Friday, May 28, 2010

May Halimuyak din ang Bulaklak ng Talahib



ni: Noel Sales Barcelona

Nasulyapan ko
ang unti-unting paglipad,
ang pagsama sa hanging amihan
na bulaklak ng talahib
ng tila mga paruparong ligaw.

Doon sa kabukirang
Halos hindi nagagalaw:
Wala na ang nakasingkaw
na matandang kalabaw.
Kinakalawang ang suyod,
ang araro, pala at piko.

Ipa ang nasa gilian.
Basyo ang mga tapayan
samantalang ginapangan
ng ipis at daga
ang pinggang walang laman.

Inuuod na ang burong ayangka*
tinik na tuyô ang pinaluksong bulig*.
Samantalang kitikiti ang
nagpipista sa palaisdaang
pinanawan na ng liwalo,
tilapya at talimusak.

Habang unti-unting kumakalas
sa tangkay ang mumunting
puting bulaklak na busilak :
Gumuguhit sa alaala
ang gabi ng limatik -
Ang pandarahas na walang pangalawa;
Ang pag-agaw sa puri ng mga dalaga;
Ang pagpatay sa mumunting pag-asa
na ang lupang kabit-sa-pusod
Pinagbuhusan ng pawis, luha at dugo
Iyong maangkin, makukuha.
Pagtigis, pagtagas ng dugo
Pagdalisdis ng di-maampat na luha
ng mga ina, kapatid na babae
Daan-daang mga bangkay
na hindi magkasya sa libing.
Ang inuuk-ok na sugat
sa diwa, puso at kalamnan.

Habang hinihipan,
sinisiklot ng hanging amihan
mga mumunting bulaklak ng damo,
Sumasama sa hangin
ang halimuyak ng talulot,
ang mabangong samyo
ng bulaklak ng Digmang tatapos
sa sakim at balakyot.


*ayangka - talangka; munting alimasag
* dalag






0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.