Sunday, December 19, 2010

Ang Pangalan sa Lumang Larawan



ni: Rom Factolerin


Nanginginig pa si Shirley, puno ng grasa at putik ang kanyang puting unipormeng pang serbidora, punit ang bahaging dibdib—tastas ang pang-itaas na butones at duguan ito. Ngunit halatang hindi kanya ang mga dugo sapagkat ni wala man lang siyang sugat na maaring panggalingan ng nakahihilakbot na bahid ng dugo, kundi mangilan-ngilang galos na kung titingnan ay maaaring nakuha lamang sa pagkakadapa. Walang kibo siyang nakatunghay sa matandang lalaking nakahiga sa kama ng ICU habang nakikipagbuno ito ng mapayapa sa buhay at kamatayan. Kalalabas lamang nito sa isang madaliang operasyon upang sagipin ang buhay bunga ng tinamong isang saksak sa sikmura.
Amoy gamot ang silid, tanging paggibik lamang ng aparatong taas-baba ang kumpas sa kulay berde nitong ilaw ang tumutunog. Maging ang paghinga sa loob ng maskarang oxygen ng nilalang na nakikipag agawan kay kamatayan ay mistulang magaan at tahimik, bagay na nakakabahala sapagkat nangangahulugan ito ng mababaw at mahinang paghinga. Paghingang maaaring mapatid ano mang oras.

“kayo po ba ang kamag-anak ng pasyente?”
“hindi po, ‘di ko po sya kaanu-ano”
“kailangan pong bilhin ang mga gamot na ito, kritikal pa ang kalagayan nya hindi po natin masasabi ang pwedeng mangyayari.”
“sa ngayon  ay under observation sya, makalipas ang 24 hours at bumuti ang kalagayan nya at mag respond sya positively malamang makakaligtas sya.”

Walang imik si Shirley, di nya alam ang gagawin o sasabihin. Siya man ay nasa pagitan ng matinding pagkagitla ng mga oras na iyon. May isang kaluluwang naghihingalo sa harapan niya sa mga oras na ito ngunit waring matulin at mataas ang tinatakbo ng utak niya. Milya-milya ang lipad nito. Nasa sa pagitan ng pagkabahala at pagtataka ang buong katauhan niyang pumapailalim sa sabay-sabay na rebelasyon at sindak. Mistulang basag na bubog ang isipan niyang pilit dinadampot isa-isa ang mga piraso upang mabuo muli ang larawan. At sa pagdampot ay di maiiwasang masugatan ang mga kamay at magdugo—madama ang hapdi sa kanyang katauhang sugatan.
Nagsimulang manuot ang lamig ng aircon sa katauhan ni Shirley, malapit nang mag-umaga at sumikat ang araw, wala pa siyang tulog kahit kaunti, ngunit hindi ang kalagayang iyon ang pinag tutuunan ng katauhan niya ngayon. Sa kanyang kanang kamay ay hawak-hawak niya ang pitakang panlalaki. Pag-aari ng matandang lalaking nakahiga sa kama at nakikipag buno kay kamatayan. Bukas ito at nakalabas ang ilang lumang larawan, tarheta, at ilang papel na pera.  

                                                              ***

“Shirley, ayan na naman ang boylets mo haha!”
“gaga ka Anne ha, ayoko ng ganyang biro! Tumigil ka!”
“nanliligaw ba sa iyo yan?”
“e sa araw-araw na ginawa ng Diyos laging nandito yan at ikaw ang gustong nagsisilbi    sa kanya kahit kape lang ang inoorder”
“hayaan mo na’t customer e, wala namang masama dun”

Tuwing hapon, sa pagitan ng alas-singko at ala-sais, sa isang sulok ng lumang cafeteria na ito sa panulukan ng Binondo at Divisoria—sa matao at abalang lunsod ng Maynila nagaganap ang paulit-ulit na pangyayaring wala namang nakakapansin at pumapansin. Si Mang Fredo isang matandang lalaking payat, nag-iisa sa buhay ay tahimik na umiinom ng kape sa kanyang piniling sulok. Nakamasid lamang siya parati sa mga pumapasok at lumalabas. Ang kape na kayang ubusin ng may labinlimang minuto ay nagtatagal ng halos isang oras sa kanyang harapan. Hindi dahil lubhang mainit ito at mahirap inumin ngunit sa kung anong dahilan ay kinakailangang isabay niya ito sa araw-araw na malalimang pag-iisip sa tuwing hinihigop niya ito. Humihigop siyang halos kasabay ng matinding buntong-hininga at buga ng usok ng sigarilyo. Wari bang may kung anong pinanghihinayangan sa mga nakalipas niyang araw ng pagtanda at pagputi ng mahaba niyang buhok na noo’y lumililis hanggang sa kanyang balikat..    

Wala namang problema ang ganito kay Mr. Ching, isang matandang Tsino na minsanan na lamang kung dumalaw sa kanyang pag-aaring lumang restawran. At dahil hindi na gaanong dinarayo ang mga ganitong kainan, di tulad noong unang taon nito na di pa uso ang mga fastfood chains ay hindi naman gaanong nakaka abala ang may tumatambay sa sulok nito. Dahil kahit oras ng tanghalian at hapunan, hindi na gaanong napupuno ng mga parokyano ang isang lumang restawran na tulad nito.

Kahit ang mga serbidora na naka uniporme ng blusang puti at itim na palda, magkaminsan ay nakaupo na lamang at nagkukwentuhan sa tanghali at hapon. Sa mga pagkakataong matumal at nakakatamad ang init ng panahon at walang gaanong pumapasok upang kumain. Kung hindi nangangalikot ng cellphone ay kung anu-ano na lamang ang ginagawa ng apat na serbidorang walang masyadong inaasikaso sa maghapon. Hanggang sa dumating ang oras ng uwian ng mga manggagawa at estudyante sa abalang bahagi ng Maynila na yaon ay tsaka lamang unti-unting nagkakabuhay ang paligid. Tuwing katapusan ng linggo naman ay iba ang kalagayan, bukod sa araw ng sweldo, ito rin ang araw na dumarami ang parokyanong nagpapaumaga sa pag-iinom ng serbesa at pagpapatugtog sa lumang jukebox na hinuhulugan ng barya. Ang apat na serbidorang ito, kabilang si Shirley ay halinhinang natotoka hanggang alas dos ng madaling araw hanggang makauwi lamang ang mga nag-iinom. Isang kalagayang napaka pangkaraniwan at nakababagot sa isang syudad na puno ng iba’t-ibang uri ng tao at pangyayari.

                                                                  ***

“wala ba si Shirley?”
“ay sori po mamaya pa po mga alas-sais ang pasok nya kasi weekend ngayon panggabi    siya”
“ano po ba order nyo? Kape ulit?”

Di kumibo si Mang Fred. Nag-iisip. Walang sabi-sabi itong tumayo at iniwan ang serbidorang nakaamba nang kunin ang order nya. Tuloy-tuloy itong lumabas ng restawran at pumara ng jeep.

“’tamo itong matandang ito, bastos. Tinatanong kung anong order e…”
“uy, bakit? Inisnab ang byuti mo?”
“wala si Shirley e, si Shirley kasi ang type ng matandang yan. Obserbahan mo nga kung  makatingin kay Shirley parang may gustong gawin e, manyakis ata yan…”
“sus! Selos ka naman, kasi si Shirley ang nabibigyan ng tip kaya ka ganyan!”
“gaga! di ako nagseselos kay Shirley, aba’y kahit paano naman may pamilya akong nagmamahal sa akin ano! Samantalang si Shirley nag-iisa lang sa mundo, Tatlong  taong gulang pa lang iniwan na ng tatay, tapos namatay ng maaga ang nanay. Kung tutuusin mas kawawa pa ang kalagayan nya kesa sa akin.”
“o, sya tama ka, balik sa kusina may ihahain ka pa!”

                                                             ***

Nagmamadali si Shirley sa paglalakad ng maramdaman niyang may aninong sumusunod sa kanya, ilang milya lamang ang layo niya sa restawran ng malingunan niyang kamamatay lamang ng ilaw nito sa loob. Pasado alas-dos na at madalang na lamang ang mga taong naglalakad sa kalye. Ang entrsuwelong parati niyang dinadaanan tuwing pauwi ng madaling araw ay walang pinag-iba sa ilang panahon nya na ring pagtahak dito. Naroon pa rin ang mga pulubing nakahiga sa tabi at namamaluktot sa dilim, ang mga asong gala na nangangalkal ng basura at ang panaka-nakang pagdaan ng mga trak ng basura upang maghakot ng sanlaksang dumi ng syudad sa maghapon.

Ngunit iba ang gabing ito, sadyang may kung sinong sumusunod sa kanyang yabag at nagtatago sa dilim. Ayaw niyang lumingon, magmamadali na lamang siya ng lakad nang sa gayon ay makarating ng mabilisan sa abangan ng jeep na may kalayuan pa sa kanyang tinatahak. Isang liko na lang, may naaaninag na siyang liwanag sa entresuwelo, konti na lang at makakaramdam na siya ng kaligtasan sa kung anuman o sino man ang bumubuntot sa kanya. Bago pa man makarating sa kanto huminga ng maluwag ay sumulyap siya sa likuran. Tahimik walang naglalakad, walang sumusunod. Guni-guni nga lamang ba niya ang lahat o tinatakot nya lang ang kanyang sarili?

Bigla, pagbalik ng kanyang paningin sa harapan…
“huli ka!”

Niyapos agad siya ng lalaki sa kanyang harapan sabay takip sa kanyang bibig at tutok sa likuran ng balisong. Nakayakap kaagad ang lalaki na may matitigas na braso sa kanya kung kaya’t nawalan ng silbi ang agaran niyang pagpupumiglas. Hinila siya nito palayo sa liwanag ng poste, sa may sulok at tambak ng basura. Isang dipang lapad ng entrsuwelo na okupado ang kalahati ng malaking tambak ng basura ang pinagdalhan sa kanya, buong lakas siyang sinikmuraan nito sabay salya sa kanya papunta sa tambakan.

“putang-ina ka, akin ka ngayon”

Paanas ngunit mala-hayok na nawika ng anino sa dilim. Paglagpak pa lamang ni Shirley sa bunton ng basura at habang siya’y namimilipit sa tindi ng bigwas sa kanyang sikmura, sinimulan na agad ng lalaki na hablutin ang blusa niya. Bahagyang naliliwanagan ng nagtatagong buwan ang gabing iyon, adbentahe ito sa lalaking hayok dahil konting liwanag lamang ang kanyang kailangan para makita ang kanyang biktima at mas lamang na dilim para maitago ang masamang gawain.

Ungol lamang sa pamimilipit at halos panawan ng ulirat ang lumalabas sa bibig ng dalaga, umiikot ang madilim na paligid, sabay sa sangsang ng amoy ng basura at lagkit ng ihip ng hanging lunsod at sa ilang saglit na pagpapatupad ng kabuhungan ang namamayani. Pinipilit ni Shirley na tumatag, kahit paano alam niya ang nagaganap, kahit paano alam niya ang kanyang kalagayan sa mga oras na iyon. Ang bawat sandali ay mahalaga ang bawat galaw ay tiyak at dapat­, Dangan nga lamang at unti-unting tumatakas ang kanyang lakas na inagaw ng matinding bigwas sa kanyang sikmura. Lubhang napakatagal ng oras para sa kanya…

Gagap ang tiyan, hingal at iyak, namataan niya sa di kalayuan ang kakaibang pangyayari. Nagpapambubuno ang dalawang anino sa dilim, inaagaw ng isa ang patalim na hawak ng isa habang buong lakas na sinisikaran ng malaking lalaki ang isang payat na lalaki. Dahil na rin marahil sa hindi pantay na labanan ng pangangatawan kitang-kitang nagagapi ang isa. Pagkalugmok nito, inundayan ng saksak, mabilisan lang, walang kagatul-gatol. Ungol na lamang ang narinig. Sabay ang mabibilis na yabag papalayo sa dilim, habang halos walang kibo ang naiwang lalaki na sapo-sapo ang tiyang sinaksak.

                                                                 ***

Naglalakad ng wala sa loob si Shirley sa pasilyo ng Ospital. Hawak-hawak nya pa rin ang lumang pitaka ng matandang nakaratay sa ICU. Pinagmamasdan niya ang lumang larawan ng isang bata, humigi’t kumulang ay may tatlong taong-gulang, nakangiti, mataba at Masaya. Nakaupo ito sa kandungan ng isang lalaki na hindi na nasama ang mukha sa larawan dahil na rin sa ang focus ng camera ay sa batang kanyang kalong. Wala sa loob niyang tinalikod ang larawan. May nakasulat…

“10/15/88 baby Shirley…”

Bumibilis ang pagtahip ng dibdib ng dalaga, nahihilam ang kanyang mga mata sa luha. Patuloy siyang naglalakad ng dahan-dahan at walang direksyon sa pasilyo ng ospital ng madaling araw na iyon. Namamanhid ang buong katawan, nauumid ang isipan. Bigla na lamang tumilapon ang hawak niyang pitaka dahil natabig ito ng mga nagtatakbuhang Narses patungo sa likurang direksyon niya. Dito lamang siya tila natauhan. Dinampot niya ang pitaka, sabay lingon sa likuran.

Patungo sa silid na kanyang pinanggalingan, sa ICU papunta ang mga narses, natataranta, nagmamadali, naghahabol. Bigla-biglang sinaklot ng matinding sindak ang katauhan ni Shirley. Wala siyang magawa. Waring napako na lamang siya sa kanyang kinatatayuan sa gitna ng pasilyo habang daklot niya sa kaliwa niyang kamay ang isang lumang larawan ng isang tatlong taong gulang na bata, unti-unti niya itong nalalamukos ng di namamalayan. Tumutulo ang luha habang nanginginig ang buong katauhan ng dalaga.
Isang nakasisindak na tagpo sa pasilyo ng ospital…ang pangalan sa lumang larawan…




0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.