Ang sumpa ng kalendaryo
ni: Mac Masagca
(pa-birthday sa mga ipinanganak ng Enero at Pebrero)
Hindi ang malalakas na hangin at bagyo,
Ni ang nagliliyab na araw,
Ni ang pagputok ng milyong bulkan
Ang pipigil sa kaniyang pagdalaw.
Walong libo, pitungdaan at anim na pu’t anim;
Mahiwagang mga oras na darating at aalis,
Ilan kaya ang para sa sarili?
Ilan ang para sa Dios?
Tumatakbo sa karerang ‘di makita ang katapusan,
Ang paliku-likong daan na tuyot at basa kung minsan…
Walang kapangyarihan na hahadlang sa iyong pagnanais
Na punlaan ng pilak ang aming mga ulo,
Harangan man ng sibat ang iyong daraanan…
Ang tagisan ay magpapatuloy hanggang sa iyong pagdating,
‘Pagkat pilit naming hahanapin ang aming kalakal
Sa ilalim ng dayaming ibinunton ng panahon,
Dayaming binasa ng ulan, tinuyo ng sikat ng araw
At muling babasain ng nagbabadyang bagyo…
0 comments:
Post a Comment