Thursday, May 13, 2010

Magma-Mayo na naman, Ka Bay



ni: Noel Sales Barcelona

(Sa alaala ni Bayani S. Abadila | Setyembre 13, 1940 – Mayo 14, 2008)

Magma-Mayo na naman
Hindi pa rin ako nakadadalaw
Sa puntod mong namamanglaw.
Dalawang taon na, o aking Ka Bay,
Nang igupo ng kanser ang iyong katawan.

Mayo 14, 2008 eksaktong petsa
Nang lumamig na ang katawang mainit
Ang huling higit ng hininga
Bago ka tuluyang takasan ng liwanag.
Ka Bay, dapat ang petsang iyon ‘di ko malilimutan.

Subalit, may sakit na yata ako sa isip
Dahil dumadaan lamang ang petsang iyon
At hindi man lamang mahagip,
Hindi man lamang mahagip
Nang inaagiw kong alaala.

Nagtatampo ka na yata sa akin, Ka Bay
Dahil kahit mumurahing kandila
Hindi ka man lamang naipagtirik
At kahit na kalatsusing tinahi sa pisi
Ay hindi man lamang maisabit sa iyong libing.

Marahil talagang gusto ko ring nililimot
Ang petsang iyon na puno ng lungkot
Dahil ikaw, ikaw na aking guro, kaibigan, kasama
Katunggali, katungayaw, kaututang-dila
Ay pumanaw, iniwan akong nag-iisa, nalulumbay.

Sino nga ba ang hindi malulungkot
Sa pagpanaw mo, Kasamang Bay?
Bakit hindi kikirot ang puso ko
Sa tuwing sasagi sa pitak ng aking alaala
Ang iyong tindig, kilos, pagsasalita?

Ikaw na nagturo sa akin ng hiwaga
Nang aming pagkaaba
At naghaklit sa maskarang tumatabing
Sa mukha ng pagsasamantala.
Ikaw na walang bukambibig kundi: Ang Masa.

Ikaw na nagtulak sa akin upang maging makabayan
Upang magisip nang hindi pansarili lamang
Kundi dapat ang iyong iisipin, lilikhain ay para sa lahat
Para sa bayan, para sa maralita, para sa masa
Mula sa masa, para sa masa…

Magma-Mayo na naman Ka Bay—
Buwang maghuhudyat ng katapusan ng tag-araw
At pintuang magpapatuloy sa mahaba-habang tag-ulan.
Buwang binubuksan ng protesta ng mga makabayan
Buwan na kung kailan ka tumalilis, umalis nang walang paalam.

Gayunman, Ka Bay kahit umalis ka
Nananatili kang naririto sa puso ko.
Dito, sa gitna ng dibdib ko ay may bantayog
At sa pinakalapida noon natititik—
Dito nahihimlay ang isang bayani, isang Mabuting Anak ng Bayan.

Magma-Mayo na naman, Ka Bay…
Kumusta na?

0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.