Monday, March 1, 2010

Kung Bakit Ayaw kong Mamalengke sa Umaga





Lagi akong inaantok sa klase, lagi kasi akong puyat. Alas-dos ng madaling araw kung gumising ako para sumama sa pamamalengke ni Aling Dory. Si aling Dory ang kapit-bahay naming may maliit na talipapa, tindahan ng mga gulay, isda, karne at iba pang hilaw na pagkain para sa mga nagluluto sa kani-kanilang bahay. Habang ang ibang mga bata na kaedad ko ay kasalukuyang nahihimbing at pumapailanlang ang diwa sa pananaginip, eto ako at nakahalukipkip sa lamig ng hangin ng madaling araw, karay-karay ng isang matandang babae, taga bitbit ng bayong na kung tutuusin ay mas mabigat pa kaysa sa timbang ko.

 Bakit ko ba kailangang gawin ito? E sino bang bata ang may gusto ng ganito? Ginagabi na nga ako sa pag-aaral tapos gigising pa ng madaling araw. Sabi kasi ni nanay malaki daw utang naming kay aling Dory, kakahiya naman daw nung nilapitan siya nito at nakiusap na kung pwede daw na pasamahin ako sa kanya at tulungan siyang mamalengke. Hindi ako pumayag, pero si nanay tumango.

Araw-araw na patang pata ang katawan ko gaya nang umagang iyon pauwi na kami ni aling Dory. Sa tapat mismo kami ng palengke ng Libertad sa Pasay nag-aabang ng jeep na masasakyan, kahit alas-kwatro ng umaga dagsa ang tao dito, tila hindi natutulog ang lungsod na ito. Ang bayong na kanina lang ay napakagaan, narito ngayon at nakikipag bunuan sa payat kong braso para isampa sa jeep. Nauna sa sasakyan si aling Dory, upang hilahin pataas ang mabigat na bayong ng mga pinamili, walang kumikibo…walang gustong tumulong.


“Ay! Bwisit ka!
“nakita mo nang  hirap na hirap na kaming magkarga ng bayong sisingit ka pa!”


Wala lang sa pawisang mama iyon, tuloy-tuloy pa rin siya sa loob ng jeep at hindi pinansin ang pagibik ni aling Dory, bagay na pinagtinginan ng mga pasaherong aantok-antok pa at nakahilig na para bang gustong tulugan ang eksena.

Isang tao mula sa likuran ng drayber naupo ang payat at pawisang lalaki na kanina ay sumingit. Nakapagtatakang pawisan ito pero naka suot ng jacket. Mailap ang mga mata nito, panay ang silip sa paligid, panay ang buntong ng hininga. Madali mo siyang mapapansin dahil siya lang ang balisa sa lahat ng pasahero, maliban sa isang ale na tila nadukutan at panay ang kapkap sa katawan niya—bubulong bulong na parang may hinahanap. Ang iba naman ay halos unan na lang ang kulang sa pagkakasandig.

Kandong lang ako kay aling Dory, di ko alam kung sadyang masikip na o nagtitipid lang ang matanda at ayaw akong ipagbayad ng pamasahe. Maingay ang Barker ng jeep, sa buhol-buhol niyang dila na tila lasing ay pilit nagtatawag ng pasahero upang ipagsiksikan sa mistulang bulok na lata ng sardinas na sasakyan.

Huling sumakay ang isang matabang lalaki na may kipkip na dyaryo sa kanyang kili-kili sa tabi namin ni aling Dory. Nainis ako, akala ko ay nasisikipan na ako sa pagkaka kandong ko pero mas lalo pang sumikip ng sumakay ang mamang mataba na ito, di pa nakuntento at nagbukas pa ito ng dyaryo ng akmang aandar na ang jeep. May nakabukol sa kanang tagiliran ng mamang mataba na ito, matigas at masakit ang pagkakadiin sa hita ko, kahit nahihiya ako kay aling Dory pilit kong iniuusog ang sarili ko maiangat lang ng bahagya at makaiwas sa pagkakadikit sa lalaking ito.

Nakakatulog na ang lahat sa mahaba-haba, kahit baku-bakong byahe ng bulok na jeep na ito ng magsalita ang mamang mataba sa tabi ko, sabay baba ng dyaryong kanyang binabasa.


“pards, okey ka lang ba?”


Sabay tingin niya sa lalaking payat at pawisin sa harap niya. Tiningnan lang siya nito ng blankong titig. Walang kibo…

“may problema ba? Nasugatan ka ba?”

pag-usyoso nya.

Sa pangalawang sambit na ito medyo nahimasmasan ang ibang natutulog at nagtutulog-tulugan, maging si aling Dory ay medyo napapakislot at nag uusyoso kung bakit nakikialam ang mamang matabang ito sa trip ng lalaking payat sa harapan niya. Ang drayber naman panaka-nakang sumisilip sa salamin upang alamin kung ano ang nagaganap.

Hinaltak ako ni aling Dory, nagulat din ako—ang mamang mataba kasi sa tabi ko ay bigla na lang humawak sa tagiliran niya, kung saan nanduon ang kanina pa masakit at tumutusok na matigas na bagay sa hita ko—hinawakan niya ito na parang namamaywang, waring bubunutin.


“pare, pakihinto nga ang jeep, pababain lang ito”


sabay turo sa kaharap niyang pasahero—ang lalaking payat at naka jacket.

Naka hawak pa rin ang kamay ng mamang mataba sa bukol ng baywang niya habang ibinababa ng dahan-dahan ang dyaryo. Hindi niya inaalisan ng tingin ang payat na lalaki sa harap niya.

Walang kibo ang lalaking payat at naka jacket, nakabaon pa rin ng kalahati ang kamay nito sa kanyang bulsa ng pantalon na noon ay nakakuyom at halata ang bahid ng sariwang dugo na tumagos sa pantalon niya, dugo na waring nagmumula sa sugatan niyang kamay.

Nasasakal na ako sa higpit ng braso ni aling Dory, sa payat kong iyon halos magkalas na ang buto ko sa higpit ng pagkakahaltak niya na para bang gusto niyang magsumiksik kami sa sandalan ng jeep.


“pare, ano ba yang nasa loob ng bulsa mo?”
“kanina pa kita pinagmamasdan e, napansin na kita habang papaakyat pa lang ako ng jeep”


Nagsimula nang tumuon ang atensyon ng lahat sa dalawang lalaking magkaharap. Ang isa akmang bubunot, at ang isa ayaw namang bunutin kung ano man ang nasa bulsa niyang may dugo. Ang drayber at ang mga nasa front seat ay pawang nangangahaba ang leeg sa kasisilip sa salamin kung bakit huminto ang jeep at kung anong pangyayari ang nagaganap.

Madilim pa rin ang paligid, at sa namumuong tensyon na bumabalot loob ng jeep lalo nitong pina iigting ang takot na namamayani sa bawat isa. Wala nang mga tulog at nagtutulog-tulugan nag aantay na ang lahat sa mamang payat na naka-jacket at hindi kumikibo. Nag-aantay ang lahat na magsalita ito ng kahit na ano, kahit kaunting reaksyon sa mukha niya, o kahit kaunting kilos man lang.

Napansin kong bubulong-bulong si aling Dory, waring may sinasabi na kung ano…”holy mary mother of God, pray for us

Luminga-linga ang payat na lalaki, napansin ng lahat—napansin ng mamang mataba na kanina pa nangangawit sa kakahawak sa bumubukol sa baywang niya. Bakas na mukha nito na nasukol siya sa kalagayan niyang iyon at kita sa kilos nito ang pagnanasang kumawala sa ganitong sitwasyon. Tatakas siya…akmang tatayo ito upang tunguhin ang daan pababa ng jeep ng bigla siyang hawakan ng mamang mataba sa kamay…kamay na kung saan kanina pa nakalibing sa bulsa niyang tinagusan ng dugo.

Nagpambuno sila saglit…tilian ang mga pasahero, nailabas ng mamang mataba ang kanina pa hawak niyang bumubukol sa tagiliran niya---baril!

Dahil na rin siguro sa di akmang posisyon ng lalaking payat (nakatayo ngunit nakayukod) sa pagtatangka nitong lumabas ng jeep kayat nahila ng mamang mataba na may hawak ng baril ang kamay niyang kanina pa itinatago sa loob ng bulsa.

Tilian at sigawan ang mga pasahero, may napamura at may tumalon sa sasakyan, naglingunan ang mga dumaraang mga tao na nagmamadali pa man ding pumasok sa kanilang pinagtatrabahuan.

Gumulong sa paanan naming ni aling Dory matapos tumama sa hita ko ang isang putol na daliri ng isang babae, may kyutiks na pula ang mga kuko nito, putol siya ng may isang sentimetro mula kamao—may nakasuot na singsing na may malaking bato.

Alam kong hindi sa lalaking payat ang daliring ito, dahilan sa napaigtad ang kanyang mga kamay nang itutok ng mamang mataba ng baril niya dito, kumpleto ang mga daliri nito may bakas nga lang ng dugo mula sa putol na daliri galing sa kanyang bulsa.

Takbuhan pababa ang lahat, ngunit hindi kami ni aling Dory, kami lamang ang natira sa loob ng jeep, nalingunan ko siya na nakapikit tila hinimatay habang nakapangunyapit sa akin.

Sa labas, kinakapkapan ng mamang mataba ang lalaking payat, may nakuhang balisong sa tagiliran nito, pinoposasan at pinadapa sa semento. Dumarami ang nag-uusyoso, lumiliwanag ang paligid, sumisikat na ang araw.

Hindi ako nakapasok sa eskwela ng araw na iyon, aywan kung sa puyat o sa pagod…pareho siguro.

Ayaw ko nang sumama mamalengke kay aling Dory, sumasakit ang kamay at daliri ko kakabuhat ng mabigat na bayong…




0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.