Para sa Kapwa Ko Babae
ni : Shielah T. Ilagan
Babae
Bumangon ka’t ipaglaban
Karapatan mong natatapakan
Huwag mong ipaubaya
Sa kung sinu-sino lamang
Ang pagdedesisyon
Sa iyong kapalaran
Katawan mo’ng nakasalalay
Sa bingit ng kamatayan
Mula sa paglilihi
Hanggang sa pag-iri
Kaya nararapat lamang
Na iyong nalalaman
Kung ano ang makabubuti
Sa iyong kinabukasan
Bumangon ka
Huwag tumihaya lamang
Isigaw mo sa lahat
Iyong nararamdaman
Upang marinig
At maintindihan
Hinaing ng iyong pusong
Nagugulumihanan
Huwag kang padadala
Sa sabi-sabi lamang
Suriing mabuti
Mga pagpipilian
Kung nalilito
May ‘di maunawaan
Magtanong ka doon
Sa nakakaalam
Gising na at bangon
Huwag mong hahayaan
Ang iyong dangal
Ay kanilang yuyurakan
Ang iyong katawan
Ay sadyang iyo lamang
Kaya “ Ikaw,babae,”
“ Ang tanging nakakaalam.”
Hindi ka si Maria Clara
Na isang sunud-sunuran
Hindi ka si Sisa
Na wala sa katinuan
Hindi ka si Eba
Na nagpatukso lamang
Hindi ka si Maria
Na napupuno ng grasya
Ikaw, babae
Natatanging nilalang
May isip at talino
Na kung gagamitin mo lang
Wala na sana
Silang pag-aawayan
Tungkol sa paglobo
Ng iyong tiyan.
3 comments:
May puna lamang po ako sa paggamit ng alegorya ni Maria (Virgin Mary). Kapag kasi sinabing "napupuno ng grasya" ay pinagpala at natatangi sa lahat. Gayon ang babae. Si Maria ay ang alegorya o simbolismo sa Bibliya ng kapangyarihan ng babae bilang instrumento ng kataas-taasan para mabuksan ang kaligtasan. Medyo may pagka-teolohikal ito, pero sa sinaunang mga sibilisasyon, malaki ang papel na ginagampanan ng sinasabing babaing pinagpala: ang babaylan sa kulturang Pinoy; si Isis sa Ehipto; si Rhea sa Griyego; at marami pang iba.
Malakas sana ang mensahe ng tula pero medyo sablay, sa abang palagay, ang pagsasabing "Hindi ka si Maria na puno ng grasya," dahil negatibo ito. Pero ito, ay punto ko lamang. Salamat po!
@ Mr. Noel Barcelona
Salamat po sa inyong punto.
Wala po akong napakalalim na nais ipahayag sa aking sinabi na "Hindi ka si Maria, na napupuno ng grasya". Sa aspetong teolohikal,alam kong maraming interpretasyon ang maaaring mabuksan iyon lalo pa't si Maria ay isang tinitingalang simbolo.Kung ang dating ng mensahe ay negatibo,ito ay iyong interpretasyon.
Ang gusto ko lamang sabihin ay "Ang babae ngayon ay hindi nabubuntis ng espiritu.Ito ay kanyang " choice" at desisyon ,maliban na lamang marahil kung sya ay "nadisgrasya" o na "unwanted pregnancy"...
Salamat po...
Sa pagtula kasi, dapat malinaw po ang ginagamit na metapora, dahil ang interpretasyon nga po ay sa mambabasa. Mas maigi pong gawing mas malinaw ang pagpapahayag para di maligaw ang mambabasa sa gubat ng mga salita. Ang tula kasi, gaya ng iba pang literatura, ay porma ng komunikasyon; at ang layunin ng pakikipagtalastasan ay maging malinaw ang mensahe para sa lahat. Salamat po!
Post a Comment