Sana`y may lihim na lagusan
Patungo sa malalayong mga bituin.
At doon, makapaglalakbay tayo
Na kasintulin ng liwanag.
Maglalagos sa kabilang daigdig kung saan
May ibang sumisibol na kabihasnan
Na lihis sa ating kinagisnan.
Isang nakatagong daigdig
Na `di masaklaw ng ating kamalayan
Simula nang isinilang
Ang laksa-laksang bituin sa kalawakan.
Sana`y may lihim na lagusan
Patungo sa malalayong mga bituin;
Tulad ng isang mahiwagang pintuan
Na pipigil sa pag-agos ng buhanging-orasan.
Sa gayon, titigil sa pag-ikot ang ating buhay
Sa sanga-sangang mga yugto
Ng mapagbirong tadhana`t panahon.
Isang matandang palaisipan
Na `di masaklaw ng ating kamalayan,
Simula nang isinilang
Ang laksa-laksang bituin sa kalawakan.
Ngunit sa huli, mapagtatanto natin
Na hungkag ang ating kaisipan
Sapagkat tayo`y kapara lamang
Ng mga butil ng buhanging
Nakapaloob sa isang malawak na karagatan.
Inaarok ang lalim, inaabot ang hangganan,
Hinahagilap ang mailap na kasagutan.
Simula`t simula nang isinilang
Ang laksa-laksang bituin sa kalawakan.
-Allan Lenard Ocampo
0 comments:
Post a Comment