By: Melanie Quilla
Tingnan mo ako, mata sa mata
Ang pag-iwas ay tigilan mo na
‘Wag ka ng magpanggap at manlinlang
Hanggang kelan ka ba magiging ganyan?
Ngumingiti ka sa harap ng iba
Ipinapakitang ikaw ay masaya
Ngunit batid mong di ka makakatakas
Sa anino kong taglay na nagpupumiglas
Ikulong mo man ako sa dulo ng iyong isip
May paraan pa rin upang ako’y makapuslit
Patuloy akong lilitaw— paulit-ulit
Ipapaalalang di mo ako dapat iwaglit
Kelan ka ba kikilos sa kinatatayuan mo?
Di ako maglalaho kung tatakbuhan mo lang ako
Hinahamon kitang lakasan mo ang loob mo
‘Wag ka ng tumakas, harapin mo na ako
Ipakita mo sa akin ang iyong tapang
Supilin mo ako ng walang alinlangan
Tumingin ka, mata sa mata
Harapin mo ako, ang iyong problema.
0 comments:
Post a Comment