ni: Ofel Beltran-Balleta
Nakakabigla ang balita!
Sa simula pa lang alam kong kasama ka
Sa mga inaresto.
Umiyak ako... niyakap ko ang anak mo...
Sana ay mali ang kaba sa dibdib ko.
Magkaganu'n pa man, hindi ako magpapabaya
Hanggang ikaw ay lumaya.
Hindi ko alam ang unang hakbang, hangad ko
ay makita ka agad.
Kasama ko ang ibang magulang, asawa, anak,
kapatid at kaanak,
Taglay ang paniwala na dakila kayong
nagseserbisyo sa kapwa,
Hindi dapat hadlangan at sa rehas masadlak!
Araw-araw, malayo man ang biyahe,
Di namin alintana, marating lang ang Tanay.
Mahahabang oras man ang hintayan,
Ilang pondohan man ang aming tigilan,
Maraming logbook man ang aming pirmahan,
Balewala yun, makita... mayakap ka lamang.
May lungkot at saya, dulot ng bawat dalaw.
Iba pa ang kimkim na galit dito sa aming dibdib.
Matapos maihayag inyong mga karanasan,
Pagmamalupit at paglapastangan sa
inyong mga karapatan,
Kakapit-bisig namin ngayon ang buong sambayanan,
Sa bawat sulok ng bansa, sa lahat ng panig ng mundo,
Aming isinisigaw
KATARUNGAN at KALAYAAN sa apatnapu at tatlong (43)
Manggagawang pangkalusugan!
March 9, 2010
Si Ka Ofel, isa sa mga anak ng yumaong dakilang lider-manggagawa na si Crispin " Ka Bel" Beltran, ay ina ni Jane Balleta, isa sa 43 manggagawang pangkalusugan na iligal na inaresto noong Pebrero 6, 2010 at hanggang sa ngayon ay hawak pa rin ng mga militar sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.
Mula nang dinakip ang kanyang anak at mga kasamahan nito, halos araw-araw pumupunta si Ka Ofel kasama ng iba pang magulang at kaanak sa Camp Capinpn.
0 comments:
Post a Comment