ni: Berlin P. Flores
Itim ang kulay ng Pebrero--
payong na nakalambong
sa aking bumbunan
itong ulap ng pangungulila,
dagat na walang pagkati
itong kahungkagan
na sa puso ko'y sumakbibi,
mukhang walang-pangalan,
pangalang walang-mukha
ang tanging kaniig sa hungkag na silid.
At,
kung hindi ko maririnig mula sa 'yong bibig
ang litanya ng paglimot at pagpapatawad:
itim na kabaong itong Pebrero
na hihimlayan ng namatay kong puso.
Pebrero 2, 2011
Lungsod ng Mandaluyong
0 comments:
Post a Comment