ni: Noel Sales Barcelona[1]
HINDI man aminin ng maraming makata sa kasalukuyan, isang sisinghap-singhap na sining ang pagtula. Isa itong sining na bagaman nakarugtong sa pinakapusod ng ating kasaysayan, ay tila isang sanggol na maagang iwinalay sa ina at hindi man lamang napakain ng masustansiyang pagkain at nagtitiyaga lamang sa tubig na nilagyan ng asukal o sa matabang na am kung kaya patuloy ang pangangayayat at panghihina nito.
Kamakailan lamang, inilunsad ang maliit na polyeto na pinamagatang “Pyrotechnic Poetry” ng Paper Monster Press ng mga makatang taga-Kabite, sa pangunguna ng instruktor sa De La Salle na si Ainne Frances de la Cruz.
***
Kapos man sa estetika pagdating sa presentasyon, hindi naman ito pahuhuli sa ibang antolohiya pagdating sa nilalaman sapagkat natipon dito ang ilang piling tula na kumakatawan sa bagong henerasyon ng makata na patuloy na sumasalunga sa alon ng krisis sa pagtula.
Nasusulat sa Ingles at Filipino, 20 bagong mga tula ang ipinalaman sa maliit na pakete: Paper Cup ni Ryan Gabby Taborada; For the storyteller ni Lawrence Bañas; Frankjo ni Pache Paredes; To End a Wall ni F. Jordan Carnice; Lotus Eaters ni Noah Sonnenchein; A Minute After Six ni J. Luna; Cleaning Up ni Xenia Chloe-Villanueva; Transit ni Karlo Jose R. Pineda; Pre-Wendy ni Raydon L. Reyes; at Tryst ni Eduardo Uy Jr. (sa Ingles); sa Filipino: Gulugod ni Mykel Andrada; Ang Lalaking Ginpampukun sa Titi ng Kapwa niya Lalaki ni Noel de Leon; Paghanap sa Bulag na Alitaptap ni Raul Funilas; Sahid ni Louise Vincent B. Amante; Paggalang sa Banal ni Dr. Jondy M. Arpilleda; PNR ni James Tana; Pito-pito ni Gigi Constantino; Harlot [Ang Haliparot] ni Michael C. Alegre; at Sa Damuhan ni Mark Erron San Mateo.
***
Pagkabagabag dahil sa isang masagot na tanong (marahil ay sa relasyon?) ang tuon ng tulang “Paper Cup” ni Taborada samantalang ang magkabilang mukha ng istorya (marahil ay sa balita?) ang pinakasentro ng mga taludtod ni Bañas:
Hey Story Teller
What lies do you have for us today?
Hey Story Teller
What truths do you have in store today?
Make sure that you get the names right;
Make sure that you get the dates right…
Hanggang kailan magtatagal ang katawang lupa, ang alaala at kailan mahahagkan ang eternidad? Iyan ang tila pahiwatig ng Frankjo ni Paredes samantalang ang pagkabasag ng mga pader, hindi nakikitang mga harang o hadlang, ang pinakaaasam na makita sa tula ni Carnice.
Walang hanggang paglimot at pag-alala sa mga mangingibig na nagpapasasa sa isang dalisay at mapagpaubayang pagmamahal ang tila nais iparating sa mambabasa ng tula ni Sonnechein:
unlike the cigarette stikcs
you’ve held between your fingers,
you can count the mouths
you’ve kissed.
like the textutre of those mouth
you can’t recall the faces that owned them
or their shapes, or how they tasted
but you remember the way
they walked away from you:
the same pace—without hesitation,
without looking back…
Withdrawal method sa pakikipagtalik at ang takot sa responsibilidad (kaya?) ang hatid ng mga taludtod ng tula ni Luna. Parang magnanakaw na takot mahuli at isang ibong gustong umiwas sa patibong, ang pagkatao ng tumutula at ng tinutulaan kung kaya sa halip na tuluyang pagsalikupin ang mga kamay ng kaluluwa’y hinayaan na lamang pumulundit sa labas ng mundo ang semilyang maaaring maitanim at tumubo.
Sa Filipino, mapaglaro ang imahinasyon ni Mykel Andrada sa kanyang tulang gulugod na nagpapakita ng paglalaro ng dalawang “batang malalaki na” ng luksong baka. Ang imahe na ginamit ni Andrada ay maaaring kakitaan ng ilang natatagong mensahe: maaaring pag-alaala ito sa mundo ng pagiging bata o kaya naman, maaaring pag-aalaala kaya ito sa isang relasyong nawala na lamang at sukat? O pintig ito ng isang pusong lagi na lamang talunan at laging balagoong?
Maganda ang hagod ng makatang taga-Isla Talim sa Rizal na si Raul Funilas sa kanyang tulang “Paghanap sa Bulag na Alitaptap.” Ang kadiliman kayang nasa mata ng alitaptap ay isang pag-aninag lamang sa bulag na kahapon? Maaaring ganoon, at maaari rin namang hindi. Ang talinghaga ng tula ni Funilas ay tunay nga namang nakaangkas sa munting alitaptap na ang ilaw ay kikisap-kisap.
Interesante rin ang piyesang “Ang Lalaking Ipinaglihi sa Titi ng Kapwa niya Lalaki”. Bakit titi at hindi puki, ang ginawang imaheng hambingan ng makata? Larawan ba ito ng kanyang pagkatao? Marami kasing nagsasabing ang mga tula at iba pang akdang pampanitikan ay hindi lamang obserbasyon ng makata o manunulat sa malayo kundi isa ring paglalangkap ng sarili sa kalipunan ng katotohanang inihihinga at iniluluwal ng lipunan. Bakit nga ba titi at hindi puki ang hanap ng makata sa kanyang tula? Isang bugtong na ang kasagutan ay nasa bugtong rin.
Paghihimagsik laban sa krimeng gumambala sa katanghalian ng Nobyembre 23, 2009 ang kaukulan ng tulang Limampu’t pitong anino ni Gonzales. May babala sa dulo ng tula:
Luluha kami ng hindi takot:
Hanggang sapitin ng mga berdugo ang dapithapon
at gabi ng ating nag-aalab na poot.
Ngipin-sa-ngipin ang hamon ng makatang naghihimagsik sa paghahari-harian ng mga poon sa Maguindanao.
Sa tulang “Sahid” ni Amante, rebolusyon ang nakikitang solusyon ng makata para maiahon ang bayang matagal nang aliping-kanin ng mga namamanginoon:
O Bathala,
Panginoong Al’lah!
Sa araw ng paghuhukom,
Hayaan kaming mga ibinuwal ng Shaitan
ang unamg magpataw
sa kanya ng parusa.
Sino nga ba ang banal na tunay, ang tila pagtatanong ni Arpilleda sa kanyang tulang “Paggalang sa Banal” samantalang PNR ni James Tana, ay pamamag-asang makahabol sa panganganay ng asawa ang taong alumpihit sa loob ng treng kumitil na rin nang ‘di mabilang na tao sa pagragasa nito sa napakahaba at pakiwal-kiwal na perokaril na nakabalatay sa lupa’t lumot ng Maynila hanggang kung saang lupalop ng Luzon.
Ano nga ba ang lasa ng “Pitu-pito” ni Constantino? Ano nga bang hatid nito sa “kalamnang gulay” ng isang tao? Marahil, ay pampalakas nga ito ng kalamnan at sentido o ng kung ano? O pampaalis ng isang sagwil sa katawang matagal nang ibig na pakawalan?
Nakakatuwa ang tulang “Ang Haliparot” ni Alegre at nakapanggigil naman ang “Sa Damuhan” ni San Mateo.
***
Sa kabuuan masasabing ang pagsama-sama, ang paglalahukl-ahok ng iba’t ibang akda’t kamalayan sa Paper Monster Press ay nakatutuwa bagaman paghahanapan nga ng ilang kritiko ng estetikal na katuturan ang pinakaanyo ng polyeto.
Subalit baka naman, ang munting halimaw sa kahon ay maging Godzilla na yayanig sa lungsod ng natutulog na panulaang Pinoy. Walang makapagsasabi sa ngayon. (30)
[1] Kasalukuyang Editor-In-Chief ng pahayagang Inang Bayan si Noel Sales Barcelona. Naging patnugot din siya ng pahinang pang-migrante ng progresibong pahayagang Pinoy Weekly (2007 – 2008); naging kolumnista sa arawang pahayagang Punto! (2007; at korespondent para sa online newsweekly na Bulatlat.com (2004 – 2008). Premyadong manunulat at makata, nakamit niya ng ika-2 gantimpala sa pagsulat ng tula mula sa Pandaylipi, 2002 at Certificate of Literary Achievement mula sa Filipino Australian Community ng New South Wales, Australia.
0 comments:
Post a Comment