BUROL
Noel Sales Barcelona
I.
NAKADADALOK ang amoy ng bulaklak at kandilang pumupuno sa buong bulwagan ng may kalakihang paburulang iyon sa Maynila. Tahimik ang lahat maliban sa pangilanngilang anasan ng mga nakikiramay. May kumikibot ang mga labi sa pagdarasal na laan para sa kaluluwa ng yumao. Tila kumakalansing ang kanilang mga rosaryo, puti at itim. May abala naman sa pag-aturga sa dumarating na bisita: nagbibigay ng makakain at maiinom; may nag-aakay ng nakikiramay sa pinakikiramayan.
Sa labas, may ilang kabataang nag-uusap at nagmumuni sa biglaang pagkamatay ng kaibigan na nakita nila noon na malakas na malakas pa at nakasama pa nga sa kanila sa isang paglilimayon kung kailan lamang.
“Ano raw ba ang ikinamatay?” tanong ng isa sa isa.
“Pulmonya raw… hindi yata naagapan…” tugon ng tinanong.
“Shuuu! Paano’ng di malalaman agad ang sakit ng mamang ‘yan e, alaga ng doktor ‘yan?” pakli naman ng isa.
“Malay mo naman eh, baka pumapalya rin siya sa pagpapa-checkup?” sabi naman ng isa.
“Ah, basta’t alam ko, namatay siya sa pulmonya. Period.”
II.
UNANG araw pa lamang ng burol, hindi na mahulugang-karayom ang paburulang iyon sa Maynila. Iba’t ibang klase ng tao ang nakikiramay—may batang propesyunal na taga-call center; may bakla at tomboy na nakilala sa isang social networking site na para sa mahihilig sa panitikan; may dating mga kaklaseng nagsipagtabaan na dahil sa pagkakaroon ng anak; may ilang nakayag lang at hindi naman talaga kilala ang patay.
Abala ang lahat sa sarisariling kuwentuhan at bidahan sa pag-alaala sa yumao. May nagsasabing mabait siya kaso nga lamang ay may pagkasensitibo. May nagsasabing matigas ang kanyang ulo pagdating sa pangangalaga sa kanyang kalusugan. May nagsasabi namang sayang siya at namatay agad na hindi man lamang nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap man lang.
“Ni hindi siya nagpadalaw sa ospital. Ayaw raw niyang makitang dugyot siya,” sabi ni Ellen, isa sa malalapit na kaibigan ni David.
“Ewan ko ba. Gusto lang naman natin s’yang makita. Ano’ng masama? Ayan, tuloy… ang pakikipagkita niya sa atin, ‘yan, nakakahon,” may himig paninisi, pagkalungkot at panghihinayang ang tinig ni Ronnie.
“Hayaan n’yo na. Baka ayaw niyang may saksi sa pagkamatay niya,” sabi naman ni Manuel.
“Marahil nga… marahil nga,” sabi ni Ellen.
III.
MAKIROT sa loob ni Ellen ang nangyari sa kaibigan. Kabiruan niyang lagi si David at kadikit sa tuwing may pagkakatipon ang katulad niyang nahihilig sa tula, kuwento at sanaysay.
Gustung-gusto niyang dalawin si David nang magtext itong nasa ospital siya ulit.
“H’wag na,” sabi nito sa text. “Ayaw kong makita n’yo akong ganito ang hitsura ko.”
Sa loob-loob niya, ang arte naman nito ngayon. Walang balisa sa kanya ang gayong text. Alam n’yang banidoso si David. Gustong laging nakaporma. Maayos. Malinis. Mabango.
“Aysus! Ito naman, e ano naman kung mukha kang dugyot, e friend ka namin,” giit ni Ellen sa text niya.
Pero hindi mapipilit si David na magpadalaw ng kahit sino.
“Basta. Enjoy n’yo na lang kung ano ang ginagawa n’yo.”
Text back si Ellen: “Pagaling ka.” Subalit blangkong screen ang tanging bumati sa kanya, ilang minuto, ilang oras, at ilang araw mula nang magreply siya. Wala siyang balita kay David. Maging ang ibang ka-network nila. Wala. Hindi siya mapalagay. Pero pilit niyang iwinawaksi ang alalahanin. Gagaling din si David at makakasama nilang muli sa mga lakaran, inuman, etc.
IV.
WALANG nakaaalam ng nangyayari sa kanya sa malamig na silid na iyon ng isang kilalang ospital sa Taguig.
Walang nakaaalam ng nararamdaman niyang duro ng kirot at hapdi na nag-uukok sa kanyang mga ugat, kalamnan, puso, baga, lapay, atay, utak.
Ikom ang bibig niya samantalang nagsasalimbayan sa kanya ang nakahihindik na larawan na nakangisi, nakangiwi, hindi maipinta.
“Sasama ka na sa amin… sasama k a na!” sabi ng mukhang sa unang tingin ay hindi mukha kundi isang pinagkabit-kabit na puzzle na hindi nagkaugma-ugma.
“Hindi! hindi! hindi pa! ayaw ko! Ayaw ko!” sambit niya subalit walang boses na lumalabas sa kanyang lalamunan.
“Bwahahahaha!” nakatutulig na tawa ng kausap niya sa kanyang isip. “Ano’ng ayaw mo? Hindi maaari! May kasunduan tayo! At ito ang kabayaran! Ito na ang kabayaran sa lahat ng utang na loob mo sa akin! Bwahahaha! Akin ka David! Akin! Har-har-har!”
Umiikot ang kanyang paningin at lalo siyang nahindik sa kanyang nakita nang umayos ang mukha ng kanyang kaharap: si Baphomet! Si Baphomet ang kausap niya!
Nagbuka ito ng bibig at nakita niyang parang isang madilim at malalim na lagusan ‘yon na walang hanggan—walang dulo.
Ginigitian siya ng pawis, sa kanyang noo, kilikili, singit, sentido. Wala pa ring tinig na lumalabas sa kanyang bibig.
Muling nagsalimbayan ang samu’t saring gunita, mga pangitain ng pagkawasak at pagkabuo. Mga larawan ng mga malignong sa libro lamang niya nababasa subalit ngayon ay binibigyang-buhay ng isip niya. Hinihingal siya sa pakikipambuno sa mga pangitain.
Nagitla siya nang biglang maramdamang may pumupulupot sa magkabila niyang bisig: mga ahas! Mga ahas na dalawa ang ulo at ang mga mata’y nanlilisik na kulay luntian at pula! At sa mga paa niya ay nagsisipaggapangan ang mga linta at uwang na ang pakiramdam niya’y unti-unting umukok, nagpipiyesta sa kanyang laman. Nagpapasag siya! Nagpupusag! Napasigaw siya! Sa wakas ay nakalabas ang tinig na nakaselda sa kanyang lalamunan!
“Ano ‘yon?! Ano ‘yon? Nurse! Nurse! Doktor! Doktor! Ang kapatid ko! Ang kapatid ko!” sabi ni ate Isabel niya na nagulantang, napatayo sa kanyang pagsigaw.
“Nasaan na sila? Nasaan na sila? Ate, wala na ba sila?” tila nahihibang siyang naitanong sa kanyang kapatid.
“Sinong sila? Sino?”
“Wala na ba sila?” tanong niya sa kanyang kapatid na dama ang pangangatal ng sarili niyang katawan. Nagsipagdatingan ang mga doktor.
“Nagha-hallucinate siguro siya because of his fever. I will inject an antipyrene, and he will be fine,” sabi ng doctor-in-charge.
Nanginginig pa rin siya. Pilit siyang pinakakalma ng kapatid. Maya-maya pa’y sa matinding pagod sa pakikipaghamok sa nakikita niya kanina’y unti-unti siyang nilamon ng antok at tuluyan nang nakatulog.
V.
ISANG lihim na lugar iyon sa Maynila. Isang may kalakihang bahay na iyon na nakukubkob ng matataas na pader. May kalumaan na ang bahay at ang hardin ay tila napabayaan na—ang mga dawag, damo at iba pang halamang ligaw ang nagtubo roon. Maliban sa ilang puno ng akasya, ipil-ipil at balite, ay wala nang ibang palamuting matatagpuan sa hardin na ‘yon.
“Nos dico super vos o Procer of Obscurum , vetus Filius of Oriens. Illustrator nos quod rector nos , nos precor vos , in nostrum ritus vox!”[1] malagom ang tinig ng nakapalibot sa isang bilog na may baligtad na bituin sa gina na napapalibutan ng labindalawang signos ng bituin. Lahat ay nakasotana’t nakalambong.
At sa samyo ng insenso’t kamanyang ay patuloy ang tila pananambitan nila sa kung sinuman ang tinatawag nilang anito, o diyos, o anuman.
Kumukundap ang kandilang itim at ang amoy nito’y humahalo sa asó ng insenso’t kamanyang.
“O Baphomet , satraps ni barathrum , servo nos in vestri eyes quod nunquam relinquo nos , vestri discipulus. Permissum nos exsisto beatus per vestri enormous vox. Permissum nos exsisto kept sub vestri pennae ut nos vires adepto quis nostrum pectus pectoris votum,”[2] ang hugong ng sabay-sabay na tinig at mayamaya pa’y malakas na hugong ng hangin na nagmula kung saan, pero sa pakiwari niya’y mula sa ilalim ng lupa, ay nakatipon ang dilang apoy sa mga kandila at napunta sa gitna ng bituin. Umikit nang umikit at tila may mga daliring isa-isang hinipo ang kanilang mga noo.
Nakaramdam ang ilan ng pangangapos ng hininga samantalang lahat ay pinaglalabanan ang nararamdamang puwersang lumulukob at tila sumusunog sa kanilang kaluluwa.
Ilang minuto pa’y napawi ang pagtitipun-tipon ng mga apoy ng kandila’t nagsipagbalikan sa bawat tulos na pinagmulan nito. Nawala na rin ang baga ng uling ng insenso’t kamanyang. Anupa’t parang tumahimik ang paligid. Ang usok na kanina’y pumupuno sa bulwagan ng malaki’t lumang bahay na iyon ay napawi’t tila nilamon ng gitna ng nakabaligtad na bituin.
Muling umusal ng taimtim na panalangin ang natitipon:
“Nos spondeo vos o Valde Unus , ut nos ero fidelis vobis quod indubitanter , nos mos tribuo nostrum ago vobis , nostrum animus vobis ut an verto ut vox ut vos have donatus nos. Quod super ut vicis ut nos postulo ut recedo hic in ephemeral regnum , nos mos servo vos vel in caligo vorago of abyssus. Amen.”
Nagpahinga lamang sila nang kaunti. At isa-isang nagsipag-alisan ng lambong at sotana. Ibinalik sa dapat kalagyan. Pinatay ang mga kandila’t isa-isa nang umalis, nagpaalaman sa isa’t isa. Walang imikan. Halos ayaw mapagpapansin na iniluluwa sila ng malaki at kalawing tarangkahang iyon. At sa huling lagapak ng kandado, ay nanaig ang kakaibang katahimikan sa buong paligid ng bahay na iyon. Katahimikang nakapangingilabot, nakapangangalisag ng balahibo. At bigla-bigla’y nagsipaghunihan ang kuliglig at ang mga ibong panggabing nagkukubli lamang pala sa sanga ng mangilan-ngilang punongkahoy na nagsisilbing palamuti sa napabayaan nang hardin.
VI.
“Uy, hindi pa nga pala nakasisilip kay Dave,” sabi ni Ronnie nang mapunang halos mag-iisang oras na silang nakaupo sa huling upuan ng paburulang iyon.
“Oo nga pala. Para kasi, hindi ko kayang makita siyang nakaataul,” pakli ni Ellen, habang painot na tumayo at inaayos ang nagusot na slacks.
Nakadadalok ang amoy ng mga bulaklak na napasasama sa amoy ng mga kandilang kanina kikindat-kindat sa tulusan nito. Nakapagpapaliyo kay Ellen at Ronnie ang amoy.
Bago pa man sila tuluyang lumapit sa kabaong ng kaibiga’y nilapitan nila si Isabel sa isang sulok.
“Condolence po,” sabi ng dalawa na napaupo na sa tabi ng nangungulilang ate ng pumanaw na kaibigan.
“Salamat. Kanina pa ba kayo? ‘Di ko kayo napansin, pasensiya na. Nanghihina pa ako dahil sa ilang araw din na pagbabantay kay Dave ospital,” sabi ni Isabel na halata ang pagod, puyat, lungkot sa mga mata.
Magkamukha sila ni Dave, animo’y kambal. Kaiba nga lang ay babae si Isabel. Magandang lalaki si Dave noong nabubuhay pa.
“Mabait na kapatid ‘yang si Dave. Mabait at mabuti ring kaibigan, sa obserbasyon ko. Pero noong nasa ospital kami, kakaiba ang ikinikilos niya. Pero siya pa rin si Dave,” sabi ni Isabel na parang sa sarili lamang sinasambit ang naturang mga kataga.
“Paano hong kakaiba?” tanong ni Ronnie, na parang hindi naman naulinigan ni Isabel.
“Hindi ko maiwasang maitanong kung bakit nga kaya ayaw niyang magpadalaw. Tanging kami lang ni Mama at Papa ang pupuwede. Alang kaibigang ginusto ni Dave na dalawin siya. Aywan, ang weird, sabi ko sa sarili. Pero hindi ko na siya tinanong kung bakit ayaw niya. Mayroon mang dumalaw sa kanya, ilan ‘yon sa madalas na makita namin sa Bacolod na nakikituloy sa amin,” buntong-hininga ang kapanabay ng mga pangungusap na iyon.
Muling nabaghan ang dibdib nina Ronnie at Ellen. Ilang saglit din silang napatulala dahil sa kalungkutang gumigiyagis ngayon sa kanilang mga pagkatao. Sa hugot ng buntung-hininga, saka lamang sila nagkaroon ng lakas ng loob na muling magbuka ng mga bibig:
“Wala ho yata sina Tito Rey at Tita Cassandra?” sabi ni Ellen.
“Ay, nagpapahinga na sa bahay. Kaninang madaling-araw sila nandito. Alam mo naman, matatanda na rin sila at ‘di dapat ma-stress nanghusto,” tugon ni Isabel na may mapait na ngiti sa mga labi.
“Sisilip lang kami, ate,” si Ronnie.
“’Di pa ba kayo nakasilip? Medyo pumayat siya. He has lost a lot of weight, baka ‘di n’yo agad s’ya makilala,” sabi ni Ellen na may halong pagpapaumanhin.
Tumayo na ang dalawa para sulyapan, kahit man lamang sa ilang saglit, ang namatay na kaibigan.
Halos magkapanabay silang natigagal. Naghahalo ang kilabot at pagtataka sa kanilang didbib. Hindi nila makita ang kaibigan sa ataul! May kung anong makutim ang tumatabing sa pinakasalamin ng ataul.
Ipinilig nila ang kanilang mga ulo, nilingon ang kinalalagyan ng kapatid ni Dave subalit wala ito roon at natanaw nilang may iniestima sa bandang likod ng punerarya. Ang mga tao naman sa paligid nila’y abala sa kanikanilang mga kuwentuha’t anasan.
Muli nilang sinulyapan ang kaibigan sa loob ng ataul at hindi nila maaninaw. Bakit may tabing ang salamin? Sa loob-loob nila.
Tumingala sila sa kisame ng puneraryang nasa itaas ng kinalalagyan ng ataul ng kaibigan at nakita nila itong mangasul-ngasul na napipintahan ng mga anghel at isang kalapating simbolo raw ng Espiritu Santo.
Muli silang nahintakutan sapagkat walang anumang bagay na maaaring manganino sa ibabaw ng salamin ng ataul ng kaibigan para tuluyang matabingan ang mukha nito.
Muli nilang inilbot ang tingin at parang sila lamang ang nakapupuna sa kakaibang pangyayaring iyon.
Napasulyap silang muli sa ataul at nakapagtatakang wala na ang maitim na tabing at nakita nila ang maputla at walang kulay na mukha ng bangkay nang kaibigan. Napaantanda silang pareho ng krus, hindi dahil sa panalangin kundi dahil sa kilabot na nararamdaman nila.
Napatitig sila sa santa krus na nakasabit sa gitna at nahintakutan sila sa nakita nila: ang mga sugat ni Kristo’y animo’y inaagusan ng nangungutim na dugo! Napaatras sila at hindi inaasahang mababangga sa likuran nila ang nakatatandang kapatid at ina ni Dave.
“O, ano’ng nangyari sa inyong dalawa? Para kayong nakakita ng multo?” tanong ng ina ni Dave na si Cassandra.
Hindi makakibo ang dalawa at ramdam nila ang panginginig ng kanilang kalamnan. Tanging nasabi nila na “Wala po, wala po… medyo naguguluhan pa rin po kami sa nangyari kay Dave.”
“Ako rin,” tugon ng matanda sa kanila, at inalalayan silang makaupo sa pinakaunang hanay ng mga upuan sa paburulang iyon.
“Malusog na malusog siya, alam ko dahil lagi siyang nagpapatingin sa doktor at alam n’yo naman na health buff si Dave. It is just strange that suddenly, his health has rapidly deteriorated the past few days. Then the hospital suspect it was acute pneumonia that can be treated by strong medicines. But there, he just died,” malungkot na sabi ng ina ni Dave.
“But what’s making me wonder more is that, ayaw niyang makita siya ng mga kaibigan niya, ninyo, samantalang you were very close, right? Wala ba kayong pinagkagalitan or problema sa isa’t isa?” usisa ng matanda.
“Wala naman po, wala naman,” halos magkapanabay na sabi nina Ronnie at Ellen.
“He will be cremated tomorrow. At iiuwi na namin s’ya sa Bacolod, by Thursday. Ayaw naming magtagal siyang nakaganyan. Pero there’ll be another wake there. ‘Yon nga lang, urn na lang niya ang nakalagay sa gitna,” naluha nang tuluyan ang matanda. “At saka bilin niya ‘yan sa amin, sa tuwing maguusap kami. Na ikinagagalit ko naman, ng daddy n’ya rin. Kasi naman, dapat ang anak ang naglilibing sa magulang at hindi ang mga magulang ang nagbabaon sa anak…”
VII.
“IN pauci dies , vos ero me. Vos ero meus vernula in profundus secui in Hades! Bwahahaha!,”[3] usal sa kanya ng napakalaking usok na iyon, ng napakalaki’t napakakutim na usok na iyon.
Nakita niya ang sarili niyang tila nilalamon ng napakaraming mga uod! Malalaki at mababangis ang mga uod na iyon!
Napasigaw siya: “Hindi! Hindi! Hindi mangyayari ‘yan! Hindi ako agad mamamatay! Hindi! ayaw ko pa!”
“Vos have vota morior mane vobis ualeo servo mihi don't vos? Quare precor ut subsisto alive? In vorago, vos ero eternus quod vos ero unus of meus fidelis vernula illic! Bwahaha!”[4] tanong pauyam ng kung anong nilalang na nasa gitna ng usok.
Natigagal siya at hindi na niya alintana ang mga uod na lumalamon sa kanyang kakapurit na laman. Biglang nagbalik sa isip niya ang nasabi niya noong nakaraang mga araw:
“Guys, I won’t die old. I will die young! Ayoko’ng tumanda at ayaw kong mamatay na panget no?” biro niya sa kanyang mga kaibigan.
Naghahalakhakan sila. Parang walang anuman ang birong iyon. Walang anuman.
“Iam vos have memor vestri votum volo? David David! Ut vos have penetro a conventio me vos teneo ut sulum vox est a votum quod sulum sono est a lex. Quod vos can nunquam placitum. Is est fortuna David! Is est fortuna!”[5] sabi sa kanya ng nakapanghihilakbot na tinig.
Napansin niyang muli ang sarili at lalo siyang nahintakutan: wakwak na ang kanyang dibdib! Nakita niya ang pag-agos ng dugo sa kanyang unti-unting nauubos na kalamnan. Maging ang hitsura ng sarili niyang kalansay. Napasigaw siya! Napasigaw siya nang pagkalakas-lakas hanggang sa magising siya sa sarili niyang silid. At parang nangingilabot siyang nakita ang anino sa kanyang bintana—parang kalawit ni kamatayang kakaway-kaway! Muli siyang napasigaw. Subalit nakapagtataka, maging siya man ay nagtataka, walang makarinig sa kanya…
VIII.
Hindi mapakali si Ellen. Pabiling-biling siya sa kanyang higaan nang gabing iyon na malaman niyang maysakit si David.
Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman. Pero nangingibabaw sa kanya ang kilabot. At nakatulugan na niya ang isipin sa nagkasakit na si David.
Malinaw na malinaw sa kanya ang mga pangyayari: Nakaupo si David sa isang madilim na kuwarto at nanginginig at parang umuungol.
Nilapitan niya ang kaibigan.
“David, are you alright?” sabi niya, sabay hagod sa likod ng kaibigan.
“Nagugutom ako, Elle. Pero gusto ko ‘yong prutas na ‘yon!” sabi niya sabay turo sa isang puno ng mansanas na sa pinakagulod ng matarik na talampas.
“Sige,” sabi niya kahit may agam-agam na naglalaro sa dibdib niya.
Pinuntahan niya ang landas patungong talampas; nahintakutan siya sa nakitang mga alakdan, ahas, ipis, at mga alupihan sa mismong daraanan.
Napapatili siya kapag nararamdaman niya ang paggapang sa kanya ng nakapangingilabot na mga nilalang na iyon. May pagkakataong napapasuka siya at lumalabas sa bibig niya ang alupihan at ipis.
Sa wakas, narating niya ang kinalalagyan ng puno at napakaalwan para sa kanya ang mapitas ang pinakamalaki, pinakamapula at sa sapantaha niya’y pinakamatamis at pinakamakatas na bunga ng mansanas na ‘yon.
Nagulat siya, nang makitang ang madilim at maalupihan, maahas, maipis, mapangit na landas na patungong talampas ay unti-unting naging maaliwala; ang napangingilabot na mga insekto at hayop na iyon ay unti-uting natransporma sa mga paruparo, tutubi, bulaklak, pako at iba pang magagandang bagay sa paningin niya.
Dali-dali siyang nagbalik sa kaibigan na buong pananabik namang kinain ang kanyang dala-dala.
“Salamat, Elle, sa wakas… di ako magugutom sa paglalakbay ko,” sabi niya .
“Saan ka naman pupunta?” sagot niya sa kaibigan. Hindi ito kumibo, sa halip ay ngumiti lamang. Mayamaya lamang ay parang kandilang natutunaw ang anyo ng kanyang kaibigan. At tuluyan itong nawala sa kanyang paningin. Gayundin ang buong paligid niyang kanina’y pagkaalialiwalas. Napatili siya nang muling makita ang kaibigang saklot ng malaki, matutulis ang kukong mga kamay—hinanaltak siya patungo sa butas na sa wari niya’y walang hanggan. Napatili siya!
Ngunit sa isang iglap, muling nagpalit ng anyo ang buong paligid. Naging maaliwalas at maganda, parang paraiso. At nakita niyang muli si Dave, nakangiti, habang nanghuhuli ng mga paruparo gamit ang kanyang magagandang daliri. Kinawayan pa siya nito at napansin niyang parang unti-unting lumalayo ang bulto ng kanyang kaibigan hanggang sa tuluyang maghalo. At sa tagpong iyon, doon siya nagising. Ramdam na ramdam pa rin niya ang dagundong ng kanyang puso.
Nagitla pa siya nang marinig ang tunog ng kanyang cellphone. Natigagal siya, napaiyak siya sa balita. Patay na si David. Wala na ang kanyang kaibigan. At nagbalik sa kanya ang kanyang panaginip at tuluyan siyang napahagulgol…
IX.
ARAW ng pagsunog sa bangkay ni David, matiyaga silang naghihintay sa huling basbas ng paring inimporta para magmisa sa huling sandali ng pananatili ng katawang lupa ni David sa ataul na iyon.
“Réquiem ætérnam dona ei, Dómine; et lux perpétua lúceat ei. Requiéscat in pace,”[6] sabi ng pari nang binabasbasan na ang mga labi ni David. May malakas na hanging pumapagaspas, ang pumuno sa buong bulwagan. Namatay ang mga kandila subalit hindi iyon pinansin ng karamihan.
Ngunit hindi nakaligtas ‘yon sa pakiramdam ng dalawang magkaibigan—nina Ellen at Ronnie. Alam nilang hindi pangkaraniwan iyon habang hindi rin pangkaraniwan ang kung anong maitim na lambong na nasa salamin ng ataul ni David nang sumilip sila kagabi.
Natapos na ang misa. Ipinasok na si David sa krematoryo at nagtiyag silang maghintay sa labas.
Habang abala sa labas ang lahat, walang nakapuna sa makutim na usok na lumalabas na usok sa tsimineya ng krematoryo, na dagli namang pinawi ng hanging lungsod.
Gayunman, mayroong kakaibang kilabot na muling sumaklob sa pagkatao ng dalawang kaibigan ni David, na kanila na lamang isinawalang-kibo hanggang mailabas ang urnang kinalalagyan ng abo ng kaibigan. Kasabay ng dugdog ng kanilang dibdib, ay parang alingawngaw naman sa kawalan ang hagulgol ng nagsisipagdalamhati… (Fin)
[1] We cry upon thee, o Lord of Darkness, old Son of the Morning! We beseech you, enlighten us and guide us in our ritual of power!
[2] O Baphomet, viceroy of Hell, preserve us in your eyes and never abandon us, your disciples. Bless us and hear our cry. Keep us under your wing, and we pray everyone will attain a part of thine enormous powers!
[4] You have wished to die early for you to be able to serve me, don't you? Why beg to remain alive? In the abyss, you will be eternal and you will be one of my faithful servants there! Bwahaha!
[5] Now you have remembered your wish to me? David, David! When you have entered a covenant with me you know that every word is a wish and every utter is a law. And you can never negotiate. It's fate, David! It's fate!
[6] Eternal rest grant unto him O Lord; and let perpetual light shine upon him. May he rest in peace. Amen.
0 comments:
Post a Comment