BUWAN
By Felix C. Alvarina, Jr.
Alipin ng damdaming takot at pintig ng pusong ulila
Mapapawi ang dilim sa likhang liwanag ni Bathala
Tulad ko'y 'sang kawayan, sayo ay yuyuko at sasamba
Sa payak na kagandahan, katangiang taglay ng isang Diosa.
Sadyang kay hiwaga ng 'yong liwanag
Dagat ay nagiging payapa't banayad
At sa pusod nito makikita'y perlas
Likas mong yaman ay higit sa alinmang hiyas.
Saksi ka sa aking muling pagkabuhay
At naging gabay sa bagong paglalakbay
Tinahak ang landas na matuwid
Puspos ng pagpapala, mula sayo't sa lumikha.
Ako ngayo'y nasa hardin ng pag-iisa
Bawat butil ay diniligan ng sariling mga luha
Sana sa kadiliman ay tumubo yaong bulaklak
At sayo ihahandog, kung sa muli ay magkita.
Sa tuwina ikaw ang tanging asam at lunggati
Sa buhay na puno ng hinagpis at pighati
Hanap-hanap ang yong ganda sa bawat gabi
Dasal na masumpungan ang matamis mong mga ngiti.
Madalas ako'y tulalang naghahanap
Sa dalampasigan mga paa'y napadpad
Mga hampas ng daluyong wari di alintana
Tangay ng alon ng mapaglarong tadhana.
Kailan maiibsan ang kalungkutang nadarama?
Na sa bawat oras laman ka ng aking gunita
Walang humpay ang pagluha ng langit
Hangad na ika'y makamit, naabot ay rurok ng pasakit.
O aking buwan, ikaw ay nasaan?
Nagkukubli ba sa mga ulap ng karimlam?
Pusong amis ay umawit, himig ay kalungkutan
Hiling sa maykapal na ika'y muling masilayan.
O aking pag-ibig, ikaw ay panaginip
Ligayang nakamit, sa puso'y walang kapalit
Panahon man ay magbago at lumipas
Asahang pag-ibig ay walang wakas.
Ang buwan ay kawangis ng aking pag-ibig
Mananatili sa puso at isip
Ang pag-ibig ay kawangis ng aking buwan
Hatid ay liwanag... Magpakailanman.
0 comments:
Post a Comment