Wednesday, May 9, 2012

Elehiya kay Ma. Sheena S. Trinidad









-Jeric Jimenez


Hindi ko alam kung bakit kinailangang durugin ang magkabila mong mga paa
gayong sinanay ito sa matinding sikat ng araw
patungong
Mendiola.

Hindi ko alam kung bakit kinailangang butasin
ng iba’t ibang kalibre ng baril ang iyong katawan
gayong panangga ito ng mga aping magsasaka.

Hindi ko alam kung bakit kinailangang tanggalin ang karapatan mo bilang
mabuting anak,
malambing na asawa’t
mapagkalingang ina
gayong labis-labis kang sumigaw para sa wastong sahod ng mga manggagawa
gayong ubos-lakas kang nagmulat dahil balintuna ang pamamahayag
gayong buong buhay mo bilang anak,
asawa’t ina’y
inialay
para sa mga kumitil din naman ng iyong buhay.

Hindi ko alam kung bakit kinailangang
barilin ka nila nang malapitan
gayong di na rin naman nalalayo
ang nalalapit nating kalayaan.

Hindi ko alam kung bakit kinailangang tadtarin ng bala ang iyong bungo
durugin ang iyong mga paa
at butasin ang iyong katawan
gayong matibay at lalong lumalakas ang mga una nating utak,
ang mga una nating dugo.
gayong ang mga yabag sa lansanga’t kanayuna’y di na naglalayo
gayong ang mga pananggalang sa kalunsura’y di na sumusuko.

Dahil ba sa mga lapidang uhaw sa pagkabuhay
na naroon ang pagmamahal na maliw na maliw?
dahil ba sa mga naiwa’t nakalimutang bulto ng mga buto-buto
na naroon ang mga panaginip na minsan mong iniluha ang paglaya
o dahil ba sa bitak-bitak nilang mga mata
na makikita mo ang mga balang di tumuturol ang mga ihi.
At sa matingkad nilang mga unipormeng
maaaninag mo ang walang saysay nilang pagpapasabog ng mga bomba.
Mapatutunayan mong walang naipagtatanggol ang mga isinusuka ng kanilang mga baril.

Sa pagkakataong isa-isang natutumba ang mga tulad nating bukal
nadadamba ang maliliit na singhal
masikhay na naitutulak ang mariringal na pagwasak
at naitatayo
nabubuo
lalong tumitindig ang matitimyas na
pagkakapantay-pantay.  

Hindi mo man matagal-tagal na nahimas ang likod ng iyong anak,
napunasan ang tumutulo niyang laway o nalinis kanyang dumi ;
hindi mo man naakay ang iyong ina sa kanyang pagtanda
o naalagaan ang iyong ama sa nananakit niyang rayuma ;
hindi mo man nasuklian ang mga halik sa hangin ng iyong kabiyak,
kanyang mga liham ng pag-aalala
o pagmamahal na tiyak na tiyak naman niyang umaabot
hanggang sa dulo ng mga balang iyong pinakawalan ;
Natitiyak ko. Natitiyak naming lahat –
Maririnig pa rin namin sa lansangan ang mga paa mong kanilang dinurog
Mauulinigan pa rin namin sa matatalas na diskurso’t panawagan
ang mga tinig mong kasamang winasak ng iyong bibig
At madarama pa rin namin sa kanayunan ang katawan mong binutas ng mga
walang silbi’t
Walang saysay nilang mga bala.



-       Si Sheena Trinidad ay dating lider-istudyante mula sa UP-Manila. Isa sa apat umanong New People’s Army (NPA) na nakaingkwentro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Marso 8, 2012 sa Bongabon, Nueva Ecija.



0 comments:

Post a Comment

 

Followers

Blogroll

Blog Disclaimer

Contents and comments on this website are the exclusive responsibility of their writers and contributors. They are the ones who will take full accountability, liability, blame and of course praise for any libel, litigation or royalties from any written brawl, bashing, assault, cussing or admiration within or as a direct result of something written in a comment. The veracity, honesty, accuracy, exactitude, completeness, factuality and politeness of any written content and comments are not guaranteed.