ni: Melani R. Quilla
Malalim ang iniisip ni Jojo habang patungo siya sa paborito niyang tambayan. Nadaanan niya malapit sa sementeryo ang isang tindera ng banana cue. Sa mesa nito ay meron ding mga bote ng gin pero walang tatak ang bote.
“Ale, alak po ba ito?” tanong ni Jojo sa tindera.
“Oo, gusto mo ba? Mura lang iyan.” Sinabi nito ang presyo.
Nagulat siya. Halos mas mura ng kalahati ang presyo nito kesa sa ordinaryong gin. “Sige po, dalawa.”
“Isa lang hijo. Isa-isa ko lang ipinagbibili iyan. Pero garantisadong sa isang boteng iyan ay matatauhan ka.”
Napakamot siya sa ulo. Di ba’t ‘pag nalalasing ang isang tao ay nawawala siya sa sarili? Paano siya matatauhan sa pag-inom ng gin kung wala siya sa sariling huwisyo?
Binalewala na lang niya ang sinabi ng matanda. Nagtuloy siya sa puntod ng kanyang anak at doon sinimulan ang paglaklak ng alak. Ilang lagok lang ay may amats na siya.
“Ayosh ‘tong gin na ‘to ah.” Lango na siya sa alak. Tumungga ulit siya saka binalingan ang puntod ng anak. “Anak, galit ka ba kay Tatay? Walang kwenta kashi ang ‘tay mo eh. Biro mo..,” kinulbit niya ang lapida, “wala man lang akong nagawa nang… sagashahan ka ng van este taxi…taxi nga pala iyon. Hayop siya!”
Nahilo siya kaya sumandal siya sa nitso ng kanyang anak. Lumagok ulit siya ng alak at umiyak. Iyon ang paulit-ulit na eksena niya tuwing tatambay siya roon. Ang pinagkaiba lang, ngayon lang siya nalasing sa tatlong lagok lang. Madalas ay apat na bote ng gin pa bago siya tamaan.
Iniangat niya ang bote ng gin. “Nakakapraning kang gin ka. Paano mo ako nalashing agad?”
Nakita niyang may lalaking paparating. May hawak rin iyong bote ng alak. Tinawag niya iyon. “Hoy, dito ka muna. Magkwentuhan tayo.”
Agad namang lumapit sa kanya ang lalaki at umupo sa tabi niya.
“Sige magkwento ka,” sambit ng lalaki na animo’y magkakilala sila. Tinungga nito ang sariling bote ng gin.
Tumungga din siya. “Wala akong kwentang ama.” Itinuro niya ang lapida ng anak. “Namatay siya dahil sa kapabayaan ko. Masyado akong naging kampante kashi ang akala ko, hindi agad mawawala sa akin ang anak ko. Akala ko, maraming taon pa akong mailalaan para maging ama sa kanya.” Binalingan niya ang kausap. Malayo ang tingin ng mamang ito. “Ni hindi ko man lang sinaway si Natty nang tumakbo siya palabas ng bahay noon. Tapos, alam mo ba kung ano na lang ang nakita ko? Hayun, nakahandusay na ang anak ko sa kalshada.” Hinayaan niya lamang dumaloy ang luha sa kanyang pisngi. Hindi siya nag-abalang pawiin iyon. “Pinatay siya ng walang habas na taxi na iyon! Bakit bigla Niyang binawi sa akin ang anak ko?” tumungga ulit siya ng alak.
“Ganon lang naman talaga ang buhay. Pahiram lang sa atin. At hindi natin alam kung kelan iyon babawiin sa atin. Maswerte pa rin ang anak mo, dahil sa loob ng tatlong taon, naging ama ka sa kanya. Ako, ni minsan, hindi ako tinuring na ama ng anak ko.”
Tinitigan niyang muli ang lapida ng tatlong taong gulang na anak. Mag-iisang taon na itong patay ngunit hindi pa rin niya magawang makabangon sa pagluluksa. Umiling siya. “Swerte? Nagpapatawa ka ba? Wala akong kwenta ama, kashi wala rin akong kwentang anak.” Hindi niya alam kung bakit niya naalala ang mga magulang niya lalo na ang kanyang ama.
“Iyong tatay ko, shaka ko lang nalaman na importante siya noong patay na siya. Naging mashama akong anak. Shinisi ko siya kung bakit kailangan ni inay magtrabaho sa ibang bansa. Sabi ko sa kanya, wala siyang kwentang ama.” Binalingan niya ang kausap. Tahimik lang itong umiinom habang nagkukwento siya. Saka lang niya napansin na parang pamilyar ang mukha nito sa kanya. Ipiniling niya ang ulo, lasing na nga talaga siya.
“Ituloy mo ang kwento,”sambit nito.
“’Pag nagkakashakit ako,” lumagok siya ng gin, “pangalan niya ang tinatawag ko. Siya ang napupuyat sa pag-aalaga sa akin. O di ba, shira ulo ako? Aawayin ko tatay ko taposh sa kanya rin ako hihingi ng shaklolo. Lahat ng galit ko sa mundo, sa kanya ko ishinisi. Ni hindi ko pinaramdam sa kanya na mahal ko siya. Kailangan pa niyang mamatay bago konashabing mahal ko siya. Kung kelan wala na siya, shaka pa ako humingi ng tawad. Kaya shiguro ako naging walang kwentang ama kasi naging mashama akong anak. Shiguro isinumpa ako ni ‘tay. Ano sha tingin mo ha?” Tumingin siya sa malayo.
“Kahit kailangan hindi magagawa ng magulang ang isumpa ang kanilang anak. Sa kabila ng sakit na gawin ng anak sa magulang nila, pagmamahal pa rin ang isusukli ng isang magulang sa kanyang anak. Hindi ka isusumpa ng tatay mo dahil naintindihan ka niya.”
Tumawa siya ng pagak. “Naintindihan? Ni minshan nga, hindi niya ako tinanong tungkol sha buhay ko. Paano niya ako maiintindihan?”
“Ama mo siya, alam niya kung ano ang nararamdaman ng anak niya. Hindi man siya nagsalita noon, alam niya ang saloobin mo, ang problema mo, ang galit mo, ang takot mo. Alam niyang lahat iyan dahil magulang mo siya. Walang magulang ang gugustuhin maging miserable ang kanilang anak.
Kaya ‘wag mong sisihin ang sarili mo. Hindi mo kasalanan na namatay ang anak mo. Naging mabuti ka namang ama sa kanya.”
“At paano mo nalamang naging mabuti akong ama kay Natty?”
“Mula nang ipanganak si Natty ay nakabantay ka na sa kanya. Ikaw ang nagpapatulog sa kanya gabi-gabi. Ikaw ang bumubuhat sa kanya tuwing magsisimba ang mag-anak mo. Ikaw ang naghahatid at sumusundo sa kanya sa day care center ng barangay. Lahat ng pangangailangan at pagmamahal ay ibinigay mo sa kanya. Hangang sa huling hantungan ay ipinakita mo sa kanya na habang buhay mo siyang aalalahanin at mamahalin. Anak, naging mabuti kang ama sa kanya. At naging mabuti kang anak sa akin.
Ayusin mo ang buhay mo, anak. May isa ka pang anak na naghihintay ng pagmamahal mo. Ipagpatuloy mo ang pagiging mabuting ama.”
Nagulat siya. Binalingan niya ito at saka niya tuluyang namukhaan ang kausap. “Itay?” Natigilan siya. Iba nga siguro ang tama ng alak sa kanya ngayon.
“Isang kampay pa, anak.” Itinabing nito ang bote ng gin sa boteng hawak niya. “Hindi mo kailangang humingi ng tawad sa akin dahil wala kang kasalanan. Ako ang nagkulang.”
Nalilito na siya. Pinaglalaruan na siguro siya ng imahinasyon at ng epekto ng alak. Ipiniling niya ang ulo para saglit na mahulasan. At pagbaling niya sa katabi ay naglaho na rin ito. Nag-iisa na siya. Nakita na lang niya ang isang bote ng gin na walang laman na nakapatong sa nitso ng kanyang anak.
Sa una at huling pagkakataon, pinangaralan siya ng kanyang ama. Bagay na hindi niya inaasahang mangyayari sa tanang buhay niya.
Inisang lagok niya ang natirang gin sa bote niya. Parang bulang nawala ang pagkalasing niya. Sa halip ay gumaan ang loob niya at nagkalakas siya ng loob na harapin ang buhay niya. Tiningnan niya ang bote ng gin at bahagyang napangiti. “Ibang klaseng gin ka.”
0 comments:
Post a Comment