ng puwersang Amerikano sa Bilibid at labis na pinahirapan dahil sa akusasyon ng subersiyon.

Bukod kina Abad at Cruz, maraming mga dramaturgo rin ang “sumaltik” sa nagkukunwaring mapagkupkop na gobyernong Puti sa pamamagitan ng kanilang mga obra: Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino (Mayo 14, 1903); Ang Kalayaan [na] Hindi Natupad ng isang di nakilalang dramaturgo (Mayo 15, 1903); ang dulang Pulong Pinaglahuan ni Mariano Martinez na itinanghala sa Navotas, Rizal (Lungsod ng Navotas ngayon) noong Enero 23, 1904; Dahas na Pilak, Mayo 1, 1904 sa Malabon, Rizal (ngayon ay isang lungsod na rin); at marami pang iba.

Namayagpag din sa panahon ng Hapon at sa panahon ng dating diktador na si Ferdinand E. Marcos ang ganitong mga uri ng palabas sa teatro.

Subalit, baka masabi natin sa ating sarili na lipas na ang ganitong uri o ang gayong katungkulan ng dula. Ngunit sabi nga ni Florentino, ang dula ay pananalamin sa buhay ng tao, sa kanyang pakikihamok at pagharap sa krisis.

“Nahaharap ba tayo sa krisis?” maaaring maitanong natin sa ating sarili. Tingnan natin ang estadistika:

  • 69% ng pamilyang Pinoy ang nagdaralita (IBON Vital Statistics, Enero 2010)
  • Marami ang nabubuhay nang mababa pa sa $2 isang araw (International Labor Organization)
  • Hindi sapat ang sahod ng karamihang manggagawa: P404 na sahod na minimum vs. P957 ang halaga ng pamumuhay (cost of living) sa kasalukuyan
  • Tinatayang nasa 70% ng mga magsasaka ang wala pa ring lupang sinasaka (Kilusamg Magbubukid ng Pilipinas-Davao City, 2010)

Kung pagbabatayan ang nabanggit na mga datos sa itaas, ano pa nga kaya ang dahilan para hindi manatiling nakalubog, nakakabit, nakaangkla ang dulaang Pinoy sa hibla ng ating lipunan?



0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.