PUIPO SA PIGING at ilang pagaspas ng alaala
Noel Sales Barcelona
MULI kong sinulyapan ang mga pahina ng Ipuipo sa Piging, ang kalipunan ng mga akdang nasusulat sa Filipino na nailathala at naipamudmo sa tulong nina Fermin S. Salvador , Abet Umil (na nagsilbing editor) at Randy Valiente (na naglapat ng teksto at nagdisenyo ng pabalat). Inilunsad ito sa panahong humahaginit ang ulan at nagpapatuloy ang isang mahaba at masalimuot na hostage crisis sa Luneta na ikinamatay ng walong katao, kasama na ang naghuramentadong pulis na si Senior Police Inspector Rolando Mendoza.
Sa 328-aklat, natipon ang 32 makata't manunulat na mula sa iba't ibang panahon, kabilang na ang pinarangalan kamaikailan na Makata ng Bayan na si Alexander Martin C. Remollino na namatay noong Setyembre 3 dahil sa tindi ng komplikasyon ng diabetes. Noon palang malamig at maulang gabing iyon ng Agosto 23, ang huling pagkikita at pagkakatalamitamang diwa namin ni Alex.
***
HINDI KO MAIWASANG mamangha at maluha sa mga teksto ng nasabing aklat, na kinabibilangan ko rin dahil bukod sa damdamin, kakikitaan mo ng talas at talim ng pangmasid sa lipunan ang mga nagsipag-ambag, na kabataan ang karamihan at ilan-ilan ang sinasabing muhon na ng panitikang nasusulat sa Filipino (Rogelio L. Ordoñez, Gellacio Guillermo, Reuel M. Aguila, Jimmy Domingo, Fermin Salvador; at ang ilang may kabataan pa rin naman na sina Abet Umil, Ed Nelson Labao, Danny Diaz, German V. Gervacio, at iba pa).
Pagsulat ni Fermin S. Salvador:
"NI HINDI PAPANSININ, lalong ‘di seseryosohin, kapag may naglatag ng premisa na kasingdilim ng lupaing may makapal na lambong ng maitim an ulap ang senaryo ng kultura at literatura sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon. Tatawanan lang ang pahayag na ito ng mga namumunini sa istatusko. Hahatulang bahaw na boses natanging sa gma nagugutom sa pansin ng umiiral na dispensasyong pangkultura at pangliteratura magmumula." (p.8)
Hindi ito simpleng deklarasyon na bunga ng pantasya at kahibangan ng isang nahanginang tuktok. Napatutunayan ang pahayag na ito ni Ka Fermin ng kasalukuyang kalakarang umiiral sa mga pasulatan-sa palimbagan man ng batayang aklat na ginagamit sa elementarya, haiskul, at kolehiyo, sa mga peryodiko't magasin, at maging sa palimbagan ng mga nobela at aklat na nasusulat kapwa sa Filipino at Ingles: lahat ng mga empresang ito ay nagluluwal ng panitikang naglalangoy sa ilusyon nang di-pumapait na pag-ibig, ng mga kalibugan at iba pang kabaliwan.
Sabi nga ni Rogelio L. Ordoñez na nag-ambag din sa IsP,
namamayani pa rin sa ating bansa, lalo na sa komersiyal na mga babasahin sa sariling wika, gayundin sa mga pelikula at programa sa telebisyon, ang literatura ng kababalaghan at kahangalan na nagbabandila ng kagulatgulat na pakikipagsapalaran ng mga may agimat, ng mga kalabaw at kabayong nagsasalita't lumilipad, ng mga bibing nangingitlog ng ginto, ng mga biyenang engkantada at mga nobyong mamaw, habang nagtatampisaw sa nagahasa nang tema ng mautog na paglalambingan at pag-iibigan, upang patuloy na aliwin at lunurin sa balon ng mga pangarap ang busabos na sambayanan sa ilalim ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil para makalimutan ng mga ito ang kanilang gutom at mga dahilan ng kanilang pagkabusabos nang, sa gayon, di sila mamulat at maghimagsik (mula Literatura ng Uring Anakpawis, na nailathala sa blog ni Ordoñez; http://plumaatpapel.wordpress.com/2008/12/12/litiratura-ng-uring-anakpaw...).
***
SA PAGBABALIK-TANAW ko sa mga pahina ng IsP, hindi maaaring hindi mo maramdaman ang marahas subalit napakasarap na dapyo ng nag-aalimpuyong hangin ng ipuipo ng pananaw at mga damdamin, kagaya ng pagmamahal at damdamin ng pumanaw kong kaibigang si Alex.
Hindi siya romantiko at pinatunayan ito ng pahayag ni Bb. Rebecca Lawson, ang kanyang katipan at nakatakda sanang maging kabiyak sa darating na Pebrero 2011: hindi siya nagawan ni Alex ni isa mang tula ng pag-ibig.
Magkaibang-magkaiba kami ni Alex. Nakilala ako sa mga tula ko noong araw, noong wala pa ako sa kilusang nagsusulong ng pambansa demokratikong mga layunin sa mga tagulaylay at tula ng pag-ibig na ayaw na ayaw niyang isulat.
Sabi nga niya sa kanyang tula, kaabay lamang ng pagpapakilala sa kanya sa aklat na nilagdaan niya ng isang dedikasyon para sa akin (Ka Noel, Alang-alang sa lahat ng pinagsamahan at pagsasamahan pa sa mahabang pakikibakang ito! Lgd. Alex Remollino):
Hindi na lamang ako tutula
kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin
ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,
o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.
Hindi lang iyan ang katula-tula-
lalo na sa mga panahong ito
ng pamamayagpag ng mga kuto't lintang
nagbabalatkayo bilang mararangal na tao
(Hindi na Lamang ako Tutula, p. 241).
Huwag sanang ipagkakamaling hindi marunong umibig si Alex. Marahil ay hindi lamang siya naniniwalang sa pagbibigay ng bulaklak at regalo at pagtula ng pag-ibig maipakikita ang pagmamahal. At nasa ibang antas ang uri ng pagmamahal na bumabalong sa kanyang dibdib, gaya nang ipinakikita sa kanyang huling piyesang nailathala sa IsP:
Parang mga punyal ang ating mga panulat,
Tayo'y humahawak ng mga punyal
sapagkat minamahal natin
ang kinakalawang na mga bisig na nagpapaikot
sa mga gulong ng mga makina sa mga pabrika
at sa nagpapaandar sa makinarya ng ating kabuhayan;
sa gma parang at sa buong sambayanan
na ang sariling mga buhay
ay lagi't laging saklot ng tagtuyot.
Minamahal natin sila
sapagkat tayo'y mayroong mga puso.
Kaya't parang mga punyal ang ating mga panulat. (p. 247)
***
MAPAIT at masaklap na mawalan ng kaibigan at kasama. Kagaya nang nasabi, pitong taon kaming nagkasama ni Alex-sa mga tulaan, kainan at mga rali at demonstrasyon. Pareho kaming naniniwalang tanging sa pakikipagtagis sa kapangyarihang naghahari sa kasalukuyan, at paggapi roon sa pamamagitan ng marahas at mapangahas na uri ng pakikibaka, mapalalaya ang lipunan at mapalalaya rin ang mga artista't manunulat mula sa kawing ng bulok na uri ng panitikang inilalako ng mga monopolyong nagmamay-ari ng imprenta at naghahari-harian sa lipunang ito.
Pero higit na mapait ang katotohanang ipakikita ng mga tulang isinulat ng kababaihang makata sa katauhan ni Diana Galaura Cabote:
Tulog na aking bunso,
Ang ina ay pansamantalang lalayo.
Alipin ng makina ang ina mong aba,
Sa loob ng walong oras o higit pa.
(Uyayi ng isang Manggagawang Ina, p. 28)
Ni Andang Juan,
Ako ay kinalma
ng natatarantang mga kamay (ng kahera)
at itinapat sa tagusang salaming
pinaglalagusan ng isang pulang ilaw.
At mula rito, nalaman kong
ako'y may halaga.
(General Merchandise, p. 36)
Ni Ma. Ellia Fatima A. Isaac:
Pag-ibig nasan ka?
Bakit hindi ka matamasa
Sa samotsaring palitan
Ng lawa at pawis.
Mula sa hubad na katauhan
Na ang tingin sa babae'y isang laruan
Pinagugulong at pinaiikot
Sa sandamakmak na kasinungalingan
Para sa sandaling kalibugan.
Hindi ba't isang kahungkagan?
(Tulang Walang Pamagat, p. 19)
At ni Pia Montalban:
Kinilatis
mo na ba ang sarili mong kutis?
At ang pagsusuri'y anong kinis?
Si Haring Bulawan ang siyang naghandog
Ng ginintuang baluti na siyang katutubong alindog.
Ngunit tampalasang likas ang tao
‘di nila magawa ang siyang makuntento.
Papaya, pipino, hydroquinone
Quesehodang bulsa'y tamaan ng sipon.
(Skin White, p. 39)
Gayundin naman sa mga pahayag nina Rowan Canlas Velonta:
Nakikita mo sila sa iba't ibang hugis
Lumilitaw silang paisa-isa o sabay-sabay
Nagpapasalin-salin sa mga labi, sa mga pisngi
Dumadampi sa mga guhit ng palad sa kamay
Dumdagan sa dibdib sa yakap na mahigpit...
(Maraming Pangalan ang Kalungkutan, p. 47)
O ni Ed Nelson Labao, na isa ring bagong tagpong kaibigan:
Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad na kasarinlan:
pinay, humalik sa paalis
na sakang
luha sa kinse-anyos
na dalagita'y nangilid
tutungo sa baang
lapad ang sisikatan...
(Takas sa Hunyo, p. 51)
O ni Jimmy Domingo,
kayurin ng buldoser ang mga palayan
gawing golf course para sa mga dayuhan
pagsapit ng matinding kagutuman
mag-import ng bigas, may kita pa diyan...
(Putahe 2000, p. 77)
***
HIGIT PA SA aklat-kalipunan ng mga tula't sanaysay o kuwento ang IsP. Isa itong malakas na bigwas sa inaagiw, inaamag at nabubulok na sistema ng panitikang Pilipinong pilit na binabago ng mga manunulat at makatang katulad ni Alex at ng marami pang iba.
Hindi ito panitikan na lipos ng pag-ibig na punumpuno ng romansa at kalibugan, na iniluluwal ng mga pusong bulag, kiti ng puson, at mga larawang likha lamang ng purong imahinasyon.
***
Marahil, pagagalitan ako ni Alex kung malalaman niyang nagsusulat ako ngayon ng ilang akdang hindi niya magugustuhan dahil sa tema-pag-ibig, kababalaghan, katatakutan, at ilang kalibugan. O kung katuwaan man niya ay pupurihin niya ang estilo, ang gamit ng mga salita, subalit aaglahiin niya ang nilalaman. At matutuwa naman ako sa ganoon dahil nagmula ang pagpuna sa isang iginagalang kong makata't manunulat, kaibigan at kasama sa isang mahabang pakikibaka laban sa inhustisya't kabusabusan, para sa isang maalwan at masaganang bukas para sa mga uring anakpawis, mga kakaning-itik o mga taong nasa laylayan lagi ng mapagbalatkayo at mapag-aglahing lipunan.
Pero hindi ko na nga makakasama si Alex sa mga lakaran, tanging sa mga pahina na lamang ng aking inaagiw na mga alaala.
Kaya nga, hindi ko maiwasang mapaluha nang mapagawi ang aking tingin sa mga pahina ng IsP. Bumubukal sa aking dibdib ang malungkot na mga alaala na hatid ng hangin at malakas na ulan nang panahong ilunsad ang aklat, mga alaala ni Alex.
Subalit alam kong hindi naman siya nawala. Naririyan lamang siya at buháy-buháy na buháy sa kanyang mga akdang nalimbag, hindi laman sa IsP kundi sa utak at isip ng masang kanyang pinaglingkuran. At kahit ako'y sumusulat ng tula ng pagibig at pagsisintahan, iyo'y salaysay na ng pagibig at pagmamahal sa sambayanang higit na nangangailangan ngayon ng ginto at dalisay na aral na dulot ng panitikang makatotohanan at makabuluhan, gaya nang isinusulat ni Alex at ng iba pang manunulat sa IsP.
0 comments:
Post a Comment