Ni Kislap Alitaptap
Mga mata’y binusalan,
Mga kamay ay sinakal.
Sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal
Na sa kanila’y pinagtaguan;
Sila’y tinakot at pinaratangan
Ng mga unipormadong suhulan.
Ang sabi ni Heneral
“Kasapi ng NPA ang mga ‘yan!”
Ang tugon ng mga pinaratangan
“Kami ay mga manggagawang-pangkalusugan.”
“Kayo’y hindi nagsasanay manggamot,
Kayo’y nagsasanay gumawa ng mga pampasabog.
Kaya nararapat lamang na pagkaitan ng tulog,
Ipagtanggol ng abugado’y, ‘di rin dapat ihandog.”
Ang mayabang na bulyaw ni Heneral Singhot.
“Kami’y manggagamot, sa Baya’y naglilingkod,
Kakarampot na sahod ay ‘di hadlang na sapot,
Upang sa Baya’y ihandog ang karapatang magamot,
Karapatang malaon ng inyong ipinagdadamot.”
Ang matatag na sagot ng mga manggagamot.
Sabagay wala ng bago sa mga paratang na ganito.
‘Di na nila pinag-iiba ang Langka sa Kaymito,
‘Di na nila pinag-iiba ang Pilak sa Ginto,
‘Di na nila pinag-iiba ang Sampagita sa Dapo,
At ‘di na rin nila pinag-iiba ang Armado sa ‘di-Armado.
Kaya ‘wag na rin tayong mabibigla kung sa kanilang kampo
Ay may dumapong naliligaw na pato,
At kanila itong ratratin hanggang maging abo.
‘Wag na tayong mabibigla kung ang kawawang pato
Ay ituring nilang sugo ng mga Partisano. #
0 comments:
Post a Comment