Tapat,
Baligtarin man ang mundo ay mananatili ka,
walang magbabago sa iyong anyo
at sa pagkakahabi ng bawat pirasong
bumubuo sa iyo.
Tapat,
Kung ang mundo’y tumalikod sa iyo
at humirang ng ibang kakampi,
hindi ka mang-iiwan sa luhaan at natatakot.
Ikaw ang mag-aalab ng tibay ng loob.
Tapat,
Inaapakan ka ng pabago-bagong panahon
Subalit ikaw ay ikaw pa rin,
Gawin mang una ang iyong hulihan
At huli ang iyong unahan.
Tapat,
Saan ka daw mahahanap sabi ng mga
dating kalaro na ngayo’y nasa
dalampasigan ng mga pangarap?
Dalawin mo sila ng mas madalas.
Tapat,
Ikaw ba’y nagtatago lang sa pagitan ng
mga ngiting pakunwari na humahanap
ng bagay na walang kulay at buhay?
O ikaw ba’y kapiling lang palagi?
Tapat,
‘Wag ka naman sanang mamatay
kasama ng mga luhang bumasa sa mga
pahina ng malungkot naming kasaysayan.
Kami sa’yo ngayon ay naghihintay…
0 comments:
Post a Comment