Monday, January 3, 2011

Putik: Kilabot o Robin Hood?


ni: Rogelio Ordoñez


(Lathalain — inilathala sa magasing ASIA-PHILIPPINES LEADER, Nob. 5, 1971. Dahil marami pa rin ang nagtatanong ng ilang datos tungkol sa maalamat na si Leonardo Manecio, alyas Nardong Putik, na napatay noong Okt. 10, 1971, minabuti naming ilathala sa Pluma at Papel ang artikulong ito.)

ANG BAHAY na iyon sa bukana ng isang bukiring mga dalawandaang metro ang layo sa aspaltado ngunit baku-bako nang kalye ng baryo Sabang, Dasmarinas, Kabite, ay hindi mo iisiping kay Leonardo Manecio, alyas Nardong Putik, kilalang “Kilabot ng Kabite” ng kanyang mga kalaban at lokal na “Robin Hood” naman ng mga magsasaka, ng mga taga-baryo, ng karaniwang mga Kabitenyong diumano’y kanyang natulungan.
Hindi tanaw ang bahay na iyon mula sa kalye; papasok ka pa sa isang maalikabok, lubak-lubak na kalyehong parang malapad na pilapil na nakabalatay sa bukid bago mo iyon makita’t marating. Isa iyong bungalow na bagung-bago pa, mapusyaw na mapusyaw ang pagkaberde, may maliit na terrace na kinaskas na adobeng inihalo sa semento ang pinakapader. Kung iyon ay sa Kamaynilaan napatayo, iisipin mong manedyer ng isang kompanya ang may-ari, at may malaking suweldo kada buwan.
Wala iyong bakod sa paligid at waring ganap na napaaangkin sa kalawakan ng bukid. Maliban sa nagkakahugis na balangkas ng isang bagong bungalow sa kanang tagiliran niyon na, ayon sa mga taga-Sabang, ay sa manugang ni Nardong Putik sa panganay niyang anak na si Estrellita, at maliban din sa isang bahay na pawid na ikinukubli ng mga punong saging, sariling-sarili ng bungalow ni Manecio ang kapaligiran ng kabukirang iyon.
Bago pa nga ang bahay na iyon, mga ilang buwan pa lamang naitayo. Ang mga materyales na ginamit doon, mula sa kaliit-liitang pako hanggang graba’t semento, yero’t tabla’t pintura, ay pawang abuloy diumano ng kung sinu-sinong tao. Maging ang mga inihanda nang binyagan iyon ay regalo rin mula sa iba’t ibang mga baryo’t bayan sa Kabite — baka, manok, baboy, prutas, alak at kung anu-ano pa. Maging sa inyong baryo sa Imus, isang araw bago ginanap ang handaang iyon, hindi mo maiwasang maalaala, hindi nag-atubili ang iyong mga kababaryo — kabilang na ang iyong mga magulang — sa pagpapadala ng kanilang makakayanang ihandog.
Hindi marahil inakala ni Nardong Putik na matapos maitayo ang kanyang bungalow, ilang buwan lamang ay ganap na niya iyong iiwan sa kanyang pamilya — sa asawang si Aling Fely, sa mga anak na sina Estrellita, Angelita at Leonardo,Jr. na binatilyo na, 15 anyos, at estudyante sa high school sa Dasmarinas.
Waring ipinatayo ang bahay na iyon para maging maayos ang pagbuburulan ng kanyang bangkay. **Matapos siyang subaybayan, tambangan at mapatay ng magkasanib na puwersa ng NBI, PC at pulis-Imus sa pagitan ng Panamitan at Tabon, Kawit noong alas 7:40, umaga, Oktubre 10, habang nag-iisang sakay ng isang pulang kotseng Impala galing sa Nobeleta, matapos kunin ng kanyang pamilya sa kamay ng mga awtoridad ang kanyang bangkay na tadtad ng bala, doon na nga siya ibinurol, pinaglamayan ng daan-daang taong mula sa Imus, Kawit, Bakoor, Nobeleta, Hen. Trias, bukod pa sa mga taga-Dasmarinas; may ilang nanggaling pa sa Pasay, Maynila at Kalookan.
NANG MAGPUNTA kami sa bahay na iyon noong katanghalian ng Oktubre 17, ilang oras bago siya ilibing, naghilera na sa maalikabok at lubak-lubak na kalyehong iyon ang mga sasakyan, iba’t ibang dyip at kotse mula kung saan-saan. Sa tagiliran ng bahay na hinabungan ng lona at ilang pirasong yero, may tatlong mahahabang mesang pinagdugtung-dugtong at napaliligiran ng mga silya’t banko. Doon nagkakatipon ang maraming tao, magkakilala man o hindi, nagkukuwentuhan, sinasariwa ang makulay, madugo at maalamat na buhay ni Nardong Putik, ang kanilang Robin Hood, ngunit Public Enemy No. 1 naman ng Kabite, sabi ng mga awtoridad. Mausok ang paligid, nakahihilam, sapagkat sa hindi pa natatapos na bungalow ng manugang, ilang talyasing ulam, ilang kawang kanin, ang patuloy na ginagatungan.
Mga kilalang mukha ang nabungaran mo malapit sa bukanang mesa, mga kababata, mga dating kaklase sa elementarya, mga kababaryo at pininsan, na nangapatingin sa iyo nang ikaw ay makita, iniisip marahil kung bakit ikaw na naligaw “sa kagubatan ng lungsod” ay bigla na lamang sumulpot doong parang kabuti. Saglit lamang ang batian, ang tanguan, ang malungkot na ngitian, at agad kang nagtuloy sa salas ng bungalow. sa kinabuburulan ng bangkay.
Labas-masok sa salas ang nagsisiksikang mga tao, mga kasibulan at uugud-ugod, bawat isa’y sumisilip sa tila narang barnisadong kabaong, naghahangad marahil na mapakintal sa kanilang gunita ang mukhang iyong labis na kinatakutan ng mga magnanakaw ng kalabaw, ng ilang pulitiko at kaaway, pero minahal ng maraming magsasaka at ng api-apihang mga Kabitenyong di agad makahingi ng hustisya sa mga diyus-diyosan sa gobyerno.
Sa tabi ng kabaong, nagsisiksikan din ang mga korona ng bulaklak kaya ang iba’y sa terrace na itinambak. Alaala ng pamilya Crisostomo ng Kawit, ng pamilya Brosas ng Hen. Trias, ng samahan ng mga tsuper sa Nobeleta, sa Binakayan, sa Dasmarinas, alaala ng mga kakilala’t kaibigan, ng kung sinu-sinong diumano’y kanyang natulungan. Kapansin-pansin, walang kilalang mga pulitiko ng Kabite ang nag-alay ng isa mang bulaklak.
Sa ibabaw ng kabaong, dalawang may kulay na retrato ang nakapatong; sa isa, kasama ni Kumander (iyon ang nakagawiang itawag kay Putik ng mga Kabitenyo) ang ilang babaing namumukhaan mo ang iba at, sa isa naman, nakaakbay siya sa isang kabataang lalaking kilalang-kilala mo dahil dati mong kalaru-laro sa basketbol sa inyong baryo. Sa dalawang retratong iyon, naka-T shirt si Kumander, nakalaylay nang bahagya sa kaliwang panig ng noo ang ilang hiblang buhok, nakangiti at parang hindi naiisip ang kamatayan.
Sa tabi ng pinto, sa bungad ng salas, nakaupo sa isang sopa si Aling Fely, luksang-luksa pero hindi na lumuluha, may tangang kuwaderno na pinaglilistahan ng mga nagsipag-abuloy — piso, dalawang piso, lima, sampu — at puno na ng mga pangalan ang mga walong pohas ng kuwadernong iyon. Sa tabi ng barnisadong partisyong malipaho na nagkukubli sa tatlong silid-tulugan ng bungalow, nakatayo, namumugto ang mata ng isang dalagang nakaluksa din at laging nakatingin sa kabaong, at naisip mong iyon marahil si Angelita.
Matagal kang namalagi sa tabi ng kabaong; matagal mong tinitigan ang mukhang iyong pinapangit ng tama ng bala sa may noo, sa may pagitan halos ng mga mata, na may malaki’t mahabang tahi na parang alupihang nakabalatay mula sa balingusan pababa sa kaliwang pisngi hanggang sa malapit sa bibig. Hindi iyon ang mukha ng Kumander na manakanaka mong nasusulyapan, sakay ng isang pulang kotse kasama ang ilang badigard o sakay kaya ng isang motorsiklo kapag dumadalaw sa inyong liblib na baryo sa Imus. Hindi nakabarong-Tagalog ang bangkay, kundi naka-asul na mangitim-ngitim na amerikana na bumagay sa kanyang matipunong katawan.
INILAKAD ang libing nang mga bandang alas dos. Parang agos na sumunod sa kabaong ang hugos ng mga taong galing sa iba’t ibang baryo mula sa iba’t ibang bayan ng Kabite. Ang kahabaan ng Sabang papunta sa sementeryo ng Dasmarinas ay napuno ng mga sasakyan, ng mga naglalakad, matatanda, mga bata, mga magsasaka, mga tsuper, mga kababaihan. Sa mismong sementeryo, daan-daang mga tao na ang naroroon, doon na nagsipaghintay.
“Luma ang libing ni Hen. Aguinaldo sa dami ng tao,” sabi ng isang peryodistang nakikiusyoso.
Noong araw na iyon, nagmukhang Todos los Santos ang sementeryo ng Dasmarinas. Dahil sa kakapalan ng tao, kinailangang sunungin na ng ilang kalalakihan ang kabaong ni Kumander upang mailapit sa nitso. Hindi iyon maidaan nang bitbit-bitbit lamang sa hanay at kulumpon ng mga nagsisipag-abang, ng mga naghahangad na masulyapan sa huling sandali ang mukha ng kanilang Robin Hood.
Hindi lamang ang pamilya Manecio ang nanangis nang ipasok sa nitso ang kabaong. Isang matandang babae, sa isang sulok ng sementeryo, ang humahagulhol, hindi makalimutan kung paano, isang araw, nang may sakit ang isa niyang anak at di niya maipagamot dahil sa karalitaan, binigyan siya ni Nardong Putik ng P100. Isa ring babae na mga 32 anyos mula sa isang baryo sa Imus ang umiiyak, naalaala na noong sinundang taon, hindi na sana nakapagpatuloy sa pag-aaral sa high school ang panganay niyang anak na lalaki dahil walang pangmatrikula pero sinagot ni Kumander ang matrikula niyon.
May mga lalaki ring lumuha, karaniwang mga magsasakang ninakaw ang mga kalabaw na pang-araro ngunit, sa tulong ni Kumander, naibalik ang mga iyon sa kanila o kaya’y binigyan sila ng pambili ng bagong mga kalabaw. Ang iba’y nanakawan ng dyip na pamasada na nalakad din ni Nardong Putik na maibalik sa kanila nang wala ni isang perang gastos. Ang iba’y tumanggap ng mumunting tulong, pambili ng bigas, ng gamot, ng pawid, mula sa kanilang Robin Hood.
“Nang buhay pa ‘yan, malimit niyang sabihin,” salaysay ng isang taga-Malagasang, Imus, “kung kailangan n’yo ng pera, lumapit kayo sa ‘kin, h’wag kayong magnanakaw.”
“Sa kanyang pagkamatay,” sabi naman ng isang magsasaka, “iilan ang natuwa, marami ang lumuha.”
“Lalakas na naman ang loob ng mga magnanakaw,” usap-usapan ng iba.
“Sa lugar namin, buhat nang muli ‘yang makatakas,” kuwento ng isang matandang uugud-ugod na, “natigil ‘yang nakawan, ‘yang harangan. ‘Yong kilalang mga magnanakaw, isa-isang nangapatay.”
Habang patuloy ang gayong usap-usapan ng mga nakiramay at nakipaglibing, sa isang panig ng sementeryo, dalawang kasibulang babaing kapwa nakaluksa’t buntis — ang isa’y galing pa sa Nobeleta — ang nagtatalo sa magiging pangalan ng kani-kanilang isisilang halimbawang kapwa lalaki ang susulpot na sanggol. Kapwa nila gustong ang ipangala’y Leonardo Manecio, Jr.
“Pero may Leonardo Manecio, Jr. na,” sabi ng isang nakarinig. “Ang mabuti, ‘yong isa ay Leonardo Manecio II; ‘yong isa naman ay Leonardo Manecio III.”
ANG MAKULAY, madugo, at maalamat na pagtahak ni Leonardo Manecio sa landas ng baril at kamatayan ay nagsimula diumano noong 1948 nang, isang gabi, ilang armadong kalalakihan ang sumalakay sa kanilang bahay sa Sabang, ninakaw ang kanilang kalabaw, at iniwang patay ang kanyang ama na kilala na noon sa bansag na Putik sapagkat kayumangging kaligatan, sabi nga ng mga taga-Sabang.
Dalawampu’t apat na taong gulang pa lamang noon si Nardo, tahimik at mapagkumbaba, pulis sa Dasmarinas. Sa libing ng ama, ayon sa kanyang mga kababaryo, isinumpa ni Nardo na maghihiganti siya. Ayon sa mga nakaaalam, hindi lamang diumano kalabaw ang dahilan ng pagpatay sa matandang Putik, kundi pulitika, sapagkat kilalang lider sa Sabang ng isang malaking pulitiko sa Kabite ang kanyang ama.
Naging kaugalian na sa Kabite na kahit kilala ang mga pumatay, hindi na nagdemanda ang pamilya Manecio sapagkat wala namang tetestigo; isa pa, kung may kapit sa malalaking pulitiko ang mga kriminal, nalalakad lamang ang lahat, naaareglo. Kinamuhian diumano ni Nardo ang klase ng hustisya sa kanyang probinsiya; nagbitiw si Nardo sa pagka-pulis, inilagay sa sariling mga kamay ang batas, at siningil ang mga pumatay sa kanyang ama. Bilang ganti ng mga kinauukulan, isa namang kapatid ni Nardo ang pinatay din.
Nagsimula nang magtago noon si Nardo at tumindi nang tumindi diumano ang galit niya sa mga magnanakaw ng kalabaw. Sa pagtatago, nakarating siya hanggang Hen. Trias, napasama sa matitigas na mga bataan ng isang malaking pulitiko. Dahil doon, sa mga unang taon pa lamang ng dekada ’50, nasangkot siya sa madugong pulitika sa Kabite. Noong malamig na gabi nang Setyembre 2, 1952, isang malagim na masaker na napabantog sa bansa ang naganap sa Maragondon. Ang alkalde ng naturang bayan, isang dating alkalde, at apat na pulis ang natagpuang patay sa isang sabana — kilalang masusugid na tagapagtaguyod diumano noon ni dating Gob. Dominador Camerino ang mga biktima.
Ilang kilalang mga pangalan sa Kabite ang ipinagsakdal sa krimeng iyon, kabilang ang senador noon ng bansa na si Justiniano S. Montano. Biglang lumaki ang pangalan ni Nardo, naging napakatunog: Nardong Putik, Kilabot ng Kabite!
Ikinulong siya sa Muntinlupa pero, noong 1955, inilipat siya sa kuwartelheneral ng PC (Phil.Constabulary) sa Imus habang inihahanda ang iba’t iba pang mga sakdal laban sa kanya, kabilang na ang ilang di lutas na patayan sa probinsiya. Kahit naguguwardiyahan siya nang husto sa kulungan sa Imus noong madaling-araw nang Hulyo 15, 1955, himalang nakatakas si Nardong Putik. Lalo pang lumaki ang kanyang pangalan at kumalat ang bali-balitang mayroon siyang anting-anting.
Buhat noon, naranasan ng Kabite ang sunud-sunod na patayan. Sa mga baryong kanyang pinagtataguan, mulang Sabang hanggang Malagasang, mulang Alapan hanggang Sambal, Bakaw at Sta. Isabel, natigil ang mga nakawan ng kalabaw, ang mga harangan at holdapan; isa-isang nangapatay ang mga kriminal. Natuto diumanong dumulog kay Nardong Putik ang karaniwang mga mamamayang hindi mapangalagaan at makahingi ng hustisya sa gobyerno. Iyon marahil ang simula kung bakit siya tinaguriang Robin Hood din.
Pagkatapos, noong Nobiyembre 12, 1957, araw ng eleksiyon, nasukol ng mga PC sa isang bahay sa baryo Malagasang, Imus, ang tropa ni Putik na binubuo na noon ng mga pusakal na wanted na mula pa ang iba sa mga kanugnog-probinsiya. Sa sagupaang iyon, napatay ang mismong kumander probinsiyal noon ng PC, si Ten. Kor. Laureano Marana at, gayundin, ang isang tenyente, dalawang sarhento, isang kabo, at dalawang sibilyang informer. Isa pang kapitan, isang tenyente, isang sarhento, at isang kabo ang sugatan naman. Sa panig nina Putik, ang napatay lamang ay si Teodoro Kamantigue, ang itinuturing na kanang-kamay niya noon.
Lalong naging mataginting ang pangalang Nardong Putik. Isang puspusang kampanya na malaki pa diumano sa kampanya-militar laban sa bandidong si Kamlon sa Mindanaw ang inilunsad ng PC sa Kabite. May kasamang turuang mga aso, ginalugad ng kompa-kompanyang mga PC ang halos lahat ng baryo sa probinsiya ngunit di nila makita ni anino ni Putik. Wala ni isa mang mamamayan sa mga baryong iyon ang nagturo kung nasaan si Putik.
“Itinatago marahil ng mga babae sa loob ng kanilang saya,” naiinis na sabi pa diumano ng isang opisyal ng PC noon.
At, isang araw, nang galugarin ng PC ang baryo Sta. Isabel sa Kawit, isang matandang babae ang nanungaw sa bintana ng kanyang dampa at sinabi sa ilang sundalong nagdaraan: “Pabayaan n’yo naman s’yang makatulog. Di naman s’ya talagang masamang tao. Pumapatay s’ya, pero ang pinapatay n’ya ay ‘yong masasama.”
Gayunman, dahil marahil sa P20,000 gantimpalang nakapataw noon sa kanyang ulo, noong umaga nang Mayo 26, 1958, nakubkob siya ng mga PC sa dating Barzaga Rice Mill sa may Binakayan, Kawit. Nag-iisa siyang nakipagbarilan nang husto sa mga sundalo sa loob ng 45 minuto. Natadtad ng tama ng automatic carbine ang naturang bigasan, lalo na ang maliit na opisina sa loob na pinagtaguan niya. Nang maubusan siya ng bala, inihagis niya sa lupa ang kalibre 45 baril at isang granada, lumabas na medyo nakataas ang mga kamay tanda ng pagsuko.
Pawang daplis lamang ang kanyang mga tama, isa sa kaliwang braso, isa sa may kanang kilay, at isa sa may tiyan. Parang mga paltos lamang iyon, ayon sa mga nakakita, kaya lalong tumibay ang paniniwalang may anting-anting siya, may agimat.
Muli siyang ikinulong sa Muntinlupa, hinatulang mabilanggo ng 182 taon dahil sa pagkakapatay kay Ten. Kor. Marana at ilang opisyal nito noong 1957. Pagdudusahan niya ng 40 taon ang naturang sentensiya batay sa probisyon ng Binagong Kodigo Penal at Disyembre 15, 2004 pa siya makalalaya. Nagpakita si Putik ng magandang kondukto sa mga opisyal ng Pambansang Bilangguan kaya ginawa siyang bastonero ng lahat ng preso doon. Kinagulatan siya’t iginalang maging ng mga kagaya nina Magat at Ben Ulo. Binigyan siya ng mga kaluwagan, isinama sa mga bilanggong “minimum security” ang klasipikasyon.
Pero, bigla, noong Oktubre 2, 1969, muli siyang nakatakas, kasama pa ang pinsang si Medardo Encabo. May mga naghinalang kusa siyang pinatakas sapagkat malapit na noon ang eleksiyon. Gagamitin diumano si Putik para hindi makakilos sa Kabite ang mga Montano. Katunayan, ipinaratang ni Gob. Delfin Montano noon na “pinatakas” si Putik para “patayin” ang kanyang ama — si Kong. Justiniano S. Montano.
Sa loob ng ilang buwan, kahit hindi umaalis si Putik sa teritoryong Kabite, sarisaring balita ang kumalat. May nagsabing nasa Bulakan siya, sa Bataan kaya, o sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan ni Kumander Dante. Muli, nabuo ang pangkat ni Putik, lumaki; naging kaibigan pa nila ang ilang alkalde, at mga pulis, ng ilang bayan sa Kabite. Naging kasangga pa nila ang ilang opisyal ng PC na nagpasalamat pa diumano dahil nasa labas na naman si Putik at muling nasusugpo ang mga nakawan at holdapan sa probinsiya. Kaya, kahit araw na araw, nakagagala noon sa ilang baryo at bayan doon ang kanilang pangkat, sakay ng mga kotse at pribadong mga dyip.
Pero, noong Pebrero 10, 1971, nagsimulang mag-ingat ang tropa ni Putik. Nang salakayin ng ilang ahente ng NBI ang isang taniman ng marijuana sa baryo Malagasang, Imus, dalawang tauhan ng NBI — sina Rogelio Domingo at Antonio Dayao — ang dinukot at pinatay. Ibinintang iyon ng NBI sa grupo ni Putik sapagkat protektado diumano ng mga iyon ang taniman ng marijuana.
Mga ilang buwang waring nagpalamig-lamig ang NBI ng pagtugaygay sa pangkat ni Putik. Muling maluwag na nakapaglibot sa ilang lugar sa Kabite si Kumander, gayundin ang kanyang pangkat. Pero nagsimulang mapaugnay naman ang kanyang pangalan, sapagkat panahon ng eleksiyon, sa ilang mga kandidato. Suportado diumano ni Putik, ayon sa mga bali-balita, si Lino Bocalan sa pagka-gobernador dahil sa galit niya sa mga Montano. Sa ilang bayan, si ganoon at si gayong kandidato sa pagka-alkalde ang diumano’y sinusuportahan niya rin. Natural, may ilang pulitikong lihim na nagalit sa kanya.
Pagkatapos, isang araw noong Setyembre 1971, sa baryo Carsadang Bago, Imus, isang kilalang bata ni Putik — si Emilio “Boboy” Tibayan — ang nasabat ng mga pulis-Imus. Isang barilan ang naganap at napatay si Boboy. Tumanggap diumano ng sulat mula sa pangkat ni Putik si Alkalde Jose Jamir ng Imus, gayundin ang isang pulis-Imus na si Rodolfo Bae. Tumanggap din, ayon sa balita, ng isa ring sulat mula kina Putik and delegado noon sa Con-Con na si Juanito Remulla, kilalang tagapagtaguyod noon ni Jamir. Nagbanta diumano ang grupo ni Kumander na igaganti nila ang pagkakapatay kay Boboy Tibayan.
Ang pangyayaring iyon, sabi ng mga nakaaalam, ang naging ugat ng malagim na wakas ni Nardong Putik. Umaga, Oktubre 10, 1971, habang nag-iisang sakay ng kanyang pulang kotseng Impala mulang Nobeleta papunta sa baryo Alapan, Imus, sa pagitan ng Panamitan at Tabon sa Kawit, **tinambangan ng magkasanib na grupo ng PC, NBI at pulis-Imus si Leonardo Manecio, alyas Nardong Putik, “Kilabot ng Kabite” para sa kanyang mga kaaway at Robin Hood naman sa ordinaryong mga Kabitenyong natulungan niya, napagkalooban ng hustisya at kalinga na hindi basta maibigay ng gobyerno sa mga kakaning-itik at walang impluwensiya.
Isang araw matapos mapatay si Putik, isang magsasaka sa inyong baryo sa Alapan, Imus, ang ninakawan na agad ng kalabaw; isa naman ang ipinagbili agad ang kanyang kalabaw sa takot na nakawin din.
“Sa kanyang pagkamatay, iilan ang natuwa, marami ang lumuha,” sabi nga ng isang nakipaglibing sa kanya.
——————————————————————-
** Bagaman mahirap patunayan, lumitaw ang balita nang malaon na hindi talagang tinambangan si Putik. Dahil sa teoriyang di siya tinatablan sa katawan, at sa ulo lamang, isang malapit na kaibigan ni Putik ang kinasabuwat ng isang makapangyarihang pulitiko kapalit ang kung anu-anong konsesyon para patayin si Putik. Nilasing nito diumano nang husto si Putik sa loob ng Josephine Resort sa Kawit, saka pinagpapalo sa ulo, isinakay sa kotse nitong Impala saka pinaulanan ng bala ng mga awtoridad. Di naglipat-buwan, pinatay din ang inupahan diumanong pumatay kay Putik.
————————————————————————

0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.